I
A CUP OF TEA
(A Short Story)
Written by:
SEÑORITA HERMOSA
MAALIWALAS ang umagang dumating sa maliit na baryo na animo'y napag-iwanan na ng kabihasnan.
Malalayo ang pagitan ng mga bahay. Matataas ang mga talahiban. Puno ng kagubatan. Maririnig ang lagaslas ng tubig sa dalampasigan. Tirik sa init ang haring araw habang nababalot ng mga ulap sa kalangitan.
Sa dakong silangan, isang tahanan ang nagkukubli mula sa pusod ng kagubatan. Malayo sa ibang tahanan. Kung sa kalayuan ka titindig, matatanaw agad at mapipintas ang kaibahan.
Kalawangin ang malaki nitong tarangkahan. Malawak ang hardin, subalit napupuno ng walang buhay at tuyot na mga bulaklak at halaman. Sa loob ng hardin makikitang nagkalat ang mga tuyong dahon sa damuhan. Ang buong tahanan ay animo'y tinanggalan ng kariktan at kayamanan.
Sa loob ng tahanan, abala ang isang babae sa pag-aasikaso sa hapag. Siya'y bata pa. Edad dalawampu't anim. Ngunit kung pagmamasdan, halos dumoble ang edad dahil sa kakaiba nitong pananamit. Labis at mahinhin ang mga kilos na animo'y may kinatatakutang mabasag. Marumi ang mahabang saya na kanyang suot. Mahaba ang kanyang buhok na abot hanggang sa kanyang beywang.
Maingat niyang inilapag ang dalawang tasa ng tsaa sa mesa. Binuksan niya nang marahan ang bintana upang malayang makapasok ang sikat ng araw. Ipinikit niya ang kanyang mga mata habang dinadama ang sariwang simoy ng hangin. Humuhuni ang mga ibon at sumasayaw ang mga puno. Ang araw na ito'y puno ng kulay at kasiyahan para sa kanya.
Nagsimulang tumugtog ang isang awitin sa radyo. Hindi niya mapigilang mapa-indak at mapasayaw sa saliw ng musika. Natigil lamang siya ng isang pamilyar na presensiya ang dumating, isang yakap mula sa kanyang likuran ang sumalubong sa kanya.
"Magandang umaga," isang matamis na bati kasabay ng matunog na halik.
Hindi maitago ang kanyang abot-langit na ngiti at sinalubong din ng yakap ang asawa.
"Magandang umaga. Magandang umaga, mahal ko," bati niya pabalik.
Sa magkabilang dulo ng hapag ay sabay nilang pinagsaluhan ang lahat ng pagkain. Hindi mawala ang ngiti sa labi ng babae. Ito na ang kanyang nakasanayan. Ito na ang kanyang nakagawian. Masaya na siya sa kanyang paulit-ulit na buhay. Ang makitang masaya at kuntento ang kanyang asawa sa lahat ng kanyang ginagawa ay labis nang biyaya kung maituturing para sa kanya.
Tunay nga na walang makakapantay sa saya na naidudulot sa damdamin sa tuwing nasisilayan ng ating mga mata ang ngiti mula sa labi ng ating minamahal.
Hindi pa rin mawala sa kanyang gunita ang haba ng taon ng kanilang pagsasama.
Bata pa lamang ay nagkakilala na sila. Sila ay magkababata at labis na kilala ang isa't isa. Nang sila ay tumungtong sa sekondarya, nagkaroon sila ng pagkakataong magkaunawaan pa nang mas malalim sapagkat pareho sila ng paaralan na pinapasukan. Gayundin nang sila ay tumungtong sa kolehiyo dahil kapwa sila nag-aaral sa iisang unibersidad.
Sabay silang lumaki. Nangarap. At naglakbay. Hindi naging mahirap para sa kanila na mahalin ang isa't isa. Hanggang sa unti-unting paglipas ng panahon, mas lumalim ang kanilang pagsasama na nauwi rin sa kasal.
Sila ay may dalawang anak. Kambal. Isang babae, isang lalaki. Wala nang mahihiling pang iba ang babae sa piling ng kanyang pamilya. Lalo na't nasa tabi niya palagi ang kanyang pinakamamahal na asawa.
Subalit, tila tama nga ang sabi ng iba.
Walang perpektong pamilya.
Habang tumatagal, unti-unti niyang napapansin ang biglang paninibago ng asawa. Madalas na itong hindi makausap nang maayos. Bibihira na lamang ito kung sumabay sa agahan dahil sa labis na pagkaabala sa trabaho. Madalas itong umuuwi ng gabi. Hindi makausap. Madalas na dumidiretso na lamang sa pagtulog nang hindi kinakausap ang asawa.
Nalulungkot man at nagugulumihanan sa ikinikilos ng asawa, nanatili ang tiwala ng babae sa kanyang minamahal. Magmula nang sila ay nagpasyang magsama at magpakasal, kalakip niyon ang pag-aalay niya ng buong puso at tiwala sa lalaking nangako ng habambuhay na pag-ibig sa kanya.
