Chapter 3: Unbelievable Dare
Chapter 3:
Today is the Aquiantance day! Pero hindi ko alam kung matutuwa ba ako o ano lalo na't si Sena ang magmi-makeup sa akin. Mabuti na lang din at ibang gown ang ipinahiram niya kaya nakahinga na ako ng maluwag.
Habang inaayusan ay nagkaroon din ng war sa pagitan naming dalawa ni Sena. Hindi kasi kami magkasundo sa makeup na gagamitin. Gusto ko ng pink lipstick pero gusto niya red. Kaya ayun nagkasagutan kami ng dalawang minuto pero sa huli ay ako pa rin ang nagwagi.
Sabay na kaming pumunta sa campus. At dahil likas na jamings ang kasama ko ay naka-libreng sakay ako. Pagdating doon ay marami-rami na ang mga tao.
Ala sais na rin naman kasi ng gabi. Bongga ang disenyo ng buong lugar. Punong-puno ng mga nagkikintabang palamuti na kulay silver at gold. Marami ring mesang pabilog sa paligid na bente katao ang kasya. Sa gitna ay isang stage at sa gilid naman nito ang mga speaker and Dj na siyang nagpapatugtog.
Hinanap agad namin ni Sena si Sanchai. Hindi naman kami nabigo dahil nakita namin siyang kausap ang mga kaklase niya. Nagbiruan pa kami sa isa't isa dahil inasar nila akong nagmukhang tao ngayong gabi. Hayop talaga.
Well, masasabi kong nagmukha nga akong tao ngayon dahil sa damit at makeup. Ang buhok kong mala-wavy ay nakapusod sa gilid ng aking tenga at nakatirintas naman sa bandang noo. May iilan ding bangs na nilagay si Sena at mga hair clips. Ang gown ko naman ay kulay green na kumikinang sa silver na nakadikit, pa-isda ang porma at pa-off shoulder na siyang nagpapakita ng v-neck ko.
Oh, 'di ba bongga?
Makaraan lamang ang ilang minuto ay naghiwa-hiwalay kaming tatlo dahil kailangan naming makichika sa mga ka-blockmates namin. Nagsimula na rin ang program sa pangunguna ng dean. May ibang nagpakita ng talents, nagpa-raffle promo at kung ano-ano pang palaro.
Muli rin kaming nagkita ni Sena at Sanchai para magpapicture sa isang photo booth. Mga bandang 9pm ay natapos ang program kaya nagsimula nang magsayawan ang mga tao. Kami naman ay muling nagkahiwalay na magkakaibigan dahil makikichika ulit sila sa mga kakilala nila.
Ako naman ay pumunta sa mga ka-orgmates ko sa theatro para makitsismis. Pero hindi pa man ako tuluyang nakakarating sa mesa ay may nabangga akong isang tao. Magso-sorry na sana ako sabay alis pero nagulat ako nang makita ang mukha niya.
Ang kanyang magulong buhok, mga matang singkit, at awrang malamig. Nakasuot siya ng color black na damit na pinatungan ng grey coat. Pero hutek, siya 'yong lalaking nakita ko noong isang araw na binusted ang isang babae sa hallway!
Oh my goodness! Napakurap ako. Agad namang nagtama ang aming paningin. Pero kung ako ay gulat, siya naman ay napakunot lang ng noo. Hindi naman halatang naiirita siya, 'di ba?
Napalunok na lang ako saka pinigilan ang sariling magpadala sa kakaibang karisma niya. Nyeta, bakit kasi ang attractive niya?
"A-Ah, I'm—" Sinubukan kong magsalita pero hindi ko naituloy nang may biglang isang babae ang lumapit sa kanya at tinawag siya.
Maya-maya pa ay bigla na lang siyang umalis sa harapan ko kasama ang babae.
Napanguso na lang ako habang sinusundan siya ng tingin. Ano ba 'yan! Sayang! 'Di man lang ako nakapuntos! Lalandiin ko sana, e, panira lang 'yong babaita kanina.
Pero kung lalandiin ko naman, marunong ba akong lumandi? Paano ba lumandi? Magpapakilala tapos bobolahin siya, ganun?
Natawa at napailing na lang ako nang palihim sa naiisip. Nababaliw na naman ako.
"Sunny Bernard ang tagal mo naman! Saang lupalok ka ba galing at ngayon ka lang dumating?"
Iyan ang pambungad na salita ng Artistic Director ng teatro na si Eya. Maganda siya, pa-Dora ang style ng buhok, pero friendly at kalog. Isa sa mga Senior namin.
"Pasensya na. May nakita lang kasi akong gwapings na 'di dapat ini-etsapwera," sagot ko sabay upo sa tabi ni Miks, ang boy or gay friend ko sa teatro.
"Hala, gwapings ba kamo? Anong hitsura?" tanong naman ng isa pa naming kasamahan na si Lea, kasabayan kong nag-audition. Katabi ko rin siya ngayon.
"Basta gwapo, tapos."
"Ay? Baka naman kalahi ko rin iyan, friend?" singit ni Miks habang umiinom ng wine. Naka-dekuwatro din ang loka.
