Chapter 19: Test Day

"Throw your dreams into space like a kite, and you do not know what it will bring back, a new life, a new friend, a new love, a new country."-Anais Nin

***

Sa araw ng citizenship exam, sumama sa akin si Maricar.

Nagkataon kasi na day off din niya at nagprisinta siya dahil baka daw kailangan ko ng moral support.

Bago mag-alas siete ay nasa basement na siya at parang nanay na nagcheck kung dala ko na lahat ng kailangan ko.

Tiningnan pa ang backpack ko kung meron akong dalang ballpen at kung nailagay ko ang sulat na galing sa Canadian Embassy.

Dahil nakalagay sa guideline na bawal ang cellphone sa loob ng exam room, sinabi ko sa kanya na siya na ang bahala sa gamit ko once pumasok na ako.

Bago ko sinara ang pinto ay nagsign of the cross muna ako.

"Kayang-kaya mo iyan." Inakbayan niya ako sabay pisil sa balikat.

"Paano kung bumagsak ako?"

"Ano ka ba? Think positive. Nagreview ka naman di ba?"

Umakyat na kami sa hagdan at pinauna ko siyang lumabas sa pinto.

"Oo pero nininerbiyos pa din ako. Sabi ni Arlene, three mistakes lang ang allowed."

Binuksan niya ang bakod na gate at ako naman ang unang pinalabas.

"Nel," Nilock niya ang tarangkahan at sinabayan na akong maglakad papunta sa train station.

"Magtiwala ka sa sarili mo. Di ba pasado ka naman sa online test?"

Tumango ako.

"Yun naman pala eh. Basta magfocus ka lang sa gagawin mo. Huwag mong hayaan na matalo ka ng takot. Kayang-kaya mo iyan. Bilib kaya ako sa'yo."

Nakakapagpalakas ng loob ang mga sinabi niya pero hanggang makarating kami sa Harry Hays Building sa downtown, pilit pa ding pumapasok sa isip ko ang posibilidad na baka bumagsak ako.

Matagal ko na kasing pangarap na dumating ang araw na ito.

Ang dami kong sinakripisyo kaya naman grabe ang pangamba ko.

Umakyat kami ni Maricar sa escalator at ng sinamahan niya ko sa pila.

Nang pinapasok na ng security ang mga mage-exam, inabot ko kay Maricar ang backpack.

"Hihintayin na lang kita sa baba." Sabi niya habang sinusuot sa balikat niya ang gamit ko.

"Good luck ha?" Nginitian niya ako at nagpasalamat ako sa kanya.

Pagpasok sa exam room, may maikling speech ang isang babae.

Binigyan niya kami ng instructions at sinabi na pagkatapos ng exam, maghintay kami saglit dahil sasabihin din sa amin ang test results.

Twenty questions lang naman pero ng bigyan na kami ng signal na pwede na kaming magsimulang sumagot, saglit na tinitigan ko ang questionnaire.

Pumikit ako at saglit na nagdasal.

Pagkatapos ay sinimulan ko ng sagutan ang test paper.

Wala pang thirty minutes ay natapos ko ang exam pero binasa ko ulit ang mga sagot ko para makasigurado na tama ang mga sagot ko.

Nang satisfied na ako, tumayo ako para iabot sa isang lalake na nakaupo sa harap ang exam sheet.

Saglit lang akong naghintay at sinabihan ako na pumunta sa isang gilid kung saan may isang babae na naghihintay sa akin.

Kinakabahan akong lumapit sa babae na reddish brown ang buhok.

Sinabi niya sa akin ang resulta at pagkatapos ay tinuro ang exit.

Paglabas ko, nakatayo sa gilid ng CR si Maricar at titig na titig sa phone niya.

Pinagmasdan ko siyang maigi dahil salubong ang kilay at seryoso sa kung anumang tinitingnan niya.

Kung hindi ko pa siya tinawag, hindi niya malalaman na kanina pa ako nakatingin sa kanya.

Ngumiti siya ng makita ako.

"Anong nangyari?" Kunot-noong tanong niya ng makita na seryoso ako.

Hindi ako agad sumagot.

"Nel? Ba't ganyan ang itsura mo?" Lumapit siya at hinawakan ang kamay ko.

Pinigil ko na maiyak pero ng higpitan niya ang pagkakahawak sa akin, di ko na maiwasan ang ngumiti.

"Pasado ako."

"Talaga?" Tuwang-tuwa si Maricar.

"Oo."

"Oh my god! Canadian ka na."

Nagulat ako ng bigla niya na lang akong niyakap.

Nalanghap ko ang cherry blossom scent ng lotion niya.

Humigpit ang pagkakahawak niya sa akin samantalang para naman akong tuod na nakalaylay lang ang mga kamay sa gilid ko.

"Kain tayo. Treat kita." Natutuwang sabi ko ng bitawan ako ni Maricar.

