Chapter Two


PAGKATAPOS maglaro ng volleyball ay dumeretso na si Rafael sa hotel room na inuukupa niya sa blue wave beach resort. Kasama niya ang pinsan niyang si Arnel na kauuwi lang mula Italy. Mayroong sariling yacht club si Arnel sa El Nido pero hindi sila roon nag-stay. Madalas nasa Italy si Arnel at mayroon lamang itong tauhan na namamahala sa yacht club nito.

Nagpahinga muna siya sa nakaka-stress na trabaho sa kumpanya ng parents niya. Nag-iisa siyang anak at tagapagmana ng Dela Vega Real estate at Construction Company. Hindi pa siya handang akuin ang responsibilidad sa kumpanya kaya inaaliw muna niya ang kanyang sarili. Maliban sa pagtatrabaho sa kumpanya nila, tumatanggap din siya ng proyekto sa labas at sa malalayong lugar, kagaya na lamang ng Palawan. Nakapagtapos siya ng engineering at ayon sa kanyang ina at mga kaibigan, sa edad niyang biyente singko ay marami na siyang natapos na proyekto sa labas at loob ng kumpanya.

Katatapos lang ng two story building na pinagawa sa kanya ni Arnel sa yacht club nito. Mayroon pang resort owner na gustong kunin ang serbisyo niya. Ang may-ari ng blue wave beach resort na kasalukuyan nilang tinutuluyan. Natutuwa siya dahil magkakaroon siya ng dahilan para mag-stay pa sa Palawan. Kilala ni Arnel ang bago niyang kliyente. Katunayan ay ito ang nagreto sa kanya.

Nakaligo na siya at nakapagbihis nang pumasok si Arnel. Basa ito at tanging itim na swimming trunk ang suot. Binata pa si Arnel at mas matanda ito ng isang taon sa kanya. Dumeretso sa banyo si Arnel. Lumuklok siya sa couch at nagbasa ng magazine. Mamaya ay sumagi na naman sa isip niya ang babaeng nakita niya sa beach. Bukod sa attractive ang ganda at ka-seksihan ng babae, pamilyar din sa kanya ang mukha at presensiya nito.

Pagkuwan ay kinuha niya ang kumpol ng susi sa kanyang maleta. Naroon na rin ang susi ng bahay niya at kotse. Nakakabit ang mga ito sa dalawang key chain na magkatabi. Ang isa'y yare sa kahoy at may nakaukit na 'Palawan'. Habang ang isa'y yari sa stailess na may imahe ng agila na may nakaipit na pulang rosas sa tuktok. Matagal na niyang iniisip na may sintemental value ang key chain na iyon. Base na rin sa kuwento ng kanyang ina, sa karagatan ng Palawan siya naaksidente at dahilan ng pagkabura ng kanyang alaala. Sakay raw siya noon ng yate na inarkila niya sa club ni Arnel. Pero ang sabi ng Mommy niya, siya at ang operator lang ang sakay ng yate. Namatay ang kanyang kasama at siya ang pinalad na nabuhay. Inabutan daw sila ng malakas na ulan sa gitna ng karagatan.

Nang lumabas mula sa banyo si Arnel ay naisip na naman niyang usigin ito tungkol sa nalalaman nito sa kanyang nakaraan. Nababalot lamang ng tuwalya ang ibabang bahagi ng katawan nito. Lumuklok ito sa stool sa tapat niya.

"What's wrong, Raf?" tanong sa kanya ni Arnel, nang mapansing tulala siya'ng nakatitig dito.

"Sigurado ka ba'ng hindi mo alam ang detalye noong nag-rent ako ng yate sa club mo?" usisa niya rito.

"That time, nasa Italy ako. Nasanay na ako na ang mga tauhan ko ang namamahala ng club at naghihitay lang ako ng income report. Nagulat na lang ako noong nakarating sa akin ang balita tungkol sa 'yo at sa operator ng yate na si Mang Albert. Tumawag si Daddy sa Mommy mo at inalam ang detalye. Sinabi niya na nagkaroon ka ng amnesia. Kung buhay lang sana si Mang Albert, baka naikuwento niya ang buong pangyayari, kaso sa lakas ng pagkabagok ng ulo niya sa bakal ay nagkaroon daw siya ng malalang internal hemorrhage sa ulo na sanhi ng kamatayan niya," kuwento nito.

"Sigurado bang si Mang Albert lang ang kasama ko noon?" hindi komportableng sabi niya.

"Iyon ang sinabi nila. Aywan. Pero naisip ko rin na imposibleng magre-rent ka ng yate para lang sa sarili mo. Alam ko'ng mahilig kang mag-date ng babae sa yate. Pero wala ka namang naikuwento sa akin na meron kang girlfriend. Binisita ko nga minsan ang Facebook account mo pero hindi ko na makita. Na-hack ata."

"Hindi ko rin maalala ang user name at password ng FB account ko," aniya.

"Pitong buwan na ang nakalipas, wala ka pa rin bang naaalala?" pagkuwan ay tanong ni Arnel.

"Wala eh. Umaasa na lang ako sa mga sinasabi ni Mommy at ng ibang nakakakilala sa akin."

"Huwag mo nang piliting maghanap pa ng ibang detalye."

"Pero bakit ganun? Parang may kulang pa rin," malungkot na sabi niya.

"Ano'ng kulang?"

