1 - Suicidal

su·i·cide

ˈso͞oəˌsīd/

noun

—the action of killing oneself intentionally.

Two minutes.

Iyon na lang ang hinihintay ko. The longest two minutes ng fourty-eight hours na torture, also known as hospital duty. Bawal mag-undertime kung ayaw mong matingnan ng masama ng mga residenteng doktor. Kung ayaw mong mabulyawan ng consultant. 'Yong tipong gusto mo na lang lamunin ka ng lupa kasi hindi mo naman sila pwedeng murahin nang harapan lalo na at puno ng pasyente ang toxic na emergency room.

The perks of taking up medicine.

"Demerit na naman?" bulong ni Audra, kasama kong clerk. Nasa fourth year na siya, ahead sakin ng isang taon.

She's right though. Lagi nalang demerit. The higher-ups only count the mistakes. They always say "Doctors have no right to make mistakes because we deal with human lives." Pero kahit maka-revive ka ng pasyenteng dead-on-arrival o maghimala ka, wala kang maririnig ni simpleng  "Good job," man lang.

"Clerk nga dito oh," tawag ng head nurse sa left wing.

Clerk ang tawag saming mga estudyante ng medicine. But not the kind you're imagining. Hindi kami taga-type, taga-ayos ng mga libro o taga-sagot ng telepono.

Kasalukuyan akong nakanganga. Nakatulala sa wall clock. Parang may daya. Ambagal ng takbo. 'Yung dalawang kasama ko tumingin nang masama sa'kin. Kala naman nila nakukuha ako sa tingin. As usual, hindi ko pinansin.

"Nico, ikaw na nga don," si Audra.

Oo. Ako na naman. Ako. Ako. Ako nalang palagi.

Napapalatak nalang ako. "Ah... Di ba ikaw yung tinatawag?" sabi ko, kunyaring nalilito.

Inirapan ako ni Audra. Na-realize ko na sa lahat ng taong pinaka-kinakainisan ko, siya na ang nasa top 2. Gusto ko man siyang upakan, she's still a girl. Sayang. At saka may respeto naman ako sa mga elderly. Be kind to animals, sabi nga.

"Yes Ma'am?" Lapit ako agad kay Head Nurse nang nakangiti.

Tinambak sa harap ko ang isang IV set. "Ang hirap hanapan ng vein, eh. Try mo nga 'yung gauge twenty-four?"

'Yun oh. Kapag minamalas-malas ka nga naman. Uwian na eh. Pero siyempre wala akong karekla-reklamo. Bait ko kaya. Bukas gagawin na 'kong santo.

Isang eighty-year old na lola yung pasyente. Napangiti siya nung kinuha ko ang kamay niya. "Tingnan natin kung may makikita tayong magandang ugat, ha Lola?"

Sumenyas si Head Nurse sa isa niyang estudyante. "Ading, mag-assist ka nga kay Doctor Richter."

Doctor Richter talaga? Pampalubag-loob kasi mapipilitan na 'kong mag-overtime.

"Not yet a doctor, Ma'am," sabi kong nakangiti para hindi halatang naba-bad trip na'ko sa kaniya. "Not yet a doctor."

Lapit agad si Student Nurse, mabilis pa sa alas-kwatro. Iniwan 'yung pasyente niyang sinosonda. Kanina pa yon sigaw ng sigaw ng "Hindi ko na kaya! Pabayaan n'yo na 'ko! I wanna die!" Ang ingay. I can't even hear myself think.

"Ano'ng nangyari do'n?" tanong ko sa student nurse, nakatingin sa nag-eeskandalong pasyente.

Hindi agad nakasagot si Student Nurse, napaiwas ng tingin. "S-suicide attempt, sir. Uminom ng twenty-four pieces na Centrum."

"Bakit daw?" Hindi siya sumagot. Pahiya ako. Kaya ako na lang ang sumagot sa sarili ko. "Let me guess. Iniwan ng boyfriend."

