Chapter 3

TINATANGAY ako ng antok habang nakatingin at nakikinig sa mga kuwento ni Patrick na hindi naman ako interesado na malaman. Kung tungkol pa sana sa mga alien ang pinagsasabi nito ay baka gusto ko pang makinig.

Humikab ako at itinuro ang nag-iisang bituin na parang nag-iinarte dahil wala kahit isang katabi.

"Ang ganda niya 'no?" tanong ko na tinutukoy ang bituin upang makalimutan ni Patrick ang topic niya.

"Oo, ang ganda talaga ni Faye. Sasali nga siya sa pageant ng city nila sa susunod na buwan, online nga lang. Maliban sa maganda si Faye, may ibubuga rin ang utak niya at talented pa," nakangiti nitong saad.

Parang ang sarap niyang sapakin. Bituin ang tinutukoy ko, hindi si Faye. Huminga ako ng malalim at nilalabanan ang antok.

Bakit kasi napasok si Faye sa kuwento namin ni Patrick? Dati naman ay kami lang dalawa eh. Walang Faye na umaaligid at walang Faye na umaagaw ng spotlight.

Minsan napapaisip ako kung saan napulot ni Patrick ang Faye na 'yon. Nakakainis lang kasi dahil halos perpekto na si Faye at kung tutuusin, wala talaga akong laban sa kaniya. Sobrang ganda at sobrang bait. Hindi tuloy kapani-paniwala na may taong katulad ni Faye.

"Malalim na ang gabi. Pasok na ko ha?" saad ko kay Patrick sabay tayo at alis sa upuan naming gawa sa kahoy. Dito talaga kami madalas tumambay ni Patrick tuwing Sabado, sa labas ng bahay namin.

Gawain namin mula pagkabata na pagmasdan ang mga bituin sa langit at minsan pa, binibilang ni Patrick ang mga bituin hanggang sa antukin.

Pero iba na ngayon. Iba na ang takbo ng mga buhay namin, hindi na kami mga bata na gaya ng dati.

"Maaga pa naman, ah? Matutulog ka na?" nagtatakang tanong ni Patrick. Tumango ako.

"May kasalanan ka pa nga saʼkin eh," anito na nagpataas ng kilay ko. Anong kasalanan?

"Ako? May kasalanan saʼyo? Talaga?" tumatawang tanong ko sa kaniya. "Himala!" dagdag ko pa.

"Nagsinungaling ka. Sabi mo kanina na nandito sa bahay niyo si Jenny pero wala naman. Umamin ka nga, iniiwasan mo ba ako, Jemimah?"

Gulat akong umiling kahit totoo naman talaga pero parang pinagkakaisahan ako ng tadhana dahil tumakbo ako papasok sa bahay at iniwang nakatulala si Patrick.

DALAWANG araw ang lumipas, hindi na muling dumalaw pa sa bahay si Patrick. Walang Patrick na nangulit at sumisira sa araw ko. Wala sa sariling tumayo ako sa higaan at inalis ang kurtina ng kuwarto upang tingnan kung nasa kuwarto rin ba si Patrick.

Mapait akong ngumiti nang nakita ko siya. Suot nito ang t-shirt na regalo ko sa kaniya noong birthday niya habang nakangiti at may kausap sa cellphone. Hindi na kailangang hulaan pa kung sino ang kausap nito.

Parang ang sarap tuloy patayin ng Wi-Fi. Tingnan natin kung may communication pa kayo ng Faye na 'yan.

Pinaikot ko ang mga mata at muling ibinalik ang kurtina. Bakit ganoon? Parang ako pa tuloy ang kontrabida? Bakit parang ako pa ang masama? Ako naman ang nauna, ah?

Pagkatapos ng gabing 'yon, hindi na ko kinausap pa ni Patrick. Parang nagsisisi na tuloy ako kung bakit sinabi ko pa 'yon. Sana pala nanahimik na lang ako. Sana pala sinarili ko na lang. Sana pala tinago ko na lang.

Tama pala ang sinabi ni Mama na may mga bagay talaga na hindi dapat ibahagi sa iba. Na mas maganda kung hindi mo sasabihin sa iba.

Pero nagbabakasali lang naman ako. Nagbabakasali lang naman ako na baka puwede pa, na baka may pag-asa pa. Nagbabakasali ako na baka maaari pang pag-usapan, na baka madadala pa kung ipipilit ko. Pero sana pala, hindi ko na lang ginawa.

Hindi maaaring mamilit, Jemimah. Isa kang Cuevas, isa kang Jemimah Cuevas, at ang mga Cuevas ay hindi nagmamakaawa sa mga lalaki. Huwag pilitin si Kupido na panain ang lalaking gusto mo pero hindi naman nakatadhana saʼyo.

Hinakbang ko ang daan patungo sa sulok na nilagyan ng Wi-Fi at may pinindot doon. Tingnan natin kung makakausap mo pa siya, Patrick. Minsan lang naman ako maging masama kaya sulitin na natin. Kung wala akong lovelife, dapat wala ring lovelife si Patrick.

Sinulyapan ko ang alarm clock, alas-nueve na pala. Kaya pala nagrereklamo na ang tiyan ko, kailangan ko na pa lang kumain. Muli kong binuksan ang bintana upang makita ang reaksiyon ni Patrick sa ginawa ko. Nakita ko siyang tumayo sa higaan at nagsuot ng short. Pumikit pa ako upang hindi makita ang suot nitong brief.

Ang laswa mo talaga, Patrick!

