Soul' Pain

Tales of the Dead
Entry #14
Real name: Sarah Shade Umipig
PEN name: Mystshade
Title: Soul’s pain


MASAMA ang tingin sa akin ng mga kasama ko sa loob ng van nang patayin ko ang radyong pinapakinggan nila. Maging si Nick na nagda-drive ay saglit na napatingin sa akin.

“Bakit mo naman pinatay, Brielle?” naiinis na tanong Lucy na tinapik pa ako. Kahit nasa likuran silang bahagi ay inabot niya pa rin ako na nakaupo sa tabi ng driver’s seat. “Napaka-KJ mo talaga!”

Sinilip ko sina Ron, Lucy, Jenny at Mark sa pamamagitan ng rearview mirror. Nakabusangot ang mga mukha nila kaya palihim akong natawa.

“Nasa exciting part na nga tayo, e. Baliw talaga ‘to si Brielle,” komento ni Jenny bago inabot at muling binuksan ang radyo.

Itinukod ko na lang ang siko sa bandang bintana at sinapo ang noo gamit ang kamay.

“I really don't get it. Why are you obsessed with those kinds of stories?" tanong ko na may halong pagtataka.

They’re listening to a radio station that plays a horror story.
I don’t believe in ghosts, aswang o mga elemento gaya ng sa iba. For me, they’re just a product of people’s wild imaginations.

“Hay nako, siguro hindi ka pa nakakakita ng ghosts,” komento ni Ron. Nakita ko siyang naiiling-iling. “Kapag nakakita ka, ewan ko na lang kung masabi mo pa iyan.”

I hissed. “Hindi talaga ako makakakita dahil hindi naman talaga sila totoo.”

Pagkasabi ko noon ay kung anu-ano na’ng experience ang kinuwento nila para maniwala ako. Sabi pa ni Lucy ay mayroon siyang third eye noong bata. Nakakita na raw siya ng mga duwende, tikbalang at kung anu-ano pa.

“Ewan ko ba riyan kay Brielle. Writer ‘yan, ha. Pero hindi naniniwala sa mga ganitong kuwento.”


Hindi ko sila sinagot. Tanging sa isip ko na lang ako nagpaliwanag. Simula ng magkatrabaho ako na pang night shift, lalo akong hindi natakot sa mga multo. Aaminin ko, ilang beses ko nang tinangka na makaramdam o makakita man lang.

Napakaraming kuwentong katatakutan ang umiikot sa trabaho namin maging sa building kung saan kami nagtatrabaho. May mga nakakita ng multo sa comfort rooms, nagtitipa sa keyboard kahit walang tao, gumagaya ng boses ng mga katrabahong naka-day off naman.

Pero ni minsan, kahit isang beses, wala akong naramdaman. Sakto pang 12 midnight ang pasok ko hanggang alas nuwebe ng umaga.

Nagagawa pa naming makinig ng horror stories habang nagtatrabaho pero hindi ko talaga maramdaman ang takot. Mas natatakot pa akong magka-dispute sa sahod kaysa makakita ng multo.

Isa pa, nang malaman ko na mostly ng mga namamatay ay gawa lang din ng mga tao, e ‘di mas nakakatakot pala ang mga tao kaysa mga elemento.
Ipinasak ko na lang ang earphones sa tainga ko at nag-scroll sa spotify. Makikinig na sana ako ng music nang makakita ako ng mga podcast doon.

Puro horror na naman ang kuwento.

Napapakunot-noo na lang ako habang iniiwasan ang mga suggestions nila.

Wala na ba talagang pwedeng ikuwento kundi horror? Nakakasawa na makinig. Magpapatugtog na lang ako.

Papikit na sana ako nang maramdaman ko ang biglaang lamig sa paligid. Napatingin ako sa air conditioner ng kotse kung nakatutok ba sa akin pero hindi naman.

“Everyone, nasa Baguio na tayo!” sigaw ni Nick kaya napalingon ako sa labas ng bintana.

Naghiyawan silang lahat nang makita ang mahamog at malamig na lugar.

Napangiti na rin ako nang makita ang magandang lugar. Ang tagal kong hinintay ang panahong makapunta sa Baguio. Worth it ang pag-absent! Hahahaha.

NAKAHALUKIPKIP ako habang abala ang mga kasama kong kinuha ang mga bagahe sa likurang bahagi ng van.

Nasa harapan kami ng transient room na inupahan namin. Malapit ng dumilim. Bukas na namin ipagpapatuloy ang paggala sa lugar.

Napalingon ako sa paligid nang biglang umihip nang malakas ang hangin. Kusa ring napatingin ako sa building. Hindi ko alam kung bakit.

Nakakita ako ng taong nakasilip sa isa sa mga bintana. Silhoutte lang siya pero base sa pigura niya, para siyang babae.

Agad akong napakunot ng noo nang lalong lumamig ang paligid. Napayakap tuloy ako sa aking sarili at mas lalo kong hinigpitan ang pagkakahawak sa aking jacket.

Huminto sa harapan ko si Jenny. Hinihingal siya nang ibagsak sa harapan ko ang black luggage. Sinundan niya ng tingin ang tinitingnan ko.

