Chapter 33

Inabot ko ang nag-iingay na alarm clock, dinaig pa yata ang ingay ni Mama. Akala ko tumahimik na ito kanina kaya bumalik ako sa pagtulog, hindi pa pala.

Natigilan ako, pakurap-kurap na nakaharap sa kisame ng kuwarto ko. Aba! Himala! Malinis, wala kahit isang cobwebs.

Agad akong napabangon nang maalala ang lahat. Nasa kuwarto na 'ko, ibig sabihin nasa bahay na ako.

“Nasa bahay na 'ko!” gulat kong bulong at agad na tumayo at hinanap ang sapin ko sa paa. Binuksan ko agad ang pinto at nakita ko si Mama na naghahain na ng agahan. “Nasa bahay na nga ako, ibig ding sabihin ay nasa 2021 na 'ko?”

“Uy, Jemimah! Mabuti at gising ka na. Bumili ka nga muna ng itlog do'n kina Aling Marites.” May kinuha siya sa malaking bulsa ng apron niya. “Samahan mo na rin ng kamatis ha?” dagdag ni Mama at inabot ang coins na kinuha nito sa bulsa.

“Anong tinutunganga mo riyan? Aba'y lakad na! Darating ang Kuya Felix mo ngayon kasama ang classmate niya. Alam mo naman iyon na hindi kumakain ng hipon.” Tumalikod si Mama at naglakad papasok sa kusina. “Lakad na, Jemimah! At maligo ka rin pagkatapos, sabi ng kuya mo guwapo raw si Antonio, 'yong kaklase niya. Baka matipuhan mo, sayang naman kung hindi ka maliligo.”

“Mama!” pigil ko sa kaniya. Baka kasi kung saan na naman mapunta.

Huminga ako ng malalim at inayos ang pagkakatali ng buhok ko. Sa wakas ay nakabalik na rin kami ni Patrick sa 2021. All along, tama ang hinala ko na si Romeo at Patrick ay iisa. May kasama pala akong napunta sa 1914. Sabagay, nandoon nga rin si Faye eh.

Natatandaan ko pa, pagkatapos humawak si Patrick sa libro ay nagkaroon ng liwanag at tila hinigop kami ng libro papasok. Kaso nga lang, wala na akong matandaan kung ano ang sumunod na nangyari.

Ngumiti pa ako sa salamin at nag-pose! Ang ganda ko talaga sa umaga. Napahalakhak ako kaya muling sumigaw si Mama. Pinaalala ang inutos niyang itlog na para bang nakalimutan ko.

“Ito na nga po, Mama eh. Lalabas na ho, bibili na.” Dala ang face mask ay tinungo ko ang pintuan at lumabas na ng bahay.

Agad sumalubong sa akin si Kapitan na ang aga mag-ronda. Napatawa na lang ako nang nagsitakbuhan ang mga kapitbahay kong walang suot na facemask. Ayan, umagang-umaga palang kasi chismis na ang inaatupag. Ngunit mas lalong lumakas ang tawa ko nang mahagip ng aking mata na kasama pala si Patrick sa mga tao na tumatakbo papasok sa kani-kanilang mga bahay.

Napailing akong tinungo ang tindahan nila Patrick. Kakausapin ko rin siya tungkol sa nangyari sa panahon ni Sarita.

“Aray naman ho, Kuya!” sigaw ko nang bigla akong binangga ng lalaki. Wala rin itong suot na facemask kaya mabilis ang takbo. “Leche naman 'to oh!”

“Sorry na. Akala ko kasi tigyawat eh, tao pala.” Tumakbo ito ng mabilis.

“Aba't! Nananadya ka po ba?” sigaw kong tanong sa lalaki ngunit sumigaw din ito ng hindi. “Edi, wow! Buwesit!”

Kung hindi lang sana nakakahiya ay hinubad ko na ang tsinelas ko at binato na sa lalaking 'yon. Ang laki kaya ng kalsada pero bakit binagga pa talaga ako? Okay lang sana kung guwapo pero mukhang addict!

Okay. Kalma, Jemimah, kalma! Huwag mong hayaan na siya ang sumira sa araw mo, okay?

Hinigpitan ko ang hawak sa pera at huminga ng malalim. Okay na ang lahat 'di ba? Mag-move on na tayo, Jemimah.

Ngumiti na lang ako at tinungo na ang tindahan nila Aling Marites.

“ITLOG na naman?”