Sa tuwing nais niyang tanungin ang kalagayan ng asawa, kanyang nararamdaman na ito ay umiiwas sa kanya. Kung kaya't mas maraming pagkakataon na pinipili na lamang niya na manahimik.
Bagama't malaki na ang pinagbago ng asawa, patuloy niya pa rin itong pinaglilingkuran. Pinupunan ng saya ang bawat araw na nagdaraan sa kanilang pagsasama. Ginagawa ang responsibilidad bilang isang mabuting may-bahay.
"Bakit hindi ka kumakain? Masama ba ang pakiramdam mo?"
Tila nagising ang nahihimbing na diwa ng babae nang marinig ang tinig ng asawa. Napakagat siya sa ibabang labi at mahinhin na tumugon.
"A-ayos lang ako. Masaya na akong makitang masaya ka,"
Bumalik ang atensyon ng lalaki sa pagkain at hindi na umimik. Bahagyang napayuko ang babae. May kirot pa rin sa kanyang puso sa tuwing malamig at tipid na kung sumagot ang asawa.
Ibigin man niyang pahabain pa ang kanilang usapan, kataka-takang hindi na niya ito magawa.
Ilang saglit pa, sunod-sunod na katok mula sa pinto ang bumasag sa namumuong katahimikan sa pagitan nilang mag-asawa.
Marahang tumayo mula sa upuan ang babae. Pinagpagan niya ang kanyang suot na saya at agad na pinagbuksan ang kumakatok.
"Magandang umaga,"
Isang mainit na bati ang agad na bumungad sa kanya. Isang matandang babae ang sa kanya ay sumalubong. Bitbit ang isang bayong at abot tainga ang ngiti.
"Kumusta? Pasensiya na sa istorbo. Gusto ko lang sana ibigay sa inyo itong mga langka. Bagong-pitas lang ito sa bakuran namin. Matamis iyan. Sana magustuhan mo," wika ng matanda kaakibat ang isang matamis na ngiti.
"M-maraming salamat po," tipid na ngumiti ang babae matapos tanggapin ang bigay ng matanda. Akma na niyang isasara ang pinto, subalit mabilis na humarang muli ang matanda at muling nagwika.
"Ikaw lang ba ang mag-isa rito?"
Hindi nakasagot ang babae sa tanong na iyon. Nanatili siyang walang imik na animo'y walang balak na tumugon.
"H-hindi ko po alam,"
Walang utal niyang tugon at iniharang ang sarili sa pinto na tila may itinatago.
"Hindi mo alam? Hindi mo alam kung mag-isa ka lang o hindi?"
Tanong pa ng matanda na animo'y hinuhukay at kinukwestiyon ang kanyang buong pagkatao. Hindi kaba ang nananahan sa babae. Hindi mabasa ninuman ang kanyang nararamdaman.
"Hindi bale, hindi na kita pipiliting sagutin ang tanong ko. Kalimutan mo na iyon,"
Marahang napatango ang babae sa winika ng matanda.
"M-may kailangan pa po ba kayo?" mahinhin at magalang na tanong ng babae sa matanda.
"May gusto pa sana akong itanong. Hindi kami makatulog nitong mga nakaraang gabi. Ganoon din ang iba nating mga kapitbahay. May nangangalingasaw na amoy na umiikot sa hangin kaya hindi kami mapakali. Isinangguni na namin ito sa kinauukulan ngunit wala pa kaming tugon. Nagtataka na nga kami kung saan iyon nanggagaling. Mag-ingat-ingat ka rito. Pinapaalalahanan lang kita, " payo ng matandang kapitbahay at tumango naman ang babae.
" Salamat po sa paalala. Mag-iingat din po kayo, " magalang na tugon ng babae.
" Mag-isa ka lang ba talaga ngayon? Nasaan ang asawa mo? May itatanong pa naman ako sa kanya, " wika pang muli ng matanda.
Muling natahimik ang babae. Wala ni isang salita ang lumabas mula sa kanyang tinig.
" Huwag niyo na pong tanungin,"
"Dahil wala rito ang asawa ko,"
Nakakuyom ang mga kamao ng babae. Tila nagpipigil ng galit, subalit mahinahon pa rin kung magsalita.
"Kung gayon... Nasaan ang asawa mo?"
Ang mga tanong na iyon ang huling narinig ng babae mula sa matanda.
"Nasa banyo lang siya saglit,"
"Naliligo... Nagpapahinga... Ang asawa ko,"
Wika ng babae kaakibat ang isang ngiti. Kasabay niyon ay ang mabilis na pagsara ng pinto.
Napahinga na lamang nang malalim ang babae. Bumalik ang tingin niya sa hapag.
Wala na doon ang kanyang asawa.
Naglaho ito... Na parang isang bula.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top