II

MAINIT ang umagang sumalubong sa babae. Natapos na niya ang lahat ng gawain sa tahanan. Ang paghuhugas, paglalaba, pamamalengke at paglilinis ay natapos na niyang gawin. Sa tabi ng bintana ay taimtim siyang nakaupo at matiyagang naghihintay sa pagdating ng kanyang asawa.

Sumapit ang malalim na gabi. Bilog na ang maliwanag na buwan sa kalangitan na sinasabayan ng maningning na mga bituin. Malamig na ang simoy ng hangin. Lumipas na ang maraming oras ay hindi pa rin dumarating ang asawa.

Nakahimlay ang kanyang buong katawan sa malawak na higaan. Siya'y nakatulala habang nagpapalamon sa isang nakabibinging katahimikan na bumabalot sa buong silid. Nasa iisang lugar siya subalit tila lumilipad ang kanyang isip. Nasa iisang bubong lamang sila ng kanyang minamahal subalit tila langit at lupa ang layo nila sa isa't isa.

Nakatulog siya nang may luha sa mga mata. Tanghali na nang siya ay magising. Hindi na nadatnan pa ang kanyang asawa. Napagtanto niyang mag-isa siya buong gabi at magdamag.

Alas-dose ng tanghali. Lumipas na ang agahan. Nilibot na niya ang buong tahanan sa pag-asang makita ang anino ng asawa. Hinanap niya ito. Hinagilap nang walang sawa. Nagbabaka-sakaling umuwi ito kagabi sa kalagitnaan ng kanyang paghimbing.

Nabigo ang babae. Hindi niya nasumpungan ang asawa. Mula sa sala, kwarto, kusina, hardin at saan mang sulok ng kanilang tahanan ay hindi niya ito nakita.

Dahil sa labis na pag-aalala, walang alinlangan siyang tumungo sa opisina ng asawa sa pag-asang makakuha ng kasagutan.

"Ano? Wala rito ang asawa mo. Matagal na siyang hindi pumapasok rito,"

Tugon ng isa sa kanyang napagtanungan. Libo-libong kaba ang dumalaw sa kanyang dibdib. Malaki man ang pinagbago ng kanyang minamahal, palagi niya pa ring ipinagdarasal ang kaligtasan nito.

" K-kailan pa siya wala rito? Kailan pa siya nagsimulang hindi pumasok?" usisa pa ng babae bitbit pa rin ang pag-aalala.

"Matagal-tagal na. Mga tatlong linggo... Apat siguro... O mag-iisang buwan. Basta. Matagal na siyang wala rito. Napalitan na rin siya sa posisyon. Ni hindi man lang siya nagpaalam sa amin kung may balak pala siyang lumipat ng pagkakakakitaan," muling tugon ng lalaki.

Napahawak na lamang sa noo ang babae. Hindi na niya batid ang kanyang gagawin. Hindi na niya mapigil ang kanyang sarili sa labis na pag-iisip.

Nilisan niya ang nasabing lugar nang tahimik. Sunod-sunod ang mga katanungan na bumabato sa kanyang isip.

Kakaiba at hindi na normal ang mga araw nitong nakaraan. Marami nang nagbago. Marami nang nakapagtataka. Marami nang hindi maipaliwanag.

Napasalampak siya sa kalye habang malalim pa rin ang iniisip. Huli na nang maramdaman niya ang kakaibang kirot sa kanyang paa mula sa mahabang paglalakad sa lansangan. Nang siya ay tumingin sa kanyang ibaba, napako ang tingin niya sa sugat sa kanyang paa. Nagdurugo ito at napupuno ng dumi. Huli na nang kanyang mapagtantong wala siyang kasuotang pampaa.

Marahil ay nakalimutan na niya dahil sa labis na pag-aalala sa mahal na asawa.

Maraming lugar pa siyang dinaanan. Mga lugar na kanyang inaasahan na posibleng daanan o puntahan ng kanyang asawa. Napuntahan na niya ang pamilihan. Ang pasyalan. Pagamutan at halos dalhin na rin siya ng kanyang mga paa sa sabungan.

Hindi niya magawang lumuha. Ang tanging nadarama niya lamang ay takot, kaba at pangamba. Buong maghapon at magdamag siyang naghagilap sa lansangan. Hinanap ang kanyang minamahal. Sinuyod ang buong bayan na animo'y naghahagilap ng pag-asa sa kawalan.

Lumipas ang maraming oras hanggang sa sumapit ang umaga. Inabutan na siya ng buong magdamag sa lansangan subalit tila hindi niya ito alintana. Mainit na ang sikat ng araw kahit alas-syete pa lamang ng umaga.

Malayo na ang kanyang narating sa paghahanap. Magulo na ang mahaba niyang buhok. Halos hindi na siya makilala. Ngunit kataka-takang tila balewala lamang ito sa kanya. Walang mababasang sakit o pagdurusa sa kanyang mukha. At tila ba wala siyang anumang kirot na iniinda.

Hindi maiwasang sumagi sa kanyang isip na marahil ay wala na ito. Marahil ay wala na ang kanyang asawa. Malaki ang posibilidad na iniwan na siya nito at naglayas. O 'di kaya'y nagpakalayo-layo na ito dahil hindi na nito nais pang manatili sa kanyang piling.