"Hoy hindi, ah! Grabe siya!"
"Matcho ba?" tanong ni Eya.
"Bakit? Lalandiin mo?" biro ko.
Ngumisi lang siya sabay inom ng alak. "Kung papasa sa taste ko."
Napa-Oww ang mga kasamahan namin sa mesa. Nasa bente katao kami rito. Walong babae at labing dalawang lalaki.
"Nice, nice, Eya! Lodi na talaga kita!" hagalpak ng isang lalaking kasama namin sa teatro na si Benedick.
"Tse! Lodi mo mukha mong may kasalanan ka pa sa 'king hayop ka!"
"Sabay ganun, oh?"
Nagtawanan lang kaming lahat pagkatapos. Ganito kasi kaming lahat kapag nagsama. Puro maiingay at asaran. Nagtuloy-tuloy ang kwentuhan naming tungkol sa mga nakakatawa at walang kwentang bagay na pinaggagawa namin sa loob ng teatro.
Pero maya-maya pa ay biglang nag-isip ng laro si Eya. Medyo maingay ang tunog ng musika pero naririnig pa rin naman namin ang sinasabi ng isa't isa.
Pero hutek, parang gusto kong mag-back out sa larong naisip ni Eya. Paano ba naman kasi, gagawa kami ng isand DARE na naman. Langya.
Wala namang kaso sa akin ang dare na gagawin, simple lang din ang mechanics. Mag-i-spin the wheel lang sa cellphone ng mga numerong naka-assign sa amin. At kung sinong tatamaan ay siyang gagawa ng dare. Tapos kung sino yung huling gumawa ng dare ay siya ang magpapa-dare sa susunod na gagawa.
Pero kinakabahan pa rin ako lalo na't bawal ang umangal o KJ dito kasi nga raw mga actors and actresses kami na may paniniwalang hindi umaatras anuman ang ipapagawa. Ang sinumang umangal o umayaw ay makakatanggap ng parusang malupit. Meaning to say, kahit pa-tamblingin ka diyan o pasayawin ng sexy dance sa harapan ng stage ay kailangang gawin. Iyon ang challenge since karamihan sa dare na pinapagawa ng mga tao ay mild lang o 'di naman kaya ay madali lang.
Pero para may thrill ay kailangan naming lumevel up.
Hindi ako pumayag sa mechanics. Sinubukan kong kumontra pero talo ako lalo na't marami sila isa lang ako. Isa pa, nasabihan akong KJ. Nyeta.
Kaya ayun, wala na akong nagawa kundi ang makisama. Nagsimulang mag-spin sa cellphone si Eya. Number 7 naman ako. Maya-maya lang ay huminto ito sa number 10 which is Benedick. Pero halos masuka ako sa dare na pinagawa sa kanya.
Paano, pinasayaw lang naman siya ng sexy dance sa harapan ng isang babaeng tahimik na nakaupo sa isang mesang malapit sa amin. Tawang-tawa ang mga kasama ko sa kalokohan niya. Vinideohan pa nila ang tagpong iyon. Napailing na lang ako nang makitang pulang-pula ang mukha ng babae.
Nagtuloy-tuloy ang dare. May ibang pina-dare na kunin ang number ng mga babae o lalaki, iyong iba naman ay pina-arteng umamin sa mga strangers na crush nila ito. Mukhang nauto naman nila dahil kinikilig iyong ibang babae. Ang ibang mga lalaki naman ay napapakamot na lang ng batok. May iba pang dare na pinasayaw ng budots sa dance floor kahit malumanay ang tunog. Tawang-tawa kami sa ginawa ng kasamahan namin lalo na't agaw atensyon siya. Dahil doon ay maraming video ang kumukuha sa kanya. Feeling ko sisikat to bukas.
Pero may isang dare ang nakakapagpagulatang sa akin. Iyon ay noong inutusan ni Benedick si Lea na halikan sa labi ang Ex nito sa harapan ng girlfriend niya. Sinubukan kong umangal at kumontra kasi baka makasira sila ng relasyon. Pero gaya ng inaasahan ay sinabihan na naman akong KJ.
Tumingin ako kay Lea at binigyan siya ng kumukontrang tingin pero nginisihan niya lang ako at saka siya tumayo. Wala na akong nagawa pa kundi ang panoorin siya habang naglalakad papunta sa isang mesa malayo rito sa kinaroroonan namin.
Huminto siya sa isang lalaking kulay red ang kulay ng buhok na may katabi namang isang babae na tingin kong girlfriend nito. May mga kasama rin ito sa mesa.
Hinintay namin ang gagawin ni Lea. Lahat kami ay tutok na tutok sa kanya at wala ni isa ang nagsalita.
May sinabi si Lea sa lalaki na siyang nagpalingon nito sa kanya. Pero maya-maya lang ay walang anu-anong yumukod si Lea at saka hinalikan sa labi ang lalaki sa harap ng girlfriend at mga kasama nito.
Nagulat ang lahat ng mga nasa mesa nila sa nasaksihan. Bigla ring napatayo ang babaeng karelasyon nito at saka walang anu-ano'y sinabunutan si Lea saka ito tumakbo palayo.