“Ayos, a. Patanaw-tanaw lang,” sabi niya na ibinalik ang tingin sa akin. Taas-baba niya akong pinasadahan ng tingin. “Petiks petiks lang tayo, ‘te? Samantalang kami, pagud na pagod na.”

Siningkitan ko siya ng tingin at saka dinukot ang backpack ko mula sa likuran ng van. “Sino ba kasi nagsabi sa inyong magdala ng maraming gamit, ano pupuntang Korea lang?” Inirapan ko siya sabay sukbit ng backpack sa balikat ko at naglakad papasok ng hotel.

“Siraulo talaga itong babaitang ito! Siyempre kailangan mag-OOTD.” Narinig ko ang malakas na paggulong ng hila-hila niyang maleta.
“Mas importante ang memories kaysa outfit.” Hindi ko siya nililingon dahil alam kong magpapatulong siya. Isang maleta at tatlong bag lang naman ang dala niya.

Nagkita-kita kami sa reception area para makipag-usap. Ipinakita namin ang receipt form. Nang makuha namin ang room, dumiretso na kami.

Isa lang ang kuwartong inupahan namin para makatipid. Good for 8 people ang room.

Namangha kami sa cute style ng room. Pagkaswipe mo ng key card, kailangan mong ilagay ang card sa lalagyanan sa bandang gilid para magkakuryente ang room.

Maliit lang ang kuwarto. Sa kaliwang bahagi, naroon ang mini ref, lababo, electric kettle at cupboard sa itaas na bahagi. Sa kanan naman, bathroom. Sa tapat ng bathroom, may malaking salamin at katamtamang laki ng lavatory. Sa gilid ng salamin, naroon ang mga disposable toothbrush at toothpaste.

Pagkalagpas mo ng unang bahagi, naroon na ang sala, may sofa sa kanang bahagi at sa gilid naman nito ay ang closet.
Sa tapat ng sofa, naroon ang flat screen tv na sa tantiya ko ay 64 inches.
Sa sulok naman naroon ang dining set. Mayroon ding menu sa ibabaw ng lamesa.

Binuksan ni Ron ang mga kurtina. Tumambad sa amin ang glass wall ba ang tawag doon. Kitang-kita ang madilin na kapaligiran ng Baguio na may kaunting liwanag galing sa mga ilaw.

Tila napakapayapa ng gabi.

“Isara mo nga ‘yan. Baka may magpakitang multo,” saway ni Lucy kay Ron.

Umikot ang mga mata ko. Tinungo ko na lang ang main agenda ko sa kuwartong ito. Ang bed!
Loft style ang nakuha naming room. Umakyat ako sa makitid na hagdan at doon ko nakita ang beds. Sa kaliwa, kasya ang tatlong tao. Nasa itaas nito ang chandelier. Kapag sumilip ka sa baba, nakatapat ito sa sofa.

Sa kanang bahagi naman, sobrang lawak ng higaan. Tingin ko kasya na rito ang limang tao dahil sa lima din ang mga unan. Hahaha. Basic. Sa dulong bahagi naman, naroon ang air conditioner.
Papunta pa lang sana ako sa kanang bahagi nang may pumindot ng remote ng aircon. Nilakasan niya ito nang sobra.
“Pasensya na guys, napagod ako sa pagbubuhat ng mga luggage ko. Gusto ko ng malamig,” wika ni Jenny.

Lahat kami ay halos umangil sa ginawa niya. Napakalamig na nga sa Baguio e hindi pa siya nakuntento.
Nag-alangan ako pumuwesto sa kanang bahagi pero nagdesisyon silang sa kanan ang mga babae, sa kaliwa ang mga lalaki.

Pumuwesto na lang ako sa halos katapat lang ng hagdan.

Nang matapos na kaming lahat sa pag-aayos at paglilinis ng katawan, napagpasiyahan naming matulog na. Marami pa kaming pupuntahan na lugar.

Naalimpungatan ako dahil sa tunog ng alarm. Akala ko hihinto iyon pero hindi na tumigil.

“Piste, hanggang dito nag-a-alarm?” naiinis kong reklamo. Bumangon ako at kinusut-kusot ang mga mata.

Dahil dim light lang ang ilaw namin, medyo malabo ang pagkakakita ko pero may naaninag akong babae na bumaba sa hagdan. Mahaba ang buhok niya. Siguro si Lucy iyon.

“Saan ka pupunta, Luz?” tanong ko sa kanya pero hindi niya ako pinansin. Nagtuluy-tuloy lang siya sa pagbaba.
Marahan akong gumapang papunta sa hagdanan at tinanaw siya. Papunta siya sa may kusina. Nakaramdam ako ng pagkauhaw kaya bumaba na rin ako.

Humihikab at napapakamot pa akong pumunta sa may mini ref at kumuha ng inuming tubig. Nahagip ng mata ko si Lucy na papunta sa may key electronic switch kung saan nakasuksok ang key card.

Magsasalita pa lang sana ako upang pigilin siya nang tanggalin na niya ang key card sa holder.

Nilunok ko muna ang tubig at ibinaba ang baso bago nagsalita. “Lucy, ibalik mo ang card! Mawawalan tayo ng aircon at saka dim light. Sabog ka ba?”

