33. Unbearable Pain
Sa daming beses kong ginustong mamatay dahil pagod na ako, at sa daming beses kong ginustong mabuhay para makaganti sa lahat ng nangmamaliit sa akin, ngayon ko lang naramdaman na gustong mamatay at gusto ko pang mabuhay nang sabay.
Hindi ko alam kung anong araw na nang magising ako. Hindi ako makakilos nang maayos. Hindi ko maigalaw ang bibig ko nang maayos. Hindi ko maidilat ang mata ko nang maayos. Iyon ang unang araw na nagising ako sa ospital. Ang lugar na pinakaayokong puntahan. Naaalala ko kasi si Mama noong na-stroke siya. Tapos si Papa noong nire-revive siya matapos atakihin sa puso.
Ito ang unang araw na para akong nakabalot sa matigas na bagay kaya hindi ako makakilos nang maayos.
Tatlong sunod-sunod na araw akong naroong mag-isa sa madilim na kuwarto sa ospital. Walang dumadalaw. Walang ibang pumupunta kundi nurse na titingin sa makina sa tabi ko o sa katawan ko.
Tatlong araw din ang nakalipas bago ko muling nasilayan ang araw at inilipat ako sa ibang kuwarto. Doon na sa hindi madilim, malawak pa rin, pero wala pa ring ibang tao maliban sa akin. Malawak ang kama, marami pa ring nakakabit sa 'king kung ano-ano. May dextrose, may dugo. Sa kabilang braso, may makapal na benda na nakikita ko lang kapag may nababalian ng buto o ano.
Walang ibang laman ang kuwarto kundi hospital bed kung nasaan ako, isang puting sofa sa kanan na nasa ilalim ng malawak na bintana, tapos side table sa kanan at mga makina naman sa kaliwa. May flat screen TV sa itaas malapit sa may pintuan. Kaso nakapatay lang iyon sa loob ng tatlong araw.
Hindi ko alam kung anong araw na. Wala rin akong idea kung anong oras na, basta parang umaga.
"Hi, Ms. de Chavez! Good afternoon! Buti naman, gising ka na," bati ng lalaking nurse na tatlong araw ko na ring nakikita. "My God, si Doc, kanina ka pa, binabalik-balikan dito kasi di ka pa nagigising. Ilang araw na kaming kinukulit ni Madame Daisy, Diyos ko."
Malambot siya para sa isang lalaki at madalas pang kumekembot kapag pumapasok sa kuwarto. Sinubukan ko siyang lingunin pero para akong robot na pahinto-hinto sa paggalaw kahit maliit na kilos lang naman ang gagawin ko. "After two days pa raw aalisin ang catheter mo. Nabo-bore ka na ba rito sa ospital?"
Kinuha niya ang remote sa side table at biglang bumukas ang TV. Saktong lumabas ang title ng afternoon drama na "Tinik sa Pulang Rosas" na may dalawang babae sa magkabilang gilid na nakasuot ng nighties at topless na lalaking maskulado sa gitna na yakap ng dalawa.
"Aaay! Si Marcooo! Crush ko 'yan, ma'am! Yummy!" Umikot na naman ang nurse at kinuha ang clipboard niya para tingnan ang makina sa gilid ko.
"Mang-aagaw ka! Lahat, inagaw mo! Pati asawa ko, aagawin mo rin?!"
"Hindi ikaw ang mahal ni Marco!"
"Pero hindi ikaw ang pinakasalan! Ginamit ka lang nang isang gabi, pakiramdam mo, iyo na siya habambuhay? Ilusyonada!"
"Naku, Mama Ivory, sampalin mo na 'yang kabit na 'yan! Ang kapal-kapal ng mukha!" tili ng nurse habang pasulyap-sulyap sa clipboard at sa TV. "Itong mga kabit na 'to, kung sino pa ang nang-aagaw, siya pa ang matapang. Ang sasarap paliguan ng kumukulong tubig! Nakakaloka!" Lumapit siya sa 'kin at marahang hinawakan ang kanang pisngi ko na biglang kumirot kaya saglit akong napapikit. "Ay, sorry, ma'am. Masakit pa rin po ba?"
I couldn't speak. I wasn't able to ask him kung napaano ang mukha ko at bakit makirot. Sinubukan kong lasahan ang loob ng bibig kong parang namamaga sa loob. May kung anong metal akong nakakapa roon. Parang sa braces ko noong bata ako, pero mas makapal pa.
"Ma'am, kukuha lang ako ng gamot para sa pain, ha? Hindi pa yata okay ang swelling sa mukha n'yo. Nood muna kayo diyan, babalik din ako agad."
Pasipol-sipol pa siyang lumabas na eksaktong pag-commercial sa TV.
Namamaga ang mukha ko. Kaya pala masakit.
"Kapapasok lamang po na balita, magtataas ng presyo ng gasolina ang Petron . . ."
Nakita ko sa ibaba ng news report ang oras. 3:01, eksakto pala sa 3 PM News. At . . . anim na araw na mula nang magtapos ang registration sa La Mari.