Napanganga na lang kami sa nangyari. Pero si Lea ay nagawa pang umarte na tila wala lang sa kanya ang nangyari pagbalik dito sa mesa. Ang laki pa ng ngiti niya sa labi na akala mo nanalo sa lotto. Napapalakpak na lang sa kanya ang mga kasama namin saka siya pinuri. Ako naman ay hindi pa rin maproseso sa utak ang nangyari. Nagulantang pa rin ako sa ginawa niya.
Ni hindi ko nga namalayan na ako na pala ang sunod na magdi-dare. Sa pagkakataong ito ay doon na umusbong ang kakaibang kaba sa aking dibdib. May posibilidad na baka mas malala pa ang ipapagawa nila sa akin kaysa kay Lea.
Tumingin ako kay Lea. Binigyan niya naman ako ng makahulugang tingin saka siya luminga-linga sa paligid na tila may hinahanap.
"H-Hoy, Lea. Binabalaan kita, 'ayusin mo ang dare." Pinandilatan ko siya ng mata pero tinawanan lang ako ng loka.
"Easy lang, Sunny. 'Di ka naman mamamatay."
"Takot siya teh baka nga patayin mo raw," saad ni Miks na tumatawa lang. Hinampas ko nga. Napa-aray naman siya. Hinampas ko ulit.
"Letse ka, Miks." Pero tumawa lang ulit ang baliw.
"So, anong dare mo sa kanya, Lea?" tanong ni Eya na muling uminom ng wine.
"Mmm..." Napahawak naman si Lea sa kanyang baba bago muling lumingon-lingon sa paligid. "Aha! Alam ko na!"
"Ano?"
"Kilala mo ba 'yon?"
"Sino?"
"Ayun oh!" May itinuro siya sa likuran ko. Agad naman naming itong sinundan ng tingin. Pero napakunot lang ang noo ko nang makitang isang grupo ng mga lalaki at babae ang itinuturo niya na nakatayo sa gilid ng stage, malapit sa kinaroroonan ng DJ.
"Oh, anong gagawin ko diyan?" kunot-noong tanong ko.
"Kilala mo ba iyong president counsil?"
"Saan?"
"Ayun oh! Iyong nakakulay grey na coat! Iyong magulo ang buhok!"
Agad kong hinanap ang lalaking itinuturo niya. Hindi naman ako nabigo dahil agad ko itong nakita kasama ang tatlong lalaki at dalawang babae na kanyang kausap. Pero agad nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize na ang lalaking tinutukoy ni Lea ay iyong lalaking nakabanggan ko kanina!
Kumabog bigla nang mabilis ang dibdib ko.
Oh holy gosh! What the heck?
Agad akong bumalik ng tingin kay Lea na may gulat at pagtataka sa mukha.
"Nakita mo na ba ang tinutukoy ko, Sunny? Siya si Glen Felipe, ang President Counsil."
"A-Ano? S-Siya ang president counsil?!" bulalas ko.
Ngumisi lang siya sabay tango. "Ahuh."
"Bakit, Sunny? Don't tell me 'di mo kilala si Glen?" saad ni Eya.
"H-Hindi..." Umiling-iling lang ako. Masyado pa rin akong gulantang sa katotohanang ang lalaking nakabanggan ko kanina ay isang president counsil pala.
Nagsinghapan ang mga kasama ko dahil sa aking sinagot.
"Hala! Seryoso?! 'Di mo kilala si Glen?!"
"Luh, Lt ka, Sunny!"
"Jusko day! Saang lupalok ka ba nagmula at 'di mo kilala ang ultimate crush ng campus natin? Don't tell me tulog ka noong nagbotohan?" bulalas ni Miks habang may hindi makapaniwalang tingin sa akin. Pero lalo lang akong nagulat sa sinabi niya.
"A-Ano? Crush? Sikat siya rito sa campus?!"
"Luh, oo 'te! Gaga ka! President siya tapos 'di mo kilala? Ibang klase ka talaga, Sunny. Laging huli sa balita!"
"Hay naku. Bago 'ata ito, ah. Isang communication student na-late sa balita! Nice, nice, Sunny!" pang-aasar ni Benedick pero siniko lang siya ng katabing si Eya.
"O, siya tama na iyan. May dare pa akong ipapagawa kay Sunny."
"Ay oo nga pala!" Humagalpak ng tawa si Miks. "So, what's the dare?"
Lalong lumawak ang ngisi sa labi ni Lea na siyang lalong ikinalakas ng tibok ng puso ko. Tumingin din siya sa akin sabay kindat.
But heck, why do I have this feeling na hindi ko magugustuhan ang dare niya? O baka naman praning lang ako?
Napalunok na lang ako at kinagat ang labi.
"A-Ano nang dare mo sa akin?" kinakabahang tanong ko.
"Mmm..." Muli siyang ngumisi nang makahulugan at saka itinukod ang siko sa mesa sabay tingin sa mga kasamahan bago sa akin.
Pero halos malaglag ako sa kinauupuan ko kasabay ng panga ko nang marinig ang kanyang huling sinabi.
"I dare you to confess that you like him and kiss him after."
***
Unedited...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top