Hindi ako nakarinig ng sagot sa kanya. Hindi ko na rin siya maaninag. Mahina ako sa ganitong lugar. Hindi nakakapag-adapt kaagad ang mga mata ko sa madilim na paligid kaya kailangan kong mangapa. Isa pa, e, hindi naman ako masyadong pamilyar sa kwarto.

Naglakad ako patungo sa kaniya habang nakaangat sa ere ang kamay ko upang kapain siya.

“Nakakainis ka naman, ibalik mo ang card!” Sinusubukan ko siyang kapain pero hindi ko mahawakan kahit pakiramdam ko ay malapit na ako sa kaniya. “Lucy naman!”

“Brielle?”
Biglaan kong nakapa ang key holder. Agad na umilaw ang dim light. Kasunod nito ay ang pagbukas ng main light.

Nagitla ako nang hindi ko nakita si Lucy malapit sa akin.
“Anong ginagawa mo riyan? Pinapatay-sindi mo pa ang ilaw.” Nakadungaw si Lucy galing sa loft bed habang ang buhok niya ay nakasuspend pababa. Kung matatakutin lang ako ay sigurong hihiyaw ako.

Sa halip na sagutin siya ay sumigaw ako. “Siraulo ka, paano ka nakaakyat agad diyan?” tanong ko habang papalapit sa sofa.

“Nagising ako sa ‘yo. Ano bang sinasabi mo? Hindi pa ako bumababa.”

“Anong hindi? Sinundan nga kita, e. Tinanggal mo ‘yong key card sa holder kaya namatay ang ilaw.”
“Ang ingay ninyo,” sabad ni Nick na dumungaw rin.

“Eto kasi si Brielle ang sabi ako raw nagtanggal ng key card, e, siya nga itong nasa ibaba.”

Bumalik ang tingin ko sa pintuan kung nasaan banda ang key holder hanggang sa itaas ng higaan. Kung susumahin ko ang segundo, mga 8 seconds lang ang lumipas nang makarating ako sa may pintuan. Imposible namang nakaakyat siya kaagad sa higaan nang hindi ko naririnig ang paglakad niya. Malabo man ang paningin ko, may pagkamatalas ang tainga ko.

“Stop it, Brielle and Lucy. Matulog na kayo. May gala pa tayo mamaya.”

Umakyat na ako at hindi na nagsalita pa tungkol sa nangyari.

LUMABAS na kami sa van nang marating namin ang huling destinasyon sa araw na ito. Malapit  na mag-alas singko.

Agad kaming lumapit sa guard nang makita na tila isasara na nila ang gate.

“Kuya, puwede pa bang humabol?” tanong ni Nick kay Kuyang guard na tila nagitla nang makita kami.


“Sir, ginulat mo ako,” reklamo niya bago tumingin sa kaniyang wristwatch. “Sorry, sir pero magsasara na kami ng bandang alas singko.”

“May 30 minutes pa naman bago mag alas-singko. Baka puwedeng humabol. Saglit lang kami. Galing pa po kami ng Manila. Dumayo lang po kami para makapag-unwind,” pangungulit ni Ron. Habang ako naman ay patingin-tingin sa istruktura ng lugar.

Mahahalata sa itsura ng building na matagal na itong nakatayo. Tanging mga malalaking bintana na lang ang simbolo na dati itong tuluyan. Sa tuktok ng building, naroon ang lumang crucifix. Medyo malawak ang lugar at kung matatakutin ka, marami kang maiimagine sa lugar na ito.

Pinasadahan kami ng tingin ng guwardiya. “Kayo lang bang pito? Sige, basta bilisan niyo lang mag-ikot. Last batch na po kayo.” Nagmamadaling umalis sa harapan namin ang guwardiya.

Tuwang-tuwa ang mga kasamahan namin at kaniya-kaniya na silang labas ng mga gadgets. Napag-isipan nilang mag-video habang pumapasok. Napayakap ako sa sarili nang umihip na naman nang malakas ang hangin.

Pahakbang na sana ako para sundan silang pumasok sa loob nang may um-abre siete sa braso ko. Marahan akong lumingon sa kung sino ang gumawa noon.

Nakatingin si Lucy sa building. Kumikilos ang mga mata niya kaliwa’t kanan. “Natatakot ako, Brielle.”
I rolled my eyes heavenwards. Parang kahapon lang excited pa siyang pumunta sa Baguio pero ngayon ay nag-iinarte na siya. Naalala ko na naman tuloy ang ginawa niya kaninang madaling araw. Kahit pinapaamin ko siya ay todo tanggi talaga siyang hindi siya iyon. Natakot yata siya nang sabihin ko iyon, sabi niya baka raw doppelganger niya ang nakita ko. Masamang pangitain daw iyon.

Simula noon, tahimik na siya sa biyahe. Nahalata kong naging anxious siya sa paligid.

“Huwag na kaya tayong tumuloy?” suhestiyon niya saka lumingon sa akin.