Pagbukas ko ng mga mata, wala na roon si Patrick. Panigurado, pupunta iyon dito. Pakialam ko kung magagalit siya dahil pinatay ko ang Wi-Fi? Hindi nga ako nagalit na wala siyang sinabi noʼng inamin kong gusto ko siya. Kinain ko lahat ng hiya ko noʼng gabing iyon tapos matutulala lang siya?

Umamin ako pero wala itong ginawa o sinabi man lang. Umamin ako sa kaniya noong gabing iyon na gusto ko siya pero wala akong makitang reaksiyon sa kaniya. Tulala lang itong nakatingin saʼkin. Tandang-tanda ko pa nga ang mga sinabi ko.

"Oo, iniiwasan kita. Oo, hindi totoong nandito si Jenny kanina. Bakit? May magagawa ka ba? Anong pakialam mo kung nagsinungaling ako? Sa feelings ko nga, wala kang pakialam, diba? You know what? Ang selfish mo! Bakit mo pa ako pinapunta roʼn kung tatawagin mo rin lang pala si Faye? Para ano? Para saktan ako? Para ipamukha saʼkin na hindi mo ko magugustuhan?

"Patrick! Alam mong gusto kita, hindi ko naman tinatago 'yon saʼyo eh. Noʼng sinabi mong, kaibigan lang talaga ang turing mo saʼkin hindi naman ako nagpumilit, diba? Pero huwag mo namang ipamukha sa akin na para na akong tanga. Nasasaktan din ako, Patrick."

Sa hinaba-haba ng inamin ko, wala siyang ibinigay na sagot saʼkin. Kahit pagtango man lang ay hindi nito ginawa. Nakaramdam ako ng hiya kaya tumakbo ako papasok sa bahay.

Hindi ko maintindihan ang sarili ko noʼn. Gustong mag-unahan ng mga luha ko habang umaamin ako kay Patrick. Halos mabingi ako sa lakas nang pagkabog ng dibdib ko. Nais ko lang na maipalabas ang mga hinanakit ko kaya ang pangalawang pag-amin ay ginawa ko na.

Hindi maalis sa sistema ko kung paano ko rin inamin kay Patrick dati na gusto ko siya. Para akong nakikipag-unahan noʼn dahil takot akong maunahan sa muse namin. Nalaman ko kasing may gusto rin ito sa kaniya.

Iniisip ko kasi na mas lamang ako dahil best friend ko si Patrick at mas matagal ko siyang kilala pero hindi pala ganoon kadali ang lahat. Hindi pala iyon ang basehan dahil natanggap ko ang rejection galing kay Patrick. Ayaw niya saʼkin. Ayaw niya sa panget at masiyadong kulot na tulad ko. Gusto raw nito ng chinita, hindi katulad saʼkin na malaki ang mata.

Rejection na parang pinatay ang puso ko.

Hindi na ko nagulat nang makarinig ako ng sunod-sunod na katok sa labas ng pinto. Ilang sandali pa ay boses na ni Patrick ang narinig ko.

"Jemimah? Pinatay mo ba ang Wi-Fi?" tanong ni Patrick saʼkin na hindi ko sinagot. Obvious naman siguro. "Jem?"

Okay lang naman saʼkin kung maganda si Faye at chinita ito. Okay lang saʼkin kung mas matalino at talented ito. Ang nagpadurog lang talaga ng puso ko ay ang nalaman ko kahapon. Nasa kaniya rin ang hinahanap ni Patrick sa isang babae, ang pagiging writer.

Hindi naman sa insecure ako, pero nagawa kong alamin ang buhay ni Faye at nalaman ko nga kagabi na Wattpad writer pala siya katulad ko. Pero ang ipinagkaiba namin, hindi alam ni Patrick na nagsusulat ako. Gusto ko kasing hawak ko na ang libro ko bago sabihin sa kaniya.

Mas sikat si Faye kumpara sa akin. Mas kilala siya. Kaya siguro gusto siya ni Patrick.

Kung sinabi ko kaya ng maaga kay Patrick na manunulat din ako, may pag-asa kayang magustuhan niya rin ako?

Muli akong nakarinig ng katok. Panigurado, inis na inis na si Patrick sa akin ngayon. Sino ba namang hindi maiinis sa ginawa ko? Hati pa naman kami ni Patrick sa bayarin ng internet.

Napaismid ako, minsan lang ako maging masama kaya dapat sulitin.

"Ano ba Jemimah! Ano bang problema mo?" galit nitong tanong saʼkin at sinundan ng pagkatok.

Problema ko? Ikaw! Ikaw ang problema ko. Sobrang manhid mo! Lahat naman, ginawa ko eh. Ano pa ba ang kulang?

Hindi ko siya sinagot kaya patuloy si Patrick sa pagkatok at pagtawag sa pangalan ko. Tumingin ako sa salamin at kinuha ang lipstick at dinampian ng kunti ang labi ko para magkaroon ng kunting kulay.

"Alam mo kung ayaw mong pumasok sa klase ni Ma'am Deloso, please lang, huwag mo kong idamay! Kung ayos lang saʼyo na makatanggap ng tres at maalis sa education, 'wag mo kong idamay sa kalokohan mo. Nais mong malaman kung bakit hindi kita magustuhan? Simple lang, ang hirap mo kasing intindihin, Jemimah! Para kang bata!" diretso nitong wika.

Maliban sa sinabi nitong may klase pala ay mas naiintindihan ko ang sinabi niyang para akong bata!

Huminga ako ng malalim at padabog na binuksan ang pinto ngunit walang Patrick akong nadatnan.

Mukha pa lang bata ha? Lagot ka sa'kin mamaya!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top