PORTER

 

GENRE: Magical Realism

BUMUKAS ang pinto ng kuwarto kung saan nakakulong si Cathy. Ang babaeng nakahalukipkip ay bigla na lamang napaangat ng ulo at iniharang ang kaliwang kamay sa kanyang mga mata dahil sa nakasisilaw na liwanag galing sa labas.

“Siya na ‘yon?” tanong ng boses babae sa isang warden. Hindi ito maaninag ni Cathy kahit anong gawin niya.

“Yes, Madame,” sagot ng lalaki.

“Mukha namang lampa ‘yan.” Lumingon sa kanya ang pigura ng babae.

Ikiniskis ni Cathy ang mga paa dahil sa pangangati at sakit na dulot ng mga kadenang nakagapos sa kanyang mga paa. Natigil lamang siya nang makarinig ng tunog ng takong na nag-uunahang lumapit sa kanya.

Nang iangat niya ang ulo ay nakita niya ang pamilyar na mukhang hinding-hindi niya makakalimutan.

“Do you want to save your father?” tanong nito.

NAGPAIKOT na lang ng mga mata si Ashley nang makita ang mga kasama niyang mga hindi maintindihan. Agad umakyat ang dugo sa kanyang ulo at gusto na niyang sigawan ang mga ito ngunit hindi siya pwedeng magsungit. Kailangan niya pa sila.

Iniisip niya kung tama ba ang desisyon niyang kunin ang mga ito sa team. Dapat pala mga gwapo at machong lalaki na lang ang kinuha niya at hindi mga malalambot na jelly bean bags.

Nasa rooftop sila ngayon, sa harap ng building na target nila.

Bumuo si Ashley ng team para isakatuparan ang kanyang gusto. Sinuyod niya ang kulungan ng mga taong may kakaibang abilidad. Ginamit niya ang impluswensya at kanyang pera upang tubusin ang mga ito.

“Perfect spot.” Napalingon si Ashley sa babaeng may hawak ng binocular at pinapasadahan ang building sa harapan nila.

Si Leslie ay kilala bilang isa sa pinakamahusay na sniper. Kaya nitong makakita kahit gaano pa kalayo at hindi ito nagmimintis.

“Leslie, ano, okay ka na ba?” tanong ni Ashley rito.

 Tumango lang ito sabay nguso sa babaeng nasa gilid at may kinakaing lollipop. “Ako okay lang, pero sigurado ka ba dyan sa partner ko?”

Nang tingnan niya ay itinuro nito si Angie. Ikinukumpas nito ang kanang kamay. Sumusunod naman ang bola ng pingpong sa bawat kumpas nito na tumataas-baba.

Bumuntong-hininga si Ashley nang makita si Angie na  pumapalakpak nang hinagis ang bola at pagbagsak ay may tinamaang tao sa ibaba.

Si Angie ang pinakabata sa tinubos niya. Mayroon itong  telekinesis. Galing ito sa mayamang pamilya pero may pagka-kleptomanicac dahil lahat ng gusto niya, kukunin niya.

Bumuntong-hininga si Ashley at pinagmasdan muli ang ibang kasama. Hindi yata balanse ang ginawa niyang team.

Nag-unat ng katawan si Neriza na nakatingin sa kanya. “Ano na, boss? Ano’ng plano?”

Si Neriza ang isa sa mga good shots na nakuha niya. Mayroon itong psychometry ability. Kaya nitong malaman ang mga nangyari sa isang lugar sa paghawak lamang ng mga bagay o tao pa. Iyon nga lang, may pagkaantukin ito at saglit lang itong masandal, makakatulog na.

“Matulog ka muna, mukhang kulang pa tulog mo,” sarkastikong sagot ni Ashley.

“Kaya nga e, 24 hours lang tulog ko. Hays.” Bumalik ito sa pagkakaupo at tumungo muli.

Hindi makapaniwalang nagbuga ng hangin si Ashley.

“Am I crazy?” bulong niya sa sarili. Hinigpitan niya na lang ang paghawak sa binocular at nagpipigil na sumigaw sa sobrang inis. Inaliw niya na lang ang sarili sa pagtingin sa kanyang target.