"Samantala, nasa in quest proceedings na ang kaso ng model-actor na si Jomari Lianno at dalawang iba pang sangkot sa kasong frustrated homicide at rape na isinampa ng panig ng mga de Chavez."
Para akong binuhusan ng malamig na tubig habang nakikita sa TV ang napakaraming taong nagkakagulo. Pinagsisiksikan doon ng mga cameraman ang mga sarili nila para makakuha ng picture.
Nakaposas sina Jomari, kasama yung lalaking humarang sa 'kin sa daan, at 'yong isa pang lalaking hindi ko kilala. Hindi ko lang inaasahan na habang naglalakad sila, biglang may sumuntok kay Jomari mula sa gilid at doon na nagsunod-sunod ang flash ng mga camera. Nakita ko agad ang kapatid ko, si William, na nakapostura pero nagawa pang dumepensa para awatin ang nanuntok—si Tyrone. Kahit ang isa pang kuya ko, si Archie, umawat na rin at pinagtatakpan ang mga camera na nakatutok kay Tyrone.
"Matatandaang nahuli ang grupo nina Jomari matapos i-report ng fiancé ng biktimang si Cinnamon de Chavez ang recorded video ng pagdukot dito hapon ng ika-dalawampu ng Abril. Kilala si de Chavez bilang fashion designer ng kilalang brand ng Lion Fashion at anak ng kilalang abogado at kolumnistang si Proserpino de Chavez, the third. Inaalam pa ang motibo ng suspek sa nangyaring panggagahasa, pambubugbog, at tangkang pagpatay sa biktima na may kaugnayan sa nauna na nitong kaso ng harrassment na isinampa ng kaparehong panig."
Biglang napalitan ang video nina Jomari ng picture . . . ko. Bugbog ang mukha, nababalot ng benda ang ulo, halos kulay green at violet na ang braso saka hita. Pati sa likod, puro din pasa. Hindi ko halos makilala ang sarili ko sa pinakikita nilang mga picture sa TV. Naramdaman ko na lang ang mainit na linyang gumapang sa gilid ng mata ko.
"Ako po si Becky Morales, at ito ang mga dapat abangan na balita mamaya sa 24-Hour News."
At biglang nag-lineup na ang mga balita mamayang gabi.
Pakiramdam ko, lalong bumigat ang katawan ko sa balita tungkol sa 'kin. Parang naipon sila sa loob at hindi ko alam kung paano ilalabas.
Sobrang pangit ko sa TV. Para akong nalamog na prutas. Nakakasuka ang mukha ko. Kaya siguro walang dumadalaw sa 'kin. Baka kaya ayaw akong dalawin dito nina Tyrone kasi hindi niya maatim ang itsura ko.
"Ma'am, ayan! I'm back! Hindi pa rin po ba kayang igalaw ang jaw natin? Kaya na po bang magsalita?" Panay ang irap niya at hawi ng kunwaring mahabang buhok paglapit sa 'kin. "Ito si Dok, echusero din e. Daming request, gusto yata, maghimala ako rito." Lumapit siya sa may suwero ko at kumuha ng syringe sa dala niyang maliit na container. "Ma'am, for sure, matutuwa yung mga bisita n'yong fafabels kapag nalaman nilang nagising na kayo. May single ba d'on? Reto n'yo naman ako 'pag okay na ang vocal!"
Mula sa malaking syringe, kumuha siya ng clear na gamot sa maliit na bote at isinaksak sa IV na nasa ibabaw ng palad ko. Napapikit ako nang mariin nang makaramdam na parang sinusunog ang ugat ko mula sa loob. "Tiis lang, ma'am, ha? Masakit talaga 'to. Hinga po tayo nang malalim para bawas panic. Takot po ba kayo sa karayom? Designer kayo ng damit, ma'am, di ba? Siguro naman, hindi."
Pigil na pigil ang paghinga ko at gumaan lang nang mawala ang sobrang kirot na gumapang mula sa kamay ko hanggang braso.
"Naku, ma'am. Huwag n'yo 'kong isusumbong sa mga bisita n'yo, ha? Masakit kasi talaga yung gamot. 'Kaloka, baka mareklamo ako. Yung isa sa kanila, laging nagagalit sa 'ming mga nurse, di ka kasi mabisita sa ICU. Nakakaloka si Sir, warla kaming lahat dahil sa kanya! Alam mo naman, prone sa contamination ang room. Siguro mga after five days pa, ililipat na tayo sa executive room. Then puwede na nating tanggalin yung ibang braces mo. Mahirap kasing tanggalin yung bakal sa jaw. Baka bumuka ang sugat mo diyan."
Nagligpit na siya ng mga gamit niya at inipon ang lahat ng dala-dala niya pagpasok.
"Itatanong ko kay Doc if puwede na ang visitors kasi ginigiyera na kami ng mga pogi mong kasama, ma'am. After week, magsa-subside na ang swelling sa mukha, baka puwede na tayong mag-start sa therapy. Kailangan nating maging ready physically and mentally para diyan."
