Naalala mo pa ba,
Nang magkaroon ng 'ako' rito sa mundo, sabi nila, paulit-ulit 'kang nagsisisigaw at nagtatatalon habang umaalingawngaw ang malakas 'kong paghiyaw? Lumuha ka pa raw ng mga panahon na 'yun dahil sa sobrang kasiyahan at kagalakan.
Pero ako ngayon, eto't sinisigawan at pinapagalitan ka dahil sumisigaw ka habang nakahawak sa iyong tiyan.
Naalala mo pa ba,
'Nung mga panahon na napupuyat ka dahil sa gabi-gabi 'kong pag-iyak? 'Nung mga panahon na aligaga 'kang nagtitimpla ng gatas ko para tumigil ako sa pag-iyak?
Pero ako ngayon, eto't pinapabayaan 'kang magsisisigaw sa kwarto mo. Hindi ko alam kung bakit ka na naman sumisigaw pero ako eto, nilalakasan ang pinapatugtog 'kong kanta sa telepono ko para hindi ka na marinig pa.
Naalala mo pa ba,
Hawak-hawak mo ang pareho 'kong kamay at tinutulungan para matutong maglakad? Na kahit marami ka pa ring trabaho ay isinantabi mo muna para sa akin?
Pero ako ngayon, eto't sinisigawan ka na naman dahil hindi ka makalakad ng ayos kahit may hawak ka na'ng tungkod. Eto't nagmamadali sa paglalakad dahil may kliyente pa akong kailangang tagpuin.
Naalala mo pa ba,
Lagi 'kong ikinakalat ang mga laruan ko pagkatapos ay dadalhin ito kung saan-saan na hindi man lang inaayos pagkatapos gamitin? Marami ka pa'ng kailangang tapusin pero iniligpit mo muna ang mga laruan ko't pinatulog muna ako.
Pero ako ngayon, eto't sinipa pa ang isa sa mga gamit mo na nakakalat. Pinabayaan kitang ayusin ang mga gamit mo habang papunta na ako sa kwarto ko dahil nakakain na rin naman ako.
Naalala mo pa ba,
Tinuruan mo akong magbilang at sumulat. Tinuruan mo rin akong magbasa.
Pero ako ngayon, eto't basta na lamang ibinato ang binili 'kong bagong telepono para may komunikasyon tayo kapag wala ako. Nagtaka ka at nagtanong sa akin kung paano ito gamitin, sobrang pagod ako sa trabaho at mainit pa ang ulo ko kaya hindi sinasadyang nasabihan pa kita ng 'tanga, magbasa ka,'
Naalala mo ba,
Unang beses tumapak ng mga paa ko sa isang eskwelahan. Natatakot ako kaya hindi mo ako binitawan at mas hinigpitan mo pa ang pagkakahawak sa akin.
Pero ako ngayon, eto't binitawan ka para pumunta sa aking mga kaibigan at kakilala sa gitna ng isang magarbo at malaking pagsasalo. Pinabayaan kita, tutal matanda ka na naman.
Naalala mo ba,
Sinabi mong tumatanda na ako kaya kailangan mo pang magtrabaho para makapagtapos ako. Umiyak at nagmakaawa ako sayo noon pero nangibang bansa ka pa rin para sa mas maganda 'kong kinabukasan at para mapagbigyan ang mga luho ko. Sabi mo, mas magiging madali para sakin ang lahat, pero hindi, nagkamali ka.
Kaya ako ngayon, eto't pinatuloy ka sa inuupahan 'kong bahay pero hindi ka naman inaalagaan.
Ilan lamang iyan. Naaalala mo pa ba? Sana hindi na, ako kasi naaalala ko pa.
Naalala ko pa lahat. Lahat-lahat ng mga napagdaanan ko simula noong nawala ka na sinabi mong mas makakapagpabuti at dali ng buhay ko.
Alam mo ba ang hirap na dinanas ko nang mawala ka? Nang mawala ang taong nagtatanggol sakin? Nang nag-iisang taong nagmamahal at nagmamalasakit sa akin ng totoo? Alam 'kong masakit din sa'yo at para 'to sa kinabukasan ko, pero naisip mo ba ang mararamdaman ko? Ang mga mararanasan ko sa ilalim ng mga taong mabait lamang kapag kaharap mo sila?