“I hope this works.” Nagmamayabang ang malaking pangalan sa itaas ng pretishyosong gusali. Matagal na niyang hinahanap kung saan makikita ang tanging portal. At dito, sa malaking building na pagmamay-ari ng isa sa pinakamaimpluwensyang negosyante/politician niya lang pala ito mahahanap.

Siya si Ashley Calista; isa siyang porter.

Porter ang tawag sa naghahanap ng nakatagong portal. Iba’t iba ang dahilan ng mga tao sa paghahanap nito. May mga taong gustong maging malakas sa pamamagitan nito, magkaroon ng angking abilidad, at sa kaso ni Ashley, isang mabigat na rason.

Ayon sa kaniyang source, maaring ang portal ay  nasa bagong gawang gusali na ito ng businesswoman at mismong congresswoman din ng city na si Daiane.

Naramdaman niya na nag-iinit ang bagay sa kanyang bulsa kaya inilabas niya ito. Gumagalaw ang kulay asul na likido na nasa loob ng maliit na bolang crystal.

“Nandito nga ba ang tamang portal?” tanong niya sa isip.

Lumingon siya kay Cathy na nasa sulok ng rooftop. Matagal na pala itong nakatingin sa kanya maging sa hawak niyang crystal. Agad niyang ibinulsa itong muli at lumapit kay Cathy.

“Handa ka na ba bukas?” tanong niya sa babaeng mahaba ang buhok at may eyeglasses.

Inayos nito ang eyeglasses bago sumagot. “Paano ako makakasiguro na tutupad ka sa usapan?”

Palatak na tumawa si Ashley. “Come on, alam kong hindi ka nakakalimot. Ikaw pa ba, e may sharp memory ka.

“Isusumbong kita kapag hindi ka tumupad,” seryoso nitong wika na hindi inaalis ang matatalim na tingin kay Ashley.

“Sino naman ang maniniwala sa anak ng rebelde?” ngumisi si Ashley at inayos ang kwelyo na suot ng dalaga. “Maghanda ka na sa party. Kailangan mong tandaan ang pasikut-sikot sa building na ‘yan.”

NAKAPUWESTO na ang kasama niya upang magmatyag habang sila nina Neriza, Angie at Cathy ay panakaw na naghanap sa loob. Base sa paggamit ni Neriza ng kanyang ability, nakita niyang nag-uusap sina Daiane at isang lalaki tungkol sa bagay na nakatago sa likod ng pamosong painting. Ito ay nakapwesto sa penthouse ng congresswoman.

Hinahawakan ni Neriza ang pader habang nakapikit. Binabaybay nila ang daan patungo sa pent house sa tulong ni Cathy. Nauna na si Cathy na magmatyag at tinandaan niya muna ang pasikut-sikot bago sila tumuloy sa misyon. Busy ang mga tao sa party kaya sinamantala na nila.

“Leslie, standby,” paalala ni Ashley kay Leslie na nagmamatyag sa labas ng building. Tanging sa wireless device lang sila nag-uusap.

“Copy, boss,” sagot nito.

Dumilat si Neriza nang may makita sa kanyang vision. “Nakatago ang portal sa bed room.”

Nang nasa harapan na sila ng pent house, iniluwa ni Angie ang bubble gum at ipinalipad ito sa papunta sa isang CCTV.

Hinawakan ni Neriza ang  smart lock upang malaman ang passcode. “0930,” wika nito.

Nanlaki ang mga mata ni Ashley nang marinig ang code. Pamilyar sa kanya ang passcode.

Pipindutin na sana ni Neriza ang code nang bigla itong tumigil at napatingin kay Ashley. “Alam nila.”

Agad na naghanda sila kung sakali mang may nakaabang. Hinawi ni Ashley ang dilaw niyang dress upang kunin ang baril na nakakabit sa kanyang hita. Si Cathy ay walang alam sa pakikipaglaban at wala rin siyang weapon na dala.

Nang buksan ni Neriza ang pinto ay wala naman silang nakita sa loob. Pumasok sila at hinanap ang bed room.

“Ashley, pumunta kayo rito,” sigaw ni Angie na nasa loob ng kwarto.

Agad silang pumasok at nakita ang malaking painting sa bed room ni Daiane.

“I want that painting. After ng misyon, iuuwi ko ‘yan, ah.” Itinuro ni Angie ang painting at desididong kunin ito.

“Kaya mo ba ‘yan dalhin nang hindi nila napapansin?” tanong ni Cathy.