Humalakhak ang binatang may hawak sa itlog bago binigay iyon sa akin. Ano bang nangyayari? Bakit puro pananadya ang mga tao?

“Hindi para sa 'kin 'to, buang! Kay Kuya Felix 'to. Uuwi ang barkada mong hilaw.” Inikutan ko ng mata si Patrick na tumawa lang ulit.

“Uuwi si Felix? Ngayon? Aba! Mahilig pa rin pala sa itlog 'yon? Wala bang itlog sa Surigao?” Humalakhak muli si Patrick at kinuha ang bayad niya. “Wala ka ng sukli.”

Tiningnan ko ang hawak niyang bente. Paanong wala?

“Hoy! Grabe ka! Twenty kaya ang pera ko, Patrick. Isang itlog lang naman at dalawang kamatis ang binili ko ah? Ang laki naman ng singil mo!” reklamo ko sa kaniya. “Hindi ka yayaman niyan! At saka, may karma po sa bawat pandaraya.”

“Hiyang-hiya naman ako sa 'yo, Jemimah? Ako ang nagbayad sa bill natin sa Wi-Fi, hindi ka umambag.”

Napakamot na lang ako sa ulo at sumimangot. Ang daya talaga ng lalaking 'yon. Kung makasingil parang akin 'yong pera eh. Lagot na naman ako kay Mama nito.

'Di ko na lang siya pinansin at humakbang na lang palayo. 'Di na lang ako makikipagkita kay Mama. Uuwi naman si Kuya Felix, ang pinsan kong pinaglihi kay Santa Clause. Mabait kasi eh, hindi madamot tulad kay Patrick.

Nakatatlong hakbang na ako nang muli akong lumingon kay Patrick. Nakaupo na ito at nakatingin sa mga lalaking naglalaro ng basketball. Muli akong bumalik sa tindahan upang kausapin si Patrick tungkol sa nangyari sa misyon namin kay Sarita at tungkol na rin kay Faye.

Tuwing naaalala ko ang Faye na 'yon, ang sarap manampal. Nahihiya pa rin talaga ako sa ginagawa niyang paratang. Sabagay, kinuha ko naman talaga pero 'di ko naman gagayahin. Magkaiba kaya 'yon.

“Patrick,” tawag ko sa kaniya. Agad naman siyang lumingon sa akin at nagtaas ng kilay.

Bakla ka, girl?

“Walang bawian 'yon, Jemimah. Grabe ka naman, ako na nga ang sumalo sa bayarin eh. Sumakit ba dibdib mo? Parang seven pesos lang.”

“Buang ka? Hindi 'yan ang binalik ko—”

“Kilala kita. Ayaw mo talagang magbayad.”

Kinuha ko ang isang candy na nasa bulsa ko at binato iyon kay Patrick. Madaling nakaiwas ang binata kay tinawanan lang ako.

“Kahit ako pa ang magbayad next month. Buwesit ka!”

“Pikon.” Tumawa na naman siya kaya inikutan ko siya ng mata.

“Pansin ko, hindi yata dumalaw si Faye sa 'yo? Nakabalik ka na eh, bakit 'di ka yata dinalaw?” tanong ko sa kaniya at umupo sa bakante na upuan.

“Faye? Sinong Faye? Bakit naman ako dadalawin? Wala naman akong sakit ah?” balewalang sagot ni Patrick pero nakatuon pa rin ang tingin sa mga naglalaro.

Tinitigan ko siya, walang kahit anong bahid na biro ang makikita sa mukha ni Patrick. Imposible naman na hindi niya talaga kilala si Faye. Halos hindi nga nagkahiwalay ang dalawa eh.

“Grabe ka naman sa girlfriend mo, boy! Maka-deny, wagas.”

Natigilan si Patrick kaya tiningnan niya ako. “Anong deny ang pinagsasabi mo? Wala akong girlfriend.”

“Wala?” buhay na buhay kong tanong sa kaniya. “So anong turing mo kay Faye? Fling?”

“Hindi ko nga kilala ang Faye na 'yan! Ang kulit mo, Jemimah. Pinagbayad lang kita ng seven pesos kung ano-ano na ang pinagsasabi mo. Saan ka ba galing ha?”

“Sa 1914 tayo galing, remember? Huwag mong sabihin na pati 'yon nakalimutan mo.”

Tumawa nang malakas si Patrick at inabot ang tungki ng ilong ko. Agad kong hinampas ang kamay niya at nagreklamo.

“Kulang ka siguro sa tulog. Online class pa more! Academic freeze na ba?”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top