[3] His Amasona Wife
CHAPTER THREE
"NANANG, mabuti na po ba ang pakiramdam ninyo?" tanong ko kay Nanang nang madatnan ko siyang nagpupudpod ng mais sa kusina.
Masarap ding magluto si Nanang at ang pinakapaborito ko sa lahat ay ang binatog niya. Hindi nakasama si Nanang sa salu-salo kanina dahil nagpapagaling pa siya.
"Ininom ko na ang mga gamot ko kaya malakas na 'ko pagdating ng araw ng kasal mo," nakangiting sagot naman ni nanang. "Kinakabahan ka ba? Ano, gusto mo nang umatras? Kakausapin ko ang manong na huwag na lang ikaw."
Umupo ako sa silya sa tabi niya.
"Nanang, naman. Alam n'yo naman ang lahi natin, walang kasunduang inaatrasan. Pwede naman kaming magpa-anull sakaling hindi kami magkasundo ng apo ni Don Conrad."
"Sana maging mabuting asawa sa'yo ang makakapasa sa pagsubok bukas. Kahit hindi na kayo magtagal sa pagsasama, basta bigyan ka niya ng anak para hindi ka na rin lugi. Ayaw mo ng asawa pero alam kong gustong-gusto mo ng anak. Ako rin naman, ayaw ko ng lalaki pero gusto ko ng baby."
Nangalumbaba ako at saka ngumisi.
"Gusto ko po ng maraming anak pero walang asawa. Pwede lang ba 'yon, 'Nang?"
"Mas maganda pa rin kung tuturuan mong mahalin ang asawa mo, huwag kang sinuswerte."
Napabungisngis ako nang pisilin ni Nanang ang ilong ko.
"Masyado kang maganda at mabait para tumanda nang mag-isa, Mary Cris. Teka, nasa'n ba ang nanay mo?"
"Pumunta po siya kina Aling Cess para kunin 'yong mga damit na susuotin ko bukas at sa kasal."
Nang makarinig ako ng boses sa pinto ay mabilis akong tumayo at binuksan iyon. Sa wakas ay nakauwi na rin si Nanay pero nagulat ako nang makita kong hindi siya nag-iisa. Kasama niya si Carson na mayabang, na bastos at... madungis? Bakit siya madungis? Saan siya nanggaling?
"'Nak, nakasalubong ko itong si Carson habang pabalik ako kaya tinulungan na niya 'kong bitbitin 'tong mga damit na susuotin mo," nakangiting sabi ni Nanay.
"Gano'n po ba? Sige po, paalisin n'yo na siya," walang kangiti-ngiting sabi ko.
Pinanlakihan ako ng mga mata ni Nanay. "Paalisin agad? Hindi mo man lang siya iimbitahan dito sa bahay?"
"Kailangan ko na rin hong maligo dahil mabantot na rin ang amoy ko. Galing pa ako sa gubat kanina. Baka ma-turn off sa 'kin ang mapapangasawa ko. Pero masaya na rin ako na nakita ko siya."
Kinindatan ako ni Carson pero isang masamang tingin naman ang iginanti ko sa kanya. Hindi ako madaling maakit sa pakindat-kindat niya. Tigilan niya ako. Huwag ako.
"Bastos ka nga talaga, 'no?" angil ko pa sa kanya.
"Aalis na po ako," paalam ni Carson kay Nanay pero agad din niyang ibinalik ang atensiyon sa akin. "Paganda ka, ha? Gagalingan ko bukas."
Hinila ko na papasok sa loob ng bahay si Nanay at pinagbagsakan ng pinto si Carson. Tigil-tigilan 'kamo niya ako. Hangga't nakikita ko ang pagmumukha niya, lalo lang akong maaasar.
"Anak, huwag mo namang sindakin si Carson," saway sa akin ni Nanay na hindi makapaniwala sa inasal ko sa harap ng lalaking iyon. "Siya ang magbibigay sa'yo ng magaganda at gwapong anak."
"Ayoko lang pilitin ang sarili kong gustuhin siya, 'Nay. Ayokong makipagplastikan sa kanya."
"Hindi naman ganyan ang pagkakakilala ko sa'yong bata ka. Malay mo naman, hindi siya kagaya ni Ruden."
"Tama po kayo. Posibleng mas malala pa siya kay Ruden."
HINDI pa man sumisikat ang araw ay narating ko na ang kagubatan na pagtataguan ko. Ang sabi sa 'kin ni Apong, kailangang mag-unahan ng apat na iyon—sina Carson, Ruden, at dalawa pang kalalakihan na galing sa tribo namin—na mahanap ako at mailabas sa gubat para maideklarang panalo at siyang malas na pakakasalan ko.
Siguro nga ay hindi ko napaghandaan nang husto ang katotohanang ito dahil nang mga sandaling ito ay wala na akong ibang naiisip kundi ang tumakas na lang at magpakalayo-layo. Magbabago na nga ang buhay ko simula ngayon. Magbabago na talaga.
