Chapter 25

Muli akong nakarinig ng paghampas ng kadena. Sobrang lakas ng paghampas na sa tingin ko ay may nabasag.

Patuloy pa rin sa pag-iyak si Sarita, kahit hindi ko pansinin ay dinig na dinig ko ang mga paghikbi niya. Dinig na dinig ko ang paghingi niya ng tulong. Kahit hindi ko makita ang kaniyang mukha dahil sa dilim, alam kong labis siyang nahihirapan ngayon.

Pumikit ako upang mas lalo akong yakapin ng dilim. Hindi ko na kaya, hindi ko kayang marinig na nahihirapan siya at wala akong magawa. Ganito pala ang pakiramdam kapag may taong nangangailangan ng tulong mo pagkatapos wala kang maibigay.

"Tulong! Tulungan niyo 'ko!" muling sigaw ni Sarita na nagpadagdag ng sakit sa aking dibdib.

Paano ko ba kasi siya matutulungan? Wala akong makita!

"Kahit pa ilang beses kang sumigaw, kaibigan. Walang makakarinig sa'yo!" tumatawang saad ni Margarita na para bang nang-uuyam. "Kahit isigaw mo pa at tawagin ang Dios, walang makakarinig sa'yo!" dagdag pa niya.

Tumayo ako. Kahit anong mangyari, tutulungan ko si Sarita. Ayokong nahihirapan ang kaibigan ko. Kahit bago pa lang kaming nagkakilala, kaibigan na ang turing ko sa kaniya.

Hindi katulad sa babae na 'to na pinaglihi yata sa sama ng loob. Parang wala yatang ibang alam na kainin kun'di ampalaya, ang pait kasi ng bunganga.

Kapag hindi gusto, huwag kasing ipilit. Kapag alam mong hindi ka mahal ng tao, umayaw ka na rin at huwag ipagsiksikan ang sarili mo.

Mukhang kailangan ko rin ibulong iyan sa sarili ko.

Dahan-dahan akong naglakad at pakapa-kapa. Kung maaari ay hindi ako makalikha ng ingay. Ayokong malaman ng Margarita na 'to na may iba silang kasama.

Pero ano nga bang gagawin ko? Kahit anino nga lang nila ay hindi ko makita, paano ko siya tutulungan? Hindi ko nga rin alam kung saan sila ngayon, boses lang nila ang naririnig ko.

"Maawa ka, Margarita. Lalayo ako sa inyo, iiwan ko kayo rito. Pupunta ako sa ibang bayan at hindi na 'ko muling magpapakita sa kaniya. Maawa ka, huwag mo lang akong sasaktan."

Muling nagsalita si Sarita ngunit hindi ko na naintindihan. Mas nangingibabaw ang pag-iyak niya.

Gumalaw ang kadena base sa naririnig kong ingay. Napahinto ako sa paghakbang at nakinig kong saang banda iyon nanggaling.

May mga yapak akong narinig kasabay ng pagsigaw ni Sarita. Malakas ang sigaw na iyon kung ihahambing sa sigaw niya kanina.

Nasaktan na yata ang kaibigan ko.

Tumulo ang luha ko sa isipang iyon. Hindi ko inakalang ganito pala ang sinapit niya. Hindi ko inakalang kaibigan niya pala ang may kagagawan ng lahat.

Ang pait ng mundo. Hindi patas ang mga tao.

Bakit ang mga mababait ang nasasaktan? Bakit ang mapagbigay pa ang nagdurusa? Bakit?

Tama pala ang kasabihan na "patas ang mundo ngunit hindi ang mga tao."

Napaluhod ako sa sahig at may basa akong nahawakan. Inamoy ko iyon at tama nga ang aking hinala.

Gaya ito sa mga panaginip ko noong una. Dugo! Bumabaha na ang dugo sa buong silid!

Hindi kaya...

"Sarita!" sigaw ko ngunit walang boses na lumabas sa aking bibig. Para lang akong bumubulong at ni kunting tinig ay wala akong narinig.

Hindi maaari! Bakit! Bakit kayo ganito? Wala namang ibang ginawa ang kaibigan ko pero bakit ganiyan ang igaganti niyo?

Dahan-dahan akong gumapang kahit nadadaanan ko ang mga dugo sa sahig, wala akong pakialam. Kahit naaamoy ko ang malansang amoy ay hindi ko iyon ininda.

