Chapter 18
Palinga-linga. Tumitingin. Naguguluhan. Nagtataka. Nababalisa. Malakas na pagkabog ng dibdib. Sunod-sunod na paghinga.
Name it!
Nasaan ako?
Bakit iba na ang mga tao rito? Nasa kuwarto lang ako ni Faye kanina, ah?
Napahawak ako sa upuan ko. Nakatayo lang naman ako kanina eh, bakit iba na ang lugar na kinasasadlakan ko? Bakit ibang lugar na naman ito? Ibang panahon na naman ba?
Idiniin ko ang aking mga labi. Sawang-sawa na ako sa ganito. Bakit palagi na lang?
Nilibot ko ang buong — teka, nasa isang tren ba ako?
Puno ng mga upuan, sunod-sunod na pagpasok ng mga tao na halos mahahaba ang mga suot ng damit. Halos kababaihan ang mga pumapasok, may dalang mga pamaypay ang iba at ang karamihan naman ay hawak lang kanilang mahahabang saya upang hindi maapakan.
"1914 na naman ba ito? Nasaan si Sarita?" tanong ko sa mahinang boses at nagpatuloy sa paglibot sa paligid. Kailangan ko si Sarita!
Muling nagkaroon ng mga bulung-bulungan hanggang sa nagkagulo ang buong tren. Nagsitayuan ang mga tao at nagmamadali ang iba na makababa. Nanatili lamang ako sa aking pagkakaupo hanggang sa may lumipat sa katabi kong upuan.
Inayos nito ang mahabang saya bago umupo. Umabot hanggang sa ilong ko ang gamit nitong pabango na hindi masakit kapag inamoy.
Pamilyar sa akin ang hugis ng mukha niya at ang tangkad nito. Parang kilala ko siya na hindi ko nga lang matukoy. Hindi matanggal-tanggal ang paningin ko sa kaniya. Ang ganda niya kahit hindi ko kita ang kaniyang buong mukha dahil natatakpan ng ilang hibla ng buhok ang kaniyang mukha.
Ilang segundo lang ay tumingin ang babae.
Maganda ang hugis ng mga mata nito at ang mga labi na natural na mapula. Mga labi na parang hindi napahiran ng lipstick pero mapula pa rin tingnan.
"Sarita?" gulat kong sambit nang makilala ko siya.
Tama! Si Sarita nga. Hindi ako maaaring magkamali.
Nagsalubong ang mga kilay ni Sarita at naguguluhan na tumingin sa akin.
"Kilala mo ako, binibini? Ngunit ako po ay patawarin niyo dahil hindi ko po matandaan ang iyong ngalan. Maaaring nagkita na po tayo subalit hindi maibalik sa aking gunita ang ating nakaraang pagkikita." Malungkot ang mga mata nito at iniyuko ng kunti ang ulo.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Paanong hindi niya ko kilala? Anong nangyayari?
"Patawad po, binibini," dagdag nito pagkatapos ay tiningnan akong muli. "Ano pala ang tawag diyan sa suot mo? Sa tingin ko'y ngayon lamang ako nakatagpo ng ganiyang uri ng damit. Kung hindi niyo po mamasamain, wari ko'y hindi angkop ang iyong suot sa ating pupuntahan."
Muli na naman akong naguluhan kaya tiningnan ko muli si Sarita saka ko tiningnan ang suot kong t-shirt at pantaloon.
Saan ba kami pupunta? Bakit nasa isang tren kami? Bakit hindi niya ako kilala? Paano ko siya tutulungan kung hindi niya ako matandaan? Paano? Anong gagawin ko?
Paano ako makababalik sa totoong panahon? Paano ako nakapunta sa panahon na ito?
Ang dami kong tanong na gumugulo ngayon sa isipan ko.
Nalukot ang mukha ko at hinawakan ang aking sintido.
"Ano ba kasing nangyayari! Dios ko naman, hindi ko na maintindihan. Help me, Lord. Please."
Hinawakan ni Sarita ang aking kamay na nakahawak sa aking sintido.
"Binibini, ayos ka lang? Anong nangyayari po sa iyo? Masama po ba ang iyong pakiramdam? Nahihilo ka po ba? Maari po nating pahintuin ang tren nang makababa ka po't makupunta sa bahay pagamutan."
