[2] His Amasona Wife
CHAPTER TWO
"BASTOS!" tili ko at basta na lang pinalipad ang hawak kong bato sa direksiyon niya. Tinakpan ko rin ang mga mata ko nang makita ko ang maselang bahaging iyon ng katawan niya. Ang inosente kong mga mata!
Parang gusto kong magtatakbo pauwi ng bahay at magsumbong kay nanay! Saan siya nanggaling at sino ang nagbigay sa kanya ng permiso na dumihan ang tubig?
"Aray! Ano'ng problema mo, Miss?" angil naman sa akin ng lalaki.
"Ano'ng problema ko? Ikaw! Bastos ka!" gigil na sabi ko.
"Bastos na pala ang umihi ngayon?"
Inalis ko ang mga kamay ko at sinibat ko siya ng tingin. Sa kabutihang-palad ay desente na siya ngayong tingnan.
"Ang lakas ng loob mong umihi rito! Hindi mo ba nakitang may tao rito? Ginawa mo pang palikuran 'tong talon! Hindi ka na naawa sa kalikasan!"
"Sisihin mo ang kalikasan dahil tinawag-tawag niya 'ko," paangil pang katwiran niya sa akin habang nakapamaywang.
Sa sobrang inis ko ay sinabuyan ko siya ng tubig. Umiwas siya at dahil doon ay nagkakawag siya at kamuntikan nang mahulog sa tubig.
"Sa ibang lugar ka maghasik ng lagim!"
"Dapat nga ako pa ang magalit dahil nakita mo si Jun-jun ko," nakaismid na sabi niya.
Nag-init ang mukha ko. Dahil doon ay bumalik sa alaala ko ang nakita kong 'Jun-jun' niya. Lalo akong naaasar sa kanya! Bwisit talaga! Hindi ko na yata 'yon makakalimutan!
"At gusto mo pang palabasin ngayon na binobosohan kita kahit ikaw naman 'tong may kasalanan!" nanlalaki ang mga matang sabi ko. "Umalis ka rito! Dudumi pa ang talon dahil sa'yo!" Sinabuyan ko uli siya ng tubig.
Umismid sa akin ang estranghero. "Pag-aari mo 'to? Bakit? Diwata ka rito? Hindi naman pala totoong mala-diyosa sa ganda ang mga engkanto."
Pinagmasdan ko ang sarili ko at nakita kong bakat na bakat ang dibdib ko sa suot ko nang mga sandaling iyon. Niyakap ko ang sarili ko at inilubog ang katawan ko sa tubig. Nakakahiya!
"Huwag ka nang babalik dito, ha!" gigil na asik ko sa kanya.
Tatawa-tawang kumaway sa akin ang bwisit na lalaking iyon bago niya ako iniwan. Naaasar na napasuntok na lang ako sa tubig. Ang sarap pag-landing-in ng kamao ko sa pagmumukha niya! Patihayang sumisid ako sa tubig. Lamunin mo ako, talon. Lamunin mo 'ko!
"NGUMITI ka naman, anak. Ang ganda-ganda mo, eh."
Pinigilan ko ang mapasimangot sa sinabi ni nanay habang inaayusan niya ako sa kwarto. Ayoko sanang tuluyang masira ang mood ko pero ayaw mawala-wala ng init ng ulo ko sa lalaki sa talon kanina.
Kahit hindi man niya direktang sinabi, parang gusto na rin niyang palabasin na kung nagkataong diwata ako ay hindi pa rin naman ako mala-diyosa sa ganda.
Akala naman niya, ang gwapo niya. E matangkad lang naman siya saka maganda ang pangangatawan. Maganda lang ang kutis niya at maganda siyang manamit pero hindi naman niya 'yon ikinagwapo.
At ang nakakainis pa, mas malinaw pa sa alaala ko ang nakita kong 'Jun-jun' niya kaysa sa mismong mukha niya. E mas tamang tawaging 'Jumbo' 'yon kaysa 'Jun-jun'!
Shocks. Ano itong mga pinagsasasabi ko?
"Nakakainis talaga," mahinang ngitngit ko.
