Chapter 15

"Hindi ko maintindihan kung paano nawala si Patrick." Napahinto ang pinsan ko at minasahe ang noo. Muli itong napatingin sa akin at nagwika, "I mean, hello? Ang tanda-tanda na ng ex-boyfriend ko tapos mawawala ng isang iglap?"

Nilagay ko ang dalawang baso na naglalaman ng kape at softdrink at umupo sa tabi ng pinsan ko. Kinuha ko ang cellphone ko at binuksan ang Facebook account ko.

"Iyon ba ang dahilan kaya ka pinapunta ni Tita?" tanong ko sa kaniya habang patuloy pa rin sa pagtingin ng mga mensahe pero ni isang mensahe ay wala akong natanggap mula kay Patrick.

Nasaan kaya ang lalaking iyon?

Tumango ito at kinuha ang baso na naglalaman ng softdrink kaya agad kong hinampas ang kamay nito. Medyo may katigasan talaga ang bungo ng babae na ito. Kung saan pinagbabawalan, iyon talaga ang pinpilit.

"May UTI ka, remember?" paalala ko habang tumatawa. "Kape ka muna, insan."

Wala na itong nagawa kun'di ang paikutin ang mga mata. Inabot nito ang kape at halos nilagok lahat ng laman niyon, mabuti na lang hindi na masiyadong mainit ang kape na binigay ko.

"May idea ka ba?" tanong ko pagkaraan ng ilang minuto pero nagkibit-balikat lang ito. "Naisip ko nga rin na imposible na mawala si Patrick."

Muli akong tumingin sa cellphone at nagpatuloy sa pagtipa roon hanggang sa umabot ako sa Facebook timeline ni Patrick pero tatlong araw na itong walang post sa wall nito.

Imposible. Mahilig sa shared post si Patrick at halos walang araw na hindi ito nagpo-post sa timeline nito.

"Imposible naman talaga. Pero baka na-kidnap si Patrick, iyon nga lang—" Uminom ito sa kape bago nagpatuloy. "Wala namang pera sina Tito, so imposible rin na mangyari 'yon."

Nahinto ako sa sinabi niya. Hindi imposible na ma-kidnap si Patrick kung hindi pera ang habol ng nag-kidnap sa kaniya. May mga insidente namang gano'n eh. May napanood nga ako kagabi na kinidnap ng babae si boy dahil gusto nito na pakasalan ito ng lalaki.

Wait.

Hindi kaya si Faye ang nag-kidnap kay Patrick?

Wala sa sarili akong kinuha ang baso ko ngunit napahinto ako nang makitang wala ng laman ang baso ko. Tumingin ako kay Yda na nagkakamot na ng ulo.

"Sorry," saad nito at nag-peace sign. "Masarap kasi."

Pagbuntong-hininga na lang ang nagawa ko. Ang kulit talaga ni Yda.

TINATAHAK ko ang daan papunta sa bahay ng babae na kinaiinggitan ko noon. Suot ko ang jacket na binili ko no'ng isang araw sa shopee at suot ko rin ang jogging pants na inutang ko sa aming kapitbahay.

Nakakainggit naman talaga si Faye. Nasa kaniya kasi lahat ng mga hinahangad ko sa buhay. Maging isang sikat na manunulat, matalino, maganda, mabait, at si Patrick.

Erase na lang muna natin ang mabait, nagdadalawang-isip na kasi ako kung mabait ba talaga si Faye o hindi.

Hindi ko alam kung bakit ko naisip na puntahan ang babae na 'yon. No'ng nakatulog na si Yda ay biglang sumagi sa isip ko na puntahan ang bahay ng girlfriend ni Patrick. Ewan kung bakit, bigla ko na lang naisip ang ideya na 'to.

Baka lang naman at nandoon lang si Patrick, diba? Baka naisip ng dalawa na magtanan.

"Imposible naman yata na magtatanan ang dalawa. Matalino naman si Patrick kahit papano, eh. Hindi naman siguro gagawa si Patrick ng ganoong bagay."

Patuloy lang ako sa paghakbang hanggang sa may humintong tricycle sa gilid ko kahit hindi naman ako nagpara. Tiningnan ko ang tricycle pero hindi ko nilingon kahit kunti ang ulo ko. Baka patibong na naman ito gaya noon.

Patibong?

Katulad noong kay Simeon. Iniwaksi ko ang isipang iyon at pinilit ang sarili na mag-focus.

Humakbang muli ako at binilisan ang bawat lakad ko. Kinikilibutan ako sa mga pangyayari. Nanindig ang balahibo ko lalo na no'ng niyakap ako ng malamig na hangin.

Niyakap ko ang sarili ko at niramdam ang lambot na dulot ng suot kong jacket habang patuloy pa rin sa paghakbang.

Parang may masamang mangyayari, bulong ko sa sarili at pinilit ang mga paa na tumakbo papalayo sa lugar na iyon.

Kung pinilit kong tumakbo ay mas binilisan din ng driver ang pagpapatakbo sa tricycle.

Hindi maganda 'to. Baka kung anong mangyari sa'kin. Baka maulit ang nangyari noon.

Lakad-takbo ang ginawa ko upang makaalis agad sa lugar na iyon at malayo sa tricycle na iyon. Nais kong marating agad ang bahay nila Faye na hindi lang naman kalayuan sa lugar namin. Ilang kalye muna ang nadaanan ko bago ko narating ang magandang bahay ng dalaga.

Isa rin ito sa kinaiinggitan ko kay Faye. Mayaman sila at may magandang bahay.

Hindi naman lingid sa akin na baka isa ito sa dahilan kaya nagustuhan ni Patrick si Faye. May pera eh.

"Pero ako?" Napailing na lang ako bago pinindot ang door bell ng bahay.

"Tao po?" sigaw ko kahit alam ko namang malabong marinig ako sa loob ng bahay. "Malay natin diba? May microphone pala rito sa labas," natatawang bulong ko.

Muli kong pinindot nang sunod-sunod ang door bell nang maaninag ko ang ilaw ng isang tricycle. Kahit hindi ko man tanggapin ay alam kong malaki ang posibilidad na ito rin ang tricycle na sumusunod sa akin mula pa kanina.

"Faye! Tao po!" natataranta kong sigaw nang medyo malapit na talaga ang tricycle sa akin.

Muli kong naramdaman ang kaba ko kanina kaya sunod-sunod kong pinindot ang door bell.

"Parang-awa mo na, Faye! Pagbuksan niyo po ako." Mas nilakasan ko pa ang pagsigaw ko at umaasang marinig nila ako.

Kahit nanginginig na mga daliri ko ay sinubukan ko pa rin na pindutin nang paulit-ulit ang door bell. Halos maihi ako sa kaba at binabalot na ako ng malamig na pawis ngunit hindi ko iyon ininda, patuloy pa rin ako sa pagsigaw at paghingi ng tulong.

Hanggang sa huminto na ang tricycle at tumama sa buo kong katawan ang ilaw nito.

Kitang-kita ko ang pagmumukha ni Simeon na nakasuot pa ng kulay itim na sombrero. Hinubad nito iyon at ngumiti nang nakaloloko. Kumindat ang ginoo sa akin pagkatapos ay nagbigkas.

"Binalaan na kita pero hindi ka nakinig."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top