Ibinaba ko ang hawak kong lampara na siyang nagsisilbing liwanag ko maliban sa maliwanag na buwan. Nagpalinga-linga ako sa paligid. Sakaling may maligaw mang baboy-ramo ay kaya kong ipagtanggol ang sarili ko dahil ko naman ang pana at palaso ko.
Suot ko ngayon ang tradisyonal na kasuotan ng kababaihan sa Bianon. Isang puting bestidang off-shoulder at sumasayad sa lupa ang laylayan. Kailangan ko pa itong hawakan at iangat para lang hindi ko matapakan. Simbolo ang damit ng pagiging intact ng puri ng babae hanggang sa dumating ang araw ng kanyang kasal. At para hindi ako lamigin, pinagdala rin ako ni Nanang ng balabal.
Sa totoo lang, hindi ko na mabilang kung ilang beses kong sinabi sa sarili ko na magiging okay pa rin ang lahat. Dahil pinili ko ito.
Gumala muna ako sa gubat para kahit papaano ay makapag-isip ako nang maayos. Tutal naman ay kailangang mahirapan ang mga lalaking iyon bago ako mahanap, sasamantalahin ko na ang pagkakataon.
Mula sa pagitan ng mga puno ay natatanaw ko ang malaking buwan. Naupo ako sa ugat ng malaking puno nang mapagod ako sa paglalakad. Sumandal ako habang nakatingala ako sa kalangitan.
Hindi ako masyadong nakatulog kagabi kaya inaantok pa rin ako hanggang ngayon. Napahikab ako at nagpasyang umidlip muna.
AT ANG plano kong pag-idlip ko ay nauwi sa tulog. Napabalikwas ako nang makita kong kumakalat na ang liwanag sa paligid. Pinakiramdaman ko ang sarili ko at natagpuan ko ang sarili kong nakasandal pa rin sa puno. Nasaan na 'yong mga naghahanap sa 'kin?
"Mabuti naman at nagising ka na rin, Sleeping Beauty. Hahalikan na sana kita, eh."
Napasinghap at napaigtad ako nang marinig ko ang boses na iyon. Nakita ko si Carson na nakasandal din sa puno sa tabi ko. Inilibot ko ang paningin ko sa gubat. Paano niya 'ko nahanap? Nasa'n na 'yong iba pa?
"Ano? Hinahanap mo 'yong boyfriend mo para magligtas sa'yo?"
"Hindi ko siya boyfriend!" paangil na sagot ko.
"E bakit ang sabi niya, ililigtas ka niya sa kapalaran mo mula sa 'kin? Nagmamahalan pa nga raw kayong dalawa, eh." Hindi nakaligtas sa paningin ko ang pag-ismid niya.
Hindi ko alam kung saan ako maaasar. Sa pag-ismid niya o sa sinabi ni Ruden na nagmamahalan daw kaming dalawa.
"Nasa'n sila? May ginawa ka ba sa kanila?"
"Malalaman mo kapag sumama ka na sa 'kin pabalik. Halika na, future Mrs. Florencio, at hindi mo dapat pinapagod ang mapapangasawa mo."
He even had that silly grin on his face!
"Napakasinuswerte mo naman. Asa ka pang makikisama ako sa 'yo!" angil ko.
Tumayo ako at tumakbo pero hindi pa man ako nakakalayo ay nadapa ako sa lupa. Saka ko lang napansin na nakatali ang paa ko sa isang lubid at ang kabilang dulo n'on ay nakatali naman sa baywang ni Carson. Hindi ako makapaniwala. Sinamantala niya ang pagkakataon noong tulog pa ako!
"I LITERALLY tied the knot with you!" he announced in victory.
Akmang kakalagin ko ang pagkakatali ng lubid sa paa ko nang maagap naman iyong hilahin ni Carson. Lalo iyong humigpit at napahiga ako sa lupa. Napadaing ako at isang malutong na mura ang inabot niya sa akin. Tusong lalaking 'to talaga! Mas lalong tumibay ang kagustuhan kong huwag maikasal sa kanya!
"Huwag na kasi nating pahirapan ang mga sarili natin. Mapapagod ka lang, eh."
Hindi ko makita ang pana at palaso ko. Hindi na ako magtataka kung itinago man iyon o itinapon ni Carson. Hindi pwedeng mawala ang mga iyon! Ibinigay sa akin iyon ng apong ko. Hindi iyon simpleng pana at palaso lang. Nakaukit doon ang simbolo ng pamilya namin bilang leader ng buong tribo. Magagamit ko sana iyon bilang panakot sa kanya. Ano ba namang klaseng kamalasan itong inabot ko?
Lumapit sa akin si Carson at umuklo sa harap ko. Gusto ko siyang kalmutin ngayon. Gusto kong alisin ang ngisi sa mukha niya. Gusto ko siyang ilibing nang buhay sa lupa!
"Binabawi ko na 'yong sinabi kong hindi ka mala-diyosa sa ganda. Pero hindi pa rin kita type. Ayoko sa mga virgin, eh—aray!"
