Chapter 11

"Na-check niyo na ba ang bago kong post na activity sa Google Classroom?" pambungad na tanong sa amin ng instructor namin sa isang subject namin sa education.

"Good morning, Ma'am," pagbati sa isa naming classmate na halos salitang 'Ma'am' lang ang narinig ko dahil sa mahina niyang signal.

Tinatapos ko muna ang pagsuklay ko sa mahaba't kulot kong buhok bago ako umupo sa isa kong upuan. Tiningnan ko agad ang mga classmate ko na nakapasok sa meeting na iyon pero hindi ko nakita ang pangalan ni Patrick.

Kinakabahan akong tumingin sa nakabukas kong bintana pero nanatiling sarado pa rin ang bintana ng kuwarto ni Patrick. Sunod-sunod na ang absent ng lalaking iyon, ano kayang nangyari sa kaniya at tinatamad nang pumasok?

"Can you hear me?" tanong ulit ng instructor namin nang walang sumagot sa tanong niya kanina.

Hindi na ako nag-abalang sumagot dahil may bida-bida naman akong classmates na handang mag-open ng microphone para sagutin si Ma'am. Hindi naman nawawala iyon kahit virtual lang ang klase.

Sa halip na sagutin si Ma'am ay nagtungo ako sa Google Classroom upang tingnan kung ano ang tinutukoy ng instructor namin at iyon agad ang tinanong niya sa klase.

Umagang-umaga ay tungkol agad sa activity ang binabato nitong tanong. Wala talagang patawad eh.

Nagsalubong agad ang mga kilay ko. "Grabe naman, tatlo na lang ang pending kong activities kahapon eh. Bakit naging lima agad?"

"May concerns ka ba, Jemimah?"

Hindi ko na naman ba na-off ang microphone ko? Napakamot ako sa ulo at muling tiningnan ang meeting at in-off ang microphone.

"Siguro nakita na ni Jemimah ang upcoming project niyo. Madali lang naman iyon kaya ginawa ko na lang na individual iyon instead na by pair. Mahirap din naman kasi na gawing by pair iyon dahil malayo naman ang mga locations niyo," mahabang sabi nito at nag-share screen.

"Nakikita niyo na ba ang screen ko, class? Type one sa message board kung nakikita niyo na," pagpatuloy nito na agad namang sinunod ng classmates ko ang inutos nito.

Ano na naman kayang pakulo ni Ma'am ngayon?

Isa ito sa instructor namin sa education subject na halos hindi naman namin naiintindihan maliban sa nagbibigay ito ng activities na parang wala namang connect sa subject namin.

Kung ano-ano na lang na activities ang pinapagawa nito sa amin kahit hindi naman ito nagsasagawa ng klase. Parang kung ano lang ang maisip nito ay agad nitong ginagawan ng activity pero ang liit namang magbigay ng grades.

"Clarifications? Violent reactions?" tanong nito pagkatapos magbigay ng instruction na hindi ko naman naintindihan.

"None so far," sagot ni Yaofe na halos hindi ko rin narinig nang maayos dahil sa signal na naman nito.

"Sure? Eh hindi nga clear ang boses mo, Ms. Yaofe," natatawang birit naman ni Ma'am na palagay ko'y hindi na narinig ni Yaofe dahil nag-leave na ito sa meeting.

"Kung may tanong kayo, 'wag mahiyang mag-send ng email or mag-send ng personal message sa akin sa Face—"

"Excuse me, Ma'am," ani ko upang makuha ang atensiyon niya. "News po iyon sa panahon ng 1910 to 1920 po, diba?"

Tumango naman si Ma'am kaya nagpatuloy ako sa pagtanong, "Ang tagal na no'n, Ma'am. Bakit po ganiyan ang activity natin ngayon?"

"Trip ko, eh. May angal kayo?"

Bumuntonghininga ako at pinindot ang leave button. Wala akong mapapala sa klase na 'yon.

Pagkatapos kong umalis sa klase ni Ma'am ay dumiretso ako sa Google at nag-search tungkol sa pinapagawa niya. Halos ang daming lumabas at kadalasan ay ang nangyaring Unang Digmaang Pandaigdig.

Napangiwi ako at nag-scroll lang. Sigurado ako na ang World War One na ang kukunin ng mga classmates ko.

"Syempre, bida-bida ang mga iyon eh. Kung ano ang pinakasikat, 'yon ang kukunin nila."

Patuloy lang ako sa paghahanap hanggang sa makita ko ang isang list ng mga events. Ten events na nangyari lang sa taong 1914, pinindot ko iyon.

Ngunit sa laking pagtataka ko ay ang tagal nitong bumukas, halos umabot yata iyon ng dalawang minuto kaya tumayo ako upang tingnan ang wifi. Maayos naman at hindi naman iyon nagkulay pula kaya napailing akong bumalik sa aking upuan.

Pagbalik ko ay tumigil na iyon at isang litrato ang nagpatigil sa akin.

Babae na nakangiti at kinulayan ng kulay rosas ang kaniyang mga labi. Matamis ang ngiti nito habang nakatingin sa isang camera, may hawak itong libro na pinamagatang "The Beginning". Ang babae na ito marahil ang nagsulat niyon.

"Ang ganda naman niya," mangha kong wika. "Bumagay sa maliit nitong mukha ang kulot nitong buhok na hanggang balikat. Siguro sikat na manunulat ito."

Nagpatuloy ako sa pag-scroll hanggang sa may isa na namang picture ang lumabas. Maraming tao at ang iba ay nakapila. May dalang mga libro na katulad sa libro na hawak no'ng babae kanina. Hindi nga lang halos makita dahil sa quality ng picture na black and white.

"Siguro, book signing 'to," wala sa sarili kong wika at nagpatuloy na sa pag-scroll.

Kusang lumalabas ang ngiti ko kapag nakikita ko na pinipirmahan na ng babae ang mga libro.

"May book signing na pala sa panahon nila?" nagtataka kong tanong at napapailing na lang.

Muli akong napa-scroll at nagkibit-balikat. Nang akmang aalis na sana ako sa site na 'yon ay biglang nag-hang ang computer ko. Hindi ko maigalaw ang arrow kahit nakailang galaw na ko sa mouse.

Mahina akong napamura. "Ano na namang nangyayari?"

Huminga ako nang malalim at sinubukan na namang igalaw ang mouse pero bigo pa rin ako. "Hindi na ko natutuwa, ano na namang kalokohan 'to!"

"Jemimah."

Napahinto ako. Tumigil ako sa paggalaw sa mouse nang marinig ko na naman ang boses ni Sarita.

Padabog kong binitawan ang mouse at napahilamos sa mukha. "Ano na naman? Hindi mo ba nakikitang marami akong ginagawa? Alam mo, bad timing ka palagi eh."

Pinaikot ko ang mga mata at hinawakan muli ang mouse. "Wala akong maitutulong sa'yo, okay? Bakit hindi ka sa police humingi ng tulong o 'di kaya sa isang private investigator? Mas may chance na tulungan ka nila at malutas ang kaso mo. Pero, ako? Wala akong magagawa, at isa pa—"

"Jemimah."

"Ano!" pasigaw kong tanong.

"Sinong kausap mo?"

Napatigil ako nang mapagtantong boses pala iyon ni Patrick. Patay!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top