Epilogue


[Epilogue]

After 5 years...


"Happy Birthday Tonton!" bati ni Audrey sa anak na ngayon ay limang taong gulang na. Apat na taon na silang naninirahan sa maliit na bayan ng Spiez, Switzerland. Napangiti ang batang si Tonton habang sabik na sabik na kainin ang kulay gray na cake na binili ni Audrey para sa kaniya.

Nasa loob sila ng isang maliit na bread and café shop habang patuloy ang pagbagsak ng malamig na nyebe sa labas. Buwan na ng Disyembre, panahon na ng tag-lamig (Winter) sa Switzerland. Nababalot na ng makapal na nyebe ang buong paligid, animo'y parang may malalambot na bulak sa bubong ng mga bahay at sa lahat ng daraanang kalsada. Madalas din ang paglilinis sa mga kalsadang dinaraanan ng sasakyan at bisikleta upang maiwasan ang aksidente.

"Sige na, blow your candles" ngiti ni Audrey at inilapit niya ng kaunti sa anak ang cake saka inihanda ang camera sa kaniyang cellphone upang kuhaan ito ng litrato. "Wait, wait" saad ni Audrey at inayos niya ang kulay blue na scarf sa leeg ni Tonton dahil natatakpan nito ang maliit na bibig ng bata.

Inayos din niya ang bonnet ng bata na kulay gray at ang makapal na jacket nito na kulay blue. Hinawi niya ng kaunti ang buhok ni Tonton na tumatama na sa kilay nito. Sa mga oras na iyon, hindi namalayan ni Audrey na kanina pa siya nakangiti habang inaayos ang damit at buhok ng anak. Sa tuwing pinagmamasdan niya si Tonton, hindi niya mapigilang maalala ang ama nito na kamukhang-kamukha ng bata.

"Okay na po, mommy?" tanong ni Tonton, ang magaganda nitong mata ang mas lalong nagpangiti sa kaniya. Ang pungay ng mga matang iyon na kailanman hindi mabubura sa kaniyang isipan. "Okay na, blow your candles. One, two, three..." saad ni Audrey habang kinukuhaan ng litrato ang anak na tuwang-tuwa sa kaniyang birthday cake. Batman ang disenyo ng cake na paboritong superhero ng bata.

Kahit silang dalawa lang mag-ina ang nagdiriwang ng kaniyang kaarawan ay masayang-masaya na ang bata dahil halos si Audrey lang din ang nakasama niya sa bawat kaarawan na lumilipas. Maingat na hinati ni Audrey ang cake at inilagay ang isang piraso sa plato ni Tonton na titig na titig sa cake at halos maglaway na.

"Oh, be careful" paalala ni Audrey sabay abot ng tinidor sa bata. Inilapit din niya ang isang baso ng tubig sa tabi nito at pinagmasdan ang anak habang magiliw itong kumakain. Tahimik lang din ang loob ng café, may isang matandang lalaking may bigote ang nakaupo sa kabilang mesa habang seryosong nagbabasa ng diyaryo. Mag-isa lang din ang dalaga na siyang nasa counter, pinupunasan nito ang malaking lagayan ng mga bread, pastries and cakes na binebenta nila.

"Mommy, let's eat na po" aya ni Tonton habang dindilaan ang tinidor na puno ng matamis na icing. Napansin niya na hindi kumakain ang mommy niya at tinititigan lang siya nito. "And why are you crying?" tanong ng bata nang mapansin niya ang pamumuo ng luha sa mata ng ina.

Natauhan naman si Audrey at agad niyang pinunasan ang namumuong luha sa mga mata niya saka ngumiti. "Because I'm happy" sagot ni Audrey sabay pisil sa maumbok na pisngi ng anak. Namumula na rin ang ilong ni Audrey dahil sa lamig at pagluha. Nakasuot ng pulang bonnet, putting scarf at pulang coat si Audrey ngunit tumatagos pa rin ang lamig sa kaniyang katawan.

Sandali siyang pinagmasdan ni Tonton, kung paano ito tumingin ay katulad na katulad ng ama nito "We don't cry if we're happy. Crying means we are sad" wika ni Tonton, napangiti na lang si Audrey dahil masyadong matanong ang anak. Hindi rin naman niya ito masisisi dahil halos gabi-gabi nagigising ito sa tuwing naririnig niyang humihikbi ang ina.