Huminga ako nang malalim. Marahan kong tinanggal ang braso niya sa akin. “Come on, Lucy. Hindi nakakatulong sa iyo ang matakot. Besides, hindi ba ito ang gusto ninyo? Sinasamahan ko lang naman kayo. Isa pa, mas mahirap maiwan mag-isa rito sa labas,” pananakot ko sa kaniya sabay kindat.


“Lalo mo naman akong tinatatakot, e!” reklamo niya sa maarteng tono. “Magdasal muna tayo bago pumasok.”



“E, nasa loob na sila…” Hindi na ako nakatanggi nang pumikit siya at umusal ng panalangin. Pumikit na lang din ako, kusa akong dumilat nang marinig ang salitang amen.

Pumasok na kami sa loob nang hawakan na naman ako ni Lucy. This time, mas mahigpit na. napigil tuloy ang paglalakad ko kung kailan naaninag ko na ang mga kasamahan ko.

Nakakunot-noo akong tumingin sa kaniya. “Ano na naman, Lucy?”


Naramdaman ko ang panginginig ng kamay niya na nakahawak sa akin. Naaninag ko rin na tila pinagpapawisan siya habang umiiling.
“Sabi ng guard pito raw tayo. Brielle anim lang tayong magkakasama. Sino ang nakita niya?”

Natatakot na kinagat niya ang mga daliri.
Hindi ko napigilang mairita sa kinikilos niya. Hindi na naman tuloy mahagilap ng mga mata ko ang aligaga naming mga kasama.

“Nakakailang hakbang pa lang tayo, Lucy. Baka naman namalikmata lang siya. Padilim na kaya. Kung gusto mo, maiwan ka na lang sa labas. Hindi ako yaya mo para i-babysit ka, ha?”
Inalog niya ako. “Natatakot na nga ako ganyan ka pa makitungo.”

“Anong gusto mo bang gawin ko? Aluin ka na huwag matakot? Huwag ka kasing nanonood o nakikinig ng horror stories. Pati sa totoong buhay ina-apply mo.”
“Basta ‘wag mo akong iwan, ah.”

“Dami mong arte hindi naman ako aalis. Ilang minuto na lang magsasara na ito hindi pa tayo nakaikot. Halika na!” Ako na ang humila sa kaniya para makapaglakad. 

Mabilis kaming naglalakad habang ang mga mata ko ay patuloy sa pagmasid sa paligid. Para sa akin ang lugar na ito ay hindi nakakatakot. Ang atmospera niya ay kakaiba, tila samu’t saring emosyon ang nakapaligid dito.



NAABUTAN namin sila harap ng lumang fountain. Walang tigil sila sa pagse-selfie sa kung saan-saang parte nito.

“Brielle, punta ka sa fountain, kukuhanan kita ng picture, dali!” utos ni Nick  na may hawak na digital camera.

Saglit kong iniwan si Lucy na kanina pa hindi mapakali at patingin-tingin sa kung saan.

Naisipan kong umupo sa fountain subalit nang mapahawak ako rito ay na naging mabigat ang pakiramdam ko.

Nakarinig ako ng samu’t saring boses. Mas marami ang naririnig kong mga iyak ng mga babae.

Nang mapaangat ako ng tingin, nagbago ang itsura ng fountain. Mayroon nang lumalabas na tubig mula rito. Hindi ito malinis ngunit mas malinis siya kumpara sa nakita kong fountain kanina. Nahaluan ng mga batang boses ang aking naririnig. Humihikbi sila at tila nagmamakaawa ang mga tono.

Nagitla ako, halos hindi ako nakagalaw nang sa kanan ko ay may batang nakasandal ang ulo sa fountain. Someone is pressing him against it.

Tumutulo ang luha ng batang lalaki habang nakatingin sa akin at nagmamakaawa. Hindi ko alam ang gagawin. Tatanungin ko pa lang sana siya nang may kung sinong mabilis na humiwa ng ulo niya upang matanggal ito sa kaniyang katawan. Tumalsik pa ang dugo niya sa mukha ko dahilan para mapapikit ako.

“Natulala ka na riyan, Brielle. Bilisan mo na!”
Tila galing ako sa malalim na pagkakahimbing nang marinig ko ang boses ni Ron. Dahil nakatalikod ako sa kanila ay marahan akong lumingon. Tiningnan ko ang kapaligiran. Wala na ang mga boses na naririnig ko kanina. Tanging mga huni na lamang ng mga ibon at kuliglig ang aking naririnig.

“Anong nangyari sa ‘yo? Parang nakakita ka ng multo, a!” natatawang tanong ni Jenny na hinampas-hampas pa ang katabing si Mark.
Lumunok ako ng laway habang sinisipat ang fountain. Wala na itong tubig maging mga bakas ng dugo o kahit man lang ang batang nakita ko kanina. Sariwang-sariwa pa sa isip ko ang kaniyang takot na takot na mukha.

Dahil sa ayaw ko silang bigyan ng isipin ay pumwesto na lang ako nang maayos sa fountain at nagpapicture. Wala akong pinagsabihan ng nangyari sa akin. Ni hindi ko rin alam kung ano ba ang nakita ko.