Sa wakas, tila natauhan ang babae. Himalang matuwid niya pang nilakad ang kanyang mga paa. Kabisado pa ng kanyang isip ang daan patungo sa kagubatan. Natatandaan pa ng kanyang puso ang landas pauwi sa kanyang nag-iisang tahanan.

Nang siya ay umuwi, makalat ang buong tahanan. Maraming basag na botelya, sira-sirang mga damit, nagkalat na mga nabulok na pagkain at patay na hayop sa buong tahanan. Umaalingasaw ang masangsang na amoy sa buong lugar na tila ba dinaanan ito ng malaking delubyo.

Wala na siyang nadarama. Walang rekasyon. Walang pasakit. Wala nang pag-aalala. Nadaanan niya ang kusina at ang kanilang malaking hapag.

Napakarami ng kalat dito. Animo'y hindi nalinis ng ilang buwan at taon.

Tinatahak na niya ang daan paakyat ng hagdan patungo sa kanyang silid. Subalit natigilan siya nang marinig ang tugtog ng musika mula sa radyo.

Walang sinuman ang nasa tahanan maliban sa kanya. Kataka-takang madarama ang ibang presensiya sa lugar na iyon.

Napalingon siya sa kinaroroonan ng radyo. Walang sinuman ang kanyang kasama. Malabong tutugtog iyon nang mag-isa.

Ilang saglit lang, isang pamilyar na tinig ang kanyang narinig.

"Magandang umaga,"

Isang malamig na bati ang sumalubong sa kanya.

Naglakad papalapit sa kanya ang kanyang asawa. Niyakap siya nang mahigpit sa likuran at binigyan ng isang matunog na halik.

Naiwang tulala ang babae. Sa haba ng kanyang pinagdaanan, hindi siya makapaniwalang masusumpungan pa niya ang kanyang asawa.

Dire-diretso itong bumaba ng hagdan na animo'y walang nangyari. Kataka-takang wala itong pakialam at hindi man lamang nababahala sa mga kalat sa paligid.

Umupo ito sa hapag nang tahimik at matiyagang naghintay.

"Umaga na. Bakit hindi mo pa ako pinagtitimpla ng tsaa?"

Tanong nito. Gaya ng dati, nanatiling malamig ang kanyang tinig.

Hindi sumagot ang babae. Nanatili siyang tahimik.

Dahan-dahan ang kanyang mga hakbang pababa ng hagdan habang nakatingin sa asawa na walang ganang nakaupo sa tapat ng hapag at nakatulala sa kawalan.

"Saan ka nanggaling?"

"Bakit ngayon ka lang?"

Ang dalawang tanong na iyon ang bumasag sa namumuong katahimikan sa pagitan ng mag-asawa. Hindi pa rin ito nabibigyang-kasagutan.

Hindi pa rin nabibigyang-linaw ang lahat.

"Naligo lang ako sa banyo saglit," malamig na tugon ng lalaki sa asawa.

Napalingon ang babae sa silid kung saan naroon din ang kanilang palikuran. Magmula nang siya ay magising, iyon ang una niyang pinuntahan upang hanapin ang asawa.

Nakasarado ito bago siya umalis. Paanong nanggaling ito roon?

Ilang saglit pa ay mabilis na tumayo mula sa tapat ng hapag ang lalaki. Dire-diretsong naglakad at tila walang balak lingunin ang asawa.

"Sandali!" tawag ng babae ngunit hindi lumilingon ang lalaki.

"Sandali! Tumigil ka!" muling tawag ng babae sa asawa, at sa pagkakataong ito ay tuluyan na itong napatigil.

"K-kahit kailan... Hindi ko naisip na magagawa mo sa akin ito! B-binigay ko sa'yo ang lahat. Ginawa ko ang lahat ng gusto mo. N-naging mabuti akong asawa sa'yo, alam mo 'yan. Naging mabuti akong ina sa mga anak natin. N-nagbago ka na. H-hindi na ikaw ang lalaking minahal ko at nagmamahal sa akin. Nagbago ka na dahil nagagawa mo na akong saktan ngayon nang ganito! "

Nabalot ng mga hikbi at hinanakit ang buong tahanan. Walang awat ang pag-agos ng mga luha ng babae. Mga luha na matagal niyang pinigil. Mga hinanakit at mga salitang matagal niyang hindi nasabi. Ngunit sa kabila ng lahat ay nanatiling nakatalikod ang kanyang asawa. Nakatulala sa kawalan na tila bingi sa ingay ng mundo.

"Hindi ako ang tunay na nagbago,"

"Kundi ikaw,"

Ang mga salitang binitawan ng lalaki ay tila nagpatahimik nang tuluyan sa babae.

Maya-maya pa ay dahan-dahan na lumingon pabalik ang lalaki.

At tuluyan nang nanghina ang babae sa kanyang nakita.

Ang kanyang asawa ngayon ay nakatayo at tulala.

Naliligo sa sariling dugo.

Namumugto ang mga mata.

Puno ng sugat at latay ang buong katawan.

At animo'y hinukay sa kabilang-buhay.

"Hanggang kailan mo gagawin sa akin ito?"

Kalakip ng mga salitang binitawan ng lalaki ay ang tuluyang panghihina ng katawan ng babae.

At muli, ay umagos ang kanyang mga luha... Sa bagay na natuklasan.

Na ang lalaking kanyang iniibig, pinaglilingkuran at minamahal nang lubos...

Ay matagal nang nasa hukay ng kamatayan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top