"We can be both happy and sad at the same time and crying is one way to wash our eyes. I am crying now because I am happy to have you" paliwanag ni Audrey. Alam niyang bata pa ang anak at hindi pa nito maiintindihan ang pangungulila niya sa ama ni Tonton.

Bumaba si Tonton sa inuupuan saka yumakap sa mommy niya. "Don't cry mommy, I won't leave you. I will stay with you forever" saad ni Tonton, binuhat siya ni Audrey at kinandong sa hita saka niyakap ito ng mahigpit.

Napapikit na lang si Audrey habang yakap-yakap ang anak. Kasabay niyon ang sunod-sunod na pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata. Naalala niya ang sinabi noon ni Nightmare na hindi siya nito iiwan ngunit ngayon ay naiwan siyang mag-isa.

"Mommy, do I look like my father?" tanong ni Tonton habang nakayakap pa rin sa ina. Napangiti naman si Audrey saka napatingin sa labas ng bintana ng café, patuloy ang pagbagsak doon ng snow. Halos matakpan na rin ang kotse nila na naka-park sa labas.

"Yes, he looks just like you. You both have the same black hair, thick eyebrows, that very expressive eyes, and a wonderful smile" tugon ni Audrey, ngumiti naman si Tonton "Like this?" ngiti ng bata sabay pose na kunwari ay nagpapa-picture.

Natawa na lang si Audrey saka pinisil ulit ang magkabilang pisngi ng anak. "Yes, that wonderful smile that I couldn't resist" ngiti niya, napahighik naman ang batang si Tonton nang simulan siyang kilitiin ng ina. Napabitaw ang bata saka bumalik sa kinauupuan nito kanina para makatakas sa pangingiliti ni Audrey.

Napalingon sa kanila at napangiti ang matandang lalaki na may bigote at ang dalagang nagpupunas ng salamin nang marinig nila ang nakakaaliw na tawa ni Tonton na kay sarap pakinggan sa tenga. Sinubuan ni Audrey ang anak dahil nung una ay ayaw pa nitong umayos ng upo dahil akala niya ay kikilitiin siya ulit ng ina.

Ilang sandali pa, nag-ring ang phone ni Audrey. Unknown number ang lumabas sa screen, sa isip niya ay baka ito ang bagong number ng boss niya. Nagtatrabaho siya sa isang Printing and Publishing Company na malapit sa Speiz. Ngunit mas madalas ay nasa bahay lang siya dahil sa e-mail na pinapadala ng amo ang mga trabaho ni Audrey na isang journalist at editor.

Sinagot niya ang tawag at tumayo sa tapat ng bintana kung saan kitang-kita niya ang dahan-dahang pagbagsak ng mga nyebe sa lupa. "Hello?" panimula niya, isinuksok niya ang isang kamay sa bulsa ng suot niyang coat.

"K-kumusta? Apo ko" napatigil si Audrey nang marinig ang boses ni Feliciano mula sa kabilang linya. Napatingin siya sa phone niya at ngayon niya lang napansin na registered na number sa Pilipinas ang unknown number na tumawag.

Ibababa na sana ni Audrey ang tawag pero narinig niya ang malalim na pag-ubo ng matanda sa kabilang linya at nagsalita ulit ito "P-pakisabi happy birthday nga pala kay Tonton" saad nito at muli itong umubo. Napayuko na lang si Audrey, kahit hindi sabihin ng lolo niya ang totoong kalagayan ng kalugusan nito, nakakarating sa kaniya ang sakit ni Feliciano sa tuwing tumatawag si Chelsea.

Ayon kay Chelsea, nang tumawag ito noong nakaraang linggo. Kumalat na raw ang cancer sa liver ng kanilang lolo. Nasa stage 4 na ito at hindi na kayang gamutin ng chemotherapy dahil matanda na si Feliciano, hindi na nito kaya ang mabibigat na gamutan.

