Chapter Ten


MIYERKULES ng gabi...

Uminom ng paracetamol si Rafael dahil sa sobrang sakit ng ulo niya. Katatapos lang niyang maghapunan na mag-isa. Buong araw na hindi niya nakasamang kumain si Andrea. Iniiwan lang nito ang pagkain sa cottage.

Nang hindi pa rin siya makatulog ay lumabas siya ng cottage niya at naglakad-lakad sa dalampasigan. Naririnig pa rin niya ang ingay ng videoke. Mga empleyado lang ng resort ang kumakanta. Mayroon daw isa sa mga ito na nagdiriwang ng kaarawan. Katunayan ay niyaya siya ni Louis na uminom ng alak pero tumanggi siya. Isa si Louis sa life guards ng resort ni Martin.

Mamaya ay nagtungo siya sa palapala kung saan nagkakasayahan ang mga empleyado. Namataan niya si Andrea na nakaupo sa tapat ng mahabang mesa at kumakain ng barbecue. Tinawag naman siya ni Louis. Hindi na siya tumanggi nang kaladkarin siya ito. Kumakanta si Aleng Delia. Umupo naman siya sa silyang katabi ni Louis. Katapat nila si Andrea na busy sa kinakain. Hindi na niya tinanggihan ang isang baso ng brandy na ibinigay ni Louis.

Nang matapos kumanta si Aleng Delia ay ibinigay na nito ang microphone kay Andrea. Hindi niya maintindihan bakit bigla siyang nasabik nang malamang kakanta si Andrea. Hindi niya ito inalisan ng tingin.

Intro pa lamang ng kakantahin nito ay para siyang inihagis patungo sa mga senaryo ng nakaraan. Hindi niya alam ang pamagat ng kanta pero alam niyang luma na ito. At ang higit na pumukaw sa isip niya't damamin ay ang napakagandang boses ni Andrea. Ang lamig ng boses nito na tila ito ang orihinal na singer ng naturang kanta.

Sa isang iglap ay may senaryong pilit nabubuo sa isip niya habang naririnig niya ang kanta at nakikita niya si Andrea na hawak ang microphone.

"I really love this song. Something old but the spirit of the song and the lyrics was remarkable. Rafael, my dearest, this song is for you. I hope you'll like it," sabi ng babaeng nakatayo sa itaas ng entablado habang hawak ang microphone.

Nakaupo lamang si Rafael sa audience seat sa harapan ng stage habang pinapanood ang babaeng isinisigaw ng puso niya. She's wearing a silver dress and silver boots. Makapal ang make-up nito at kinulot nang husto ang buhok nito halos tumakip na ang ilang hibla sa mukha nito. Napakaganda nito sa paningin niya habang kinakanta ang "You're still the one" na pinasikat ng singer na si Shania Twain. Pero mas gusto niya ang version na naririnig niya.

Pagkatapos ng performance ng dalaga ay nilapitan siya nito at sinamahan siya sa kanyang mesa. Pinaghinang nito ang kanilang mga labi.

Kumislot si Rafael nang tapikin ni Louise ang balikat niya. "Tagay pa, engineer," sabi nito saka nito sinalinan ng brandy ang baso niya.

Inisang lagok niya ang laman ng kanyang baso. Pagkuwan ay tumitig siya kay Andrea na kumakanta. Bigla na lamang tumulin ang tibok ng puso niya habang iginigiit na kilala niya si Andrea, hindi lamang sa pagkakataong iyon.

Sino ka ba talaga, Andrea? Why I need to feel like this?

Lalo lamang siyang inuusig ng mga agam-agam niya nang umepekto na ang alak sa katawan niya. Napansin niya na may iniinom ding alak si Andrea. Naalala niya bigla ang trabaho niya. Hindi siya puwedeng malasing baka hindi siya makapagtrabaho nang maayos. Tumigil na siya sa pag-inom.

Natapos nang kumanta si Andrea. Tumayo na ito dala ang isang baso ng inumin nito. Pasuray-suray na itong naglakad. Sinundan ito ng tingin ni Rafael. Nang mapansin niyang patungo ito sa karagatan ay dagli niya itong sinundan. Huminto ang dalaga sa pampang saka inisang lagok ang laman ng baso nito.

Napatakbo siya palapit dito nang makita niya'ng inihagis nito sa tubig ang baso saka ito nagsisisigaw.

"Bakit ba ako pinaparusahan ng ganito? Ibalik N'yo na ang alaala ko!" sigaw nito.

Susugod sana ito sa maalong tubig ngunit maagap niya itong pinigilan. Hinaklit niya ang kanag balikat nito saka ito pinihit paharap sa kanya. Nang masilayan niya ang walang tigil na pagpatak na luha nito ay natukso siyang yakapin ito nang mahigpit. Nang yumakap din ito sa kanya ay bigla na lamang siya inalipin ng pamilyar na damdamin.

"Hindi ko na kayang tumagal nang ganito. Nahihirapan na ako," wika nito saka humagulhol.

Hinagod niya ang likod nito. Nang kumalas ito sa kanya ay bigla itong lumuklok sa buhangin.

"Gusto kong lumangoy hanggang sa malunod ako. Baka sakaling mapadpad ako sa ibang isla at magising ako'ng bumalik na ang alaala ko. Tinangay ng karagatang ito ang alaala ko," humihikbing wika nito.

Tinabihan niya ito. "Dito ka ba sa islang ito natagpuan?" tanong niya rito.

Tumango ito.

"Kailan 'yon nangyari?"

"Ang sabi ni Martin, seven months ago, mag-uumaga niya akong natagpuan sa pampang na ito na walang malay," tugon nito.

Seven months? Napaisip siya. Pitong buwan na rin ang nakalipas noong nangyari ang trahedya sa kanya.

