Chapter 8

Nanuot sa aking ilong ang mabahong amoy na siyang nagpagising sa diwa ko mula sa mahabang pagkakatulog. Nag-unat ako ng katawan bago minulat ang mga mata. Ano bang mabahong amoy iyon?

Kinusot ko ang aking mga mata dahil halos hindi ko makita ang paligid, napasobra yata ako ng gamit sa cellphone ko kagabi. Iyan, parang gaga kasi, mukhang mawawala ang cellphone kinabukasan kung makagamit.

Biglang bumaliktad ang sikmura ko nang lumapat ang kamay ko sa aking mata upang kusutin. Ang baho!

"Mama!" tawag ko kay Mama. Naglinis naman ako ng kuwarto ko kahapon pero bakit may hindi kaaya-ayang amoy? "Mama, may mabaho po sa kuwarto ko."

Naghintay ako ng ilang segundo ngunit hindi sumagot si Mama. Doon na ko nagpasiya na imulat na ang mga mata.

Nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Ano na naman ito? Bakit may dugo na naman?

Mabilis ang aking paghinga at kinakabahang tiningnan ang aking kaliwang kamay na ginamit ko upang kusutin sana ang aking mga mata.

Napasigaw ako sa aking nakita. "Dugo!" natatarantang sigaw ko. "Dugo! Bakit may dugo?"

Tinago ko sa aking likuran ang kaliwa kong kamay at ipinalibot ang tingin sa paligid. Doʼn ko lang napagtanto na hindi ko pala kuwarto ito. Ibang kuwarto ang kinasasadlakan ko ngayon.

Ano na namang nangyayari?

Bumaba ang tingin ko sa aking kinuupuan. Gawa sa kawayan ang higaan at hindi semento ang sahig kunʼdi yari sa kahoy. Kung hindi ako nagkakamali ay gawa ito sa puno ng niyog.

Nagkalat ang mga dugo sa loob ng apat na sulok ng kuwarto. Mula sa sahig hanggang sa higaan na gawa sa kawayan na siyang kinauupuan ko. Kaninong kuwarto ito?

Ibinaba ko ang aking paa at hinanap ang aking tsinelas ngunit bigla akong nakaramdam ng takot. Nais ko sanang bumaba ngunit naunahan ako ng kaba. Muli kong tinaas ang mga paa ko at ibinalik sa higaan. Baka nandiyan lang sa paligid ang bangkay, bulong ko sa sarili.

"Ang sama talaga ng amoy, nakakasuka," ani ko at akmang itatakip ang aking kamay ngunit mas lalo lamang akong nakakaramdam ng pagkaduwal.

Kalat na kalat ang dugo sa aking mga kamay!

Paano? Hindi kaya, ako ang namatay? Saan ko nakuha ang mga dugong ito?

"Mama," bulong ko at niyakap ang aking mga tuhod. Ano na namang kalokohan ito? "Mama."

"Tulong, pakawalan mo ako."

Napatigil ako at pinakiramdaman ang paligid. Bakit naririnig ko na naman ang boses niya? Bakit ba palagi siyang humihingi ng tulong?

Sino kaya ang babae na iyon? Palagi na lang niya akong dinidisturbo. Mula noong napaginipan ko siya ay hindi na niya ako nilubayan pa. Palagi ko na lang naririnig ang boses niya.

Kahit may pasok ako ay palagi ko siyang naririnig sa sarili kong kuwarto. Kahit nasa sala ako ng bahay ay palagi siyang bumubulong. Hindi ko alam kung nababaliw na ba ako o totoo na naririnig ko siya.

Noong narinig ko siya isang beses na kasama ko si Papa ay nagtanong ako. Tinanong ko si Papa kung may narinig ba siya na boses ng isang babae pero umiling si Papa.

Ako lang pala ang nakakarinig sa boses niya. Baliw na siguro ako.

"Jemimah."

