Chapter 12
Nasa emergency si Lise sa ospital na malapit sa bahay namin.
Ang sabi niya, bumaba siya sa laundry room para kunin ang mga damit na nasa dryer ng makita niya na bukas ang pinto sa basement.
Hindi niya na nga daw papansinin pero parang kinutuban siya kasi ang tahimik ng paligid.
Kapag nasa bahay si Maricar lalo na mula ng magbreak sila ni Ely, malimit itong magpatugtog ng mga sad songs.
Ang sabi ni Lise, parang may nagtutulak sa kanya na buksan ang pinto.
Nagdalawang-isip pa nga daw siya kasi baka magalit si Maricar pero naweirdohan siya kasi iniwan nito na bukas ang pintuan.
Kumatok siya pero walang sumagot.
Tinulak niya ang pinto at nagulat siya sa nakita.
Nakahiga si Maricar sa sofa at bumubula ang bibig.
Sa sahig ay may bukas na bote ng whisky.
Nilapitan niya ito at tsineck ang pulso pero wala.
Nataranta siya at kailangan pa niyang bumalik sa taas para kunin ang phone.
Tumawag siya sa 911 at sinabi ang nangyari.
Saglit lang daw at dumating ang ambulansiya.
Tinanong siya ng mga EMT kung ano ang nangyari.
Sinabi niya na ganito niya naabutan si Maricar.
Sumama siya sa ambulansiya at nasa waiting area habang tumatawag sa akin.
Nagtanong siya kung puwede akong pumunta sa ospital.
Sinabi ko na susubukan ko.
Ako ang closing shift at malabong pumayag si Ranjit na mag-extend hanggang alas-onse ng gabi dahil graveyard shift ang asawa niya at walang maiiwanan sa dalawa nilang anak.
Hindi ko na ito sinabi kay Lise.
Ayokong dagdagan pa ang pag-aalala niya.
Bago ako nagpaaalam, sinabi ko sa kanya na kokontakin ko si Jackie para malaman ang nangyari sa pinsan niya.
Tama nga ako na hindi papayag si Ranjit.
Kahit pa sinabi ko na emergency, hindi ko na dinetalye ang dahilan.
Sigurado ako na pagtsitsismisan nila si Maricar lalo na at mainit ang dugo niya dito dahil malimit itong late kapag magkasama sila sa shift.
Tinawagan ko si Jackie.
Nang malaman niya ang nangyari, sinabi niya na papupuntahin niya ang magulang niya sa ospital.
Nakaduty daw siya at panggabi din ang shift.
"Nel, baka kung ano ang mangyari kay Maricar." Nag-aalalang sabi niya.
"Huwag kang mag-alala. Nandoon naman si Lise. Text kita kung may balita siya."
"Sige. Buti na lang at naabutan siya ni Lise. Ang gagang iyon talaga. Pag nagising siya, iuuntog ko ang ulo niya sa pader para matauhan."
Nang tinawagan ko si Lise, sinabi ko na hindi ako makakarating.
"Pasensiya ka na, babe. Wala akong mahanap na kapalit."
"Okay lang. May kasama naman ako."
"Sino?" Nagtatakang tanong ko.
"Si Skylar."
Nagulat ako.
"Anong ginagawa niya diyan?"
"Pupuntahan sana daw niya ako sa bahay dahil galing siya sa barkada niya na dito din banda nakatira. Nasabi ko kung nasaan ako. Ang akala niya kung ano ang nangyari sa akin. Pumunta dito para samahan ako."
"Ba't di ka nagtext na nandiyan pala siya?" Tumaas ang boses ko.
"Sorry, babe. Taranta pa din kasi ako sa nangyari. Ni hindi na nga ako nakapagpalit ng damit."
Na-guilty ako dahil hindi ko naitago ang selos.
Ewan ko ba.
Mula ng maging close sila ni Skylar, malimit kong makita si Lise na nakatingin sa phone niya.
