Chapter 9

Sunod-sunod ang mahina kong pagbuntonghininga habang nasa itaas ang tingin. Tila wari hindi maalis-alis sa aking mga mata ang bawat luha na bumalisbis sa babaeng nakausap ko sa aking panaginip.

Ayaw kong maniwala. Ayaw ko talaga pero bakit tila ako'y binababagabag niya? Nakaukit sa aking mga mata ang bawat niyang pagluha.

Nais kong mangilabot ngunit awa ang siyang nagtumindig sa aking kalamnan. Naaawa ako sa kaniya. Naaawa ako sa lahat ng kaniyang nasagupa.

"Sarita," mahina kong pagbigkas. "Year 1914."

Muli akong bumuntonghininga. "Ano bang nagawa ko at ako ang ginugulo mo?"

Hindi ako makapaniwala sa sinabi ni Sarita tungkol sa taon. Talaga bang 1914 pa iyon? Bigla akong tinubuan ng ibayong takot, ibig sabihin ay matagal ng patay ang babae ngunit bakit pa siya humihingi ng tulong?

Para saan pa? Anong silbi kung tutulungan ko siya?

"May magagawa ba ako? Isa lang naman akong hamak na estudyante."

Posible kaya na hindi pa nalulutas ang kaso niya? Posible kaya na gusto niyang maghiganti at ako ang gagawin niyang daan upang maisakatuparan ang kaniyang plano? Ngunit, anong magagawa ko?

Ano kayang posibilidad ang maaaring maging totoo?

Pero bakit ako ang kaniyang napili? May koneksyon kaya kami?

Napabangon ako at hinawakan ang aking baba. "Hindi kaya lola ko si Sarita? Lola sa tuhod o lola sa talampakan?"

Napatawa ako sa naisip. "Baka lola sa sungay kamo."

Sabagay, maganda naman si Sarita kaya hindi maikakaila na lola ko nga siya. Maganda rin naman ako kapag umabot na ng isang milyong ligo.

Hinampas ko ang aking noo. "At talaga pang umasa pa ako na kalahi ko si Sarita. Hay nako, Jemimah! Gutom lang iyan."

INAYOS ko ang camera ng computer upang sa akin iyon nakatuon. Isa na namang panibagong araw, isa na namang araw na dapat itawid. Pinagsalubong ko ang aking mga kilay nang makitang tatlo pa lang kami na nakapasok sa Google Meet.

Binati ko ang aking guro subalit hindi man lang ito tumugon. Wala sa sariling in-off ko ang mic. "Ayaw mo? 'De wow!"

Tumunog muli ang computer, senyales na may bagong nadagdag, tiningnan ko iyon agad. Chismosa eh.

"Si Patrick lang pala," sabi ko at pinaikot ang mga mata subalit nag-left agad si Patrick sa meeting kaya tiningnan ko ang bintana upang masilayan ang bestfriend ko.

Sarado ang bintana ng lalaki na siya namang pinagtaka ko. Bihira lang nito kung isarado ang bintana kaya nakakapagtaka kung bakit hindi iyon nakabukas.

Iniwas ko ang aking tingin nang makita ko na naman ang anino ni Sarita na nasa malapit sa bintana ni Patrick. Ano na namang drama ng Sarita na iyan? Kahit umaga, walang patawad.

"Hindi yata uso ang pahinga," ani ko.

"Walang pasok noʼng Sabado at Linggo, Jemimah. Anong pahinga pa ba ang gusto mo?" saad ng instructor namin na ikinakunot ng noo ko.

Putek! Diba naka-off mic ako kanina?

In-off ko na lang ang mic ko at hindi na pinatulan ang baklang instructor namin sa minor. Hindi naman maikakaila na mas maganda pa ako sa kaniya.

"Hindi siguro siya pinahinga ni Patrick, Sir. 'Kita mo naman, hindi pumasok si Patrick ngayon," sagot naman ng isang classmate namin na bida-bida.

