Chapter 12
Dadabog pa sana ako ngunit nakita kong nakatingin si Mama, wala na lang akong ginawa. Tinahak ko ang pinto palabas habang dala ang plato na pinaglagyan ng ulam na dala ng Mama ni Patrick.
Kanina pa dada nang dada si Mama kaya wala na kong nagawa kun'di sundin ang utos niya.
Wala na namang makita si Mama na magandang iutos sa akin kaya pati ang plato na isang buwan nang nasa bahay ay nadamay pa.
Nagrereklamo na kasi si Mama sa bill ng koryente. Sinisisi nito ang computer ko, 'yon daw kasi ang dahilan kaya ang taas ng bill. Hindi na lang ako nag-react, mukhang totoo rin naman kasi. Kaya ayon, may limit na.
"Bilisan mo, baka masabi pa ng Mama ni Patrick na binenta na natin iyan. Ayan kasi, puro ka computer, computer! Kaya hindi mo na alam ang kaganapan dito sa bahay."
Hindi ko na narinig ang ibang sinabi ni Mama dahil sinarado ko na ang pinto.
"Kawawa naman ang computer ko, nadadamay pa tuloy," ani ko't sinuot ang sapin sa paa at lumabas na ng gate.
Halos isang linggo na ang lumipas mula nang masaksihan ni Patrick ang pag-uusap namin kunwari ni Sarita. Hindi ko alam kung paano siya nakapasok sa silid ko, tandang-tanda ko pa na sinarado ko iyon upang walang makadisturbo sa gagawin kong aktibidad.
Tinadhana na talaga siguro na nakikita ako ni Patrick tuwing may kabaliwan akong ginagawa. Parang palagi na lang na nasa hindi magandang sitwasyon ako nakikita ni Patrick, hindi na tuloy nakakapagtaka kung bakit hindi ako magawang magustuhan ng lalaking iyon.
Sino ba namang magkakagusto sa babae na malapit nang mabaliw, diba? Siyempre, wala.
"Hoy, Jemimah!"
Lumingon akong muli sa pinto at nakita kong nakakunot ang noo ni Mama na parang nagtataka. Ilang segundo lang ay dumating naman si Papa galing sa labas at may dala itong manok na palagi nitong dinadala tuwing may sabong.
Napahinto ito sa gilid ko at tinutukan din ako, katulad sa ginagawa ni Mama ngayon.
Nagsalubong ang aking mga kilay. "Bakit po?"
"Pupunta ka sa bahay nila Patrick na ganiyan ang hitsura mo?" takang tanong ni Mama sa akin.
Muli akong nagtaka. Anong pinagsasabi nila? Ano bang problema sa suot ko?
"Anak, naka-bra ka lang."
NAPATINGIN ako sa computer nang matapos ko nang ma-edit ang book cover ko sa story ko. Sa cellphone lang kasi ako gumawa dahil hindi ako sanay na computer ang gagamitin tuwing gagawa ako ng book cover.
Balak ko na talagang tapusin ang project ko tungkol sa news sa taong 1914. Kahit hindi ko talaga maisip kung anong rason ni Ma'am at naisip na naman nitong pahirapan kami.
Pagkatapos kong mabuksan ang computer at na-open ko na rin ang site na nabisita ko noong huli akong nag-search tungkol sa project ay umayos na ako ng upo at tinali ko na ang buhok ko. Muli akong tumayo at kinuha saglit ang salamin ko sa mata.
Uupo na sana ako nang makita ko ang nasa screen ng computer. Nagtataka akong umupo at napangiwi.
"Parang familiar ang lugar na 'to," bulong ko sa sarili pagkatapos masiyasat nang mabuti ang larawan na naka-display sa screen.
"May virus na siguro ang computer ko. Bakit parang nababaliw na eh, kung ano-ano na lang ang lumalabas." Napailing ako sa pangalawang pagkakataon at nag-leave sa site na 'yon pero laging error ang lumalabas kaya nagpatuloy na lang ako sa pag-scroll.
Halos mga litrato lang lahat ang laman ng site na 'yon. Mga litrato na parang panahon pa ng mga lolo ko sa sungay. Halos hindi na nga masiyadong kita ang mga litrato dahil black and white ito.
Napahinto ako sa pag-scroll nang makita ko ang isang litrato na sobrang familiar talaga sa akin. Litrato iyon ng babae na palaging nanggugulo sa akin, walang iba kun'di ang babae na kulang yata sa aruga. Natawa na lang ako.
"Nakuha ko pa talaga na gawing biro ang sitwasiyon ni Sarita," saad ko at muling tumawa. "Eh, hindi na talaga ako natutuwa sa ginagawa niya eh."
Muli akong tumingin sa litrato. May hawak na libro si Sarita at nakangiti habang nakatingin sa librong hawak nito.
"So, writer pala talaga siya. Pero ano 'yong sinabi niya sa'kin na itago at ilayo ko raw ang kuwentong ginawa niya?"
Napahawak ako sa sintido ko nang maramdaman kong bigla itong pumitik at bumalot ang ibayong sakit doon. Hinilot ko iyon nang marahan at nang nakaramdam ako ng ginhawa ay tumingin na naman ako sa computer.
Ibang litrato na naman ang naka-display doon. Litrato na palaging laman ng panaginip ko.
Nasa loob ng isang silid na puno ng dugo. Ni halos hindi ko nga matukoy kung dugo ba talaga iyon dahil hindi maganda ang quality ng litrato. Pero alam ko sa sarili ko na dugo iyon.
Nakahiga ang babae at wala ng buhay. May kadena sa leeg nito na marahil isa sa dahilan kaya sumakabilang-buhay ito.
Si Sarita ba talaga ang nasa litrato? Totoo kaya ang lahat ng sinabi nito sa aking panaginip? Kailangan ba talaga nito ang tulong ko? Pero anong magagawa ko? Anong gagawin ko? Paano ko siya matutulungan?
"Pumasok ka sa panahon ko, Jemimah. Itago mo ang nagawa kong kuwento. Ilayo mo sa babae na iyon. Sakim siya!"
Napalingon ako sa likuran ko kung saan galing ang boses na iyon. Agad akong napasigaw nang makita si Sarita na nakayakap sa leeg ang isang kadena na binabalutan ng maraming dugo.
Bakit ako ang nilapitan niya? Marami namang iba.
"Sinong sakim?" tanong ko sa kaniya nang makabawi ako. Bakit pa ba ako natatakot sa babae na ito, palagi na nga lang itong nakabuntot sa akin.
"Tulungan mo ako, Jemimah."
"Paano nga? Ni hindi ko nga alam kung sino ka ba talaga. Paano ko malalaman kung sino ang nanakit sa'yo? Sino ang babae na tinutukoy mo?" sunod-sunod na tanong ko at tinitigan siya.
Nahihirapan itong huminga at hinawakan ang kadena.
"Siya ang babae na umagaw ng lahat. Siya ang babae na inagaw ang lahat ng pinaghirapan ko," wika nito at tinuro ang computer.
Wala sa sariling tumingin ako sa computer at nanlaki ang mga mata sa nakita.
Kilala ko ang babae na tinutukoy ni Sarita. Pero imposible!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top