Chapter 23

Yaofe:
Really? Totoo ba 'tong nababasa ko sa Facebook ngayon, Jem? Nagnakaw ka raw?

Huminga ako nang malalim at pilit na pinakalma ang sarili. Mula pa kaninang umaga nang buksan ko ang Facebook account ko ay walang ibang laman ang newsfeed ko kun'di ang issue na nagnakaw daw ako.

Binuksan ko rin ang isa kong writing account sa Facebook, nagbabakasaling hindi umabot doon ang balita ngunit mas malala pa roon sa inaasahan ko. Wala silang ibang pinag-usapan kun'di ang pagnanakaw ko na hindi naman nila alam ang totong dahilan at totoong nangyari.

Ang sama ko raw na manunulat. Nakakahiya raw ako. Dapat daw akong kasuhan. Dapat daw akong i-banned sa Wattpad at sa ibang writing platform. Ang kapal daw ng mukha ko. At sobrang nakakahiya raw ang ginawa ko.

Wala akong ibang ginawa, hindi ko sila pinatulan. Basta ang importante, alam ko sa sarili ko na hindi ko iyon ginawa para sa sarili ko lang. Hindi ko intensiyon na nakawan ang librong sinulat siya.

"Dahil hindi naman talaga niya sinulat iyon," bulong ko at pinaikot ang mga mata. "Dahil kong siya ang nagsulat no'n, hindi ganoon kaluma ang libro. Sa pabalat pa nga lang ay parang hindi pa siya nabubuo sa tiyan ng Mama niya ay may dala ng tungkod ang librong iyon. In short, luma na.

"Kaya 'wag ako, Faye. Kung maloloko mo sila, ibahin mo ako. Kahit papaano ay marunong akong kumilatis ng peke at totoo. And in your case, ikaw ang peke."

Umismid ako at muling itinuon ang tingin sa hawak na cellphone. Pero kahit anong sabihin ko, masakit pa rin na walang naniniwala sa akin. Ang dami kong kaibigan sa isa kong account. Mga manunulat din na nagsabing susuportahan daw ako kahit anong mangyari.

Tumawa ako ng peke. Nasaan sila ngayon? Nasaan ang sinabi nilang hindi nila ako iiwan? Nasaan na ang mga pangako nila? Bakit hindi ko na sila mahagilap?

Sana pala hindi ko na lang binuksan ang chat ni Yaofe, mas nadagdagan lang ang problema ko eh.

Sabi ko na nga ba na sabog na sabog na ang balita. Ano pa nga bang bago? Kapag sikat ang kalaban mo, siyempre ikaw ang kawawa. Siyempre, sa sikat sila kakampi. Kaya mahirap kalabanin ang katulad nilang sikat.

Kaya hanggang maaari, lumayo ka sa kanila. Subukan mong lumayo at huwag na huwag kang lalapit. Dahil kung lalapit ka? Katulad ka rin sa sinaunang babae na lumapit sa tukso.

Iyon nga lang, hindi tukso ang kalaban mo kun'di kahihiyan. At hindi rin ahas ang kalaban mo kun'di totoong tao.

Himala na ang tawag don kung sa katulad kong hindi kilala ng tao sila kakampi. Baka nga habang pinapanood nila ang video ay tawa sila nang tawa.

Ako na pangit? Ako na hindi kagandahan? Ako na maraming tigyawat? Ako na hindi maputi? Ako na hindi sikat? Ako na aspiring writer lang? Ako? Kalalabanin ang sikat na manunulat? Ako na may ganang magnakaw ng manuscript sa sikat na manunulat?

Sino lang naman ako upang kampihan nila diba? Sino lang naman ako upang makakuha ng kanilang simpatya? Sino ako upang kaawaan? Sino ako?

Tama, sino ako?

Iyan minsan ang nakakalungkot sa mga tao. Kung sino lang ang mas kilala sa lipunan, iyon lang ang kakampihan nila. Minsan hindi nila tinitingnan kung sino ang dapat kampihan, na kung sino ang nasa katwiran.

Kaya kung sikat at mayaman ka, ang suwerte mo na talaga. Hindi mo na gagawin pang magmakaawa upang makahingi ng simpatiya.