Hindi siguro napansin na pumasok naman si Patrick kaso nag-left agad.

"Ikaw siguro ang hindi pinahinga, halata sa eyebag mo eh."

Hindi ko na alam kung sino ang sumagot dahil humiga na ko at naghanda na sa pagtulog. Bahala kayo sa buhay niyo!

SUNOD-SUNOD na katok ang nagpagising sa akin, may balak yatang sirain ang pinto ko kung saan nakakabit ang pinakaguwapong litrato ni Piolo Pascual. Bumangon ako at hindi na nag-abalang sagutin kung sino man ang kumakatok sa pinto.

Agad kong hinanap ang pares ng sapin ko sa paa. Isa rin ito sa regalo sa akin ni Patrick noong kaarawan ko pero ngayon ay hindi ito nag-abala na bigyan ako ng regalo.

"Sabagay, may jowa na eh," mahina kong bulong.

Patuloy pa rin sa pagkatok ang nasa labas. Napangiti ako nang naisip kong baka si Patrick na iyon kaya dali-dali akong tumayo at binuksan ang pinto.

"Jemimah, tulong."

Laglag ang panga, gulat na mga mata, at nahinto ako sa aking paglakad. Nabitin sa ere ang dapat ko sanang sabihin nang makita ko si Patrick na hawak sa leeg ng isang lalaki.

"Ikaw!" sigaw ko.

Sigurado ako na itong lalaki na ito ang nakita ko noon. Lalaking nakasakay ko sa isang jeep pabalik sa paaralan noong high school pa ako.

"Ako nga, kilala mo pa pala ako, Jemimah." Nakangisi ito kaya kitang-kita ang pantay nitong mga ngipin.

"Bitawan mo si Patrick!" sigaw ko ngunit bigla akong dinumog ng kaba. Sunod-sunod ang ginawa kong paghakbang, hakbang paatras.

"Bakit ko naman gagawin iyon? Dahil inutos mo?" humalakhak ito na nagpadagdag ng kaba sa akin.

Muli akong umatras. "Bitawan mo sabi ang bestfriend ko!"

"Ako si Simeon, hindi ako sumusunod sa utos ng iba. Subalit may ibibigay ako sa iyong babala, sa oras na pumasok ka sa aking panahon ay mawawala ang pangalan ng kaibigan mo sa aklat ng buhay. Mag-ingat ka, Jemimah."

Napahinto ako at hanggang titig na lang ang ginawa ko sa lalaki. Siya rin iyong nakita ko sa aking panaginip, ang lalaking balak akong patayin.

Bakit tila lahat ng panaginip koʼy nagkatotoo? Panaginip lang naman ito ah, bakit tila nagkakaroon sila ng buhay? Bakit ginugulo nila ako? Bakit ginugulo nila ang buhay ko?

Anong ibig sabihin ni Simeon na mawawala sa aklat ng buhay si Patrick kung hindi ko siya susundin?

Napahawak ako sa aking sintido. Ang ibig ba niyang sabihin ay papatayin niya si Patrick kung susuwayin ko siya?

Hindi!

At anong sinasabi niya na papasok ako sa kaniyang panahon? Baliw ba ang lalaking iyon? Anong panahon ang sinasabi niya? Panahon ng kastila? Panahon ng Hapon? Panahon ng Amerikano?

"Isang libo, siyam na raan at labing-apat," bulong ni Simeon.

Sumigaw ako nang sumigaw pagkatapos niyang bigkasin ang taon na iyon. Hindi ako tumigil sa pagsigaw hanggang sa may humawak sa aking braso.

"Jemimah? Ayos ka lang ba? Kanina ka pa sumisigaw at parang may kaaway ka. Sinong kaaway mo?" Boses iyon ni Patrick na nagpagising sa akin.

Agad kong hinahanap ang mukha ni Simeon ngunit hindi ko siya nahagilap.

Anong nangyari?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top