"K-kailan ba kayo uuwi dito? Sa litrato ko pa lang nakikita si Tonton, pinapakita sa'kin ni Chelsea. Masasabi kong kamukhang-kamukha niya rin si Cristobal. Malakas pala talaga ang dugo ng mga Sallez. Sana mayakap ko si Tonton bago ako mawala" patuloy pa ni Feliciano, mahina na ang boses nito at putol-putol na rin ang pagsasalita.

Sa mga oras na iyon, hindi namalayan ni Audrey ang tuluyang pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata. Nakita niya ang repleksyon ng sarili sa salamin ng bintana habang patuloy ang pagbagsak ng nyebe sa labas.

Muli niyang naalala ang trahedyang dinanas nila limang taon na ang nakakaraan. Nang mahulog si Nightmare at Leon mula sa ika-38 na palapag ng abandonadong building kung saan sila dinala ni Feliciano ay hindi na umabot ang dalawa ng buhay sa hospital.

Kasabay niyon ay nasiwalat din sa buong mundo ang kasamaan ni Feliciano. Hindi na siya nagpatuloy sa pagtakbo bilang presidente dahil agad niyang kinaharap ang patong-patong na kaso. Nahatulan siya ng habambuhay na pagkabilanggo sa dami ng murder, homicide, plunder at samu't-saring kaso na pinataw sa kaniya.

Lumipas ang ilang linggo, binalak ni Audrey magpakamatay ngunit natuklasan niya na nagdadalang-tao siya. Hindi niya alam ang gagawin lalo na't wala na si Nightmare na siyang ama ng batang dinadala niya. Mabuti na lang dahil tinulungan siya ni Sir Migs at ni Chelsea na bumangon sa pagkalugmok.

Nang makapanganak si Audrey, nirekomenda siya ni Sir Migs sa kakilala nitong manager na nagtatrabaho sa isang Printing and Publishing company sa Speiz. Nagtungo si Audrey sa Speiz kasama ang sanggol na anak at doon sila nagsimula ng bagong buhay.

At ngayon, matapos ang ilang taon, ngayon lang naisipan ni Feliciano tumawag sa kanila. Alam ni Audrey na hindi na siya dapat magtaka pa dahil ganoon din naman ang ginawa sa kaniya ng lolo niya nang iwan siya nito.

"P-pwede ko ba makausap si Tonton?" tanong ni Feliciano, rinig na rinig ni Audrey ang malalim nitong paghinga at ang malakas na pag-ubo. Agad pinunasan ni Audrey ang luha niya, ramdam din niya ngayon ang paninikip ng kaniyang dibdib.

Napahinga ng malalim si Audrey at napalingon sa anak niyang tuwang-tuwa habang kinakain ang matamis na cake. "T-tulog siya ngayon. Huwag ka na tumawag... kahit kailan" seryosong saad ni Audrey at ibinaba na niya ang tawag saka ibinulsa ang cellphone.

Ngumiti si Tonton sa kaniya at parang nawala lahat ng bigat na pasan-pasan niya sa kaniyang dibdib. Sa pagkakataong iyon, napagtanto ni Audrey na hindi na niya kailangan pang malungkot dahil kasama naman niya ngayon ang pinakamagandang biyaya na nangyari sa buhay niya.

***

Mag-aala una pa lang ng tanghali pero makulimlim pa rin ang kalangitan, tumigil na ang pagbagsak ng nyebe pero nababalot pa rin ng makapal na nyebe ang buong paligid habang abala ang ilang mga residente sa pag-aalis ng makapal na nyebe sa tapat ng kanilang mga bahay.

"Here's my present for you. Happy Birthday!" bati muli ni Audrey sabay abot sa anak ng isang malaking kahon. Kasalukuyan niyang minamaneho ang kanilang kotse, nakaupo sa backseat na puno ng safety gear si Tonton at tuwang-tuwa ito ng matanggap ang regalo mula sa ina.

Agad binuksan ni Tonton ang kahon ang napangiti siya ng malaki nang makita ang soccer ball na laman niyon. "Do you want to try it?" nakangiting tanong ni Audrey, napatango naman ng ilang ulit si Tonton at halos mapunit na ang labi nito sa laki ng kaniyang ngiti.

