Chapter 5

Year 2021

WALANG sabi-sabing hinablot ko ang buhok ni Patrick na nakatalikod sa akin. Akalain mong may gana pa itong kumain sa bahay namin pagkatapos nitong sabihin na para akong bata! Sa dinami-dami nang nagawa at sinabi niya sa akin ay nakuha pa nitong kumain.

"Jemimah!" sigaw ni Papa nang masaksihan nito ang ginawa ko. "Anong ginagawa mo?" gulat na tanong ni Papa.

Hindi ako sumagot at hindi ko rin binitawan ang buhok ni Patrick. Pumasok din si Mama dala ang isang lalagyan ng pagkain, katulad ni Papa ay gulat din itong tumingin sa amin ni Patrick.

"Naglalaro lang po kami, Tito. Ako kasi ang taya," sagot ni Patrick kay Papa kahit ako ang tinatanong. Feeling bida talaga 'to si Patrick kaya ako palagi ang kontrabida sa mga mata nila Mama at Papa.

Hinigpitan ko ang pagkakahawak ko sa buhok ni Patrick at hinila siya patungo sa kʼwarto ko. Hindi talaga masukat ang inis na naramdaman ko sa kaniya, hinding-hindi. Parang ang sarap niyang kalbuhin at putulin ang dila, hindi ko rin alam kung bakit sobra yata ang inis ko sa lalaking 'to.

"Oh, saʼn kayo pupunta?" tanong ni Mama habang inilalapag sa mesa ang dala niya. "Jemimah, ano bang ginagawa mo? Hindi pa tapos kumain si Patrick. Bitawan mo nga siya."

"Si Patrick po ba ang anak mo rito, Mama? Bakit kinakampihan mo ang manhid na 'to? Ako ang anak niyo, diba?" tanong ko kay Mama at tinuturo-turo pa ang sarili ko.

Dati pa man, kahit kasalanan ni Patrick ay ako pa rin ang nagiging salarin. Kahit ako na nga ang nasaktan, ako pa rin ang hihingi ng tawad. Kaya hindi ko talaga maintindihan kung bakit naging best friend ko ang kumag na 'to.

Para kaming aso at pusa, hindi talaga kami magkasundo. Sinisira ni Patrick ang mga laruan ko pero hindi naman nagagalit sila Mama at Papa, dapat intindihin ko na lang daw kasi hindi marunong si Patrick pero bakit kapag nasisira ko ang laruan ni Patrick ay pinapagalitan ako?

Nasaan ang hustisya? Hindi rin naman ako marunong sa mga laruan ni Patrick dati, ah?

"Bakit ang drama mo na naman? Hindi ka sinagot ni Patrick?" tudyo ni Mama na naging sanhi ng tawanan nila. "Sagutin mo na kasi Patrick, baka tumandang dalaga 'yang anak ko."

Sa inis ko ay hinila ko si Patrick papunta sa kuwarto ko at hindi na nakapalag sila Mama. Binuksan ko ang pinto at tinulak papasok si Patrick. Padabog kong sinara ang pinto.

Gulat akong napasigaw nang bigla akong hinawakan ni Patrick si balikat at pinaharap sa kaniya. Marahan lang ang pagkakahawak niya saʼkin pero nagawa niya pa rin na pasunurin ako.

Walang takot at walang pagkadismaya akong naramdaman nang magtagpo ang aming mga mata, hindi ko maintindihan kung ano itong nararamdaman ko.

Dahan-dahang lumapit ang mukha ni Patrick saʼkin na para bang tinatantiya ang magiging reaksʼyon ko. Dahan-dahan na sa puntong kuhang-kuha ko ang bawat naging galaw niya. Tila nagkaroon ng sariling isip ang aking mga mata nang hinawakan ni Patrick ang mukha ko upang iharap sa kaniya, pumikit ng kusa ang aking mga mata.

Bawat pagpatak ng segundo ay mas lumalakas ang pagpitik ng aking dibdib. Mas tumitindi ang nararamdaman kong kaba nang dumampi ang hininga ni Patrick sa mga labi ko.

Ito na ba? Matitikman ko na ba ang tamis na dulot ng halik ni Patrick?

Bumalot ang panghihinayang nang narinig kong binigkas ni Patrick ang pangalan ng girlfriend niya. Nanginig ang mga labi ko kaya pinilit kong itikom iyon. Ramdam kong lumayo si Patrick sa akin kasabay nang malutong na pagmura nito, kasunod niyon ay ang pagbukas at pagsara ng pinto.

Hindi ko kayang buksan ang aking mga mata, ayokong makitang iniwan ako ni Patrick. Isipin pa nga lang na mas pinili nito si Faye ay sumisikip na ang dibdib ko. Hindi ko kayang tanggapin na hindi ako ang pinili niya sa ikalawang pagkakataon.

Hindi ba talaga ako karapat-dapat na mahalin? Wala bang makukuha si Patrick kung ako ang kaniyang pipiliin?

Pinilit ko namang sundin ang mga gusto at nais niya, ano pa bang kulang? May mali ba sa mga ginawa ko? Kailangan ko bang bigyan ng pera si Kupido upang panain niya ang puso ni Patrick? Ano bang dapat kong gawin?