"Ano 'yon, Mary Cris?"
Natauhan naman ako. Ngayon naman, kinakausap ko na rin ang sarili ko!
"A-ang sabi ko po, Nay, hindi naman nakakapagtaka talaga. Nasa pinagmanahan po kasi." Nginitian ko siya mula sa salamin. "'Di ba?"
Napahagikhik naman si Nanay.
"Nakita ko ang panganay na apo ni Don Conrad kanina nang dumating sila. Ang gwapo niya, anak. Parang artista! Sakaling mapatunayan niyang siya nga ang karapat-dapat na maging kabiyak mo, magiging maganda ang lahi ninyo."
At hindi ako makapaniwalang excited talaga si Nanay.
"Nay, naman. Tingin n'yo talaga magiging isa kaming normal na pamilya?" ingos ko.
"Bakit hindi? E kung magkagustuhan kayo, may makakapigil ba?"
"Ayokong ma-in love, Nay. Tama na ang ginawa sa inyo ng tatay ko at ni Ruden sa 'kin. Hindi natin kailangan ng lalaki sa buhay natin."
"Eh pa'no naman 'yong pangarap kong magkaroon ng apo?"
"Nay, naman..."
Gustong-gusto kong magkaanak pero nangangahulugan din 'yon na kailangan kong mag-asawa. Sana pala ang mga babae, parang mga halaman na lang, 'no? Para pwedeng mag-self-pollinate.
"CRIS, ang ganda mo naman ngayon."
Napahinto ako nang bigla akong harangan ni Ruden. Papunta na sana ako sa covered court dahil nandoon ang salu-salo. Hinihintay na rin kasi ako ng pamilya ni Don Conrad. Tensiyonado ako, sa totoo lang. At itong si Ruden, gusto pa yatang dumagdag. Sa totoo lang ay siya ang huling taong gusto kong makausap ngayon.
"Salamat," tipid na tugon ko.
Lalagpasan ko na sana si Ruden pero pinigilan niya ako sa braso.
"Cris, hindi pa huli ang lahat. Pwede pa nating pigilan ang mga mangyayari. Sumama ka na lang sa 'kin. Magpakalayo-layo na tayo. Isang malaking kalokohan ang lahat ng 'to," pagsusumamo niya.
Pumiksi ako at binigyan ko siya ng sarkastikong ngiti.
"Hindi rin ba isang kalokohan kapag pumayag ako sa gusto mo?" nakataas ang kilay na tanong ko. "Hindi na 'ko makikipagbalikan sa'yo, Ruden. Buong-buo kong ibinigay ang tiwala ko sa'yo pero ano'ng ginawa mo?"
Pwede kong patawarin si Ruden pero ang bumalik sa kanya at bigyan siya ng isa pang pagkakataon? Kalokohan na iyon. Kung meron man akong natutunan sa mga nangyari, 'yon ay hindi lahat ng nawala, pwede pang ibalik. Minsan ko na ring na-imagine ang sarili ko na kasama si Ruden na bumuo ng pamilya pero siya rin mismo ang sumira n'on. Nanghinayang ako nang sobra pero tapos na ako sa parteng iyon ng buhay ko. Tapos na kaming dalawa.
"Hindi ko naman minahal si Agatha, eh. Pinatulan ko lang siya kasi siya 'tong habol nang habol sa 'kin."
"'Yon na nga, eh. Pinaasa mo siya. Hindi mo man lang inisip na babae rin ako. Paulit-ulit na lang tayo, Ruden," mapait ang ngiting sabi ko. "Tantanan mo na 'ko. Tapos na tayo."
Hindi ko na hinintay na makatugon pa si Ruden. Iniwan ko na siya at agad na hinanap si apong dahil siya raw ang magpapakilala sa akin sa apo ni Don Conrad.
Ang pagkakaalam ko, isa si Ruden sa makakalaban ng apo ni Don Conrad bukas. Kung si Ruden ang magtatagumpay, may posibilidad na sa kanya ako magpakasal. Na ayaw ko rin namang mangyari. Kung ano man ang magiging kinalabasan ng hamon bukas, lugi pa rin ako.