Tumango lang siya, halatang naiilang.

Napailing ako, pinipilit na hindi matawa. "Mga babae nga naman. Magpapakamatay lang din, hindi pa sineryoso. Kung ako 'yon, tumalon nalang ako sa bangin ng Mines View. Para sure."

Napaangat ang tingin ko sa nametag na naka-pin sa right side ng nurse's apron niya.

De Vera, Abigail G.

Pareho kami ng university.

Naggupit agad siya ng micropore tape habang hinahanapan ko ng matinong ugat 'yung pasyente. Mukhang kinakabahan siya. Namumutla pa. Hindi siguro sanay sa nagwawalang pasyente. Natakot siguro. Lahat naman sila takot.

"Hindi naman nagsu-suicide ang mga tao dahil trip lang nila," sagot ni Abigail. "Minsan, mas madali pang mawala na lang."

Hindi ko mapigilang mapatitig sa kaniya. Maybe it's her morbid humor. Mahina lang ang boses niya pero parang ang bigat ng dating. Nakakatakot.

Bigla na lang siyang natahimik. Medyo naririnig ko pa 'yung kanta ng Third Eye Blind galing sa earphone na nakalagay sa kaliwang tenga niya. Nakatago sa buhok na nalaglag sa bun niya.

"Bawal yan ah," sabi ko, medyo nangingiti. Pampalipas ko na rin ng oras ang mang-asar ng mga student nurse. Madali kasi silang sindakin. "Di ba, Abigail?"

Hinablot niya agad ang earphone at ibinulsa. "S-sir naman. Magkaka-demerit na naman ako."

Sir. Ganon kasi ang turo sa 'min. Lahat ng hospital employee, anuman ang position, sir at ma'am ang tawag. Ayaw ko talaga ng sini-sir. Parang tunog matanda. Ano 'ko? Si Sir Chief?

Tinuro ko 'yung nametag ko.

"Nico." Short for Nicholas Caleb Richter. Tunog foreigner pero hindi rin.

Iniabot niya sa'kin ang IV tubing. Pati kamay niya nanlalamig. "Okay po... Sir Nico."

Napailing na lang ako habang sine-secure 'yung IV site. "Sick Cycle Carousel?"

"Sir?" sagot niya, parang wala sa sarili habang nakatitig sa suicidal patient sa kabilang wing. Kala mo nakakita ng multo.

"Yung pinapakinggan mo. Sick Cycle Carousel, di ba?"

Parang nanonood ng ping-pong ang lolang pasyente namin. Nakikinig yata.

Napayuko si Abigail, parang malalim ang iniisip. "Ah... yes po."

Awkward. Tumingin ako sa relo ko.

"Overtime na naman," sabi ko, sabay hanap kay Audra. Wala na siya sa station. Mukhang nauna na. Gulang. "Ikaw na bahala kay Lola ha, Abbie?"

Abbie.

I just gave a nickname to a girl I just met two minutes ago. Napangiti ako. Hindi ko alam kung napansin niya dahil umalis na 'ko bago pa man siya makasagot.

Minadali ko munang tapusin lahat. Papaalis na dapat ako ng E.R. nang tawagin ako ni Head Nurse.

"Naiwan mo, Mr. Richter." Ngumuso siya sa mga notebook sa table ng station. Ngayong wala nang kailangan sa 'kin biglang Mr. Richter na lang eh.

Isa lang 'yung sa 'kin doon pero kinuha ko na rin pareho. Baka kay Audra 'yung isa. Hindi ko ugaling magmalasakit sa kaniya considering na kulang na lang alilain niya ako all throughout the rotation. Pero dahil iniiwasan ko nang maging barumbado, sige.

Paalis nako nung makita ko si Abigail na sinusundan ako ng tingin. Nginitian ko siya pero di man lang niya ako napansin. Pahiya  na naman ako dun. Tsk.

Ilang minuto lang ng sermon at recap galing sa prof, pinauwi na rin kami. Madaling araw na. Amoy ospital na rin ako. Gusto ko nang matulog.

