Chapter 21
"Hindi ko na alam ang gagawin ko, Jemimah. Litong-lito na ang isip ko. Nahihirapan na ko," mahinang bulong ng ina ni Patrick sa akin habang magkayakap kaming dalawa.
Alas otso palang ng umaga ay nasa bahay na nila ako upang tumulong sa paghahanap na naman kay Patrick. Ganito ang set-up ko tuwing Sabado, tumutulong ako sa paghahanap sa best friend ko.
Minsan nga lang ay nakakasawa na pero ayaw kong sumuko. Kaibigan ko iyon, mahal ko ang taong iyon.
Bilang best friend niya, nais kong tumulong. Gusto ko na ring makita siya. Naaawa na ako sa pamilyang iniwan niya.
Patuloy pa rin sa pag-iyak si Ante Marites, ang ina ni Patrick. Mula nang dumating ako sa bahay nila ay umiiyak na siya. Isang oras na ang lumipas pero hindi pa rin siya kumakalma.
"Ante, mahahanap din po natin siya. Baka nga nagtatago lang iyon eh at sasabihing it's a prank! Diba, gano'n minsan ang lalaking 'yon." Pinasigla ko pa ang boses ko para kahit papaano ay madala siya.
Suminghot si Ante Marites at tiningnan ako. "Pero, Jem. Hindi na magandang biro ito. Kung gusto lang niyang makuha ang gusto niya, puwede naman naming pag-usapan eh. Hindi iyong ganito na maglalayas siya. Hindi na nakakatuwa eh."
"May gusto siyang makuha?" nagtataka kong tanong.
Tumango siya at kumalas sa pagkakayakap sa akin. "May napag-usapan kasi kami no'ng gabing bago siya nawala. Gusto niyang magtrabaho upang matulungan si Faye. Siyempre, hindi ako pumayag. Nasa quarantine tayo at kalat na kalat ang virus, hindi ako papayag na magtatrabaho siya para sa babae na 'yon. Ni tabas nga ng dila no'n ay hindi ko gusto."
Napahinto ako sa sinabi ni Ante at tiningnan siya. May balak pa lang magtrabaho si Patrick para kay Faye? Imposible! Alam kong mahal niya si Faye pero nakakapagtaka na aabot siya sa ganito.
"Parang hindi naman po yata kayang gawin ni Pat—"
"Nagawa niya, Jem. Bago siya nagpaalam sa amin ay natanggap na pala siya sa isang bakery do'n sa kabilang barangay. Nakakapagtaka nga rin dahil bakit tumanggap ng dagdag trabahador ang bakery na iyon samantalang ang iba ay nagbabawas pa."
Huminga ako ng malalim. Bakit parang ang sakit?
Kayang gawin ni Patrick lahat para kay Faye samantalang sa akin, hindi. Ganiyan ba niya kamahal ang babae na 'yon? Kaya niyang hindi sundin ang mga magulang niya para kay Faye? Hindi ganitong Patrick ang nakilala ko noon.
Patuloy pa rin ako sa pagpakalma kay Ante habang iniisip din ang mga posibilidad na ginawa ni Patrick. Hindi ako kumbinsido sa mga sinabi ni Ante dahil kahit papaano naman ay kilala ko si Patrick at hindi ganoon ang ugali niya.
Hindi gano'n ang ugali ni Patrick.
Masipag si Patrick sa pag-aaral pero hindi siya masiyadong masipag sa trabaho. Kailangan pa niya ng kasama bago sumabak sa ganoon. Kung hindi ako ang bubulabugin ay ang mga kaibigan naman niyang mga lalaki ang binubuwesit niya. Pero kung sasabihin ni Ante na si Patrick lang mag-isa, parang ang hirap maniwala.
Umiling ako bago muling nilingon si Ante.
"Pinuntahan niyo na po ba ang bakery na tinutukoy niyo, Ante?" mahinang tanong ko sa kaniya.
"Oo, 'yon kasi ang huling lugar na pinuntahan ni Patrick bago siya nawala. Tiningnan na rin namin ang mga CCTV sa lugar na 'yon. Lahat pinuntahan na naman, Jem. Pero wala pa rin. Maliban na lang don sa isang bahay—" Umayos ng upo si Ante at kinuha ang salamin sa mata na nahulog sa sahig.
"Bahay?"
"Do'n sa bahay na katabi ng bakery. May paliko ro'n na hindi na kayang kunin ng CCTV. Lumiko roon si Patrick tapos hindi na alam kung saan nagpunta. Lahat ng maaaring lusutan sa palikong kalye na iyon ay may mga CCTV na pero kahit anino ni Patrick, hindi nakuha."