“Done! Tara, akyat na tayo sa second floor,” sabi ni Nick matapos tingnan ang pic ko sa digicam niya.
Patayo na sana ako mula sa pagkakaupo nang may humawak sa kamay ko na nakatukod sa fountain. Agad kong binawi ang kamay ko dahil sa biglaan nitong paghawak. Naramdaman kong napakalamig ng paghawak niya.

“Mag-ingat ka, Brielle.” Napalingon ako sa nagsalitang si Lucy. Hindi pa rin pala siya umaalis sa puwesto niya. Halatang hinihintay niya ako. “Nararamdaman nila ang negative energy mo. Sobrang attracted sila sa katulad mo. Punum-puno ka ng kalungkutan.”

Ang sinabing iyon ni Lucy ang mas nagdala sa akin ng kilabot. Sa papaano nila iyon nalalaman? Totoo ba talaga ang mga multo?

Mabilis na tumayo ako at lumapit kay Lucy. “What do you mean?”

“Hindi mo ba alam ang history ng lugar na ito?” tanong niya saka lalong kumapit sa braso ko. “Marami ang namatay rito.”

Pagkasabi niya noon ay lumakas ang ihip ng hangin at mas tumindi ang lamig. Lalo tuloy sumasakit ang ulo ko sa panahon dito. Bigla na lang lumalakas ang ihip ng hangin na parang may bagyong parating.

“Ayaw ko na rito, nagpaparamdam na sila. Ginambala natin sila.” Natatakot na ikiniskis ni Lucy ang isang kamay sa kabilang braso.

“Saglit na lang. Pagkatapos sa second floor, lalabas na tayo.”

“Natatakot ako para sa kaligtasan natin. Sinabi ko na ito sa kanila na hindi na ako kumportable pero mas lalo lang silang na-excite. Ginagawa na nilang biro ang lahat.”

Sa puntong iyon, hinawakan ko na ang kamay niya. Alam kong sobra na siyang natatakot at hindi na healthy ang nangyayari sa kaniya. Kaunting kaluskos lang ay tumitili siya. Pinagtatawanan tuloy siya ng iba naming mga kasama.

“Bibilisan na lang natin,” saad ko saka hinila siya paakyat sa second floor.

Napaka-eerie ng place. May minsan pang mapapaulit ka ng tingin sa mga bintana dahil akala mo may nakatingin sa ‘yo.

Sumigaw si Lucy nang may makita sa bintana. Agad kaming napalingon sa tinuro niya. Medyo madilim na noon, sinadya nilang hindi sumunod sa utos ng guard kaya agaw dilim na ay narito pa kami. Maaga pa namang dumidilim ngayon dahil ber months na.

Gamit ang flashlight, inilawan ko ang itinuturo niya.

“M-may babae sa kabilang bintana!” sigaw niya habang tinatakpan niya ang mukha gamit ang sariling palad.

Agad na nagsilapitan ang mga kasama namin. Buong tapang ko namang tiningnan ang tinutukoy niya.

Oo may babae nga, pero isa lamang iyong painting.
Sa dami ng bandalismo sa building na ito, napansin ko na rin na may nga ganyang drawing. Sinasadya nilang itapat sa mga bintana para nga naman kapag may dumungaw sa kabila ay agad itong mapapansin.

May mga drawing din na parang silhouette sa isang kuwarto kaya aakalain mong multo ang nakikita mo.

“Diyos ko, Lucy. Painting lang iyan,” natatawang kutya ni Mark sa kaniya habang nakatutok ang cellphone sa natatakot na dalaga.

“Napaka-scaredy cat mo naman pala, e. wala ngang nakakatakot dito. Naiinip na nga ako,” wika ni Jenny na humalukipkip.

Sa lahat ng katrabaho namin, si Jenny talaga ang pinaka-ma-attitude sa lahat. Si Mark naman ang mapang-asar.

“Umalis na kasi tayo rito! Ginagambala na natin sila.” Hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak si Lucy kaya inilapit ko siya sa akin at pinasandal sa dibdib ko.

“Wala pa nga sa exciting part, e!” saad ni Ron.

“Alam niyo ba ang istorya tungkol sa lugar na ito?” tanong ni Jenny. Itinapat niya ang flashlight sa ilalim ng kaniyang baba para magmukha siyang nakakatakot. “Dati itong refugee ng mga biktima noong world war 2. Pero natuklasan ng mga hapon ang lugar na ito. Maraming namatay rito, ni-rape, pinutulan na parte ng katawan, minaltrato, at pinugutan ng ulo. Dito nagsimula…ang kuwento ni Valak!” Ang seryosong boses ni Jenny ay napalitan ng tawa. Tinuturo niya pa kami na parang hindi makapaniwala.

Ipinahid niya ang mga luha sa paligid ng mata. “Nakakatawa ang mga itsura ninyo, sobrang seryoso.”

“Mas nakakatakot ang kuwento niya, Lucy kaysa sa pagsigaw mo nang dahil sa painting.” Napasimangot ako sa sinabi ni Mark. Umiiling pa siya habang nakatingin sa gawi namin. “Hali na kayo, tapusin na natin ang tour. Maaga pa tayong uuwi. Masasabon tayo ni Team Leader.”

