Chapter 2
INAYOS ko ang suot kong face mask at ginawang headband ang suot kong face shield. Ang hirap talagang huminga kapag suot mo ang dalawang 'to, pero ano pa nga bang magagawa ko? Sadyang ganito na ang mundo at mukhang wala nang pag-asa na mabalik pa ang masayang mundo na tulad ng dati.
Mundong walang pandemya na kinatatakutan.
Binuksan ko ang dala kong sling bag at kinuha ko ang eyeglass na lagi kong suot at ginamit iyon. Pagkatapos ay ang cellphone naman ang kinuha ko, binasa ko nang ilang ulit ang pinadala na text ni Patrick. Mahirap na, baka mali ang pagkaintindi ko o baka na-wrong send lang siya. Masabihan pa akong assumera.
Patrick:
Puntahan mo ako rito sa Prince Mall, Jem. Hindi ko alam ang magandang bilhin dito, ang hirap pumili.
May pangalan ko naman, siguro hindi naman siya na-wrong send. Ewan ko rin ba sa lalaking ito, ang tanda-tanda na pero hindi pa rin kayang bumili sa mall mag-isa.
Pinasuot saʼkin ng guard ang face shield ko ng nasa entrance na ko ng mall. Nag-sign pa ang lady guard na makinig daw ako at huwag matigas ang ulo. Pinaikot ko ang mga mata ko, kung hindi lang talaga ako mabait. Napaismid na lang ako pagkatapos akong bigyan ng alcohol.
"Ang pangit naman noʼn, kulot na nga, may pimples pa," bulong ni lady guard.
Napasimangot ako. Ang masaya kong aura kanina ay biglang naglaho. Sana pala hindi ko na lang sila inikutan ng mga mata, baka sakaling hindi nila mapansin ang tinatago kong ganda.
Muli ko silang nilingon kaya agad silang nagbitiw ng tingin saʼkin. Ganoon na ba talaga ako kapangit para kamuhian ng lahat? Bakit ganoʼn?
Pinagmasdan ko ang dalawang guwardiya at tiningnan kung paano nila batiin ang mga papasok na customer. Mapait akong ngumiti, iba ang ginawa nilang pag-entertain sa akin.
Kapag ako talaga ang gumanda, hindi na ako babalik dito.
"Excuse me, Miss."
Agad akong napatingin sa gilid ko. Isang sales boy ang kumuha ng atensiyon ko. Nakasuot ito ng kulay pula na uniform na siya rin namang suot ng mga sales boy sa mall.
"Bakit po?" magalang na tanong ko kay kuya bago ko inilagay ang customer number na ibinigay sa akin ni lady guard pagpasok ko.
"Kung hindi po kayo bibili, maaari po ba na huwag kayong humarang? Nahaharangan po kasi ang mga items ko."
Muli akong napabuntong-hininga. Sʼyempre, hindi ako maganda eh. Baka kapag ka-level ko ang ganda ni Julia Barretto ay baka humingi pa ito saʼkin ng number ko.
Wala akong nagawa kunʼdi ang umalis na lang doon sa puwesto niya, nakakahiya naman baka ako pa ang sisihin kung walang bumili sa displays niya. Nang may madaanan ako na isang stuff toy ni Cupid ay kinuha ko 'yon at itinutok sa sales boy ang pana ni Kupido.
"Nagmamakaawa ako, panain mo siya, Mr. Cupid at gawin mo siyang pangit—"
"Ang pinapana lang po ni Kupido ay ang mga nilalang na nais niyang pagtagpuin. Wala siyang kapangyarihan na baguhin ang anyo ng isang tao, Jem."
Agad akong napalingon nang marinig ang boses na iyon. Bakit alam niya ang pangalan ko?
"Patrick?" gulat kong tanong nang makilala kung sino ang nagsalita sa likuran ko.
"Oh, bakit parang gulat na gulat ka? Hindi mo nakilala ang boses ko? Kanina pa kita tinatawag, hindi ka naman nakikinig."
Nagkibit-balikat na lamang ako at isinawalang-bahala ang napansin ko kanina. Parang hindi talaga si Patrick ang narinig kong nagsalita sa likuran ko.
"Siya nga pala, Jem. Kasama ko si Faye," dagdag ni Patrick at may sinenyasan sa gilid nito.
Kasama ni Patrick si Faye? Bakit pinapunta pa ko?
"Babe. 'Lika muna rito, papakilala kita sa best friend ko."
Tumagilid muna ako at saka pinaikot ang mga mata. Walang hiya talaga 'to si Patrick, balak yata akong patayin nang ilang ulit.
"Ang tagal mo kasing dumating, Jem kaya tinawagan ko na si Faye. Akala ko kasi hindi ka darating."
Ay, sorry ha? Kasalanan ko bang malayo ang mall sa bahay? Ngumiti na lang ako ng pilit para hindi nila mapansin na hindi ko gusto ang nangyayari.
"Nako, ano ka ba! Ayos lang uy! Ayos lang talaga saʼkin, promise."
