Chapter 20

"Good morning, Sir," masiglang bati ko kay Sir Jude nang makapasok ako sa meeting namin sa araw na ito.

Lunes na naman, panibagong linggo na kailangan ko na namang pagdaanan. Araw na kahit nahihirapan na ako ay kailangan kong harapin.

Agad akong umiling, hindi ito ang panahon na magdradrama na naman ako.

Maganda ang gising ko, kasing ganda ng mga ngiti ko pagkatapos kong halikan ang mga poster na nakasabit sa dingding ng kuwarto ko. Wala ng mas sasaya pa.

"Good morning, Jemimah. Hintayin muna natin ang iba ha? Mga 10 minutes."

"No proble—" Hindi ko na natuloy ang mga sasabihin ko nang makitang kami lang pala ni Sir ang nasa meeting. Masiyado yata akong maaga, hindi naman siguro halata na excited ako.

Agad kong natakpan ang aking bibig nang maalala ang routine ni Sir sa pagpili kung sino ang mangunguna sa prayer.

Patay, nababaliw ka na talaga, Jemimah.

Paano ba naman kasi, akala yata ni Sir ay elementary ang mga estudyante niya.

Kung sino kasi ang unang makakapasok sa meeting ay siya ang mangunguna sa panalangin. Kaya pala hindi pa pumapasok sa meeting ang mga taksil kong classmates.

"Anyway, Jemimah. May lead na ba kayo kung nasaan si Patrick?"

Nagpakawala ako ng buntonghininga. Akala ko magiging maganda ang araw na ito, hindi yata napansin ni Sir na maganda ako ngayon kaya nagtanong na naman siya.

Ilang araw na bang nawawala si Patrick? Isang linggo? Dalawang linggo? Tatlo?

"Isang buwan," mahina kong bulong. Mabuti na lang dahil naka-off ang microphone ko.

Binuksan ko ang camera at umiling. "Wala pa po eh. Naaawa na nga po ako sa pamilya ni Patrick," sagot ko pagkatapos kong buksan ang microphone. "Hindi naman po tumitigil sa paghahanap ang pamilya niya. Sana nga ay mahanap na nila si Patrick."

"Naaawa rin ako sa batang iyon, kahit imposible ang nangyari parang wala na kong magagawa kun'di paniwalaan na lang."

"Lalim no'n, Sir. Buwan ng wika po ba ngayon?" tumatawang sabi ni Yaofe nang makapasok na siya sa meeting.

Himala yata at maganda ang signal ni Yaofe ngayon. Napangiti na lang ako at nag-left sa meeting. Nag-chat ako sa gc na mahina ang signal ko.

"Aba! Ligtas ang may alam. Nakakatakot kaya mag-lead. Duh!"

"PERO mahal kita, Sarita. Hindi ko alam kung ako'y mabubuhay pa ba kung lalayo ka."

Nakita kong napapangiti ng lihim ang mga kababaihan na nakasaksi sa pagpapalitan ng salita ng magnobyo na si Sarita at Simeon. Ngayon ko lang nalaman ang relasiyon ng dalawang tao na palaging nangdidisturbo sa tahimik na buhay ko.

Pinagpatuloy ko ang pagmamasid sa mga tao na nandito sa tren. Ang cute naman nilang kiligin, bulong ko sa sarili. Samantalang ako kapag kinilig parang butiki na pinutulan ang buntot.

"Alam kong mahirap gawin na patawarin ako, mahal. Pero palagi mong tatandaan na hindi kita susukuan," dagdag ni Simeon.

"Mabuti naman at alam mo na mahirap kang patawarin. Hindi mo siguro batid na sobrang lalim ng sugat na iyong naidulot sa akin," sagot ni Sarita at umiwas ng tingin kay Simeon.

Kinuha ni Sarita at pamaypay na nasa tabi niya at sinimulang paypayan ang sarili. Umayos na rin ako ng upo dahil ayokong madamay sa love quarrel ng dalawang ito.

