III
"Hanggang kailan mo gagawin sa akin ito?"
Tuluyan nang nanghina ang katawan ng babae. Nananahan sa kanya ang kaba. Ang takot. At mga luha na tila ayaw tumigil sa pag-agos mula sa kanyang mga mata.
"A-anong... I-ibig sabihin nito?" sa labis na takot at pagkabigla ay iyon ang mga salitang lumabas mula sa kanyang bibig.
"Ngayon mo sagutin. Sino ang tunay na nagbago? Ako ba... O ikaw?" tanong ng lalaki sa asawa, at sa bawat pagbigkas nito ng salita ay may bahid ng dugo na lumalabas sa kanyang bibig.
"H-hindi.... H-hindi ko naiintindihan!"
Binalot ng malakas na sigaw ang buong tahanan. Muling pumatak nang magkakasunod ang mga luha ng babae. Napatingin siya nang diretso sa mga mata ng kanyang asawa. At doon ay isang ala-ala ang nagbalik sa kanya.
*flashback*
" P-pakiusap, mahal... H-huwag mo akong iwan!"
Paulit-ulit na pagmamakaawa ng babae sa kanyang asawa.
Gayak na gayak ang kanyang asawa. Nakaayos ito ng kasuotan at nakahanda na rin ang mga gamit at maleta nito. Handa na itong umalis.
Samantala, nakaluhod naman sa kanyang tapat ang kanyang asawang babae. Walang tigil na umiiyak. Walang awat sa pagmamakaawa at pakikiusap.
"Sawang-sawa na ako sa bahay na ito! Sawang-sawa na ako sa'yo! Matagal ko nang hiniling na makipaghiwalay sa'yo pero tingnan mo ang ginagawa mo sa akin! Halos itali mo na ang sarili ko sa'yo! Nasasakal na ako! Tama na! Tama na!" paulit-ulit na sigaw ng lalaki sa asawang babae kung kaya't mas lalo itong humagulgol.
" P-pero... P-paano na ako? Hindi ko kayang mag-isa. Huwag mo kaming iiwan ng mga anak mo. Pakiusap, mahal ko---"
" Pwede bang tumigil ka na? Ano bang sinasabi mo? Ito na lang ang palagi nating pinag-aawayan! Palagi mong ipinagpipilitan na ipagdiwang ang kaarawan ng mga anak mo! " napatigil sa pagmamakaawa ang babae dahil sa sinabi ng asawa.
" S-simple lang naman ang hinihiling ko! G-gusto ko lang ipagdiwang ang kaarawan ng kambal natin---" bago pa matapos ang mga salitang iyon ay tuluyan na itong natigil nang makatanggap ng malakas na sampal mula sa lalaki.
"Gumising ka nga, Elena! Ano bang sinasabi mo? Wala na tayong anak! Patay na sila! Wala na ang kambal natin! Nababaliw ka na ba? Nasisiraan ka na ba talaga ng bait? Gusto mong ipagdiwang ang kaarawan ng anak natin? Hindi na sila nabubuhay! Inuulit ko, tatlong taon na silang patay!"
" Hindi mo ba naaalala? Ikaw ang pumatay sa mga anak natin! Pinabayaan mo sila! Tinanong kita kung ano ang nangyari ngunit ipinagpipilitan mo na binulungan ka ng masamang demonyo! Hindi ako tanga, Elena! Alam kong iba na ang tumatakbo sa isip mo! "
Muling napahagulgol nang malakas ang babae dahil sa mga salitang winika ng asawa.
Tatlong taon nang patay ang kanilang kambal.
Ngunit sa tuwing nagdaraan ang kaarawan ng mga ito ay pinagpipilitan niya pa rin sa asawa na ipagdiwang ito, bagay na ikinagagalit ng lalaki.
"Akala mo ba hindi ko alam? Malaking usap-usapan na tayo sa bayan! Akala mo ba hindi nakakarating sa akin ang balita na naglalakad ka raw sa kalye nang walang suot-pampaa. Magulo pa ang hitsura mo. Hindi ka na nahiya! Ano na ba talagang nangyayari sa'yo!?" singhal pa ng lalaki sa asawang babae na ngayon ay nakalugmok sa malawak na sahig at walang tigil pa rin sa pag-iyak.
