Chapter Four
KINABUKASAN ay maagang nagising si Andrea para simulan ang trabaho niya bilang food attendant. Alas-siyete ng umaga ang duty niya hanggang alas-tress ng hapon. Pinili niya ang oras na iyon para makapaghanda siya para sa fire dance exhibition na ginaganap tuwing Sabado at Linggo ng gabi.
Nasa kusina siya at inaayos ang pagkaing order ng mga guest. Nang magsunod-sunod ang pasok ng order ay tumulong na siya sa pagsi-serve ng pagkain. Kinuha niya ang order ng guest na nakapuwesto sa table number eight. Single set of breakfast lang iyon at mayroong kape at toasted french bread. Masyadong marami ang pagkain para sa isang tao. Maliban sa breakfast combo meal ay mayroon pang pancit palabok.
Paglapit niya sa table 8 ay nasorpresa siya nang malamang si Rafael ang naroon na siyang nag-order ng pagkain. Inilapag niya ang tray ng pagkain sa mesa. Abala sa pagtipa sa cellphone nito ang lalaki.
"Good morning! Here are your orders, sir," magalang na sabi niya habang isa-isang inilalapag sa harapan ng lalaki ang mga pagkain.
Awtomatikong nabaling sa kanya ang atensiyon ni Rafael. Tila nagulat at umayos ito ng upo.
"Wait, ito ba ang trabaho mo rito?" hindi makapaniwalang sabi nito.
"Yes. What's wrong with my work?" kaswal na sagot niya. Maganda ang mood niya kaya komportable siyang kausap ang lalaki.
"Uh, nothing. I'm just surprised. Iniisip ko kasi, isa ka sa office staff ni Martin dito," anito.
Napangiti siya. "I'm not good in office work."
"Pareho pala tayo," nakangiti nang sabi nito.
Hindi na siya kumibo. Aalis na sana siya nang tawagin siya ni Rafael.
"Uh, ano'ng oras ba puwedeng makausap ang boss mo?" pagkuwan ay tanong ni Rafael.
"I'm not sure if he's around. Hindi ko pa siya nakikita, eh," sagot niya.
"Gano'n ba? Napansin ko, may accent ang tagalog mo, parang hindi ka sanay," pag-iiba nito sa usapan.
Isa rin sa nagpahirap sa kanya ay ang lenguwahe niya. Mas fluent siyang magsalita ng Bisaya. Tinuruan lang siya ni Martin magsalita ng tagalog.
"Uh... I think bisaya was my first language," aniya.
"You think? Meaning you're not sure about your language?" curious na sabi nito.
Naging uneasy siya. Masyado na siyang naaabala nito. "Sorry, I can't talk to you at this moment. It's working hour. We're not allowed to talk to our guest if not necessary," alibi niya.
"Fine. Kung may time ka, puwede ba tayong magkuwentuhan?" anito.
Hindi siya kaagad nakasagot. Nasipat niya si Cale na nakatayo sa tapat ng bar counter at pinapanood siya.
"Uh... sorry, I have to go." Nagmamadali siyang umalis at bumalik sa kusina.
Sinundan naman siya roon ni Cale. Nakahalukipkip ito.
"Sinabi mo sa akin na obserbahan ko lahat ng lalaking lumalapit sa 'yo. Ginagawa ko ang gusto mo pero pansin ko, mukhang aliw na aliw ka sa isang 'yon," seryosong sabi ni Cale at tinutukoy si Rafael.
"Si Rafael 'yon. Siya ang engineer na nakausap ni Martin para magtrabaho sa Cuyo," aniya.
"Ibang usapan ang pagkuha niya sa atensiyon mo."
"Nakikipagkaibigan lang siya," giit niya.
"Ikaw na ang nagsabi na pakikipagkaibigan ang first step ng lalaki para makabingwit ng babae."
"Cale."
"Sige, hindi kita pangungunahan. Kung tutuusin, may karapatan kang magdesisyon para sa sarili mo. Baka panahon na para mag-move on ka na sa nakaraang hindi mo maalala. Pero sa palagay ko, mas deserving si Sir Martin para sa 'yo," anito.
Pinagtawanan niya ang sinabi ni Cale. "You're just kidding, Cale. Alam mo na hindi ko gustong paasahin si Martin. Bumalik man o hindi ang alaala ko, kailangan ko pa ring mag-ingat sa pagtanggap ng tao sa buhay ko. Ayaw kong magkaroon ng komplikasyon sakaling may magsulputang tao na kaugnay ng nakaraan ko. Huwag kang mag-alala, nag-iingat pa rin naman ako," aniya pagkuwan.
Kumibit-balikat si Cale. "Basta, o-obserbahan ko ang Rafael na 'yon," pilit nito.
"Ikaw ang bahala." Iniwan na niya ito. Pumasok siya sa kusina at inayos ang mga order.
"CARINA, will you marry me?" masuyong tanong ni Rafael sa babaeng nakatayo sa harapan niya, habang siya'y nakaluhod at hawak ang pulang kaheta na may lamang singsing.
"Yes, Rafael! I will marry you!" walang patumpik-tumpik na sagot ng babae.
Dagli siyang tumayo at kinuha ang kaliwang kamay nito at isinuot sa palasingsingan nito ang singsing. Pagkuwan ay naghinang ang kanilang mga labi.
Naisayaw niya ang babae. Nagkasalo sila sa masasarap na pagkain, nagkatabi sa iisang kama hanggang sa bigla na lamang umalog nang malakas ang sinasakyan nilang yate. Tumakbo siya paakyat at lumabas. Sinalubong siya ng malakas na hangin. Nakita niya ang lalaking pilit inaayos ang pag-o-operate sa yate. Tinulungan niya ito. Nang bumalya ang malakas na alon sa yate ay tumalsik ang lalaki at nawalan ng malay matapos itong bumalya sa bakal na poste.
Mamaya ay nakita niya ang babaeng lumabas ng kuwarto. Nagsumikap siyang makalapit dito ngunit bigla na namang humampas ang malakas na alon. Tumalsik ang babae hanggang sa isang kamay na lang nito ang nakakapit sa bakal na barandilya. Nang hawak na niya ang kamay nito ay muling hinampas ng malakas na alon ang yate. Nabitawan niya ito. Tumalsik siya at nabagok ang ulo niya sa matigas na bagay. Bigla na lamang nagdilim ang paligid niya...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top