“Handa na nga ang tainga ko para makinig ng salmo at sermon niya, e,” saad ni Nick na kinakalikot ang tainga.

Hindi kami umiimik ni Lucy. Hinahayaan na lang namin sila sa kung saan sila masaya.
Naputol ang pagtatawanan nila nang makarinig kami ng malakas at sunud-sunod na pagkalabog. Awtomatikong nagsilingon kami sa kung saan namin naririnig ang tunog.

Malakas ang kalabog na parang may binabagsak na pintuan.

“Saan galing iyon?” tanong ni Ron.

“Sa kuwarto na hindi pa natin napuntahan.” Tumingin muna sa amin ang seryosong si Nick bago sa kuwarto na nasa dulo ng pasilyo.
Pagkasabi noon ni Nick ay mas lalong kumalabog ang bagay na naririnig namin.

Lalong natakot si Lucy na pinipilit pa rin umalis na kami roon. Ako naman ay kinakabahan na baka may mangyaring masama sa amin. Baka may ibang tao rito sa loob ng building at tinatakot lang kami.
Nagturuan sila kung sino ang unang maglalakad papunta roon. Gusto nang tumakbo ni Jenny pero pinigil siya ng tatlong lalaki.

“Ano ka ba, ito nga ang pinunta natin dito ‘di ba? Bakit bigla kang umaatras diyan. Kanina ka pa hanap nang hanap na may magparamdaman sa atin, e.” Itinutulak ni Mark si Jenny sa harap pero hindi talaga nagpapatiuna ang babae.

“E, hindi ko naman alam na ganito ang mangyayari!”

“Jenny, para ito sa viewers mo. Ang dami paniguradong makakapanood nito!” Mas excited pa ang boses ni Ron kaysa sa kinakabahan pero ayaw naman niyang mauna.

Niyakap ko si Lucy saka inihabilin siya kay Nick. “Ako na ang mauuna. Kung makakutya kayo kay Lucy, mga matatakutin din pala kayo.” Inirapan ko sila bago naunang maglakad. Marahan kong binaybay ang madilim na pasilyo habang kinakapa ang kutsilyo sa tagiliran ko.

Hindi man ako naniniwala sa multo, naniniwala naman akong mas nakakatakot ang mga tao. Malay ba namin kung patibong lang ito ng kung sino para lang patayin kami sa takot.

“Brielle, dalhin mo nga itong cam ni Nick, dali baka magpakita ‘yong multo!”

Masamang tingin ang ipinukol ko kay Mark pero hindi siya nagpadala. Hinawakan niya ang kamay ko at inilagay roon ang cam.

“Go, Brielle. Fighting!”

“Ano ba, Mark. Nagagawa mo pang matuwa riyan e halos maiihi na ako sa pantalon ko!” sigaw ni Nick na mas inaalalayan pa yata ni Lucy kaysa siya ang umalalay rito.

Palakas nang palakas ang tunog hanggang sa nasa bukana na ako ng pintuan. Mabilis kong inilawan ang lugar. Biglang nawala ang tunog. Naramdaman ko na nagsisunuran sila sa akin at nakiusyoso sa likuran ko. Wala namang ibang tao rito.

Pumasok ako sa loob. Baklas na ang mga gamit dito at tanging isang tokador na gawa sa kahoy na lang ang natira.

“Ito kaya ang deluxe room?” tanong ni Jenny. “Sabi nila mas dito raw maraming nagpaparamdam.”
Pagkasabing iyon ni Jenny ay wala na akong narinig kundi ang boses na tila bumubulong malapit sa tainga ko. Pakiwari ko’y boses iyon ng babae at paulit-ulit siyang nagsasalita ng mabilis. Hindi ko naiintindihan ang mga sinasabi niya.

Lumingon ako sa paligid ngunit wala akong mahagilap na babae o kung sinumang tao na malapit sa bandang tainga ko. Napatingin ako sa aking mga kasama nang mapansin ko na may pigura ng parang madre sa likuran nila.

Napabalik ako sa reyalidad nang muling kumalabog ang tokador. Tila may tao sa loob niyon na pilit nitong binubuksan ang mga pinto. Napaatras ako pabalik sa pintuan ng kuwarto. Palakas nang palakas ang pangangalabog.

Nagsigawan ang mga kasamahan ko. Awtomatikong tinungo ko rin ang pintuan para sumama sa kanila sa pag-alis ngunit natigil ang aming pagtakbo papalabas nang makarinig kami ng tunog ng kadena na parang hinihila.

Lalong lumakas ang sigawan nang makita namin ang isang anino na tila hinihila ang kaniyang kanang paa. Napatingin ako sa ibaba at doon ay nakita kong hila-hila niya ang kadenang nakakabit dito.

Hindi magkamayaw ang mga kasama ko sa biglaang pangyayari.
“Gusto ko na umuwi!”

“Sabi ko sa inyo, umalis na tayo rito!”

“Dito na ba tayo mamamatay?”

Bumalik ang boses na kanina lang ay bumubulong sa akin. Ang sakit na sa tainga. Palakas siya nang palakas. Mayroon siyang sinasabi sa ibang lenggwahe kaya hindi ko maintindihan.

