Prólogo

Taong 1914

“Tulong! Pakawalan niyo ako rito!”

Malansa, mabaho, malagkit, nakasusuka, at hindi maintindihan na amoy ang bumabalot sa buong paligid na siyang kinasasadlakan ko ngayon.

Hindi ko alam kung nasaan ako. Hindi ko alam kung kaninong lugar ito. Hindi ko alam kung paano ako napunta rito. Wala akong makita.

Madilim, iyan agad ang sumalubong sa akin. Kinapa-kapa ko ang bawat sulok na nadadapuan ng mga kamay ko subalit agad akong nakararamdam ng matinding pandidiri. Bawat nadadaanan at nadadapuan ng kamay ko ay may malagkit na dumidikit doon.

Nasaan ba ako? Anong lugar ito?

“Pakiusap,” bulong ng kasama ko sa kuwarto. Bulong na siyang naging dahilan upang magtaasan ang bawat balahibo ko sa katawan. Nakatatakot ang boses niya, ibang-iba ang ginawa nitong pagbigkas. Para siyang nanghihina at hindi ko mawari kung bakit siya nakikiusap sa akin.

“Kalagan mo ang kadena. Nahihirapan na ako, parang-awa mo na,” dagdag nito.

Anong kadena? Wala akong makita, ang dilim at subrang itim ng paligid.

Bawat lakad ko ay naririnig ko na nagdudulot iyon ng tunog sa sahig na tinatapakan ko. Hindi yari sa semento ang sahig kunʼdi gawa yata sa kahoy. Hindi ko alam, hindi ako sigurado dahil wala akong maaninag.

Muling nagsalita ang babae ngunit wala akong naintindihan. Bawat bigkas niya ay nagdudulot ng malansang amoy na naging dahilan kung bakit ko naramdaman na parang hinahalungkat ang kasulok-sulukan ng tiyan ko.

Tinakpan ko ang aking bibig upang pigilan ang nararamdaman ko at hindi ako makasuka o makaduwal man lang ngunit nang itinakip ko ang aking kanang kamay at naamoy ko ang malansang amoy doon ay bumaligtad ang aking sikmura. Sunod-sunod ang nagawa kong pagsuka.

Biglang may gumalaw ngunit hindi ko alam kung saan galing. May tumunog ngunit hindi ko alam kung anong tunog iyon. Sunod na naganap ay ang paghampas ng isang kadena na parang sobrang lakas ng ginawang paghampas kasabay ng pagsigaw ng babae na humingi sa akin ng tulong.

“Nakikiusap ako, kalagan mo ang kadena,” aniya sa mahinang boses ngunit parang sigaw na sa aking pandinig. “Itago mo ang nagawa kong kuwento, Jemimah.”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top