"Sige ba. Saan tayo pupunta?" Lumakad na kami papunta sa escalator.

"Anong gusto mong kainin?"

"Ikaw ang pumili tutal this is your celebration."

"I'm craving for Japanese food." Nauna akong sumakay sa escalator.

"Eh di yun ang kainin natin."

"Okay."

"Teka. Hindi mo ba tatawagan ang family mo para sabihin sa kanila ang good news?"

"Oo nga pala. Sa sobrang excitement, nakalimutan ko." Kinuha ko sa kanya ang backpack at pumuwesto sa isang gilid.

Binuksan ko ang front pocket at kinuha ang cellphone.

Tahimik na nakatingin si Maricar habang binubuksan ko ang Messenger.

Alas-diyes na ng umaga at ala-una naman sa Pinas.

Kahit alam ko na tulog na sila, sinubukan ko pa din.

Nang hindi sila sumagot, mabilis akong nag-type ng message para sabihin na pumasa ako.

Sinunod kong i-message si Lise.

Isa siya sa nagdarasal na pumasa ako bukod sa matiyaga niya akong tinulungan sa pagrereview.

"Tara na." Pinasok ko ang cellphone sa bulsa ng suot na maong.

"Tulog na sila?"

"Oo eh."

Nauna akong lumapit sa pinto at pinagbuksan ko siya.

"San tayo kakain?" Masayang tanong ni Maricar.

"May alam akong restaurant sa Sunnyside. Masarap dun."

"Kahit saan. Basta ikaw na ang bahala."

Tumayo kami sa gilid ng kalsada at naghintay ng walk signal.

"Anong pakiramdam mo ngayong isa ka ng Canadian?" Todo-ngiti si Maricar.

"Hindi pa din ako makapaniwala  na nangyari na yung matagal ko ng pinapangarap."

Sinilip ko ang traffic light pero hindi pa namin red pa din ang ilaw.

"Anong balak mo ngayon? Magtatrabaho ka pa din sa Tim's?" May bahid ng pag-aalala sa boses niya.

"Oo naman. Magbabayad muna ako ng utang na loob pero magi-inquire na ako sa mga schools."

"Gusto mong mag-aral ulit?"

"Oo. Lalo na ngayong pwede na, gusto kong tingnan ang mga options."

"Anong balak mong pag-aralan?"

"Ang sabi ni Arlene, in-demand daw ang courses sa oil and gas, medical field at saka nursing."

"Gusto mong maging nurse?"

"Hindi."

"Eh ano talaga ang gusto mo?"

"Mas interesado ako sa medical courses na ino-offer nila."

"Basta kaya ng utak mo, go lang ng go."

"Ikaw? Gusto mo ding mag-aral?"

"Ayoko ng mag-aral. Ang balak ko, kapag pwede ng magdouble job, maghahanap ako ng isa pang trabaho."

"Kaya mo iyon?"

"Kakayanin ko. Lalo na ngayong naospital na naman si Tatay."

Green na ang ilaw sa traffic light kaya tumawid na kaming dalawa.

"Anong nangyari sa kanya?" Tanong ko habang naglalakad kami patawid sa kabilang kalsada.

"Inubo daw tapos muntik pang magkapneumonia. Eh delikado kapag ganun kasi nakakamatay iyon di ba?"

"Kumusta na siya ngayon?"

"Okay na daw. Tatlong araw din sa ospital. Gusto nga ng doktor na isang linggo siya dun pero dahil magaling na siya, nakiusap na i-discharge na siya. Alam mo naman sa Pinas di ba? Kung hindi ka mamatay sa sakit mo, mamamatay ka sa mahal ng bayad sa ospital."

Narating na namin ang train station at pumasok si Maricar sa glass-encased vestibule.

"Meron ba akong maitutulong?"

"Alam mo, Chanel. Sapat na sa akin na kasama kita at lagi kitang kausap. Kahit papaano, nababawasan ang mga problema ko sa buhay."

Nginitian niya ako pero hindi maikakaila ang lungkot na dinadala niya.

"Ang mabuti pa, mag-enjoy na lang tayo ngayon." Mungkahi ko.

"Pagkatapos nating kumain, gusto mong manood ng sine?"

"Sige."

"Akong taya."

"Ano ka ba?" Marahan niyang hinataw ang braso ko.

"May pambayad naman ako." Nahihiya niyang sabi.

"I insist." Pinisil ko siya sa braso.

"Kung gusto mo, sa susunod, ikaw naman ang taya."

"Okay. Ayoko namang isipin mo na tinitake-advantage kita."

"Hindi ako nag-iisip ng ganun."

"Bakit ang bait mo?"

"Sadya akong mabait."

Tumawa si Maricar.

Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko.

Dumating ang train at tumigil sa tapat namin.

Nauna siyang lumabas at hinintay naming makababa ang mga pasahero bago kami pumasok.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top