"Hindi ko alam. Pakiramdam ko may mahalagang pangyayari sa buhay ko na hindi nai-detalye sa akin."

"Raf, huwag mo nang puwersahin baka makakasama sa iyo ang labis na pag-iisip. Okay naman ang buhay mo ngayon. Isa pa, ang mga tauhan ko mismo ang nagsabi na kayong dalawa lang ni Mang Albert ang naglayag noong nangyari ang trahedya. Ang mabuti pa, mag-move on ka na." Tumayo na si Arnel at naghagilap ng maisusuot nitong damit sa maleta.

Bumuntong-hininga siya. Binalewala na lamang niya ang kanyang mga agam-agam. Pagtingin niya sa suot niyang relong pambisig ay nagulat siya nang malamang pasado alas-dose na ng tanghali. Kaya pala humihilab na ang sikmura niya.

"Matutuloy ba ang lunch meet-up natin sa owner ng resort na ito, Arnel?" pagkuwan ay tanong niya sa kanyang pinsan.

"Oo. Katunayan ay nakausap ko siya bago pumasok dito. Sinabi ko na susunod na tayo sa restaurant," sagot nito habang nagbibihis.

Pagkuwan ay sabay na silang nagtungo sa restaurant. Si Arnel ang nakakakilala sa bago niyang kliyente kaya nakabuntot lamang siya rito. Papalapit sila sa mesa kung saan may nakaupong lalaking nakasuot na bughaw na polo. May kasama itong babae. Nang makalapit sila ay saka lamang niya namukhaan ang babae. Ito ang babaeng nakita niya sa beach na tinamaan ng bola ang sand castle. Nakasuot ito ng Hawaiian dress, labas ang makikinis nitong balikat at nahuhulma ang malusog nitong dibdib na bahagyang nakasilip ang cleavage.

Huminto sila ni Arnel sa mismong tapat ng mesa na kinaroroonan ng babae. Tumayo naman ang kasama nitong lalaki at kinamayan si Arnel. Hindi nabanggit ni Arnel kung babae o lalaki ang owner ng resort kaya hindi niya alam kung alin sa dalawa. Posible ring mag-asawa ang dalawa o magkasintahan.

"Mr. Sanchez, he's Eng. Rafael Dela Vega, my cousin," pakilala naman sa kanya ni Arnel sa kliyente.

"Hi! Welcome to my resort!" mainit na pagbati sa kanya ni Mr. Sanchez. Kaagad namang nagdaup ang mga palad nila.

"Thank you, Mr. Sanchez," nakangiting sabi niya. Hindi niya mapigil ang kanyang sarili na sulyapan ang magandang babae na tahimik lamang na nakaupo at sumisimsim sa inumin nito.

"Just call me, Martin. Masyadong pormal ang Mr. Sanchez," pagkuwan ay sabi ni Martin.

"Okay. Just call me, Rafael, too," aniya.

"So, take your seat first. Waiter!" ani Martin saka ito nagtawag ng waiter.

Umupo naman sila ni Arnel sa katapat na silya. Katapat niya ang babae. Sa pagkakataong iyon ay nabaling sa kanya ang tingin nito. Napansin niya ang manghang ekspresyon ng mukha nito, na tila noon lang namalayan ang presensiya nila. Walang kurap na nakatitig ito sa kanya. Nang salubungin niya ang titig nito ay hindi niya inaasahan ang biglang pagsikdo ng puso niya.

"Siya ba ang asawa mo, Martin?" mamaya ay tanong ni Arnel kay Martin, na siyang bumuwag sa pagtititigan nila ng babae.

Nabaling ang tingin ni Rafael kay Martin. Hindi niya maintindihan bakit nasasabik siyang marinig ang sagot nito sa tanong ni Arnel. Naroon din ang kaba sa posibleng sabihin nitong asawa nito ang babae. Para siyang bibitayin habang nakaabang sa sagot nito.

"Uh, no, she's my friend and one of my employees here in my resort," sagot ni Martin.

Bumuntong-hininga si Rafael. Para siyang natanggalan ng bara sa dibdib.

"Siya si Andrea," sapagkuwan ay pakilala ni Martin sa babae.

Awtomatikong naibalik ni Rafael ang tingin sa babae. Nakangiti na ito habang pabaling-baling ang tingin sa kanila ni Arnel. Bumalik ang kaba niya nang maalala na pareho silang binata ni Arnel. Hindi lingid sa kaalaman niya na mainit sa mata ni Arnel ang appeal ng katulad ni Andrea.

"She's beautiful," komento ni Arnel.

Naunahan na siya nito. Nagkasya na lamang siyang nakatitig kay Andrea. Napansin niya na panay rin ang sipat nito sa kanya at nababasa niya ang biglang pagkabalisa sa mukha nito. Obvious na may dugo itong banyaga dahil sa kulay ng mga mata nito, kutis at sa kabuoang physical appearance nito. Maaring Latina o Mexicana ang beauty nito. Namumula ang balat nito marahil ay sa kakabilad sa araw.

Mamaya ay sinimulan na ni Martin na talakayin ang tungkol sa proyektong ipapagawa nito sa kanya. Pamilyar sa kanya ang sinasabi nitong Cuyo Island, kung saan umano ang bagong resort nito. Sa islang iyon umano patungo ang yateng sinasakyan niya noong mangyari ang trahedya. Doon nakita ng nag-rescue na tauhan ni Arnel ang yate.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top