Alam ko naman na malimit silang magtext ni Skylar pero naninibago ako sa closeness nila.
"Huwag ka ng magalit." Nabasa niya yata ang iniisip ko.
"Nagmamagandang loob lang naman si Skylar. Buti na din at nandito siya dahil mas alam niya ang gagawin kesa sa akin."
"Okay. Sorry." Bumaba na ang tono ko.
"Tinawagan ko na din si Jackie. Darating daw ang parents niya. Expect mo ang tawag nila ha?"
"Okay."
"Kumain ka na ba?"
"Oo. Kumain na ako."
Tatanungin ko sana siya kung anong kinain niya pero hindi na mahalaga.
Basta hindi siya malipasan ng gutom, okay na sa akin.
"Anong balita kay Maricar?"
"Ang sabi ng doctor, ang daming ininom na sleeping pills. Buti na lang at naabutan ko dahil kung hindi, baka hindi narevive. Bukod sa gamot, may isang bote ng whisky sa tabi niya na wala ng laman."
Napabuntong-hininga ako.
Nagkulang ba kami sa pagbabantay kay Maricar?
"Bakit natahimik ka?"
"May namiss ba tayo?"
"Saan?"
"Kay Maricar? Hindi ko alam na aabot sa ganito."
"Nel, huwag mong sisihin ang sarili mo." Mahinahon ang boses niya.
"Wala namang signs na gagawin niya 'to."
Totoo ang sinabi ni Lise.
Wala namang pahaging o biro si Maricar na magpapakamatay siya.
Kapag nagkikita kami sa coffee shop, lagi ko siyang kinukumusta.
Pero standard ang sagot niya.
Okay naman daw siya.
Dahil busy ako, hindi na namin magawang magdaldalan tulad ng dati.
Kapag nasa counter siya, magiliw naman siya sa mga customer kahit bangag sa alak.
Ngayong nangyari ito, naisip ko na sana, mas naging sensitive pa ako.
Sana, dahil alam ko na brokenhearted siya, mas nag-effort ako ng konti.
Kapag nakakasalubong ko siya, mugto ang mga mata niya.
Malimit siyang pumunta sa washroom para siguro umiyak.
Kahit sinabi ni Lise na huwag kong sisihin ang sarili ko, feeling ko, I failed as a friend.
Solo lang si Maricar sa basement.
Kahit nandito sina Jackie, malayo naman ang bahay.
Isolated si Maricar at nadagdagan pa ng maghiwalay sila ni Ely.
Hindi ako masyado makapagconcentrate sa work dahil iniisip ko si Lise at si Maricar.
Nag-aalala din ako dahil first time niyang pumunta sa ospital.
Oo at magaling naman siyang mag-English at edukada.
Pero iba pa din ang may kasama siya lalo na sa ganitong sitwasyon.
Katatapos ko lang linisin ang sandwich station ng mag-beep ang phone ko.
Kahit bawal ang magdala ng cellphone, dinala ko na dahil iba naman ang sitwasyon ngayon.
Ayon sa text ni Lise, dumating na ang magulang ni Jackie.
Naiyak nga daw si Tita dahil sa nangyari sa pamangkin niya.
Walang tigil nga daw sa pagpapasalamat dahil tinawagan niya ang ambulansiya.
Sila na din daw ang magbabantay kay Maricar.
Nakakahiya daw kay Lise dahil naabala siya.
"Uuwi ka na?"
"Oo. Ihahatid ako ni Skylar. Okay lang sa'yo?"
"Oo naman."
Kahit hindi okay sa akin, lampas alas-diyes na ng gabi.
Baka nga walang dalang pera si Lise dahil sumabay siya sa ambulansiya.
"Ingat ka, babe. Magkita na lang tayo sa bahay mamaya."
"Ikaw din. I love you."
"I love you, too." Nakangiting sagot ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top