Muli itong lumuhod sa tapat ng lalaki at muling nakiusap.
" P-pakiusap... Bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon para makasama ka... K-kahit ngayong gabi lang... P-pakiusap... Pagkatapos, maluwag sa loob kong hahayaan na umalis ka... Pakiusap," muling pagmamakaawa ng babae.
Sandaling humupa ang tensyon sa pagitan nila. Humupa rin sandali ang galit ng lalaki at nawala na ang kuyom ng kanyang mga palad.
Dahil sa pagnanais na makalayas na sa tahanan, pumayag ang lalaki sa ibig ng kanyang asawa. Ang huling hiling nito ay magkatabi pa sila sa iisang higaan sa huling pagkakataon sa loob pa ng isang gabi. At pagsikat ng araw ay tuluyan nang aalis ang lalaki sa kanilang tahanan upang iwan ang asawa.
Sumapit ang gabi. Maliwanag na ang bilog na buwan. Nababalot ng ingay ng mga kuliglig ang paligid.
Naghanda ng tasa ng tsaa ang babae para sa kanyang asawa. Dahan-dahan niya itong inilapag sa mesa katabi ng bintana kung saan naroroon ang lalaki.
"U-uminom ka muna ng tsaa. Makakabuti ito para gumaan ang pakiramdam mo,"
Bahagyang napalingon ang lalaki nang marinig ang tinig ng asawa. Napatingin siya sa tasa ng tsaa sa mesa. Kinuha niya ito at sinimulang inumin nang walang imik.
"Pagkatapos mong uminom, maligo ka na rin sa banyo. Naghanda ako ng maligamgam na tubig para gumaan ang iyong pakiramdam,"
Hindi tumugon ang asawang lalaki at nanatiling nakatulala sa kawalan. Hindi na niya ibig pang magtagal sa piling ng asawa.
"Makakaalis ka na," malamig at tipid niyang tugon. Marahang tumango ang babae at tsaka umalis.
Matapos ang mahaba-habang oras ng pagmumuni-muni ay nagpasyang pumasok sa banyo ang lalaki upang maligo. Ngunit bago pa man matuloy ang kanyang pagpasok, isang matigas na bagay ang mabilis na tumama sa kanyang ulo, dahilan ng agad niyang pagkawala ng malay. At ang nasa likod nito....
Ay ang kanyang sariling asawa.
Matapos mawalan ng malay ang lalaki, buong-lakas siyang hinila ng babae papasok sa banyo at inilagay sa paliguan. At doon nga ay naganap ang isang madugong pangyayari.
Gamit ang isang matalim na itak, paulit-ulit na tinarak ng babae ang patalim sa iba't ibang parte ng katawan ng kanyang asawa.
Napuno ng dugo ang paligid.
Napabagsak sa sahig ang babae habang pinagmamasdan ang katawan ng asawa na naliligo sa sarili nitong dugo.
Walang mababasang reaksyon sa kanyang mukha, maliban sa mga luha na walang awat na umaagos sa kanyang mga mata.
"Kung iiwan mo lang din ako, mabuti pang gawin ko na lang ito,"
"Kung hahanap ka rin ng iba, mabuti pa ngayon dahil habambuhay pa rin kitang makakasama.... Mahal ko,"
At mula nang gabing iyon ay hindi na niya nilisan pa ang lugar.
"Hindi ba't tama ako? Ikaw ang totoong nagbago,"
Napahagulgol at nanghina ang katawan ng babae dahil sa winika ng lalaki at sa isang ala-alang nagbalik sa kanyang isipan.
Ngayon ay nasagot na ang mga kalituhan at katanungan. Malinaw na ang lahat.
Siya ang tunay na may sala. Nagawa niyang paslangin ang kanyang sariling asawa. At ang lalaki na kanyang patuloy na pinagsisilbihan sa umaga at hinahanap sa tuwing nawawala...
Ay matagal nang patay.