“Palulutangin ko lang siya palabas, hello?”

“Wala na tayong oras. Mamaya na kayo mag-asaran.” Inilabas ni Ashley ang crystal. Marahan namang ibinaba ni Angie ang painting gamit ang ability niya.

Lumakas ang hangin na dala ng portal na pinaghalong itim at lila. Tinatangay ng hangin ang kanilang mga buhok ngunit nalalabanan pa nila.

Ang sabi ng mga magulang ni Ashley, kapag ipinasok daw ang crystal sa loob nito, magkululay raw ito ng gaya sa kulay ng crystal.

Nakangiting lumapit si Ashley sa portal. Sa wakas, nahanap niya na rin ang matagal ng hinahanap.

Nagbabakasakali siyang nasa loob ng portal ang kanyang magulang. Huli niyang naaalala, sampung taon na ang nakalilipas, nagpaalam ang kanyang mga magulang na hahanapin nito ang portal of eternal life. Noon ay hindi niya alam kung bakit pero ngayon ay alam na niya. Delikadong mapasakamay ng mga masasamang tao at sakim ang portal.

Kapag pumasok ka sa portal na ito, makukuha mo ang buhay na walang hanggan. Subalit, bago mo ito magamit, kailangan mo ng susi. Dahil kapag ang portal ay napakadilim at nanghihigop ang hangin gaya nito, kabaligtaran ang mangyayari. Hihigupin ka nito at mamamatay ka.

Sa kaso ng kanyang mga magulang, dalawa ang crystal na mayroon sila. Ang isa ay hinabilin sa kanya, ang isa naman ay dala ng mga ito.

“This is it,” wika ni Angie. Malayo sila kay Ashley, nakatayo lang sila sa may pintuan at pinagmamasdan lang si Ashley na lumapit sa portal.

Nakangiti si Ashley habang lumalapit. Naalala niya kung bakit nga ba niya kinuha ang mga ito at nagbuo ng grupo. Ang lahat ay dahil kay Daiane.

Si Angie, laki sa mayamang pamilya. Ang mga magulang nito ay kasosyo ni Daiane sa negosyo. Subalit trinaydor  ito at inakusahang may itinatagong anak na may angking abilidad. Agad na napatay ang magulang nito.

Simula nang maupo si Daiane, ipinagbawal nito ang paggamit ng abilidad o mahika. Ipinapapatay nito o hindi kaya ay ikinukulong. Pinapatay nito ang magulang ni Angie at ikinulong naman ang huli sa kung saan niya rin nakuha si Cathy.

Si Neriza naman, dati itong executive assistant ng gobyerno. Subalit nang umibig sa isang rebelde at nalaman ang  sikretong abilidad nito ay ikinulong ito. Pinatay rin sa harapan nito ang dating nobyo.

Si Leslie, na-frame up ito ng kasamahang negosyante ni Daiane. Isa itong olympic competitor for shooting sports. Sa kagustuhan ng manager ng kakumpetensya nito na manalo ang alaga na si Vanie ng business tycoon na si Kokey ay isinama nila ito sa shooting game at sa kasamaang palad, totoong bala na pala ang nakalagay sa baril ni Leslie kaya namatay ang nabaril nito sa ulo. Nalaman din na may angkin itong abilidad na ipinagbawal na sa batas kaya ikinulong ito.

Samanatalang si Cathy, inakusahan ang ama na kasapi ng rebelde. Kaya ng papa nito na burahin ang lahat ng alaala ng isang tao. Kaya naman hinunting ito ng gobyerno at ikinulong malayo sa city. Kung saan, inihahanda sila sa pataw na kamatayan.

Ang plano ni Ashley ay isiwalat ang kasamaan ng kanilang congresswoman maging ang mga kasama nitong politiko. Ito ang gumawa ng batas na isinumite sa gobyerno upang hulihin ang mga may angking mahika at abilidad sa buong bansa.

Ipapasok na sana ni Ashley ang crystal nang mahinto siya. Naririnig niya ang kasa ng mga baril malapit sa kanya. Naririnig niya rin ang mahimbing na hilik nina Neriza at Angie. Ang tunog naman ni Cathy ay tila kinakabahan at nahihirapan sa paghinga.

May iba kaming kasama, anang isip niya.