Ilang saglit lang ay may lumabas na babae, nakasuot ito ng simpleng t-shirt at ripped jeans. May hawak din itong dalawang novels na mula sa sikat na publisher, ang Precious Hearts Romances. Nakangiti itong kumaway saʼkin.
Pati ba naman sa hilig ay katulad kami? Wala akong ibang nagawa kunʼdi kawayan na lang ang babae pabalik.
Ang ganda pala ni Faye, chinita ang magaganda nitong mga mata, medyo kulot ang buhok nito pero hindi katulad saʼkin na kahit ilang beses mo nang suklayin ay parang nadaanan pa rin ng maraming bagyo. Bukod sa maganda ang babae ay may katangkaran din na hindi nahuhuli sa tangkad ni Patrick.
Kung sasama ako sa kanila, para akong elementary student.
Pagkatapos kong ngitian si Faye ay tumango ako ng isang beses.
"Ah sige, uwi na lang ako," saad ko pagkatapos ay si Patrick naman ang tiningnan ko. "May kasama ka na pala, Patrick. Hindi mo na ako kailangan."
Parang may bumikig sa lalamunan ko, parang may babagsak sa mga mata ko kaya kailangan ko silang talikuran.
Dati naman, ako lang ang kailangan ni Patrick. Dati naman, kami lang dalawa ang magkasama kapag may kailangan siyang bilhin. Iba na talaga ang panahon ngayon, Jemimah.
"Wait, Jem." Boses iyon ni Faye.
Bakit pati boses ng babae na 'yan, ang ganda?
Hinawakan nito ang pulsuhan ko. "Sumama ka na lang saʼmin. Gusto kitang makilala," dagdag ni Faye.
Ayaw kitang makilala eh, may magagawa ka ba?
Siyempre, ako 'yong walang nagawa kunʼdi ang sundin ang nais niya. Pinigilan ko ang namumuong luha sa aking mga mata at tumingin ako sa malayo. Bakit ganito na naman? Bakit hindi ako maka-hindi sa gusto nila?
Inakbayan ako ni Faye at tinahak namin ang pocketbook section. Pangiti-ngiti pa ito habang naglalakad kami at sinabing tapos na raw nilang bilhin ang kailangan ni Patrick sa mall. Abaʼt nagkuwento pa?
"Sabi ni Patrick, mahilig ka rin daw sa pocketbooks. Kilala mo si Andrea Almonte?" tanong niya saʼkin at tanging pagtango lang ang nagawa ko.
Ang sarap niyang tarayan pero hindi ko magawa at hindi ko kaya. Talaga pa lang nagawa pa ng dalawang 'to na pag-usapan ako.
"Great, maganda ang mga gawa niya. Akala ko hindi mo siya kilala. Bibilhan kita ng mga bagong released niya mamaya," saad pa nito bago lumapit sa mga displays. "Complete ka ba sa series niya?" tanong ni Faye sa akin pero hindi ko nagawang sagutin.
Nakatuon ang pansin ko noʼng hinawakan ni Patrick ang kamay ni Faye habang si Faye naman ay nakaakbay saʼkin. Biglang sumikip ang dibdib ko nang naghawak-kamay sila. Kailanman ay hindi nagawa ni Patrick saʼkin 'yan.
Ano ka ba, Jemimah! Girlfriend ni Patrick si Faye, kaibigan ka lang. Iba ang level niyo. Iba ang pagtingin niya saʼyo.
Kumalas ako sa pagkakaakbay ni Faye saʼkin at umatras papalayo sa dalawa. Ang hirap huminga. Nagtataka namang tumingin sa akin ang girlfriend ni Patrick. Bakit kasi ang bait niyang tingnan? Hindi ko tuloy siya masapak!
Nagmamadali akong binuksan ang sling bag ko. Kailangan kong makaisip ng excuse para makalayo sa kanila, sumisikip ang dibdib ko kapag katabi ko sila. Huminga muna ako ng malalim at kinuha ang cellphone ko, nagkunwari akong may tumatawag.
"Hello, Jenny? Nasa mall pa ako," sagot ko sa tawag kunwari. Pasensiya na Jenny nadamay ka pa. Umatras pa ako sa dalawa at nilakasan ang volume ng cellphone ko. "Ha? Nasa bahay ka na? Nako, sige. Uuwi na ko," gulat kong sagot. "Sige, bye."
Humarap na ko kay Patrick sabay hiling na sana maniwala sila sa ginawa ko. Ngumiti ako sa kaniya ng mapait at nagkibit-balikat.
"Aalis ka na?" si Faye ang nagtanong saʼkin. Tumango ako.
"Oo eh. Nasa bahay ang classmate ko. Sige ha? Una na 'ko sa inyo," nagmamadali kong sabi at tumalikod na. Wala akong narinig na kung ano kay Patrick pagkatapos kong magpaalam.
Siguro masaya ang loko dahil wala na siyang chaperone.
Hindi pa ako nakalalabas sa mall nang may matanggap akong text. Binuksan ko 'yon kaagad at nakita kong galing iyon kay Patrick.
Patrick:
Liar!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top