Aray ko rin! Binigyan ko lang naman siya ng headbutt at kahit masakit ay tiniis ko. Hindi niya iyon inaasahan kaya naman napaupo siya sa lupa. Hawak niya ang nasaktang noo. Buti nga sa kanya! Kapag nakawala ako rito, hindi lang 'yan ang aabutin niya. Sumakit nga lang din ang ulo ko. Ano'ng klaseng bungo ba meron ang lalaking 'to?
"Hindi ka diwata, amasona ka!" gigil na sabi niya sa akin habang sapo ang noo niya. "Aray ko..."
Nang balingan niya ako ay napakatalim ng tingin niya sa akin. Sa pagkakataong iyon ay bumundol ang kaba sa dibdib ko. Kami lang ni Carson ang narito sa gubat at kung maisipan man niya akong gantihan, walang makakatulong sa akin.
At natagpuan ko na lang ang sarili kong nakahiga uli sa lupa. Nasa ibabaw ko si Carson. Nagpumiglas ako para hindi niya magawa sa akin ang balak niya.
"Huwag kang malikot!" utos niya sa akin.
"Hindi mo magagawa ang gusto mo sa 'kin!" asik ko.
Nanlalaki na ang mga mata ko. Pagsasamantalahan niya ako! Hindi pwedeng mangyari ang gusto niya! Ang tagal kong iningatan ang sarili ko para lang kunin niyang basta-basta ang puri ko!
"Bitiwan mo 'ko! Tulong! Tulungan niyo 'ko!" ubod-lakas kong sigaw.
Sometimes I hate myself for being a woman. Ginagamitan ako ni Carson ng buong lakas niya. Imposible akong manalo laban sa kanya. Hinubad niya ang suot niyang T-shirt at itinaas ang mga kamay ko.
Iniiwas ko ang tingin ko sa malapad niyang dibdib habang patuloy pa rin ako sa pagpumiglas. Nagsisisi ako na hindi na lang ako tumakas habang may pagkakataon pa. Ngayon ay kailangang sapitin ko ang kapalarang ito. Pero hindi ko siya hahayaang magtagumpay!
"Ayan, ewan ko na lang kung makawala ka pa sa 'kin sa lagay na 'yan." Malakas siyang nagbuntong-hininga matapos igapos ang mga kamay ko. "Anong klaseng babae ba ang gusto ni Lolo na ipakasal sa 'kin?"
Inalalayan niya akong tumayo. Nagtaka ako. Hindi ba niya 'ko pagsasamantalahan?
"Tara na, amasona."
Napatili ako nang basta na lang akong pasanin ni Carson sa balikat niya na para akong isang sako ng bigas.
"Ibaba mo 'ko, hudas ka!" angil ko at pinagbabayo ang malapad niyang likod nang magsimula na siyang maglakad papunta sa labasan ng gubat.
"Stop it, will you? Pinalampas ko na ang panghe-headbutt mo sa akin. Makisama ka naman. Matutuloy pa rin naman ang kasal kahit magbugbugan tayo buong araw."
Pero lalo ko lang nilakasan ang pagbayo sa likod niya.
"Aray!" reklamo niya.
"Hinding-hindi ako magpapakasal sa'yo!"
"Wala ka nang magagawa, nagkasundo na ang mga pamilya natin. The best choice you got is to cooperate with me. I'm telling you pareho tayong makikinabang dito. With my family's wealth—"
"Hindi ako mukhang pera kagaya mo!" Napahiyaw ako nang paluin niya ang pwetan ko. "Bastos!"
"Kapag hindi ka tumigil, uulitin ko talaga," may bahid ng ngising sabi niya.
"Ibaba mo 'ko at mamatay ka na!"
"Sigurado ka? Hindi lang kita ibababa, ibabagsak pa kita."
Gigil na binayo ko ang likod niya sa huling pagkakataon. Napapagod na akong pumalag. Nahihirapan na ako sa sitwasyon ko. Hindi ito patas. Hindi por que babae ako ay kakaya-kayanin lang niya ako nang ganito. Naninikip ang dibdib ko sa sama ng loob.
"Carson, ibaba mo na 'ko. Maglalakad na lang ako," hindi nakatiis na sabi ko.
"I'm sorry. Naninigurado lang ako."
"Pero nahihirapan na 'ko. Hindi naman ako makakatakas, eh. S-sige na, maglalakad na lang ako." My voice broke. Hanggang sa napahikbi na ako.
"Mrs. Florencio, umiiyak ka ba?" tanong niya.
Hindi ko siya pinansin. Tahimik lang akong umiyak. What I hated the most is the feeling of being helpless and being defeated. Ayokong naiisahan. Ayokong nawawalan ng kontrol sa mga bagay. At huli ko 'tong naramdaman noong malaman ko ang pagtataksil ni Ruden sa akin. Ang akala ko, hindi ko na mararanasan ang ganito kapag tinapos ko na ang lahat sa amin. Nang mga sandaling ito ay nagagalit ako sa sarili ko.
Huminto si Carson at ibinaba ako. Hindi ko makita nang malinaw ang mukha niya dahil nanlalabo ang mga mata ko. Napayuko ako para itago ang mga luha ko. Ayokong nakikita niya akong umiiyak. Baka isipin niyang ganoon lang ako kadaling talunin.
1703u'
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top