Mas masakit ang makitang nawalan ng buhay ang isang kaibigan at wala akong ibang ginawa upang baguhin iyon. Pero paano ko ba mababago kung iyon naman talaga ang dapat na mangyari?

Hindi ko mababago ang mga dapat mangyari sa panahong ito. Isa lang naman akong estranghero.

Biglang nagkaroon ng liwanag. Hindi ko alam kung paano at saan iyon galing. Pumikit ako dahil sa nakakasilaw iyon hanggang sa dahan-dahan akong nagdilat.

Kitang-kita ko ang nakahandusay na katawan ni Sarita. Ang suot niyang damit ay nagkulay dugo na at ang katawan niya'y namumutla na.

Napakawalang-hiya naman ng babae na iyon! Nakaya niya talagang gawin ito sa sarili niyang kaibigan! Sabagay, hindi pala kaibigan ang turing niya kay Sarita kun'di isang kaaway!

Asal hayop!

Ayaw tumigil sa pagtulo ang luha ko. Gaano kaya kasakit ang naranasan ni Sarita sa kamay ni Margarita? Bakit siya nahantong sa ganito?

Kahit pala gaano kabait ang tao ay may mga mapapait na apdo talaga ang kayang gumawa ng masama.

May mga tao talaga na gagawin ang lahat, makamit lang ang nais. Kayang gumawa ng masama upang hindi malamangan. Paano kaya nila natitiis ang lahat? May mga konsensiya pa kaya sila sa katawan?

Kahit isipin lang ay hindi ko magawa.

Muli kong tiningnan si Sarita. Nakagapos ang kadena sa leeg nito at nakadilat ang mga mata. Nakabukas ng kaunti ang bibig nito na malalaman mong sumigaw talaga bago nawalan ng hininga.

Walang awa talaga ang Margarita na iyon! Makakatulog pa kaya siya?

Nakarinig ako ng mga yapak ng paa kaya dagli akong napalingon. Isang babae na nagkalat din ang dugo sa suot nitong puting damit ang nakatayo malapit sa pinto.

Nagpagpag ito ng damit at lumingon sa puwesto namin. Nagawa pa nitong ngumiti na mas nagpasidhi ng inis ko sa kaniya.

"Wala ng balakid sa mga gusto ko. Wala ng balakid sa mga gusto natin, Mahal," malakas na saad nito at tumawa nang malakas.

Hindi niya ko nakita?

Nakita kong humakbang si Margarita palabas ng kuwarto at padabog na sinara ang pinto.

Totoo ba ang nakita ko? Hindi ako nakikita ni Margarita?

Bakit sina Simeon at Sarita ay nakikita ako? Pati si Patrick?

Ang ibig kong sabihin, iyong kamukha ni Patrick. Bakit nakikita nila ako? Bakit si Margarita, hindi? Paano nangyari iyon?

"Jemimah. Itago mo ang nagawa kong kuwento, ilayo mo sa kaniya."

Muli kong tiningnan si Sarita dahil narinig ko siyang nagsalita. Ngunit bigo ako, kung anong nakita ko kanina ay iyon pa rin ang hitsura niya.

Guni-guni ko lang siguro ang narinig ko.

Pero kung iyon ang nais mo, Sarita. Gagawin ko, ilalayo ko ang ginawa mong kuwento.

Ngayon alam ko na kung sino ang lalayuan.

Kahit kaunti lang ang panahon na magkasama tayo, tinuring na kitang kaibigan. Kahit ang mga panahon na magkasama tayo ay palagi mo akong tinatakot pero naiintindihan naman kita.

Kahit naging masama na ang tingin sa akin ng mga tao, handa pa rin kitang tulungan. Ayokong lumaban kang mag-isa. Nasasaktan ako sa sinapit mo, kaya asahan mo ang tulong ko.

Tumayo ako kasabay ng aking pagngiti.

Pero bago muna iyon, tulungan mo rin ako. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Hindi ko kilala ang mga tao na dapat kong layuan at pagkatiwalaan. Mundo mo ito kaya hihilingin ko rin ang tulong mo.

Samahan mo ako sa paglalakabay na gagawin ko. Tulungan mo ako, Sarita.

Tulungan mo ako at ipaintindi ko ang lahat sa akin. Ipaintindi mo kung si Patrick ba talaga iyong nakausap natin sa tren at ano ang ginagawa niya rito.

Kung si Patrick man iyon, kasama ko rin ba siya na lutasin ang problema mo?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top