2 - Dead Girl
Alas-sais na ng umaga. Nakatulala pa rin ako sa harap ng mesa, nakatitig sa umuusok na mug ng kape at pritong tapa.
"Tanghali na, Nicholas," paalala ni Manang Bining habang inihahain ang mainit na sinangag.
Matanda na si Manang Bining. Hindi ko alam kung ilang taon na siya. Siguro mga one-hundred ten (haha) kasi puti na halos lahat ng kulot na buhok niya. Malamang namuti na sa kunsumi niya kay Mama. Siya din kasi ang nag-alaga sa nanay ko. Ang nanay kong mas sira pa ang ulo sa'kin.
Tinusok ko ng tinidor ang hotdog sa plato ko, sabay ngasab ng walang mulat. Sa totoo lang, wala akong gana. Pero masarap ang pagkain. Halos wala rin akong tulog. Pa'no ba naman akong makakatulog kung alam ko na anumang oras, may taong nagbabalak na maglaslas ng pulso o kaya magbigti. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit may mga taong sobrang emo. Malamang walang tapsi sa langit. O impyerno. Kung saan man siya mapunta.
Tahimik na umupo sa harap ng hapag-kainan si Kurt. Kapatid ko. Lagi naman siyang tahimik. Seven palang siya. Menopause baby. Sabi nila special child daw. Pero hindi ko talaga maintindihan kung ano ang special sa kaniya. Hindi siya mahilig magsalita. Puro video games, laruan at libro lang ang inaatupag niya. Magsalita man siya, si Jake lang ang lagi niyang kausap.
Siguro naisip mo, anu naman ang weird dun? Nasabi ko naba na si Jake ay isang Shih Tzu? Hindi pa? O ayan, nasabi ko na.
"Mama wanna talk," matipid niyang sabi bago iabot ang Ipad na halos hindi na niya binibitawan. Sa halip na kumain, sinubuan niya ng hotdog ang maliit, mataba at mabalbong aso na nakaupo sa paanan namin.
"Kurt," tawag ni Manang. "Tigilan mo na yang kakapakain kay Jake ng kung anu-ano. Overweight na daw yan sabi ng beterinaryo."
Huminga muna ako ng malalim bago ko hinarap ang nanay ko.
"O, Ma," sabi ko, medyo naiirita.
Tinitigan niya ako ng mga three seconds bago magsalita. "O, Ma? Nicholas Caleb Richter! Three months na tayong hindi nag-uusap tapos 'yan lang ang sasabihin mo sa'kin?"
Hindi na'ko sumagot. Hahaba na naman ang usapan. Kunwari nalang enjoy akong kausap siya.
"Hindi mo man lang ba tatanungin kung kailan kami uuwi ng Daddy mo?"
"What's the point, Ma?" Humigop ako ng kape para itago ang disappointment sa mukha ko. "As I see it, nag-eenjoy ka naman diyan sa Germany. Just... do whatever you want. Hindi ka na bata. At kung iuuwi mo lang din dito yang asawa mong-" Hilaw. 'Yun sana yung kasunod.
"NICO!" sigaw niya, halatang galit na. Napapikit na lang si Mama at bumuntong-hininga. "Don't ever disrespect your father. Not in front of me. Whether you like it or not, siya pa rin ang tatay mo. Kahit pagbali-baligtarin mo pa ang matres ko."
Ibinagsak ko ang mug ng kape sa lamesa, medyo nasasamid. "Seriously, Ma? Kumakain naman ako o?"
"Nico, parang hindi ka naman doktor." Natatawa pa siya.
"Hindi nga."
"Correction, Nico. Hindi pa," sagot niya agad.