Muntik na 'kong maghilik sa harap ng main gate ng campus habang naghihintay ng sasakyan pauwi. At sa wakas, may humintong taxi sa harap ko. Pero bago ko pa maitapon ang sarili ko sa loob ng sasakyan, may bumalya sa 'kin. Muntik nang bumangag ang mukha ko sa simento.

"Anaknang—" Natigilan ako nang makita ko si Audra na nagmamadaling pumasok sa taxi. Nilunok ko nalang 'yung mura ko.

"Bagal-bagal kasi," sabi niya sabay irap.

Parang gusto na talagang lumanding ng kamao ko sa mukha ng babaeng 'to. Napatingin ako sa taas. Parang awa niyo na oh. Isang sapak lang. Isa lang talaga ta's pwede n'yo na 'kong kunin.

"Ladies first," sagot ko, with matching pilit na ngiti.

Hinintay ko munang humarurot paalis 'yung sasakyan 'tsaka ako sumigaw ng "Pakshet ka! Mangkukulam!" Ume-echo pa boses ko sa kalye.

Buwiset. Hindi ko na ibabalik notebook n'ya. Heh!

Hindi naman sa natatakot akong ma-rape (Oo, pwede 'yon) pero gabi na kasi. Nakakaburyong maghintay lalo na't wala nang tao. Anlamig pa kasi ber-month na. May multo pa raw dito. Bakit kasi dito ko pa naisipang maghintay?

Binuklat ko nalang 'yung notebook ni Audra. Tinignan ko na, pero walang pangalan. Sa first page nakalagay: DO NOT READ.

And like any other normal guy, binasa ko siyempre. Ganun ba naman ang nilagay eh. Kung yung metal barricade nga sa Pasay, pagkalaki-laki na ng nakasalpak na babalang "May namatay na dito" may tumatawid pa rin. Ito pa kaya.

Hoy Kiko,

 

I just read your e-mail today. Sorry. Ngayon ko lang nabasa kung kelan huli na. Alam ko, wala nang point pero, I e-mailed you back. Kahit hindi mo na mababasa 'yung mga sinulat ko. Hindi mo na malalaman lahat ng gusto kong sabihin.

I kept my promise. Hindi ako umiyak nung libing mo. Sabi mo 'di ba, ang umiyak talunan. Sawa na 'kong matalo. Lalo na sa 'yo. Besides, kahit naman pabahain ko ng luha ko ang buong Aurora Hill, hindi mo na makikita 'yon. 'Di mo na 'ko matatawag na iyakin.

Nakakainis ka. Lagi ka lang masaya. Ni hindi ko napansin na mas ikaw pala ang may problema sa 'ting dalawa tapos ako pa 'tong reklamo ng reklamo. Akala ko ba magkasangga tayo habang buhay? 'Kala ko ba walang iwanan? Pero ikaw 'yung nang-iwan. Bad trip ka naman.

Mas gusto ko pa sana iniyak mo nalang sa 'kin yan. Kung anu man yang trip mo na hindi mo man lang pinahalata. Hindi naman kita pagtatawanan gaya ng ginagawa mo noon sa 'kin parati. Pero handa naman akong makinig. O kaya dinaan na lang natin sa inom kung inuman 'yang drama mo hanggang mawala lahat ng sakit. Hanggang manhid na tayo. Nasasaktan ka na pala, hindi ko man lang naramdaman. Hindi man lang kita natulungan.

Masaya ba diyan? Kung naiinip ka nang kahihintay sa 'kin, huwag kang mag-alala. Susunod na 'ko d'yan. Pagdating ko, humanda ka sa'kin.

 

Hate,

Dead Girl

 

"Susunod pala ha."

Noong gabing 'yon, hindi ako pinatulog ni Dead Girl. Isa lang ang nasa isip ko habang nakahiga sa kama at nakatulala sa kisame.

"I have to find her."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top