Ilang taon ang lumipas na wala ka rito sa tabi ko. Ang dating abot langit na ngiti na parang permanente na sa labi ko ay unti-unting lumisan, katulad ng aking pakiramdam. Nawalan ako ng pakiramdam, unti-unti. Nawalan ako ng pakialam, malasakit. Nawalan ako ng rason para mabuhay pa. Naubos na ata sa tagal mong nawala. Naisip 'kong wakasan na lahat, na wakasan na lamang ang buhay ko, tutal nawalan na rin naman ako ng pakiramdam, ng emosyon. Para na lamang akong isang makina na nakaprograma para sa gawain niya para sa araw-araw, isang makinang walang buhay na nagpapakaproduktibo sa araw-araw.
Ilang taon pa ang lumipas, hindi ko inaasahan ang pagbabalik mo. Abot langit ang ngiti mo samantalang tiningnan lang kita na parang wala lang, na parang hindi kita kaano-ano, na parang hindi kita tatay.
Araw-araw mo akong tinatyagang kausapin kahit halos mapanis ang laway ko dahil hindi naman kita kinakausap. Araw-araw mo akong pinagsisilbihan habang ako patuloy lang sa mga pangaraw-araw 'kong gawain at hindi ka man lang pinapansin. Isang araw, pagkagising ko ay wala ka sa harap ng kusina na nagluluto, wala rin ang nakakairita mong mga papel na idinidikit sa mga aparatong gagamitin ko sa araw-araw. Wala ka sa banyo, wala ka sa kusina, wala ka sa mga kwarto. Isa lang ibig sabihin noon, wala ka, umalis ka na naman.
Pagkatapos ng tagpong yaon, akala ko aalis ka na at hindi na talaga babalik. Hindi, akala ko lang pala. Bumalik ka kinabukasan. Nag-ingay ka na ulit, nanggulo, nangulit katulad ng lagi mong ginagawa. Napaisip tuloy ako, 'kailan ka kaya magsasawa?'
Lumipas ang ilang buwan, napansin 'kong lagi kang umaalis isang beses sa isang linggo, samantalang dati, isang beses sa isang buwan lamang. Hindi ko nalang pinansin katulad ng nakasanayan. Matanda ka na, kaya mo ang sarili mo.
Araw-araw kitang kasama, araw-araw mong kinukulit, araw-araw mong ginugulo. Araw-araw kitang sinisigawan, araw-araw kitang pinapagalitan pero patuloy ka pa rin sa ginagawa mo. Naisip 'kong matanda ka na, dapat alam mo na ang mga dapat gawin.
Pero ngayon ko lang naisip, oo nga pala. Tumatanda na ako kaya't mas tumatanda ka. Mas lumalakas ako at mas humihina ang katawan mo. Hindi ko namalayan na nangangayayat ka na pala. Kaya naghanap ako ng nurse na mag-aalaga sayo tutal hindi naman talaga kita inaalagaan. Pinabayaan kita, pinabayaan kita sa nurse mo habang mas tumatanda at nagkakaedad ka pa.
Isang araw, may kinailangan sa opisina. Kailangang pumunta ako at tingnan ang isa sa mga kompanyang pagmamay-ari nila. Tinanggap ko naman iyon. Inisip 'kong ginawa mo rin naman sa akin ito dati, kaya may karapatan din akong gawin ito sayo. Kaya itinuloy ko, pinabayaan kita kasama ng nurse mo habang ako nagtatrabaho sa malayo. Matanda ka na, maiintindihan mo naman.
Tatlong buwan. Tatlong buwan ang lumipas. Pagkatapos ng halos tatlong buwan, nakatanggap ako ng isang tawag. Agad 'kong nabitawan ang telepono ko habang nanginginig na napaupo sa harap ng mga kasamahan ko sa trabaho. Nagkunot ang mga noo nila, nagtataka.
Tatlong buwan. Tatlong buwan ang lumipas at ito, nakikita kita mula sa malayo. Masaya at abot langit na nakangiti at nakatingin sa akin kahit pinabayaan at iniwan kita. Hindi ko mapigilan ang hindi lumuha habang papalapit sa iyo samantalang ikaw ang nakangiti pa rin sa akin. Hanggang sa makalapit ako sayo, malapit na malapit, humahagulhol na ako pero hindi na kita mahawakan. Huli na ako, hindi na kita mahahawakan. May hadlang na, may nakaharang na. May salamin na naghihiwalay sa ating dalawa.
Akala ko sa ginawa 'kong pag-iwan sayo ang gagaan ang pakiramdam ko dahil naiparanas ko sayo ang hirap. Akala ko, akala ko. Pero kailan ba gumaan sa pakiramdam ang paghihiganti? Kailan ba tumama ang akala?
Akala ko, akala ko. Pero akala ko lang pala iyon. Kaya ito ka ngayon. Nakahimlay sa harap ko. At katulad ng dati,
Iniwan mo na naman ako.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top