Isa na lamang naliligaw na kaluluwa na hindi pa nililisan ang mundo.
Ang lalaking nakakausap niya ay hindi na nabubuhay. Isang kaluluwa. Bahagi na lamang ng kanyang imahinasyon at hindi na nabubuhay gaya niya.
"Ikaw ang may kasalanan ng lahat. Ikaw ang dahilan kung bakit ka nagkakaganiyan. Ikaw ang totoong sumira sa pamilya natin. Ikaw ang may kasalanan kung bakit nasira nang tuluyan ang lahat sa atin,"
Napahawak na lamang sa kanyang dibdib ang babae. Mas lalong nakadagdag sa bigat ng kanyang nararamdaman ang mga salitang binibitawan ng lalaki.
" H-hindi... H-hindi ko ito ginusto, "
" P-patawad... P-patawarin mo ako... P-patawad mahal ko... P-patawad mga anak ko...."
Walang awat ang pag-agos ng kanyang mga luha. Umiiyak sa kawalan at animo'y wala nang katapusan. Ilang saglit lang ay agad niyang napagtanto na wala na sa kanyang harapan ang asawa.
Naglaho na ito na parang bula.
Natapos ang tagpo sa isang malalim na pagluluksa, hinanakit at pagdurusa. Napuno ng luha at pasakit ang babae sa katotohanang siya ang nakapatay sa kanyang pinakamamahal na asawa.
*Makalipas ang isang linggo*
"Kaya pala umaalingasaw,"
"Kaya pala palagi siyang mag-isa,"
"Nakakatakot naman,"
Nababalot ng mga bulungan at halo-halong kuro-kuro ang isang bahay na nakatayo sa pusod ng kagubatan.
Kanya-kanya silang magtakip ng ilong. Maraming tao at napapalibutan ng mga awtoridad ang buong tahanan.
Nililibot nila ngayon ang buong bahay. Magulo ito at makalat. Umaalingasaw ang napakasangsang na amoy. Puno ng dugo ang hagdan, patungo sa kusina at sa iba pang bahagi ng bahay. Sa isang malawak pader, makikita ang isang malaking litrato ng kumpletong pamilya---isang ina, isang ama, at kambal na lalaki at babae. Kapansin-pansin na luma na ang larawan at may bahid din ng dugo. Agaw-pansin pa ang mga dalawang tasa na nakalapag sa mesa. Kung pagmamasdan, puno ng hinanakit, pasakit, suliranin at luha ang buong tahanan.
"Kumpirmado! May bangkay!"
Mas lalong lumakas ang bulungan ng mga tao dahil sa narinig.
Marami ang sumilip.
Marami ang tumingin.
Sa loob ng isang silid, sila ay dinala ng kanilang mga paa patungo sa isang palikuran.
At doon ay tumambad ang isang kahindik-hindik na tagpo. Sa paliguan kung saan doon ay matatagpuan...
Ang isang bangkay ng lalaki na matagal inaagnas. Nakayakap sa kanya ang isang babaeng naliligo rin sa sarili nitong dugo. Sa tabi nito ay may isang maliit na papel kung saan nakasulat ang mga katagang....
"Sa wakas, habambuhay na tayong magkasama"
***WAKAS***
PAG-UNAWA:
Ang istoryang inyong natunghayan ay walang katotohanan at pawang kathang-isip lamang.
Sa istoryang ito, si Elena ay mayroong sakit sa isip na kung tawagin ay schizophrenia. Ang taong nakakaranas ng ganitong uri ng sakit sa isip ay nagkakaroon ng kaibahan sa pag-unawa sa realidad. Ito ay dahil sa kanilang mga nararanasan na hallucinations, delusyon at guni-guni na nakakaapekto sa kanilang pag-uugali, kilos at sa takbo ng kanilang pamumuhay. Ang mga taong nakararanas nito ay kinakailangan ng matagal na gamutan at suporta mula sa kanilang kaibigan, lalong-lalo na sa kanilang pamilya.
Muli, ang istoryang ito ay walang katotohanan at pawang kathang-isip lamang.
Maraming salamat po!
~Señorita Hermosa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top