Hindi na'ko nakaalma. Sila lang naman talaga ang may gustong kumuha ako ng medicine. Sila ng asawa niyang hilaw. Gusto ko talagang maging Vet. Para sa'kin, animals are easier to deal with than people. Less complicated. Walang ganung arte. Pero ano naman ang pakialam nila kung ano ang gusto ko sa buhay ko? Eh, buhay ko lang naman 'to, diba? Ano ba naman yung pilitin nila akong kumuha ng kursong ayaw ko naman talaga. Ano ba naman yung balang araw eh pagsisihan ko lahat ng pinaggagawa ko sa buhay ko. Tapos malay mo maka-dale pa'ko ng pasyente, matigok, eh di kulong si Kulas.
"Yeah, yeah. Male-late na'ko."
Inilapag ko ang Ipad sa sahig katabi ni Jake without ending the video call. Si Mama nagsasalita pa rin yata. It took at least half a minute bago niya napansin na si Jake nalang ang kumakahol sa kaniya habang tinitikman kung ano ang flavor ng screen ng Ipad.
"Nakakawalang gana, aga-aga," reklamo ko.
"Nakatatlong hotdog, dalawang platong kanin, isang platitong tapa, tapos walang gana?" parinig ni Manang Bining.
"Si Ma naman kasi," reklamo ko. "I'mma eat the leftovers paguwi ko ha, Manang?"
Napabuntong-hininga si Manang Bining. "O maligo ka na, anak. Nakahanda na ang uniform mo sa kama mo."
Ikaw ba naman ang laging bangag dahil sa sleep deprivation? Eh di daanin nalang sa lamon. Buti sana kung bangag ako dahil sa drugs. Baka yun masaya pa.
Sa eskwela, nakadukdok lang ako sa first subject ko habang nililitanya ni Prof ang lahat ng posibilidad kung paano makukulong ang isang doktor. Nice. Mga batas na yan ang sisira sa buhay ko balang araw. Actually, iniisip ko na nga kung anung tattoo ang ipapalagay ko sa likod ko 'pag natanggap na ang application ko sa bilibid.
Legal Medicine. Also known as Pajama Party. Parang lullaby music ang boses ni Prof. Hindi nga lang maganda pero nakakaantok pa rin. Sa lahat ng subjects ko, ito na yata ang unti-unting pumapatay sa brain cells ko.
Para na rin lang may silbi ang pag-upo ko sa 7:30 am class na 'to, nag-earplugs na lang ako sabay kalumbaba. Napabuntong-hininga habang nakatulala sa bintana. Sa mga estudyanteng padaan-daan sa catwalk ng building.
Pagkatapos ng klase, may kamay ng halimaw na tumama sa likod ng ulo ko.
"Natutulog ka na naman?" si Jane, classmate ko.
Oo. Jane. Parang yung sa Tarzan. Hindi ko alam kung coincidence lang o pagkapanganak pa lang niya halata nang magiging siya na ang tagapagmana ni Incredible Hulk kaya yun ang ipinangalan sa kaniya.
I've known her for forever. Mula yata pre-school, schoolmate na kami. Mula din nang magkakilala kami, naging lifelong mission na niya na saktan ako araw-araw. Sanay na'ko. I swear, I'll die early because of brain hemorrhage.
Sa halip na sumagot sa tanong ni Jane, ibinagsak ko ulit ang mukha ko sa desk at nagkunwaring natutulog para tigilan na niya ako.
"Boy!" sabay may umakbay sa'kin. Malamang si Raph. "Kain tayo sa taas."
"Di ako gutom," bulong ko.
Ten minutes later, nasa canteen na kami at lumululon na'ko ng overpriced the iced coffee at tatlong ham sandwiches nang magtanong si Raph. "Boy, may patient ka na sa Psych? Lapit na deadline ng report nun."
Ah, Psychiatry. Siya nga pala. Requirement. Kelangan naming humanap ng taong depressed na kailangang i-counsel at sabihan ng mga linyang, "Tell me more about it," at "I can see this makes you upset," kahit wala naman talaga akong pakialam.
Napabuntong-hininga ako.
"Don't tell me wala pa kayong clients?" Tumaas ang kilay ni Jane. "Come on, Nico! Kailangan mong mag-pass ng report if you want to make it to the next semester."
I stared blankly at her. Sa aming tatlo, siya lang ang mukhang excited.