"Mukhang malaki ang iginanda ni Mary Cris sa pagdaan ng panahon," manghang komento ni Don Conrad nang makaharap ko na siya.
"Maraming salamat po, Don Conrad," magalang na tugon ko.
"Kumusta naman ang pagtuturo?"
"Masaya po ako sa pagtuturo sa mga katribo ko," napangiti namang sagot ko.
"Mabuti na rin pala at naging teacher ang mapapangasawa ng apo ko. At least, may magtuturo na sa kanya ng leksiyon."
Nagkatawanan sila ni apong. Ako naman ay nakitawa na rin.
"Pero sinasabi ko sa'yo, Conrad, magagaling at sanay sa gubat ang mga kalalakihan sa tribo ko. Hindi nila pagbibigyan ang apo mo. Marami pang pwedeng mangyari," sabi naman ni apong.
"Ang determinasyon naman ni Carson na hindi mawalan ng mana ang magpapanalo sa kanya." Tinawag ni Don Conrad ang mga apo niya at tatlong babae ang lumapit sa amin.
Parang hindi naman kami nagkakalayo ng edad ng pangalawang apo ni Don Conrad na si Camya. Isa raw siyang romance writer. Ang cool, 'di ba? Minsan lang ako makasalubong ng writer. Sina Chamomile at Calla naman ay mga college student pa lang. Malalaking bulas din silang magkapatid. Mas malaki pa nga sila kaysa sa 'kin. But the best thing to know is hindi naman pala sila mata-pobre kagaya ng ibang mayayaman diyan.
"I like your dress, Ate Cris," nakangiting sabi sa akin ni Chamomile.
"T-talaga?" hindi makapaniwalang sabi ko. Hinaplos ko ang tela ng suot kong plum dress. "Ang nanang ko ang nagtahi nito noong birthday ko."
"Really?" namilog ang mga matang anas pa niya. "I really like it. Simple but elegant. Gagawin kong inspirasyon 'yan sa mga susunod kong designs. Hindi na 'ko makapaghintay na maging part ka ng family namin."
"Kung makakatagal siya kay Kuya," singit naman ni Calla.
"Huwag mo ngang takutin si Mary Cris," saway naman ni Camya.
"Tawag n'yo raw ako, 'Lo?"
Napadako ang tingin ko sa matangkad na lalaking sumulpot sa likuran ni Don Conrad. Nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize ko na siya ang estrangherong bwisit na lalaking nakita ko sa talon kanina. 'Yong lalaking gusto kong pahalikin sa kamao ko, wala nang iba!
Nakita ko rin ang pagkagulat sa mukha niya nang magtama ang mga mata namin pero saglit lang 'yon.
"Ah, so, mortal ka naman pala. Akala ko, diwata ka talaga ng talon na 'yon, eh," may bahid ng ngising sabi niya sa akin.
"At ikaw 'yong lalaking bastos," walang kangit-ngiting sabi ko naman.
"Magkakilala na kayo?" manghang tanong ni Camya nang nagpalipat-lipat ang tingin niya sa aming dalawa.
"Yes, but not formally," mabilis na sagot ni Carson. "Pati nga si Jun-jun, nakilala na niya, e."
"May maisusulat na ba ako?" Nakangiti si Camya habang nagpapalipa-lipat pa rin ang tingin sa amin ng kuya niya.
Nakuyom ko naman ang kamao ko. Hanggang dito ba naman, gusto pa rin niyang naghahasik ng lagim? Kung hindi lang nakakahiya sa mga tao, tuturuan ko talaga ng leksiyon ang asungot na 'to.
"Carson, I'd like you to meet Mary Cris Tuazon, your future wife. Mary Cris, this is Carson my only grandson at ang panganay sa magkakapatid," pakilala sa amin ni Don Conrad. "Sana ay magkasundo kayo. Patatagin ninyo ang ugnayan ng ating pamilya at ng tribo."
Bakit nga ba hindi na lang ako nilamon ng talon kanina? Ayaw kong magpakasal kay Ruden pero lalo namang ayokong magpakasal sa isang katulad ni Carson. Ano na lang ang mangyayari sa akin? Anong ginawa ko para malasin ako nang ganito? Hindi nangyayari ang lahat ng 'to!