Nahinto ako sa pag-iisip ng kung ano-ano at tumingin kay Sarita.
"I'm fine — I mean." Kinagat ko ang aking labi at tumikhin. "Ibig kong sabihin, hindi po masama ang pakiramdam ko, medyo sumakit lang ang aking sintido kaya hinilot ko ng kunti."
Dios ko po. Siguro naman hindi niya napansin na English language ang ginamit ko kanina.
Hilaw akong ngumiti nang napansin kong unti-unting kumunot ang noo ni Sarita at nagtagpo ang mga kilay nito.
"Anong wika ang ginamit mo kanina, binibini? Kasi kung hindi ako nagkakamali, palagay ko'y wikang Ingles ang iyong ginamit. Wikang banyaga ang iyong ginamit na salita. Paano mo natutunan ang ganoong wika? Sino ang nagturo sa iyo niyon?"
Huminga ako nang malalim at nag-isip kung paano ko malulusutan si Sarita. Bakit ba kasi padalus-dalos ang dila ko? Mukhang mapapahamak pa ako sa katangahan ko!
"Sarita?"
Sabay kaming lumingon ni Sarita sa likuran nang marinig namin ang pangalan niya. Isang babae ang tumawag sa katabi ko, may hawak itong isang papel at matamis na ngumiti kay Sarita.
Kumaway ang babae. "Magandang umaga, Binibining Sarita. Maari ko po bang makahingi ng iyong kaunting oras?"
Tumango si Sarita. "Oo naman, ano bang maipaglilingkod ko sa iyo?"
Mas lumawak ang ngiti ng babae at kumaway din ito sa akin kaya lumingon si Sarita sa gawi ko.
"Magandang araw po," bati nito sa akin at ngumiti. Muli itong tumingin kay Sarita at nag-usap sila.
Mabuti na lang may lumapit sa kaniya dahil kung wala, hindi ko alam kung anong isasagot ko kay Sarita. Medyo may katangahan din pa naman ako, hindi ako marunong magtago ng sekreto. Baka kung magtanong ng magtanong siya ay masabi ko kung ano ang katotohanan.
Hindi ko na alam kung bakit ba talaga ako nagkaganito. Hindi ko alam kung bakit nararanasan ko ang lahat ng ito. Hindi ko rin alam kung paano ko maiiwasan ang gulong 'to.
Kung maiiwasan ko pa, parang mas maitim pa sa kilikili ni Papa ang posibilidad na maiwasan ko pa.
Patuloy pa rin sa pagtakbo ang tren kaya tumingin na lamang ako sa paligid. Kabaliktaran ito sa mundong nakagisnan ko.
Walang matataas na gusali. Walang kung ano-anong nakapaskil na litrato sa paligid. Walang iba-ibang karatula na nagsasabing BAWAL UMIHI RITO!
Kung titingnang maigi, payapa ang mundo na ito. Mas matiwasay, mas payapa.
Bigla na naman akong nakarinig ng sigawan kaya nawala ang atensiyon ko sa iniisip ko kanina.
Binabawi ko na ang sinabi ko na payapa ang mundo na 'to. Puro sila sigawan eh, masakit pa naman sa tainga.
Agad namang tumahimik mula nang bumukas ang pinto ng tren at pumasok ang isang lalaki na may katangkaran. Tinitigan ko siya nang mabuti kahit ang iba ay takot na tingnan ang lalaki.
Bakit sila natatakot?
Wala namang ipinagkaiba ang lalaking 'to sa mga lalaki na dumaan din sa puwesto ko kanina. Pinaikot ko ang aking mga mata at nagbawi ng tingin.
"Sarita."
Biglang nagsitaasan ang mga balahibo ko sa katawan nang marinig ang boses na iyon na tinawag si Sarita. Kahit hindi na ako lumingon, sigurado ako na boses niya iyon. Boses ng lalaking kinatatakutan ko. Boses ni Simeon.
"Mahal, akala ko hindi na kita mahahabol pa," dagdag nito na mas nagpadagdag ng kaba ko.
Tumawa si Sarita. "Hindi pa rin kita napapatawad. Maaari ka nang umalis."
What the hell is that! Magkasintahan si Sarita at Simeon?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top