Nilabas ni Jane ang tatlong tape recorders galing sa bag niya. Dalawang red at isang black. "Binili ko pa man 'to kasi di ba kailangan nating i-record yung conversation natin with our clients?"
"Wow. Jurassic era pa 'yan Jane ah," biro ko. "May gumagamit pa ba niyan?"
"Oo kaya!" depensa niya. "Tingnan mo, matching colors pa tayo."
Kumunot ang noo ni Raph. "Anong matching colors? Eh ba't black yung isa?"
"Kasi last two na lang yung stock ng red." Iniaabot ni Jane sa'kin yung isang red pero hindi ko kinuha. Instead, yung black ang kinuha ko.
"Okay lang. Favorite ko naman ang black." I lied. Red talaga ang favorite ko. Ginawa ko lang yon para wala nang away.
"Eh di akin na lang to." Hinablot ni Raph yung red. "Thanks! Basta libre 'to ha?"
Wala nang nagawa si Jane kundi magngitngit sa isang sulok. "Basta, Nico ha? Ayaw ko kayang pumasok mag-isa."
"Hmp. Papasa kaya ako," singit ni Raph. "Mas okay grades ko kay p're. Tayo na lang magkasamang papasok 'pag bumagsak siya."
Namutla si Jane. Nanlaki ang mga mata habang hinihila ang braso ko. "Nico. You're going to pass this subject. Ayaw ko kayang pumasok mag-isa... kasama niyan." 'Niyan' as in si Raph.
"Ouch." Umusad palayo ng upuan namin si Raph, sabay dukdok sa lamesa. "Ang harsh n'yo naman."
Natawa na lang ako. He always acts like a kid when he's upset. "Ikaw na lang kaya'ng gawin kong client, bro? Mukha ka namang may pinagdadaanan."
"Ha? Ang mukhang 'to? Saya-saya ko kaya. Si Jane pa. Nurse yan eh," sagot niyang natatawa.
Napasimangot si Jane, tinampal sa punong-tenga si Raph. "Ano connect? Porke't nurse, depressed agad-agad?"
"Nananakit? Eh diba nga, kaya ka nagme-med kasi wala kang mahanap na trabaho? Except na lang kung papayag ka nang kunin ka ng parents mo sa Canada."
"Lula! Kaya ako nag-med kasi nandito si-" Napatingin siya sa'kin, tapos biglang natahimik at sumipsip ng iced coffee.
Lalo pang lumakas ang tawa ni Raph. Alaskador talaga. "Punta ka na. Kaso mami-miss mo'ko. T'saka bawal ang laging late don. Balita ko di rin uso mga amasona do'n."
Halatang nagpipigil lang si Jane. "Tadyakan ko mukha mo eh."
"Labyu too!"
Napatingin sa'min yung nasa kabilang table. Yung hitsura niya parang bang di makapaniwalang ganito kagarapal mag-usap ang mga taong naka-uniform ng puti at balang araw eh gagamot sa magiging mga anak niya.
Naalala ko bigla yung napulot kong journal at pinakita ko sa dalawa. Nung una, ayaw pang basahin ni Raph. Pero nung nakita niyang interested si Jane, nakibasa na rin. Habang binabasa nila, nangalumbaba ako. Parang nandidiri pa si Raph na hawakan nung iniabot niya sakin.
"Bro, baka Death Note yan," sabay tawa.
Si Jane, hindi na naman maka-relate. Pareho kasi kami ni Raphael na addict sa anime at manga.
"Eh kung mahanap ko kaya yan?" sabi ko. "Tapos siya na lang client ko. Sure yun, ninety-eight grade ko sa Psych 'pag napigilan kong mag-suicide yan."
Tumaas ang kilay ni Jane. "Eh kung psycho-killer pala yan? Tapos hindi ka na mahanap ng pulis kasi pinagchachop-chop na yung katawan mo tsaka tinapon sa dump site ng Irisan."