Damay na nga ako sa problema nila sa future, pati rin ba sa past?

Pero ang nakakapagtaka, kung magnobyo naman pala sila bakit parang ang dating ni Simeon sa akin ay isang kontrabida? Hindi kaya maghihiwalay silang dalawa?

O baka...

Tinakpan ko ang aking bibig dahil sa naisip ko. Dios ko, sana mali ang hinala ko.

"Binibini? Ayos ka lang ba? Ikaw ba'y nasusu—"

"Nako, hindi po. Nagulat lang ako," agad kong bawi. Baka isipin pa ng babae na 'to na ako'y nagdadalang-tao.

"Mahal—"

"Maaari ka nang umalis, Simeon. Kung nais mo talaga na ikaw ay patawarin ko pa, layuan mo muna ako. Pag-iisipan ko ang iyong kahilingan."

"Ang lalim no'n ah," mahina kong bulong ngunit hindi yata mahina ang pagkakasabi ko dahil napalingon ang magnobyo sa gawi ko.

Kasasabi ko lang na ayaw kong madamay eh.

"Parang natatandaan kita," saad ni Simeon at tinuro ako.

Kung posible man na mas bumilis ng tatlong beses ang pagkabog ng dibdib ko, ito ang nararamdaman ko ngayon. Tila may mga kabayo sa loob ko na ang bilis ng pagtakbo.

Hindi kaya, nakikilala ako ni Simeon? Anong gagawin ko? Bakit si Sarita ay hindi ako nakikilala?

"Tama! Ikaw ang babae na—"

"Inuulit ko, umalis ka na Simeon. Ayoko munang makita ang iyong pagmumukha."

Nagpakawala ako ng buntonghininga. Mabuti na lang at napaalis ni Sarita ang lalaki. Parang hindi ko talaga alam kung anong gagawin ko kung natatandaan ako ni Simeon.

Lumipas ang ilang minuto nang tuluyang huminto ang tren at nagsilabasan na ang mga pasahero. Tumingin ako sa labas ng bintana at pinagmasdan ang mga puno.

Napapalibutan ng mga matatayog na puno ang paligid. Ang ganda pa lang tingnan kung napapalibutan ng mga puno ang isang lugar para kasing kaya nitong gamutin ang mga alalahanin mo. Sana ganito rin sa Maynila.

Ang dami pala talagang nagbago sa paglipas ng panahon. Gaya ng mga puno, kung sa panahon na ito ay napapalibutan pa ng mga puno ang lugar, sa panahon ko naman ay halos wala ka nang makita. Paano na lang kaya kung panahon na ng mga anak ko? May makikita pa kaya silang mga puno?

Napailing na lang ako. Imposible na yata mangyari iyon.

"Binibini? Hindi ka pa ba lalabas?"

Napalingon ako kay Sarita na parang hinihintay ako. Nakatayo na siya at handa na sa paglabas ng tren.

"Saan pala ang punta mo? Iba kasi ang iyong suot," dagdag nito.

Saan ba ako pupunta? Wala akong alam sa lugar na 'to.

"Mga binibini, pamasahe niyo po?"

Sabay kaming napalingon ni Sarita sa lalaki na naghihintay ng bayad namin. Kung nagulat ako sa paglitaw ni Simeon at Sarita kanina ay mas doble ang gulat na makikita sa aking mukha.

Paano siya napunta sa lugar na 'to? Paano siya napunta sa taong 1914?

Paano kami napunta sa panahon na 'to? Anong rason at magandang dahilan at kaming dalawa ang pinadala sa panahon na ito?

Hindi kaya ay may misyon kami gaya ng nababasa ko sa mga nobela? May problema kaya sa taon na ito na sabay naming lulutasin? Ano ba talaga ang gagawin namin dito?

Inabot ni Sarita ang pamasahe niya at nilingon ako pagkatapos. Akala siguro ng babae na ito ay may pambayad ako.

Nilingon ko muli ang lalaki.

"Patrick? Ikaw ba 'yan?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top