Anong bahay kaya iyon? Kung biglang nawala si Patrick, hindi kaya...
"Kaninong bahay po iyon, Ante? May alam ka po ba?" diretso kong tanong at hinawakan pa si Ante sa balikat pero umiling lang siya.
"Walang nakatira sa bahay na iyon, Jem. Matagal na raw walang tao ron."
Hindi kaya si Simeon ang may kagagawan ng lahat? Siya lang naman ang nagbanta sa best friend ko eh. Pero anong kinalaman ng bahay na 'yon?
Nilingon ko si Ante at mahinang nagsabi, "Samahan mo ako bukas sa bahay na tinutukoy mo, Ante."
PANIBAGONG araw, panibagong mapanakit. Natawa ako sa nakikita kong reflection sa salamin. Medyo effective rin naman pala ang sabon na nirecommend ng kapitbahay namin. Kahit papano ay nakikinig ang mga pimples ko.
Parampa akong lumabas ng bahay dala ang walis na palagi kong kasangga tuwing nagwawalis ako sa labas.
Nagpalabas ako ng malakas na hininga bago napailing. Kailan ba mauubos ang mga dahon? Paulit-ulit na lang eh.
"Pero kahit palagi kang nagbibigay ng dumi, hindi ko hihilinging mawala ka," mahina kong bulong habang nakatingin sa mga matatayog na puno.
Hindi pa ako nagsisimulang magwalis ay may humila sa buhok ko. Malakas ang puwersa nito kaya nawalan ako ng balanse.
"Ano ba!" malakas kong sigaw.
"Walang hiya ka! Akala mo ang linis-linis mo! Hoy! Kailan may hindi ka magiging sikat na manunulat sa pamamagitan ng pagnakaw sa manuscript ko," sigaw ng humila sa akin.
Natigilan ako nang makilala ang boses na iyon. Faye?
Dahan-dahan akong lumingon.
"Ito ang tatandaan mo, walang maniniwalang ikaw ang nagsulat no'n kahit saang writing platform mo pa isulat! Mas sikat ako sa'yo. Kaya kung ako sa'yo, isuli mo ang libro na sinulat ko! Isuli mo iyon, Jemimah! Ngayon na!" sigaw na naman ni Faye na nagpatigil sa akin.
Wala akong nagawa habang hinahablot niya ang buhok ko. Hindi ko magawang sumigaw kahit sinasampal niya ako. Wala akong nagawa kahit lumabas na ang mga kapitbahay namin at pinagtitinginan na kami.
Wala akong nagawa kun'di umiyak na lang.
Wala akong nagawa upang ipagtanggol ang sarili ko.
Dahil ako naman talaga ang kumuha.
Pero isa lang naman ang masasabi ko. Hindi ko iyon kinuha upang pantayan ang kasikatan niya. Hindi ko iyon kinuha upang may maipagmalaki ako sa lahat. Hindi ko iyon kinuha upang ipakilala na ako ang nagsulat no'ng kuwentong iyon.
Wala akong balak na gawin sa kuwentong sinulat niya. Wala akong balak na sumikat. Wala akong balak magnakaw dahil hindi ko naman talaga gawain iyon.
Kung kaming dalawa ang paghahambingin, siya ang totoong magnanakaw. Ninakaw niya si Patrick sa akin. Ninakaw niya ang kaligayahan ko.
"Bakit mo kinuha iyon, Jem? Akala ko ba magkakampi tayo? Akala ko ba tutulungan mo kong hanapin ang boyfriend ko? Ikaw pala ang ahas na kailangan kong layuan!"
Marahas akong lumunok. Bakit ko kinuha ang libro? Dahil may kaibigan akong dapat na tulungan. May taong nangangailangan sa kuwentong iyon. May mga katanungan akong dapat sagutin.
Wala akong sariling intensiyon sa kuwentong ginawa niya. Aanhin ko ba iyon? Kaya ko namang lumikha ng sarili kong kuwento. Sariling kuwentong kaya kong ipagmalaki sa kahit na sino. Kuwentong masasabi kong ako talaga ang nagsulat.
Pero paano ko na gagawin iyon kung pinahiya na niya ako sa lahat?
Lumingon ako sa mga taong nakapaligid na sa amin, humihingi ng tulong. Pero lahat sila ay may hawak na cellphone, kinukunan kami ng video.
Wala, wala na talagang pag-asa.
"Ibalik mo 'yon! Magnanakaw!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top