Natawa nang malakas si Raph, sabay sumenyas sa leeg niya na parang ginigilitan. "Kkkkkkkkk... Eh di tigok si Kulas."
Nag-high five kaming dalawa habang tinatawanan namin ang pagka-paranoid ni Jane. Nagkunwari naman akong humawak sa leeg ko, parang sinasakal. "Aarghhh..."
"Pang-best actor, bro!" Hinablot ni Raph 'yung journal sa kamay ko. "Pano mo naman hahanapin tong chick na to? Parang emo lang no?"
Umikot na naman ang mata ni Jane. Sarcastic. "San pa? Eh di sa lost and found? O kaya, mag-post ka ng flyers sa buong campus. Wanted: Girl na Suicidal. Magpakilala ka sa'kin. Now na!"
Natulala kaming pareho ni Raph sa kaniya. Mukha tuloy nainis siya dahil hindi kami natawa sa joke niya.
"Sabi ko nga, kaya ka naging cum laude eh," biglang hirit ni Raph, pumalakpak pa, naiiling. "Bravo! Ikaw na, Mary Jane Cardiente. You're the man-este, woman pala."
"Tara?" niyaya ko si Raph, sabay subo ng natitira ko pang sandwich. "Bago matapos ang vacant period?"
Tumayo din si Jane. "At saan kayo pupunta?"
Si Raph ang sumagot. "Sa net-library, gagawa ng flyers. Duh!"
"Seriously? Come on, guys. Joke lang yun!"
"I'm serious!" sagot ko, nakatitig sa journal. "Hahanapin ko 'to."
Dead Girl Walking,
Kung sino ka man, alam ko kung anong binabalak mo. Huwag mo nang ituloy. Nasakin ang journal mo. Kung gusto mong makuha, makipagkita ka sa'kin sa bridge papuntang canteen sa Monday, 6 am sharp. Kung hindi, di mo na makikita ang journal mo.
Mag-usap tayo.
Be there,
Kulas
Si Raph na ang nagpost ng mga fliers nung madilim na para hindi mabatas. Kelangan pa kasi ng permit para makapag-post sa loob ng school. Kapag nahuli kami, malamang suspinde ang aabutin namin. For some reason, enjoy naman si Raph gumawa ng mga illegal na bagay kaya siya na ang nag-volunteer.
Kami naman ni Jane ang nagpaskil sa labas ng school. Halata namang ayaw niya pero sumama pa rin sa'kin. Siyempre para mag-rant ng paulit-ulit kung gaano ka-weird ang ginagawa namin.
Two days later, pumasok ako ng maaga para i-meet si Dead Girl. Inabutan ko lang yung isang flier na nakadikit sa ledge ng bridge kung san kami dapat magkita. Sa likod no'n, nakasulat ang isang note.
Kung sino ka mang Kulas ka,
Ibalik mo sa'kin yang journal ko kundi, kukulamin kita. Iwan mo sa lost and found. Ako na lang ang kukuha. Huwag na huwag mong ipapabasa yan sa iba. Nakikita kita ngayon at kilala ko ang mukha mo. I-rereport ko sa Student Affairs Office na ikaw ang nagpapaskil ng mga fliers dito nang walang permit. Kala mo matatakot mo ko? Manigas ka!
Alam mo na kung sino.
"Bingo!" Napangiti ako habang binabasa ang note ni Dead Girl. It just proved how right I was when I thought that she's in the same university as me.
Kahit alam kong wala akong makikitang tao, tumingin ako sa paligid. Kung san man nagtatago ang babaeng 'to, nakikita niya sigurong walang effect sakin ang katarayan niya. Humugot ako ng ballpen at sumulat ng reply sa papel din na 'yon.
Dear DG,
Gotcha! Thanks sa clue na binigay mo. Now, I'm sure na student ka rin dito. Just hope na tamarin ako para hindi ko i-post sa internet lahat ng nakasulat sa journal mo. Ikaw rin. Hahanapin pa rin kita at 'pag nakita kita, mag-uusap tayo, whether you like it or not.
Kulas
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top