Narinig niya ang tunog ng pagngisi ng matandang babae. Inihanda niya ang baril at lumingon sa kung nasaan ang mga kasama.

“Sabi ko na nga ba, nasa iyo ang tunay na susi ng portal. Ang tagal kitang hinintay, Ashley Calista.” Halos umabot sa tainga ng nagsalita ang ngiti nito.

Isang kulubot na matandang tila nasa edad 60 na ang kanyang nakita. May kasama itong mga lalaki. Ang isa ay nakatutok ang baril sa ulo ni Cathy. Ang iba ay nakabantay sa natutulog na sina Neriza at Angie. May tatlong lalaki na tinutukan din siya ng baril.

Napahigpit ng hawak si Ashley sa crystal sa kaliwang kamay habang nakatutok ang baril na hawak sa kanang kamay.

“Mahirap talagang kalabanin ang mga may ability. Lalo na ang mga magulang mo. Ikaw ba, Ashley, naman mo ba ang pagiging clairvoyant ng magulang mo?”

Nagtiim-bagang siya at pinipigilan ang sariling patayin ang matandang babae sa kanyang harapan. Nawala siya sa pokus kanina kaya hindi niya napansin na may nakapasok na pala sa loob.

“Hindi ko kailangan makita ang future, mas gusto kong ako ang gagawa ng future,” wika niya na ikinabunghalit ng tawa ng mangkukulam este ni Daiane.

Hindi niya naman ang clairvoyant ng mga ito ngunit malakas ang hearing ability niya o kung tawagin ay aerokinesis.

“Ang lakas talaga ng loob mo.” Pinupunasan nito ang luha dahil sa pagtawa. “Buksan mo na ang portal o papatayin ko ang mga kasama mo. Hindi ko sila sasaktan kung susundin mo ako.”

Narinig ni Ashley ang paghinga ni Daiane at ang mahihina nitong pagtawa na parang hindi ito tutupad sa usapan.

“Anong kailangan mo sa portal? Hindi ba ikaw ang gumawa ng batas para hulihin ang mga magtatangkang hanapin ito at upang mawala na rin ang mga may angking abilidad?”

“Nag-iisip ka bang talaga, Ashley? Bakit ko naman hahayaang makuha nila ang gusto ko? Kapag nakapasok ako sa Eternal life, makukuha ko ang buhay na walang hanggan at magkakaroon din ako ng pinakamalakas na kapangyarihan. Ako na ang magiging  pinakamalakas sa buong mundo! Pwede na rin akong maging presidente kapag nangyari iyon.”

“Ginawa mong instant beauty ang portal, e, wala ka namang ikagaganda pa.”

“Shut up!” Inagaw nito ang baril sa kasama at itinutok sa kanya. “Bubuksan mo iyan, o, papatayin ko ang mga ito?”

“Easy, ito na bubuksan na..Paalala ko lang na kapag hindi ka nakabalik ng ilang minuto, habambuhay ka ng mananatili roon.”

“Shut up, alam ko ‘yan.”

Ipinasok ni Ashley ang maliit na bolang crystal sa loob. Tumigil ang malakas na paghigop ng hangin nito at nagkulay ito kagaya ng sa kulay ng crystal.

“Ang portal ko!” masayang sabi ni Daiane. Lumapit ito at nagtatalon sa tuwa. Mayamaya ay lumingon ito sa babae.

“Alam mo ba, Ashley? Nang malaman ko na may portal sa lugar na ito, Agad kong ipinagawa ang building upang maging akin ang portal. Sa tingin mo ba, ganoon ako katanga? Sinadya kong pakawalan ang mga kasama mo. Hindi ka ba nagtaka na ang bilis ng lihim ninyong transakyon.” Umiling-iling ito. Dinig na dinig ni Ashley ang nakakainsulto nitong pagpapatunog ng dila. “Sayang ang mga magulang mo. Kung nakinig lang ang mga tao sa babala, hindi kayo mapapalayas sa lugar na ito.”

Matagal ng pinalayas ang mga clairvoyant sa City dahil sa pagkakalat nila ng balita. Nalaman nila ang mangyayari sa kasalukuyan. Pero hindi  naniwala ang mga tao dahil sino nga naman ang paniniwalaan? Ang makapangyarihan o ang mga kagaya nila?