Ang masama kasi kung sino ang nasa tama, nawawala na. Minsan nga ay napapatanong ako kung nasa tamang pag-iisip pa ba ang mga tao. Kahit kung ako ang tatanungin, parang nawala na sila sa tamang huwisyo. Tila nawala ang kanilang mga utak upang makapag-isip.

Pinakalma ko ang sarili. Ilang beses ako nagpalabas ng hininga bago nag-type ng reply kay Yaofe.

"Kung ako lang talaga ang tatanungin, parang ayaw kong maglabas ng kung ano-anong detalye. Mas gusto ko pang hayaan na lang sila at hindi na makisawsaw pa. Dahil the more na sasali ka sa issue ay mas napapatagal pa ang paglipas nito."

Hahayaan ko na lang siyang maniwala kung anong gusto niyang paniwalaan. Nakakapagod ng mag-defend kung sarado na ang utak nila.

Tuwing nangyayari ito sa akin noon, si Patrick lang ang nakikinig sa'kin. Si Patrick lang ang naniniwala at handang makinig sa lahat ng sasabihin ko. Kahit nga minsan pati mga story ko ay sinasabi ko sa kaniya, 'yon nga lang, hindi niya alam na nagsusulat ako.

Nakakaramdam kasi ako ng hiya. Alam ko kasi na 'yon ang gusto niya sa isang babae. Baka kapag nalaman niya ay isipin niyang pinipilit ko talaga ang sarili ko sa kaniya. Matagal na naman niyang pinaliwanag sa akin na hindi talaga kami puwede.

Kasi kaibigan lang ang turing niya sa'kin. Hanggang kaibigan lang ako.

Muling tumunog ang cellphone ko kaya dagli akong lumingon. Ilang minuto pa lang akong nasa may bintana ay nag-ingay na naman ang cellphone ko. Wala sa sarili akong napailing.

Wala namang pasok ngayon dahil may biglaang activity sa school kaya ayos lang na hindi ako mag-online. Wala naman akong ibang mababasa kun'di ang eskandalong nagawa ko. Nakakasama ng araw.

Kung sana nandito lang si Patrick. Suminghot ako habang pinipigilang hindi maluha.

"Hindi ko na kaya."

Muli akong suminghot. "Nasaan ka na ba, Patrick?"

Isinarado ko ang bintana upang hindi ko masilayan ang kuwarto ni Patrick. Nasasaktan pa rin ako sa pagkawala niya. Kahit ang dami ng tumulong sa paghahanap sa kaniya ay wala pa rin kaming nakuhang lead kung saan siya mahahanap.

Ang tanging lead lang na pinanghahawakan namin ngayon ay ang bahay na malapit sa bakery. Pero maliban doon ay wala na.

Pero hindi naman matibay iyon.

"Kasi paano kung may biglang nagkidnap sa kaniya kaya hindi na siya lumitaw?" Inis kong sinabunutan ang sariling buhok. "Ayaw ko talagang isipin na nasa 1914 ka rin, Patrick! Hindi ako naniniwalang ikaw ang nakita ko sa panahong iyon. Kasi paano ka naman makakapunta ron, diba?"

Muli kong sinabunutan ang sariling buhok. "Ano bang nangyayari sa'kin? Sinong aasahan kong sasagot sa mga katanungan ko? Wala si Patrick dito. Ano ka ba naman, Jemimah! Mag-isip ka nga!"

Umupo ako sa higaan at napahilamos ng mukha. Kahit anong gawin ko ay hindi ko kayang hindi isipin ang nakita ko sa taon nila Sarita. Ang dami talagang nangyari sa panahon nila.

Ni hindi ko pa nga alam kung ano ba ang pinag-awayan ng magnobyo ay dadagdag pa si Patrick na nakita ko roon sa tren at nanghihingi ng pamasahe. Kahit saan banda talaga tingnan ay si Patrick ang nakikita ko.

Kasi bakit kamukhang-kamukha ni Patrick ang lalaking nasa tren? Mula sa buhok, sa hugis ng mukha, sa kilay, sa tangos ng ilong, at ang magagandang labi. Kamukhang-kamukha ni Patrick.

Pero ang tanong nga, paano nakapunta si Patrick do'n?

"Bakit, Jem? Alam mo ba kung paano ka nakakapunta sa taong iyon? Diba, hindi? Kaya—" Huminga ako nang malalim. "Kalma. Kumalma ka, Jemimah."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top