Chapter 4
Year 2019
"Sigurado po ba kayo na magugustuhan ito ng best friend ko?" paninigurado ko sa tindera na nag-aassist sa akin ngayon. Nakita kong tumaas ang kanang kilay niya at tumingin muli sa relo niya.
"Bibilhin mo ba o hindi?" inip na tanong niya sa akin. Napaismid ako at muling inamoy ang hawak ko na pabango. Maganda naman ang amoy niyon pero hindi lang talaga ako sigurado kung magugustuhan ito ni Patrick. Maarte pa naman 'yon.
"Naninigurado lang naman eh," mahinang bulong ko at tumalikod.
"Sigurado ako na magugustuhan 'yan ng best friend mo. Ang hindi lang ako sigurado kung magugustuhan ka ba niya. Para ka kasing pimples na tinubuan ng mukha," mahina rin nitong bulong.
Aba! Narinig ko 'yon ah!
Huminga ako ng malalim. Mali kung papatulan ko siya, totoo naman ang sinabi niya. Hindi ko na nilingon ang tindera, nagpasiya na lang ako na pumunta na sa counter para bayaran itong pabango at maibigay kay Patrick. Ngayon ko balak sabihin na gusto ko siya, baka maunahan pa ako ni Ariyah.
"PAABOT po ng bayad," pasigaw na saad ko sa katabi sabay abot ko sa bente pesos ko. Lulan ako ng isang pampasaherong jeep ngayon pabalik sa paaralan.
Sabog na sabog ang bulsa ko ngayon. Pati ang ipon ko ay nadamay pa. Sa cashier ko na nalaman na ang mahal pala ng pabango na 'yon. Ang tanga ko rin kasi dahil hindi ko muna natingnan ang presyo.
"Kuya, paabot po," tawag-pansin ko ulit sa katabi ko pero hindi niya talaga ako pinansin. Napabuntong-hininga ako at ibinaba ang kamay ko.
"Ako na lang ang magbabayad."
Napalingon ako sa lalaki na katabi nitong masungit. Nakangiti siya habang may suot na shades. "Sagot ko na ang pamasahe mo," anito at ibinaba ang shades na suot.
"Sino ka?" gulat na tanong ko sa kaniya.
"Simeon," sagot nito at biglang nagdilim ang paligid.
LALAKI, maiitim na mga mata at mapupulang labi. Isang lalaki ang aking namulatan, nakangisi ang mapula nitong mga labi sa akin at nakatutok ang mga mata nitong maiitim na parang hinihigop ang kasulok-sulukan ng kaluluwa ko. Pantay at tila kumikislap ang mapuputi nitong mga ngipin.
Yumakap sa buong katawan ko ang takot at tanging pagsigaw na lang ang aking nagawa. Nakatatakot ang ginawa nitong pagtitig, parang hindi magluluwat ay papatayin niya ako.
"Hindi! Hindi ako maaaring magkamali! Ikaw 'yon!" sigaw ko pero hinawakan niya ang aking bibig kaya hindi ako makapagsalita.
Sigurado ako, siya 'yon!
"Jemimah!"
Agad akong bumangon kasabay nang pagmulat ko sa aking mga mata. Bangungot lang pala. Napahawak ako sa aking dibdib at habol ko ang aking hininga. Bakit parang totoo?
"Ayos ka na, Jem? 'Buti naman at nagising ka na, halos isang oras kang nawalan ng malay."
Isang oras? Tiningnan ko agad ang guro na kumausap saʼkin at pinalibot ang paningin. Puting pintura ang sumalubong sa aking mga mata.
"Bakit po ako nasa clinic, Ms. Carmen?" tanong ko sa kaniya na may halong pagkabahala pa rin sa mga mata.
"Bigla ka kasing nawalan ng malay habang nasa Gym tayo kaya sinugod ka nila rito."
Nawalan ng malay? Gym?
"Ha? Paano? Eh galing po akong mall kanina, bumili pa nga ako ng—" Agad akong tumingin sa gilid ng higaan. "Teka, nasaan ang bag ko? Nandoʼn ang perfume na binili ko, Ms. Carmen."
"Wala kang bag na dala, Ms. Cuevas. Baka nasa gym pa," sagot ng nurse sa akin habang nakatingin sa computer.
"Hindi ka nagpunta ng mall, Jemimah. Nasa Gym tayong lahat dahil may activity ang school noʼng himatayin ka. Baka panaginip mo lang ang lahat." Tumayo si Ms. Carmen at binalingan akong muli pagkatapos nitong makuha ang bag na nasa mesa ng nurse. "Aalis muna ako, magpahinga ka muna, babalikan kita mamaya."
Bumukas ang pinto at lumabas na si Ms. Carmen. Nasapo ko ang aking noo, sigurado akong pumunta ako ng mall kanina, hindi 'yon panaginip.
