Chapter 19
"Faye, anong manuscript ba ang hinahanap mo?" tanong ko na naman kay Faye na halos hinalungkat na ang lahat ng gamit dito sa kuwarto niya. Hindi ko na alam kung pang-ilang tanong ko na ba ito sa kaniya.
Paulit-ulit na ang tanong ko pero hindi niya pa rin ako nagawang sagutin. Ano bang nangyayari sa babaeng ito?
Pakiramdam ko, ako pa ang mahihilo sa ginagawa niyang pabalik-balik.
Pabalik-balik siya sa mesa tapos minsan babalik na naman sa higaan niya. Kulang na nga lang ay pumasok na siya sa ilalim ng kama. Kanina pa si Faye sa ginagawa niyang paghahanap kunwari.
Tatayo, uupo, at minsan pa ay iiyak na siya. Hindi ko tuloy alam kung anong dapat kong maramdaman sa ginagawa niya. Dapat na kaya akong maawa?
"Will you please shut up?" irita niya sigaw. "Hindi mo ba nakikita na hinahanap ko ang manuscript?" sigaw na naman niya sa'kin na pinandilatan pa ako ng mga mata.
Hinalungkat na naman niya ang mga libro pagkatapos ay tumingin sa akin.
"Look, hindi mo ba talaga nakita ang libro na kulay white? Iyong—" Tumigil si Faye sa pagsasalita at ginalaw ang mga kamay para ipakita sa akin ang laki ng libro na tinutukoy niya. "Ganito ang laki no'n tapos medyo maalikabok na. Hindi mo ba talaga nakita? Dito ko lang kasi sa table iyon nilagay eh."
Umiling ako. "Hindi eh."
Alam ko ang tinutukoy niya. Ang libro na sinulat ni Sarita. Bakit niya hinahanap ang libro?
Umupo ako sa kama at tiningnan lang siya na halungkatin na naman ang mga libro. Tumingin siya sa mga estante na nilagyan niya ng mga libro na halos mga Wattpad books lahat. Dito naman siya nanghalungkat at umaasang sana ay nandoon lang ang libro na kanina pa niya hinahanap.
"Ikaw ba ang nagsulat no'n?" wala sa sarili kong tanong kay Faye.
Natigilan siya at tumingin sa akin. Walang kahit anong reaksiyon akong makita sa mukha niya. Hindi ko matukoy kung nagulat ba siya sa tanong ko o hindi.
Hindi ako umasa na sasagutin niya ang tanong ko. Alam ko namang si Sarita talaga ang nagsulat no'ng libro na iyon base sa pamagat ng libro.
Iyon ang nakita ko sa article, alam kong kay Sarita talaga ang story na 'yon.
"Oo, ako." Umupo rin si Faye sa upuan malapit sa mesa nito. Napagod na siguro. "Isang taon ko rin na sinulat iyon. Kaso napabayaan ko. Hindi pa nga tapos iyon eh. High school pa ko no'ng simulan ko ang story na iyon."
Nanlaki ang mga mata ko nang napatingin ako sa kaniya. Hindi ko akalain na sasagutin niya ang tanong ko.
Ang mas nakakagulat nang sabihin niyang siya ang nagsulat no'n. So, ibig sabihin ay hindi si Sarita ang nagsulat?
"High school pa? Matagal ka na pa lang nagsusulat?" gulat kong tanong.
Ito ang unang beses na nagkausap kami ni Faye. Hindi ko kasi feel na kausapin siya na kami lang dalawa. Madalas kasi ay palaging nakabuntot si Patrick kay Faye na para bang mawawala kapag hindi siya binantayan. Kaya tuloy nahihiya akong kausapin siya.
Akala ko college na siya no'ng nagsimula siyang magsulat. Oo nga't marami na siyang nasulat sa Wattpad pero hindi ko akalain na high school pa pala ay writer na siya.
Tumawa si Faye nang mahina. "Yes, high school pa lang ay nagsusulat na ko. Puro nga kaartehan lang halos laman ng mga story ko. At iyong hinahanap ko ngayon ang una kong sinulat."
Bumuntonghininga siya at hinilamos ang mukha gamit ang mga kamay. "Kaya please, help me."
"Nawawala rin naman si Patrick pero hindi kita nakitang nag-aalala. Pero sa librong hindi pa tapos, wagas ka kung umiyak." Pinaikutan ko siya ng mata. "Tapatin mo nga 'ko, mahal mo ba talaga si Patrick."
Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas ng loob upang tanungin si Faye ng ganito. Hindi ko alam kung paano ko nabitawan ang katanungan na iyon. Parang hindi na ako ito. Parang hindi ko naman talaga kaya na kausapin siya, na kausapin ang babae na kinaiinggitan ko.
"Whatever you say. Hindi mo lang halata pero nag-aalala ako, siyempre boyfriend ko 'yon. Duh!" Tumayo siya at inikutan din ako ng mga mata. "Akala mo siguro, hindi ko nahahalata pero alam kong may gusto ka sa boyfriend ko. But, anyways, alam ko namang hindi mo siya aagawin sa akin, right?"
Tumango ako kasabay ng aking pagkagat sa ibabang labi ko.
Hindi ko naman talaga aagawin si Patrick sa kaniya. Wala namang gusto si Patrick sa akin eh. Kailanman ay hindi ako makikita ni Patrick bilang babae na maaari nitong mahalin.
Best friend lang talaga ang turing niya sa akin at wala ng iba.
HINDI ko alam kung paano ako nakauwi sa bahay. Lutang na lutang ang utak ko ngayon. Ang dami kong iniisip, ang daming alalahanin. Parang gusto ko na lang talagang matulog.
Inayos ko ang kumot upang takpan ang dibdib ko. Mabuti na lang hindi masiyadong mainit kaya ayos lang na hindi mag-electricfan. Baka biglang bumukas ang pinto at sisigaw na naman si Mama dahil mas lalong tumataas ang bayarin namin sa kuryente.
Minsan na nga lang ako gumamit ng computer dahil nagagalit si Mama. Wala naman akong magawa.
Sa halip na matulog ay naisip ko na naman si Patrick. Ano na kayang mangyari sa lalaking iyon? Tatlong araw ng nawawala ang best friend ko.
Nakakapagtaka naman talaga ang pagkawala niya. Sinong mag-aakala na ang matalinong college student ay mawawala na lang bigla. Alam na nga ng halos buong barangay ang nangyari kay Patrick dahil humingi na ng tulong ang pamilya nito sa kapitan namin.
Umabot na rin ang balita sa university. Halos hindi makapaniwala ang lahat. Kilala bilang Senator ng Central Government Student si Patrick. Hindi lang kasi siya magaling sa academic, aktibo rin ang best friend ko sa extracurricular.
Tumulong na rin ang university sa paghahanap. Pero hanggang ngayon ay wala pa ring balita.
Biglang tumunog ang cellphone ko, tanda na may nagpadala sa akin ng mensahe. Bumangon ako mula sa pagkakahiga at inabot ang nag-iingay na aparato.
Galing sa isang hindi kilalang numero ang mensahe kaya nagdadalawang-isip ako kung bubuksan ko ba o hindi pero nanaig ang aking kuryusida na malaman kung ano ang laman niyon.
Alam ko kung nasaan si Patrick.
~Simeon
From: 091********
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top