Ipinarada ni Audrey ang kotse sa tabi ng park. Nababalot din ng nyebe ang slides, seesaw, at ang malaking lupain. Agad niyang tinanggal ang mga seatbelt na nakakabit sa upuan ni Tonton saka binuksan ang pinto. Binuhat niya ang anak pababa ng sasakyan at nagsimula itong tumakbo roon bitbit ang bagong soccer ball.

Isinuksok ni Audrey ang dalawa niyang kamay sa suot na coat at nakangiting pinagmamasdan ang anak na malayang tumatakbo sa makapal na snow habang nilalaro nito ang bola. Sa pagkakataong iyon, alam ni Audrey na wala na siyang hihilingin pa para sa sarili. Napatingala siya sa langit at ipinikit niya ang kaniyang mga mata.


Nightmare, nariyan ka ba? Sana nakikita mo ngayon kung gaano kasaya ang anak natin. Kung maririnig mol ang ang pagtawa niya siguradong mahahawa ka. Bihira ka lang ngumiti at tumawa pero madalas kong nakikita iyon kay Tonton. Siya ang nagsisilbing liwanag at kalakasan ko para patuloy na harapin ang buhay.

Alam kong kahit hindi ka naming kapiling ngayon. Palagi mo kaming ginagabayan at sinasamahan. Siya nga pala, nagsisimula nang magtanong si Tonton kung kamukha ka niya. Masasabi kong kamukhang-kamukha mo siya, kaya siguro magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman ko sa tuwing tinititigan ko siya dahil naalala kita.

Huwag ka mag-alala, ayos lang kami ni Tonton. Palagi niya rin ako niyayakap at pinapatahan sa tuwing nalulungkot ako tulad ng ginagawa mo dati. Pati pala sa ugaling iyon, namana pa rin niya sa'yo. Hanggang ngayon hindi ko pa rin matanggap na wala ka na pero nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos dahil may iniwan siya sa'king tulad mo.

Sana masaya ka ngayon at nasa mabuti kang kalagayan. Asahan mong hindi ko papabayaan ang anak natin at palalakahin ko siya sa paraang gusto mo. Magiging soccer player siya balang-araw gaya ng pangarap mo. Maraming salamat sa lahat, hindi ko man nasabi sa'yo na mahal kita pero alam kong naramdaman mo iyon.


Ilang sandali pa, nang imulat ni Audrey ang kaniyang mga mata. Nakita niya ang kulay dilaw na paru-paro na lumilipad papalapit sa kaniya. Dumapo ito sa balikat niya, kasabay niyon ang pagtigil ng kaniyang luha.

Ilang segundong nanatili ang paru-paro sa balikat niya hanggang sa lumipad ito papunta kay Tonton. Napatigil si Tonton sa paglalaro sa nyebe at napatitig sa paru-parong dumapo rin sa balikat niya. Sa pagkakataong iyon, alam ni Audrey na walang paru-parong lilipad ng ganoon sa gitna ng napakalamig na klima habang dahan-dahang bumabagsak muli ang nyebe mula sa kalangitan.

"Alam kong hindi mo talaga kami iniwan" bulong ni Audrey sa sarili at napaniti siya sa anak at sa paru-parong nakadapo sa balikat nito. Patuloy na bumagsak ang kaniyang luha pero sa mga oras na iyon alam niyang hindi siya umiiyak dahil malungkot siya. Lumuluha siya dahil masaya siya nang muling maramdaman ang presensiya ni Nightmare.

Tuluyan nang lumipad ang paru-paro paakyat sa langit hanggang sa tuluyan na itong maglaho. Napatingala si Audrey sa kalangitan at namalayan na lang niya na tumatakbo si Tonton papalapit sa kaniya at niyakap siya nito ng mahigpit. Yakap na puno ng pagmamahal na hindi tatablan ng lamig, kahit pa gaano kakapal ang nyebe sa paligid.


The End.


*************************************

Note: Pakiusap mga anak, nawa'y huwag niyo sana iispoil ang kwentong ito. Maraming salamat at hanggang sa muli...

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

Plagiarism is a crime punishable by Law.

© All Rights Reserved 2018

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top