Binalikan niya ang suwero ko bago inayos ang kumot na nakatakip sa 'kin.
"May magra-rounds mamayang 6, ma'am. Inform ko na lang sila na patayin ang TV. For now, stay put lang kayo diyan, nood muna kayo ng drama. Pogi yung bida, ma'am! Crush ko 'yan!"
Lumabas na rin siya at naiwan na naman akong mag-isa sa loob.
Sina Tyrone ba ang tinutukoy niyang bisita?
Sa loob-loob ko, napangiti ako. Akala ko, hinayaan na lang nila akong mag-isa rito.
Sa pangatlong gabi na iyon, kahit paano, napanatag ako.
Akala ko, kinabukasan, makakadalaw na sila. Pero hindi pa rin pala. Dinala ako sa kung saang operating room tapos buong araw yata akong nakatulog. Ang sumunod na gising ko, nasa ibang kuwarto na naman ako. Pero gumaan nang kaunti ang pakiramdam ko at naigagalaw ko na nang maayos ang panga ko. May bakal pa rin doon pero hindi na gaya ng unang bakal na nasa loob ng bibig ko na hindi ko kayang maigalaw.
Maaraw nang mamulat ako ng mata. Kamukha ang kuwarto ng kuwartong una kong nakita noong huling gising ko. Pero ang kaibahan lang, mas marami nang upuan na nakadikit sa mga dingding. Paglingon ko sa kanan, may kung sino ang nasa malayong gilid na nakahiga sa isang kulay asul na folding bed.
Sobrang tipid ng ngiti ko nang makita ko si Tyrone na nakapaling sa direksyon ko habang natutulog. May kumot naman siya at nasa paanan ng higaan ang isang pares ng slip-ons. Nalipat ang tingin ko sa may bintana. Maliwanag na kasi. Parang mga alas-otso na ng umaga.
"Ty . . ." mahina kong pagtawag nang hindi ibinubuka nang malaki ang bibig. "Tyrone . . ."
Bigla siyang napadilat at parang nagulat pa. Napabangon agad siya habang hawak ang ulo at palingon-lingon sa paligid. Pagtingin niya sa direksyon ko, nandilat agad ang mga mata niya.
"Cin?" Umalis agad siya sa higaan at ni hindi man lang nakapagsuot ng sapatos nang lumapit sa 'kin. "Saan ang masakit? Kaya mo nang makapagsalita? Nurse! Wait, I'll call the doctor. Nurse, pakitawag si Doc!"
Nakasandal pa rin ako sa bahagyang naka-incline na hospital bed na halos maabutan ng taas nito ang baywang niya.
Ilang beses niya akong tinangkang hawakan sa pisngi at balikat pero hindi niya maituloy-tuloy. "Nagugutom ka ba? Nauuhaw? I'll buy everything. Are you feeling better now? Can you speak?"
Kitang-kita ko ang pag-aalala sa mukha niya. Ang laki na rin ng eyebags niya, halatang puyat na puyat. Naaawa ako habang nakatitig sa kanya. Mas naaawa ako sa kanya kaysa sa sarili ko.
"Sorry, ngayon lang kita nasamahan dito, Cin." Marahan niyang ipinatong ang kamay ko sa palad niya. "Ayaw kasi nila akong pabantayin sa 'yo." Marahan niya 'kong hinawakan sa likod ng ulo saka ako hinalikan sa noo.
Sinubukan kong lumingon sa may direksyon ng bintana. Mula sa glass window, nakita ko ang itsura ko. Ang laki ng black eye ko sa kanang mata na halos hindi ko maidilat. Maga rin ang labi ko na para akong nakagat ng bubuyog. May nakatakip na benda sa panga ko na may bakas pa ng iodine.
Ang pangit ko.
Ang layo ng itsura ko sa mga babaeng kahalikan noon ni Tyrone.
"Ty . . ."
"Hmm?"
Wala akong ibang masabi kundi pangalan lang niya.
Nangingilid ang luha ko nang dahan-dahang ibalik sa kanya ang tingin.
"You're gonna be fine, Cin." Marahan niyang hinawi ang buhok ko. "I made sure those who did this to you will suffer."
Gusto kong sabihing alam ko. Nakita ko sa TV na naging national concern na ang nangyari sa 'kin.
Naiinis ako na hindi ako makapagsalita nang maayos.
Gusto ko siyang tanungin kung matatanggap pa rin ba niya ako matapos ang sinapit ko. Kung may nagbago ba sa desisyon niyang pakasalan ako. O kung sakali mang may nahanap na siyang iba habang ganito ang lagay ko. Na kung makaganti man siya kina Jomari, paano ako? Paano kami?
Kami pa rin ba?
Ako pa rin ba?
"I know you hate hospitals. Promise ko sa 'yo, kapag puwede ka nang lumabas, lalabas na tayo rito, hmm? Iuuwi kita. Ako'ng mag-aalaga sa 'yo."
I hate crying, but I guess, I really deserved to cry.
♥♥♥
A/N: Nararamdaman n'yo na ba ang ending? hahaha happy ending 'to, pramis XD
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top