"Mary Cris, huh," sambit niya sa pangalan ko at napatango na para bang pasado na rin ang pangalan ko sa pandinig niya.
Hindi ko gusto ang ngiting naglalaro sa mga labi ni Carson. He is a handsome devil-in-disguise. Mukha siyang maraming alam na kalokohan. Kagaya rin siya ni Ruden na hindi ko pwedeng pagkatiwalaan.
Nagulat ako nang bigla niyang kunin ang kamay ko. Pinagmasdan niya ang mukha ko na para bang kinakabisa niya ang bawat hugis at kurba nito. Nakaramdam ako ng pagkailang. Kahit si Ruden ay hindi ako tiningnan kagaya ng pagtingin sa akin ng Carson na ito. Pakiramdam ko ay tinutunaw ako ng mga titig niya.
"Well, the truth is you're not so bad yourself."
Magre-react pa sana ako nang basta na lang niyang pisilin ang aking kamay. Napalunok ako at marahas na binawi ang kamay ko at tiningnan lang siya nang masama. Ano ba 'tong nararamdaman ko? Hindi ako dapat nakakaramdam ng ganito!
"Ano pang hinihintay natin? Simulan na natin ang salu-salo," anunsiyo ni apong.
SINADYA kong umiwas na makasalubong si Carson. Mas lalo kong na-realize sa sarili ko na ayokong magpakasal sa kanya. Sinamahan ko ang mga maliliit na estudyante sa pagkain. Lahat ng mga katribo namin ay nag-ambag ng masasarap na pagkain kaya ang dapat sanang simpleng salu-salo lang ay nagmukhang fiesta. Iyon naman ang isa sa mga bagay na hindi ko ipagpapalit sa kung ano pa man.
"Teacher Cris, binabati ka namin!" bati sa akin ng dalawang co-teachers ko na sina Mia at Therese.
Mga magigiting silang teachers na tinanggap ang hamon ng pagtuturo sa Bianon at dito na rin sila nakapag-asawa.
"Hindi ko alam kung magpapasalamat ako dahil sa sinabi n'yo," sabi ko naman.
Natawa naman sila.
"Ang gwapo ng mapapangasawa mo. Hindi ka na rin malulugi sa apo ni Don Conrad," si Mia.
"Mababait naman sina Don Conrad at ang mga apo niya. Besides, ano pa ba ang hahanapin ng apo niya sa'yo? Nasa'yo na yata ang lahat, Teacher. Maswerte ang lalaking pakakasalan mo," sabi naman ni Therese at nginisihan pa ako.
"Salamat, Teachers. Sana gano'n din ako kaswerte," sabi ko naman. Nagpaalam na ako sa kanila at sinamahan ang mga estudyante ko.
"Teacher, sabi sa akin ni Nanay, 'yong poging mama raw ang mapapangasawa mo," sabi ng pitong taong gulang kong estudyante na si Jomel.
Nakaupo kami ngayon sa mesang malapit sa stage ng court.
"Bakit naman interesado si Jomel?" tanong ko.
"Kasi, Teacher, bagay raw kayo. Parehong maganda at pogi."
"Saka, Teacher, nilibre niya kami ng ice candy at tinapay sa tindahan kanina," sabi naman ni Nicole.
"Talaga?" hindi makapaniwalang anas ko. "Lahat kayo?"
"Opo. Tinulungan kasi namin siya. Tinanong niya kami kung saan daw siya pwedeng umihi kaya itinuro namin siya sa talon."
Napamaang ako. Ang mga bata ang nagturo sa Carson na iyon na sa talong umihi? At sinuhulan pa niya? Pambihirang buhay ito.
"Sa susunod, mga bata, kapag may nagtanong kung saan ba pwedeng umihi, paderetsuhin n'yo na lang sa gubat, huwag na sa talon para walang aberyang nangyayari. Okay ba 'yon?"
"Okay po, Teacher!" sabay-sabay na tugon naman nila.
"At dahil diyan, very good kayo kay Teacher."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top