Tinakpan ko ang aking mga tainga, ayokong marinig ang boses niya. Ipinikit ko ang aking mga mata, ayoko rin na makita siya. Ayokong makita ang mga dugong nagkalat, ayokong makarinig ng paghampas ng kadena.

Ilang minuto akong nasa ganoon na posisyon. Hindi na muling nagsalita pa ang babae at hindi ko na rin naririnig ang kaniyang mga paghikbi. Posible kaya na umalis na siya?

Ang ipinagtataka ko ay kung bakit niya ako kilala. Kung bakit alam niya ang pangalan ko. Imposible naman na kilala niya ako pero hindi ko siya kilala, hindi naman ako sikat para malaman niya ang katauhan ko.

Pangalawa ko na itong bangungot, kung bangungot ba talaga na matatawag ito. Para kasing totoo at parang hindi naman ako nananaginip.

Gising ako, alam kong gising talaga ako. Kahit hindi naman ako tulog ay naririnig ko siya. Ano ba talagang nangyayari sa akin? Nababaliw na ba talaga ako?

Parang totoo na naririnig ko siyang umiiyak at hinihingi ang tulong ko. Hindi ko na tuloy maintindihan.

"Jemimah," tawag muli nito sa akin na gamit ang mahinang boses nito. Mahina lamang iyon pero rinig na rinig ko. Para iyong bulong lamang pero kinalkal ang buo kong sistema.

Mas idiniin ko ang pagtakip ko sa aking tainga upang hindi ko siya marinig. Parang palapit siya ng palapit sa akin. Ano ba kasing kailangan niya saʼkin?

"Jemimah, tulungan mo ako," dagdag nito at muli na namang humikbi. "Papatayin niya ako, Jemimah. Kaawaan mo ako."

"Please lang, leave me alone!" sigaw ko. "Wala akong maitutulong saʼyo!"  dagdag ko pa.

"Jemimah, ikaw lang ang mahihingan ko ng tulong. Nahihirapan na ako."

Ipinikit ko nang mariin ang aking mga mata nang makaramdam ako ng awa. Gusto kong umiyak dulot sa nakakaawa niyang boses. Paano ko ba siya matutulungan? Hindi ko nga alam kung totoo ba itong nangyayari sa akin o panaginip lang o baka nababaliw na talaga ako.

"Ilayo mo sa kaniya ang aking kuwento, Jemimah."

Idinilat ko ang aking mga mata at nilingon siya sa gilid. Tama nga ako ng hinala na nasa tabi ko lang siya. Doon ko lang napagmasdan ang kaniyang mukha.

Duguan at maraming sugat. Mula sa kaniyang pisngi na halata mong maputi talaga ang balat patungo sa magaganda nitong mga labi. Ang kaniyang kaliwang pilik mata ay parang dinaanan ng matulis na bagay kaya parang hiniwa ang naging resulta.

Maganda ang babae pero bakit siya nagkaganito? Ano kayang nangyari sa kaniya? Hindi kaya pinagsamantalahan siya?

"Anong ilalayo ko? Sinong lalayuan? Sino ka ba?" sunod-sunod kong tanong sa kaniya.

Pinagmasdan ko siya, mula sa kaniyang mahinang paghinga hanggang sa sunod-sunod na pagpatak ng kaniyang mga luha. Pansin mo talaga na nahihirapan siya. Kahit sino naman siguro ay mahihirapan kung nasa ganiyan na posisyon ang tao.

Sunod-sunod ang pagtulo ng mga luha ng babae kahit tudo pagpipigil ito. Masasalamin mo sa kaniyang hitsura ang hirap na napagdaanan nito. Para itong isang basang sisiw na napaliguan ng ulan ngunit sa posisyon ng babae ay hindi ulan ang ginamit kunʼdi ang sarili nitong dugo.

Humikbi ito. "Ako si Sarita, isang manunulat sa taong isang libo, siyam na raan at labing-apat. Tulungan mo ako, pumasok ka sa taon kung saan ako ay humihinga pa, Jemimah."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top