Dumausdos ako pababa kasabay nang pagtulo ng aking mga luha.

MAHIGPIT ang pagkakahawak ko sa walis-tambo habang naglilinis sa labas ng bahay namin. Hindi maalis sa utak ko ang nangyari kahapon at idagdag pa ang tanawin na nakikita ko ngayon. Sunod-sunod ang paghiyaw ng puso ko at nagrereklamo sa sakit na sabay-sabay na hinarap.

Dala ng hinanakit at luhang nais kumawala ay pilit kong ipinikit ang aking mga mata, parang hindi ko matatapos ang pagwawalis kung patuloy ko silang titingnan. Ang sakit pa lang makita kung magkasama si Patrick at Faye, sumisikip ang dibdib ko.

Tumalikod ako at bumuga ng hangin. Ang aga niyo namang maglandian, nanadya ba talaga kayo?

Pinagpatuloy ko ang pagwawalis. Mabilis ang bawat kilos ko upang matapos agad. Sana si Faye na lang itong dahon upang mawalis ko siya paalis at palayo sa buhay namin ni Patrick.

"Jem,"

Kahit pinigilan ko ang sarili kong huwag lumingon ay wala pa rin akong nagawa. Wala namang kasalanan si Faye dahil hindi naman niya alam na gusto ko ang boyfriend niya. Hindi naman siguro galit ang nararamdaman kong ito, hindi rin naman ako naiinis sa kaniya. Wala naman siyang ginawang ikakagalit ko.

Lumingon ako kay Faye, nakangiti siya saʼkin at kumaway pa.

"Kape ka muna, nagdala ako ng pagkain. Halika," aniya at tumakbo papalapit saʼkin.

Nagsuot din naman ako ng damit na katulad ng suot ni Faye ngayon. Nagsuot din naman ako ng puting t-shirt dati pero bakit hindi ako ganiyan kaganda? Sa ganda kaya naakit si Patrick? Napailing ako ng lihim.

Mabait si Faye, totoong mabait siya.

"Ayaw mo? Marami pa naman akong dinala kasi akala ko hindi mo ko tatangihan," malungkot nitong saad.

Huminga ako ng malalim at pinagpatuloy ang pagwawalis. "Sa susunod na lang, Faye. Tapos na kasi akong uminom ng kape."

Paano ako makakaramdam ng inis sa kaniya kung puro kabaitan ang ipinapakita niya? Gusto kong gumawa siya ng masama laban saʼkin upang may dahilan akong paghiwalayin silang dalawa pero ang hirap pala kung anghel ang kalaban mo.

"Minsan lang naman ako mag-aya, eh. Sige na—"

"Ayoko nga diba? Bakit ang kulit—"

"Birthday ko ngayon, Jem. Hindi mo pa rin ba ako pagbibigyan?" pagputol nito sa sasabihin ko pa sana.

Birthday niya? Tapos sa bahay nila Patrick siya nagdiwang? Ayos din, ah?

Huminto ako sa pagwawalis at hinarap si Faye. Malungkot ang mga mata nito at makikita mo talagang walang halong pagpapanggap ang ginagawa ni Faye.

Marahil, ito ang dahilan kung bakit minahal siya ni Patrick.

Hindi ko sinasadyang madapuan ng tingin si Patrick. Nakatayo ito malapit sa pintuan ng bahay nila. Ang isang kamay nito ay nasa loob ng bulsa ng suot nitong short at diretsong nakatingin sa akin. Walang kahit anong emosyon ang nakapaloob sa mukha nito.

Nagpakawala ako ng buntong hininga at ako ang unang nagbitaw ng tingin kay Patrick. Ang babae na kaharap ko ngayon ay ang pinili ng best friend ko, ibig sabihin ay mas lamang si Faye. Si Faye ang mahal ni Patrick at hindi ako.

Bakit parang ako na lang palagi ang nagiging kontrabida? Bakit ako na lang palagi ang naiiwan? Bakit ako na lang palagi ang hindi pinipili?

"Sige na, please."

Bumalik ang atensiyon ko kay Faye nang magsalita ulit ito. Ang kulit pala ng babaeng ito. Gusto yata akong saktan eh. Gusto yatang ipamukha saʼkin na siya ang mahal ni Patrick at kaibigan lang ako.

Tiningnan ko muli si Patrick pero wala na ito sa puwesto nito kanina. Umalis na ito at pumasok sa loob ng bahay. Nagsisisi kaya si Patrick sa plano nitong halikan ako?

Malamang! Iniwan nga ako eh. Sino bang may gusto na halikan ako? Syempre, wala!

Hindi ko na nilingon si Faye, sa halip ay hinigpitan ko ang pagkakahawak sa walis at naglakad palayo. Naglakad papasok sa bahay at iniwan si Faye at ang ginagawa ko. Kahit anong gawin ko, kahit anong pilit ko sa sarili ko, hindi ko talaga maiwasang mainggit sa mga taong magaganda, lalong-lalo na kay Faye.

Kahit anong pilit ko, naiinggit ako sa kaniya. Naiinggit ako sa gandang taglay niya at sa mga katangian niya. Naiinggit ako dahil siya ang mahal ni Patrick at hindi ako.

Bakit hindi na lang ako?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top