"Ano'ng petsa 'yon?" balisang tanong niya.

"Hindi ko alam. Si Martin lang ang nakakaalam," anito.

"Wala ka ba talagang naalala na kahit ano na sa tingin mo ay may koneksiyon sa nakaraan mo?" usig niya rito.

"Wala pero meron akong panaginip na paulit-ulit."

"Ano'ng panaginip?"

"Isang eksena sa yate at..."

"Yate? Ano'ng nangyari sa yate?" Natigilan siya nang maramdamang humimlay na ang ulo ni Andrea sa balikat niya.

Nang tingnan niya ito ay nakapikit na ito. Inalalayan na lamang niya ito saka maingat na binuhat. Dinala niya ito sa cottage nito. Mabuti na lamang hindi naka-lock ang pinto. Ipinasok niya ito at dagling inihiga sa kama. Inayos niya ang pagkakahiga nito saka ito kinumutan. Nagdesisyon na siyang umalis nang bigla itong nagsalita.

"R-Rafael..." bigkas nito.

Nawindang siya. Awtomatikong tumitig siya sa nahimbing nitong mukha. Iniisip niya na baka nagkamali lang siya ng dinig na pangalan niya ang binigkas nito. Ngunit mayamaya lamang ay muli nitong binigkas ang pangalan niya.

Natukso siyang lumuklok sa tabi nito. Hinawakan niya ang kaliwang kamay nito na may nakasuot na singsing. Habang nakatitig siya sa singsing na suot ng dalaga ay awtomatikong dumapo na naman sa isip niya ang pamilyar na senaryong madalas niyang napapanaginipan. Ang senaryo sa yate kung saan nag-propose siya ng kasal sa isang babae.

Pagkuwan ay marahang hinaplos niya ang makinis na pisngi ng dalaga. Hanggang sa natukso siyang halikan ang namumula nitong mga labi. Mariin siyang pumikit. Habang angkin niya ang labi nito ay nakaramdam siya ng pamilyar na damdamin na tila hindi lamang iyon ang unang pagkakataon na nahalikan niya ito.

Dumilat ng mga mata si Rafael nang maramdaman niya ang pagkilos ni Andrea. Lumayo siya sa dalaga. Pagkuwa'y tumayo na siya at lumabas.

ISANG linggo pa ang lumipas. Nakipag-ugnayan si Rafael sa kaibigan niya'ng may kapatid na nagtatrabaho sa Texas, na isang FBI agent. Ang sabi ng pinsan niyang si Barbie na nakatira sa Texas, noong nakaraang taon ay nagbakasyon siya sa Texas kasama ang Daddy niya para asikasuhin ang ari-arian ng yumao niyang lolo. Limang buwan daw silang naglagi roon. Nabanggit ni Barbie na madalas daw siyang sumasama sa mga pinsan nilang lalaki na pumupunta sa mga bar. Nabanggit daw niya rito na mayroon siyang nagustuhang babae na may-ari ng bar na pinupuntahan nila. Isa rin daw vocalist ng banda ang babaeng iyon at naalala pa nito ang pangalan. Carina ang pangalan ng babaeng ikinuwento niya. Iyon ang pangalan ng babaeng nasa panaginip niya.

Nang hindi pa rin siya makatulog ay tinawagan niya si Nick, na kaibigan niyang may pinsan sa Texas.

"Oh, Raf, napatawag ka. Gabi na," sagot ni Nick.

"Nick, may balita na ba sa pinapa-research ko tungkol sa pangalang Carina?" aniya.

"Dude, ang daming pangalang Carina sa Texas. Nahihirapan ang pinsan ko dahil walang apilyedo. Mag-send ka kaya ng picture para mai-scan."

"Alam mong wala akong maalala at lalong wala akong hawak na litrato ng babae."

"Ano ba ang hitsura ng Carina na 'yon sa panaginip mo?"

"Hindi ko ma-explain. Hindi masyadong malinaw."

"Okay, huwag mo na lang pilitin. Kakausapin ko na lang ang pinsan ko. Ipapa-research ko na lang ulit lahat na babaeng may pangalang Carina, pagkatapos ay hihingi ako ng kopya ng mga litrato nila para i-send sa 'yo. Baka sakaling kapag nakita mo ang litrato ay maalala mo," sabi ni Nick.

"Sige, salamat, Nick."

"No worries. Mag-relax ka lang baka mapano ka na sa kakaisip."

"Okay." Pinutol na niya ang linya.

Hindi puwedeng tumunganga lang siya gayung unti-unti na siyang nakakaalala. Simula noong umuwi ng El Nido si Andrea ay hindi pa ito bumabalik ng isla. Ang sabi ni Aleng Delia, isinama raw ni Martin si Andrea sa Puwerto Princesa para dalhin sa doktor nito ang dalaga. Madalas daw kasi sumasakit ang ulo ni Andrea.

Sa loob ng isang linggo na hindi niya nakikita si Andrea ay para siyang dadapuan ng malubhang karamdaman. Hindi siya makatulog nang maayos at wala siyang ganang kumain. Walang sigla ang araw niya at nilalamon siya ng matinding lungkot.

Hindi komportable si Rafael habang iniisip niya na magkasama si Andrea at Martin. Alam niyang wala siyang magiging laban kay Martin dahil malaki ang naging impluwensiya nito sa buhay ni Andrea. Pero naniniwala pa rin siya sa kakayahan niyang mapapaibig niya ang dalaga. Hindi siya sigurado pero malakas ang pakiramdam niya na hindi niya basta nagustuhan ang dalaga. Maaring matagal na niya itong gusto. Iginigiit niya na may koneksiyon ito sa nakaraan niya. Kailangan lang niya ng mas matibay na proweba.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top