“Kaya ba pinahuli mo ang mga naniniwala sa clairvoyant? Kaya ba pinahuli mo ang papa ko?”  galit na tanong ni Cathy.

Sinenyasan ng matanda na itulak si Cathy kaya ginawa ito ng lalaki. Tumalsik ang salamin nito kaya walang magawa si Cathy kundi kapain ito. Tumigil lang ito  nang itutok muli ang baril sa ulo.

“Ano pa nga ba? Isa pa ay nakakasuklam ang lahi ninyong may sharp memory. Oo nga pala, bukas na papatawan ng death penalty ang papa mo.” Parang wala lang kay Daiane ang balita.

“Hayup ka! Wala kang kasing kasama. Kulubot ka na nga pati ugali mo kulubot din.” Lalong itinutok ng lalaki ang baril sa ulo ni Cath nang magsalita ito.

Tumawa si Daiane. “Patayin silang lahat!”

“Ngayon na, Leslie!” sigaw ni Ashley.

Bago pa man makapasok si Daiane sa portal ay binaril na ni Leslie ang may hawak kay Cathy. Gumulong sa gilid si Ashley at pinagbabaril ang ibang kasama ng huklubang si Daiane.

Tumakbo si Ashley papunta kay Cathy at sapilitan niya itong pinayuko upang hindi tamaan ng bala. Agad niyang binaril ang lalaki at tinamaan ito sa braso. Babaril pa sana ito nang mai-snipe ito ni Leslie.

Matapos niyang itabi si Cathy ay isinunod niya ang dalawa na mahimbing pa rin ang tulog. Nagkakabarilan na, hindi pa rin nagigising.

Nang mabaril ni Ashley ang huling lalaki ay siya namang  pasok ni Daiane sa portal. Tumatawa pa ito nang nakakaloko bago tuluyang makapasok.

Huminga nang malalim si Ashley at sumilay ang nakakalokong ngiti. “Mission accomplished. Nakapasok na siya.” Lumingon siya kay Cathy na natagpuan na ang tumalsik na eyeglasses. Sinuot nito iyon at tumayo sa tabi ni Ashley.

“Engot,” sambit ni Cathy. Itinapat niya ang kamay sa portal. Hinigop ng kamay nito ang portal hanggang sa tuluyan itong naglaho. “Akala niya totoong portal ito ng eternal life. Hindi man lang siya nakatunog.”

Bukod sa hindi makalimot si Cathy, kaya niya rin gumawa ng illusion at magbukas ng warp. Isa rin siyang porter na may kakayahang magteleport.

Sa umpisa pa lamang ay plinano na nila ang gagawin. Bago pa man makulong si Cathy ay matagal na silang may ugnayan ni Ashley. Gumawa si Cathy ng portal sa himpapawid na kasingkatulad ng sa eternal life limang taon na ang nakalilipas. Hanggang sa nahuli ang papa niya na nagpaplano ng pag-aaklas laban sa gobyerno at nakulong siya. Ang akala ni Daiane ay sharp memory lang ang mayron siya. Hindi nito alam maging ang kanyang ama na isa rin siyang teleporter. Kaya naman upang hindi makatunog ang gobyerno, nagpagawa si Daiane ng gusali hanggang sa maabot nila ang portal at doon isinakto sa pent house mismo.

“Saan mo naman pinalipad si Daiane?” tanong ni Ashley.

“Sa space.”

Sakto namang nagising ang dalawang babae.

“Success ba?” tanong ni Neriza.

“Wala na ang witch. Sumalangit nawa ang kaluluwa,” komento ni Angie na masayang niyakap ang bahagi ng painting. “Imma take this!”

Nakarinig si Ashley ng mga mabibigat na yabag. Naririnig niya rin ang mga taong balak umakyat sa pent house dahil sa narinig na putukan.

“Cath, alis na tayo rito.” Sumunod naman ang dalawa at gumawa na ito ng portal papunta sa kabilang building kung nasaan si Leslie.

“Nagkakagulo na sila…” Nakasilip pa rin si Leslie sa kabilang building gamit ang sniper niya.

“So, paano na? Is this the end?” Ibinaba ni Angie ang painting sa tabi niya. “So long and goodbye?”

Umiling si Ashley. “Hindi pa…may ililigtas pa tayo.”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: