Chapter 27

"Kumusta na ang pakiramdam mo, Jemimah?"

Agad akong napalingon nang biglang nagsalita si Patrick.

Napailing ako ng lihim. Hindi pala Patrick ang pangalan niya sa panahong ito.

Tumango ako at ngumiti. "Ayos na ako. Salamat, Romeo."

Nag-iwas ako nang tingin nang nakita ko siyang humakbang papalapit sa puwesto ko. Itinuon ko ang atensiyon ko sa mga bulaklak sa harden ng bahay.

Tatlong araw na rin akong namamalagi sa bahay ni Lolo Timong. Laking pasasalamat ko rin dahil hindi na muling nagtanong pa ang matanda tungkol sa pamilya ko. Ang problema na lang talaga ay ang lalaking pinaglihi sa sama ng loob at pait ng ampalaya.

Masama pa rin ang tingin niya sa akin. Akala niya siguro multo ako at balak na saktan siya. Pakialam ko naman sa buhay niya? Bahala siya. Basta ang importante sa akin ngayon ay may matutulugan at matutuluyan ako.

Sinubukan ko na ring lumabas upang hanapin ang bahay kung saan ko muling nakita si Sarita pero nabigo ako. Ang masaklap pa ay tinamaan ako ng lagnat.

Grabe, dayuhan na nga ako sa panahon na ito, nagkasakit pa. Ang saya, grabe.

"Sigurado ka ba?" patuloy na pag-uusisa ni Romeo sa akin.

Muli akong tumango. Kahit saan talaga, ang kulit ni Patrick.

Natawa nga ako no'ng nalaman kong Romeo ang pangalan niya. Uso na pala ang Romeo and Juliet sa panahon na 'to.

Hindi ko alam pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Minsan naiisip ko na parang hindi si Patrick ang kasama ko.

Napaismid ako. Sabagay, hindi naman talaga siya si Patrick, kamukha lang.  Pero puwede naman umasa, diba? Na baka reincarnation ang nangyari kaya kamukha niya talaga si Patrick.

Gaya ko, baka reincarnation lang din kaya kamukha ko ang girlfriend no'ng binatang pinaglihi sa sama ng loob.

'Di siya na may girlfriend. Sana lahat.

"Maaari bang magtanong, Jemimah?" untag ni Romeo na nasa tabi ko na pala at hinahawakan ang mga bulaklak na malapit sa kaniya.

"Jem na lang, masiyadong mahaba ang Jemimah," tumatawang saad ko. "Pero, oo. Ano bang itatanong mo?" patuloy ko.

"Ilang taon ka na pala?"

"Twe—" Umubo ako at tinakpan ang aking bibig. Ano pa nga ulit sa filipino ang twenty? "Ikaw muna. Baka mas matanda pa ako sa'yo eh."

Ayan, diyan ka magaling Jemimah, sa palusot.

"Hindi naman siguro." Nakitawa rin siya. Sus, baka hindi mo rin alam ang tagalog eh.

"Dalawampu't isa. Ngayon, ikaw naman."

Ayon. Dalawampu pala.

"Hulaan mo," pangiting wika ko at kinindatan siya.

Wala lang. Mas maganda pala siya kausap dito kung ihahalintulad sa panahon namin. Mas maganda rito kasi walang mga barkada na umaagaw ng oras niya sa'kin, walang online games na umuubos ng oras niya at walang Faye na umaagaw ng kaniyang atensiyon.

Mas maganda rito kasi ako lang ang kausap niya at wala siyang iniisip na iba.

Teka, sigurado ka ba talaga, Jemimah?

"Palagay ko—"

"Palagay ko mahal kita, ikaw lang at walang iba. 'Di pa kasi masabi ng puso ang nada—"

Natigil ang mahinang pagkanta ko nang nagsalubong ang mga kilay ni Romeo. Tumawa na lang ako at iniyuko ang ulo.

"Ang ganda pala ng boses mo."

Si Patrick ka nga. Kasi sa lahat ng nakarinig ng boses ko sa panahon namin, siya lang din ang nagsabi na maganda ang boses ko.

"Ano na? Ano sa palagay mo?" tanong ko upang ibalik ang topic namin kanina. Baka kasi mapunta pa sa iba.

Hinawakan niya ang baba at nagkunwaring nag-iisip. "Siguro—"

"Siguro'y umiibig kahit 'di mo pinapansin. Magtitiis na lang ako't magbabakasaling ika'y—"

"Bakit may baon kang mga kanta? Galing mo naman, ikaw ba ang nagsulat niyan?"

Umiling ako. Wala ba talaga siyang alaala tungkol sa 2021? O baka nagpapanggap lang siyang wala siyang maalala.

"Ayon nga, palagay ko labing-walo."

"Taasan mo naman, mukha ba akong bata?"

Sabay kaming tumawa.

Kahit ang paraan ng pagtawa niya ay katulad kung paano tumawa si Patrick. Tawang walang halong pagkukunwari. Isa ito sa nagustuhan ko kay Patrick, totoo ang pagtawa niya.

Simple lang talaga si Patrick. Binatang minsan ay happy-go-lucky pero kapag ako naman ang pinag-uusapan ay concerned naman siya. Binatang may goal sa buhay at masaya kasama. Siya ang taong kapag kasama mo, masasabi mong nasa tamang kamay ka.

Matalino rin siya at hindi nagpapahuli sa klase. Lapitin din siya ng mga babae lalo na kapag Mathematics ang subject. Kaya minsan, nawawala na ako sa passing.

Pero kapag kami lang ang magkasama, ibang Patrick ang nakikita ko. Patrick na walang inaalala kun'di ang kaligayahan at kaligtasan ko lang. Gano'n si Patrick magmahal.

Magmahal bilang kaibigan.

Hindi ko nga rin alam kung kailan ba 'ko nahulog sa kaniya. Siguro tama nga 'yong palagi kong napapanood sa mga movies at nababasa sa mga pocketbooks noon na hindi mo napapansin na na-in love ka na pala. Kusa lang iyang dadaloy nang hindi mo napapansin.

Ganon nga siguro ang nangyari sa'kin.

Natigil ang tawanan namin ni Romeo nang biglang pumasok sa eksena si Antonyo. Tama, para nga kaming nasa movie dahil may kontrabida. At si Antonyo ang kontrabida, sakit niya sa bangs eh.

"Mamaya na iyang ligawan Kuya Romeo. Pinapatawag na kayo ni Lolo sa itaaas, oras na ng tanghalian," malamig na wika ni Antonyo at tumalikod upang bumalik sa nilakaran niya.

"Ligawan?" hindi ko napigilang itanong. "Anong ligawan ang pinagsasabi mo?"

"Bakit, Jemimah? Hindi ba?"

Marahas akong umiling. "Mali ang iniisip mo."

"Wala ka namang dapat na itama sa iniisip ko, Binibini. Wala naman akong pakialam kung ano ang iyong ginagawa." Muli siyang tumalikod at hindi na kami muling nilingon pa.

Kung nasa 2021 lang ako. Panigurado, sobra na ang tuwa ko kung liligawan ako ni Patrick. Pero ewan ko ba, hindi ako natutuwa no'ng sinabi ni Antonyo na nililigawan ako ni Romeo.

Iba ang pakiramdam ko.

"Huwag kang mag-alala. Wala akong balak na ligawan ka, Jemimah," malamig na bulong ni Romeo sa akin. "May iba kasi akong napupusuan."

"May iba kang—"

Naputol ang mga sasabihin ko pa sana nang muling bumalik si Antonyo. Sumigaw ito na mas ikinagulat namin ni Romeo.

"Huwag kang mag-alala, Antonyo. Hindi ko aagawin si Jemimah sa'yo," tumatawang biro ni Romeo. Lumingon sa akin si Romeo at kumindat. "Sa tingin ko kasi, may gusto si Antonyo sa'yo. Ang kapatid ko talaga, hindi pa rin marunong magsalita sa babae. Pinapadala sa init ng ulo ang lahat."

"Pero hindi ba kamukha ko ang—"

"Hindi, hindi pa namayapa ang nobya ni Anton. Wala talaga siyang nobya mula pa noon. Kun'di may isa siyang ginuhit at kamukhang-kamukha mo. Pinangalanan niya iyong Maria. Ngunit sa paglipas ng panahon at sa tagal na hinintay niya na may lilitaw na kamukhang-kamukha sa ginuhit niya ay itinuring na niyang patay si Maria.

"Hindi nga ako makapaniwala nang makita kita. Kamukhang-kamukha mo talaga ang babae na ginuhit niya. Ikaw na siguro ang hinihintay ng kapatid ko. Gusto ka siguro no'n, panigurado."

Humakbang na papasok si Romeo nang hawakan ko ang kaniyang braso.

"Patrick, ikaw ba talaga iyan?"

"Sino ba ang Patrick na iyan at palagi mo akong napagkakamalan?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top