Napaupo ako sa sahig dahil dito. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Tanging sa isip ko na lang kinakausap ang kung sino mang nangguugulo sa akin. Sapo ko ang magkabilang tainga at pinipilit na hindi siya pakinggan.

Habang nakapikit ako, may nakikita akong iba’t ibang senaryo. Mga hindi makatarungang pananakit, pagpatay, pang-aalipin at kung anu-ano pa. Naririnig ko na naman ang mga hiyaw at inda ng sakit na tila nagpapahirap sa kanila.

“Please, stop!”

Napatingin ako sa kung saan nanggaling ang boses.
Nakasuot siya ng pang-madre na kulay itim. Pinipigilan niya ang isang sundalo na may hawak na baril upang makalapit sa halos hubad ng dalagita.

“Please have mercy!” pagmamakaawa ng madre ngunit nginisian lamang siya ng sundalo saka ipinalo dito ang dalang mahabang bari. Lumipat ang senaryo sa panghahalay ng sundalo sa kawawang madre at saka ito pinugutan ng ulo. Dinala niya ito sa kumpol ng mga bangkay at saka walang habas na inihagis ang katawan kasama nito.

Lumipat muli ang ang senaryo, malalakas na pagsabog ang maririnig sa iba’t ibang panig. Ang mga sundalo ay ninais na lamang kitilin ang sariling buhay kaysa mahuli ng mga kalaban.

Bigla na lamang nawala ang boses maging ang mga nakikita kong pangyayari nang may yumakap sa akin. Naramdaman ko na may inilagay siyang may bilog-bilog sa palad ko.

“Brielle. Lumaban ka! Huwag kang papatalo. Manampalataya ka! Bumalik ka sa Diyos!”
Tila nakarinig ako ng isang patay na linya nang sabihin ng kung sino ito.

Pananampalataya? Bumalik sa Diyos?

Napapalatak kong ulit sa aking isip. Bakit pa? Para saan? Totoo bang may Diyos? Kung ganoon, bakit kailangan nating maghirap. Nasaan na ba ang paraisong ipinangako niya?

Bakit kailangan mamatay at maghirap ang mga taong biktima ng kasakiman ng mundo. Nasaan siya para itama ang mga maling ginagawa ng Kaniyang nilikha?
Kung may Diyos, bakit hindi Niya dinidinig ang mga panalangin ko?

Dumilat ako at gayon na lang ang gulat ko nang may madreng nakatitig sa akin. Sobrang lapit ng mukha niya. Nabubulok at naglalabasan ang mga uod sa kaniyang mukha. Maitim na maitim ang kaniyang mga mata.
“Ayaw mo nang mabuhay? Akin na lang ang katawan mo,” bulong niya. Ang boses niya ay parang galing sa ilalim ng lupa.

Hindi ko magawang umiwas ng tingin sa kaniyang mga mata. Tila nakapako ang mga ito sa kaniya.
“Wala namang nagmamahal sa ‘yo ‘di ba? Hindi ka rin naman naniniwala sa Kanya. Dito ka na lang sa lugar na ito.” Nagbigay sa akin ng kilabot ang kaniyang pagngiti na halos literal na mapunit hanggang sa kaniyang tainga.

Dito na ako nakaramdam ng takot. Hindi na biro ang mga sinasabi niya. Tila naghihintay na lang siya ng tiyempo para sumanib sa katawan ko.
Umiiling ako na pilit umaatras subalit hindi gumagalaw ang katawan ko.
Napahiga ako nang malakas niya akong itulak. Iniangat niya ang kaniyang nangingitim na mga kamay, tumingala siya at nagsalita na naman na tila hindi ko maintindihan.

May maiitim na usok ang pumulupot sa kanyang mga kamay. Palaki ito nang palaki hanggang sa hindi na makita ang kanyang braso. Nang malapit na niyang ibato ang itim na usok ay siya namang pagkakarinig ko ng dasal na, “Our Father,”

Tuluy-tuloy ang pagsasalita ng kung sinong ito. Nang sa wakas ay makagalaw ako, siya namang tusok ng madre sa gitnang parte ng katawan ko. Nangingisi siya hanggang sa tuluyang humagikhik ng tawa. Napapaigtad ako sa kirot. Pakiramdam ko buong braso na niya ang pumasok sa katawan ko.

Pigil ko ang hininga at kusang kumilos ang katawan ko na hawakan ang braso niya at pigilin ito. Subalit lalo lang bumabaon ito maging ang talim ng kaniyang mga kuko. Sinubukan kong kalmot-kalmutin siya ngunit nawawalan na ako ng lakas.

Naririnig ko pa rin ang panalangin ng kung sino. “Brielle, sundan mo ang boses ko. Sumabay ka sa dasal!”

Sa wakas ay nabosesan ko na ang nagsalita. Si Lucy.

Hindi ko sila mahagilap. Madilim ang paligid. Halos wala akong maaninag.

“Walang kuwenta ang dasal na ‘yan. Hindi ka naman naniniwala sa Kanya.” Lalo itong tumawa ng mala-demonyo.

Tila natutuwa siyang nahihirapan ako. Halos mangalahati na ang katawan niya papasok sa katawan ko.