Ilang sandali pa, muling bumukas ang pinto ng clinic at pumasok ang lalaki na binilhan ko ng pabango. Nakasuot ito ng uniform namin sa Physical Education at dala ang bag ko. Nagtataka akong pinasadahan siya ng tingin. Bakit nasa kaniya ang bag ko? Panaginip lang ba talaga?
"Gising ka na pala, Jem. Binilhan kita ng snacks at dala ko rin ang bag mo, hinahanap mo raw kasi sabi ni Ms. Carmen," saad nito at dumiretso na sa pagpasok.
"Salamat naman at nandito ka, Patrick. Dito muna kayo ha? May pupuntahan lang ako saglit," paalam sa amin ng nurse at lumabas na sa clinic.
Nagtataka pa rin akong tiningnan si Patrick at ang bitbit niyang bag. Nahihiwagaan ako sa nangyayari. Paano nangyaring panaginip lang ang lahat? Ramdam kong totoo iyon. Totoong pumunta ako sa mall para bumili ng pabango.
Napailing ako at nag-iwas ng tingin kay Patrick.
"Galit ka ba? Pasensiya na kung wala ako noʼng nagising ka. May performance kasi kami kanina kaya pinabantayan muna kita kay Ms. Carmen," anito at inilagay sa higaan ang bag ko. "Galit ka ba talaga?"
Hindi ko siya nagawang sagutin sa halip ay hinalungkat ko ang laman ng bag ko. Agad kong nabuksan ang zipper ng bag pero agad akong nakaramdam ng pagkadismaya. Bumuntong hininga ako at ibinalik iyon sa pagkakasara. Panaginip lang siguro talaga.
"Jemimah? May nawala ba sa gamit mo?" nag-aalalang tanong ni Patrick saʼkin, saka ko lang siya nilingon at umiling.
"Wala," sagot ko at umayos ng pagkakaupo.
Tumabi si Patrick saʼkin at niyakap ako. Hinalikan niya rin ang noo ko na siyang palagi niyang ginagawa saʼkin. Sino bang hindi mahuhulog kung ganito kalambing ang best friend mo? Normal lang para kay Patrick na ginagawa niya sa akin ang ganito pero iba ang hatid niyon saʼkin.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko kapag katabi ko siya. Biglang nawawala ang mga hinaing ko sa buhay kapag pinapatawa niya ko. Sa kunting galaw lang niya ay iba na ang nagiging epekto.
Hindi ko na matandaan kung kailan ako nakaramdam ng ganito sa kaniya. Hindi ko na matandaan kung kailan ako nahulog kay Patrick. Parang bigla lang akong inutusan ng puso ko na mahalin ang best friend ko. Tinamaan yata ako ng pana ni Kupido.
Hinigpitan ko ang pagyakap kay Patrick na tinumbasan din naman ng binata. Sa tagal ng panahon na nakilala ko si Patrick, ngayon ko lang naisip na hindi lang pala basta kaibigan at kapatid lang ang turing ko sa kaniya. May hinahangad pa pala akong iba.
"Natakot ka ba talaga, Jem? Kailangan ko na bang papuntahin dito si Tita?" tanong ni Patrick at akmang aalis sa pagkakayakap saʼkin.
"Huwag!" pagtutol ko. "Yakapin mo lang ako, Patrick."
Pinagbigyan naman ako ni Patrick at sinuklay-suklay ang kulot kong buhok. Bakit iba yata ang yakap niya ngayon?
"Patrick," bulong ko sa tainga niya.
"Hmm?"
"Magagalit ka ba kung sasabihin ko saʼyong mahal kita?"
"Mahal din naman kita, ah? Bakit ako magagalit?" balik-tanong nito at umalis sa pagkakayakap ko. "Mahal kita bilang kaibigan, Jemimah."
Natigilan ako at inintindi nang maigi ang sinabi ni Patrick. Pinagmasdan ko ang mga mata niya at binasa kung ano ang ibig ipahiwatig niya. Mahal niya ako bilang kaibigan?
"Pero," wika ko at kinagat ang pang-ibabang labi. "Mas higit pa roon ang pagmamahal ko saʼyo, Patrick."
Biglang nag-unahan sa pagtulo ang mga luha ko. Nagtila ilog na hindi nauubusan ng tubig ang mga mata ko. Luha na nagsimbolo sa sakit at dalamhati na bumabalot sa dibdib ko at nais lumuha na lamang.
"Kami na ni Ariyah. Hanggang kaibigan lang talaga ang turing ko saʼyo, Jemimah."
"Kayo na ni Ariyah? Kailan pa? Diba, mas una mo akong nakilala? Bago mo pa lang nakilala si Ariyah, Patrick."
"Wala sa tagal 'yan, Jemimah. Siya ang isinisigaw ng puso ko, si Ariyah ang gusto ko."
"Paano ako?"
"Kaibigan kita," sagot nito at nilisan ang clinic.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top