Hindi ko na alam ang gagawin. Sinasabi ng isip ko na bumigay na ngunit sinasabi naman sa kabila na ‘wag akong susuko.

Ang sabi nila, kapag malaki ka ng mamatay ay maalala mo ang mga nakaraan. Malapit na nga yata akong mamatay. Nakikita ko na ang mapapait na alaala ng aking buhay. Ang paghihirap ko noon, ang mga sakit, mga gabing umiiyak, mga taong nang-alipusta, ang aking pamilya, mga kaibigan, katrabaho at kamag-anak. Lahat sila ay isa-isang nag-flashback sa utak ko.

Napapagod na rin naman akong mabuhay. Bakit ko pa siya pinipigilan?

Marahan kong binitiwan ang kamay ng madre. Suko na ako.

Bakit Mo ba ako binuhay? Akala Mo ba masaya sa mundong ginawa Mo?

Dama ko pa ang mainit na luhang umagos papunta sa mga pisngi ko.

Ngunit bago pa ako tuluyang mawalan ng malay, mayroong malakas na puwersang humawi sa madre. Humiyaw ang madre ng pagkalakas-lakas. Puting usok lamang ang nakita ko. Matapos itong tumilapon, nawala na rin ang puting usok.


NAPABALIKWAS ako ng bangon at habol ang aking hininga. Para akong galing sa pagkalunod at nakaahon. Sobrang init ng pakiramdam ko. Nanlalagkit din ang katawan ko dahil sa pawis.
“Gising ka na!” Niyakap ako nang mahigpit ni Lucy.

Napatingin ako sa paligid. Nakapalibot sa akin ang mga kaibigan ko kasama rin ang guwardiya na una kong nakita sa labas ng building.
“Okay ka na ba, Brielle?” tanong ni Nick habang nakatutok ang digicam sa akin.
“Nahimatay ka kanina. Natakot ka siguro doon sa nagpakita sa atin,” sabi ni Ron na pinaypayan ako gamit ang maliit na plywood. Hindi ko alam kung saan niya nakuha iyon.

“Ang kulit niyo kasi ma’am and sir. Sabi ko na bilisan ninyo ang paglibot. Umabot pa talaga kayo ng ilang oras,” kumakamot na sermon ni manong guard habang ang kabilang kamay ay may hawak na flashlight. “Bakit anim lang kayo? Nasaan ang isa ninyong kasama?”

Napabitiw ng hawak sa akin si Lucy at napatingin sa guwardiya.
“Kuya naman! Anim lang kaming magkakasama. Huwag ka naman lalong manakot!” reklamo ni Jenny na nagpapadyak pa.

“Kinikilabutan tuloy ako!” ika ni Nick. Ikinikis niya ang mga kamay sa sariling braso.
Napatingin ako sa aking kamay. May nakapulupot doong rosaryo at isang mini bible. Ito ang laging nakasukbit sa bag ko noon. Bigay ito sa akin ng kaibigan ko.

Ibig bang sabihin, niligtas niya ba ako?

“Akala ko pito kayo? Sino ‘yong lalaki na nakasuot ng puti na kasama ninyo?” 

Hindi na namin sinagot ang guwardya at nagmamadali na nila akong hinila papasok ng van. Bago pa man ako tuluyang makapasok, may naaninag akong hugis puting bagay sa hindi kalayuan. Humugis iyon ng tila kawangis niya.
“Salamat,” bulong ko kahit hindi ko alam kung siya ang tumulong sa akin.

Ilang buwan na ang nakalilipas, kinuha sa akin ang matalik kong kaibigan. Masipag at masigasig siyang naglilingkod sa Diyos subalit namatay siya dahil sa malubhang sakit. Doon nagsimulang ma-trigger ang pagkukuwestiyon ko sa Kanya.
Ngunit gaya ng laging sinasabi ng kaibigan ko, mahal daw ako ng Diyos. Pinadala raw ako sa mundo para maging blessing sa iba.
Mabilis akong hinila ni Lucy papasok. Nagsimula ng umandar ang van pabalik sa transient room.

Gayon na lang ang inis namin kay Nick nang malakas siyang prumeno.

“Nick! Ayusin mo naman!” reklamo ni Jenny.

“Naalog ata ang utak ko,” wika ni Mark na nasa tabi ni Nick.

Napatingin sa rearview mirror si Nick na parang takot na takot.

“G-guys, nakareceive ako ng chat sa gc,” wika ni Nick na napatingin sa cellphone niyang nakasabit sa gilid sa tulong ng phone bracket. “K-kinukumusta ni Lucy kung…kailan tayo babalik sa hotel.”

Sa sobrang curious ay nag-open kaming lahat ng phone. Nakita ko ang chat niya. Hindi raw siya nakasama dahil nagkasinat daw siya. Kung ganoon, sino ang kasama namin na Lucy?

Sabay-sabay kaming napatingin sa katabi kong si Lucy. Nakakatakot ang kanyang mga nanlalaking mata at ngising demonyo.

Umalingawngaw ang matinis niyang boses kasabay ng pagsigaw naming lahat.


WAKAS


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: