u n c n s r d 01
u n c n s r d 01
"Ang kaso, may problema: alam kong hindi ako ang gusto niya."
Unang beses na magtama ang paningin namin sa isa't isa, walang kahit anong salita ang makakapaglarawan ng lahat. Nung nasa isip ko. Nararamdaman. Ang bilis ng tibok ng puso. O kahit 'yung gulat na may babae palang nag-eexist na tulad niya.
Hindi na bago ang matulala ako habang nakatitig sa mapungay niyang mata. Nagyeyelo rin ako sa tuwing magtatama ang tingin namin sa isa't isa. Ako na agad ang iiwas ng tingin sa takot na malusaw ako. O malusaw ko siya sa pagtitig ko. Hindi rin sapat ang kahit anong salita para ilarawan ang maamo niyang mukha.
Iba, eh.
Sa ilang bilyong tao sa mundo, o sa kulang-kulang isang daang milyong naninirahan sa Pilipinas - sa ilang daang taong nakakasalubong at nakakasalamuha ko sa bente kwatro oras na nilaan araw-araw. . . nabigyan kami ng pagkakataon. Kahit ilang minuto, nagtama ang landas naming dalawa sa hindi inaasahan at unang pagkakataon.
Hindi ako nagsisisi.
Wala akong ideya noong una. Pero pagtagal, sa kanya ko na nakikita ang mukhang ang sarap makita pagdilat sa umaga mula sa nakapapagod na gabi. Siguradong makikita ko ang mga labi niyang ako lang ang ngingitian, tapos maririnig ko pa sa boses niyang babati ng 'good morning, Chino' sa akin.
Ahh, oo.
Sa ngiti niya ako nahulog nang tuluyan pati na rin pagtulo ng mga luha niya. Hulog na hulog. Hindi ko na rin alam kung makakaahon pa ba ako.
Ang kaso, may problema: alam kong hindi ako ang gusto niya.
Nagbakasakali lang ako noon. Siguro nga nag-take advantage. Sinubukan ko lang ulit. At kahit ma-reject ako, ayos lang. Sanay naman na ako.
To Mari Solei
Evening, Mari! Musta? Gusto mo bang lumabas bukas? Ilibot kita sa Manila pagtapos ng klase mo? :D
Mari Solei
Sure!
Sa pag-sure! niya nagsimula ang lahat.
To Mari Solei
Puntahan kita pagtapos ng klase mo? Maghintay ako sa school gate niyo. :
Na-send ko bigla!
To Mari Solei
D < naiwan bibig ng emoticon :/
Mari Solei
Hahahahaha! :))) kitakits bukas.
Walang mapaglagyan ang saya at ngiti ko.
"Uy 'No."
Napalingon ako sa kababata kong si Gio na nasa hapagkainan kasama ang bago niyang kaibigang babae. Ang lawak ng ngiti niya sa akin.
"Bakit?" pagtataka ko.
"Ngiting manyak ah." Nagtaas-taas siya ng kilay. "Makaka-score ka na ba sa wakas?"
Nawala ang ngiti ko. Nakng! Biglang tumingin sa akin 'yung babae niyang kasama. Ngumiti pa. Nag-iwas ako ng tingin. Nagpaalam na ako paakyat at napangiwi sa narinig mula sa ibaba.
"Oy 'No, baka mag-amoy zonrox sa kwarto ni Kuya! Linis-linis pagtapos."
Sanay na ako sa mga biro ni Gio. Pero mas nahihiya talaga ako sa babaeng kasama niya lalo na nung bumulong ng, "Virgin pa ba 'yun? Cute, eh. Nag-ba-blush pa," pero rinig ko.
Nagba-blush?!
Gusto ko mag-explain pero ah, ewan.
Kinakabahan ako pagkagising kinabukasan. Excited ako. Masaya. Natatakot din.
Ilang taon ko na ring gusto si Mari Solei Lacsamana. Pagtapak pa lang niya sa meeting room noon at sinabing mag-se-service siya sa simbahan, iba na. Crush ng bayan agad siya sa aming mga sakristan. Ilang beses na rin akong nanghingi ng tawad sa Panginoon dahil imbis na mataimtim akong magdasal at mag-serve tuwing may misa, napapatitig ako kay Mari.
At sa mga sumunod na araw at service, mas humanga ako sa ganda niya sa panlabas at panloob.
Halos isang taon ang tinagal para lang makapag-usap kami ng tatlumpong minuto. Isang taon ulit para maging magkaibigan at magkapanatagan ng loob. Ilang beses din niyang sinabi na mag-aaral muna siya.
Ngayong college na siya. . napangiti ako ulit.
Nagkaroon na ba siya ng oras? Kaya hindi ako mapakali sa pag-aayos ng buhok at pagpili ng pinakamatinong shirt pagtapos maligo. Ang tagal kong hinintay na pumayag siyang lumabas kami. Ayaw kong masayang ang oras na nilaan niya para sa akin.
Sa amin.
Ang korni pero kinikilig na ata ako ngayon pa lang.
Natigil ako sa pagkain ng instant noodles sa sunod sunod ang text sa phone ko. Nabulunan pa ako pagkakita ng wallpaper ko. Mukha ko! Tulog! Si Gio. Pero hindi lang 'yon. Napakunot noo pa ako sa mga text na nakuha ko.
Adam
Chino boy! Congrats sa date niyo ni MariSolei!
Sandy
grats pre. rule #1 daw sa dating: wag magsuka. baka wala na 2nd date.
Mark
MAGLALARO BA TAYO DOTA?
Mark
NGA PALA NAGTEXT SI GIO MAY DATE DAW KAYO NUNG CRUSH MO? TOTOO BA? BAKA NAGJOJOKE NA NAMAN ANG LOKO AASA NA NAMAN KAMI SA NAPAG IIWANAN MONG LOVE LIFE
TXT BACK
Jethro
lam na...
Ma
INO! Luluwas ako pa-maynila at may idedeliver akong mga rtw. Anong gusto niyong ulam ni Gio at idadaan ko sa inyo mamaya?
Gio
'No. dahil sobrang proud ako sayo...nag-iwan ako sa mesa ng regalo. unang date yan! dapat gawing memorable
Napatitig ako sa sinasabing regalo ni Gio.
TRUST Me.
Sulat kamay niya sa papel na nakabalot sa kung ano. Pagbuklat, tama ang hula ko kaya diretso sa basurahan ang regalo niya.
Sa lahat ng nagtext, kay Mama ako nagreply.
To Ma
Wala ako sa bahay buong araw ngayon. May pupuntahan ako.
Ma
Ah! Ayan ba ang sinabi ni Gio sa text kanina? May date daw kayo ni Mari? Goodluck anak! Kwento mo nangyari after. Hindi na rin makapag hintay si Cai.
ANAKNG?!
Nagtext ako kay Gio.
To Gio
Hoy Giuseppi
Gio
Hahaha ulol
To Gio
Pati ba naman kay Mama sinabi mo?!
Gio
. . / . .
Hingang malalim.
Final decision: Hindi ko ipapakilala si Mari Solei sa mga kaibigan ko – lalo na kay Gio. Baka mabahiran pa ng kung ano ang pagkainusente ni Mari.
Nanlalamig ang mga kamay ko habang naghihintay kay Mari lumabas ng school nila. Napahigpit din ang hawak ko sa paperbag na dala ko. Binilihan ko kasi siya ng maliit na stuffed toy.
Nakalagay kasi sa dibdib ng stuff toy ay angel.
Mukha kasing anghel si Mari.
Napakamot ako sa noo. Ang korni ng naisip ko?! Bigla tuloy akong nahiya. Nilagay ko sa bag ko ang maliit na paperbag sa kahihiyan. Baka isipin niya nagmamadali ako. O nambobola!
"CHINO!"
Musika ang boses niya sa tainga ko. Pag-angat ng tingin, nanigas ako sa kinatatayuan sa paglapit sa akin ni Mari. Malabo ang mata ko kaya ako nagsasalamin sa mata. Pero parang nanlabo ulit ang paningin ko kahit may salamin naman ako.
Si Mari lang ang malinaw.
"Mari—" Huli na para bawiin ang sinabi ko. Nagkamot ako ng batok sa hiya. "Aris, ano? Tara?"
Aris na nga pala ang gusto niyang itawag sa kanya.
Sinama ko si Mar—Aris sa Recto at naglibot sa Isetann. Nag-usap lang kami tungkol sa mga bagay-bagay. Panay ang tanong ko sa kanya at sumasagot naman siya. Medyo napapansin ko lang na napapatingin siya sa paligid madalas.
Pagtapos makalibot sa U-Belt, isinama ko siya sa Lawton para mapakita ang school ko pati na rin ang Walls.
"Ito 'yung Cantunan," turo ko sa kanya sa helera ng mga kainan.
"Ano?" gulat niyang tanong. "Cantu—"
Nag-init bigla ang pisngi ko. "Cantunan! Kasi mga canton binebenta. Ganun! Hindi 'yung iniisi—ah! Hindi ko sinasabing iniisip mo 'yun pero—ah, ano! Kasi—"
Natawa si Aris.
"Okay lang, ano ka ba!"
Nag-ayos ako ng salamin sa mata. Fail, Chino. Epic fail mo.
Nilayo ko na siya sa Cantunan dahil doon din ang tambayan ng mga naninigarilyo. Tinuro ko rin sa kanya ang hilerang KFC o bilihan ng Kikiam, Fish Ball at Chicken Ball pero sa Walls kami kumain para mas safe.
Nahiya ako dahil ang bagal kong kumain. Mukhang nabobore na siya kaya binilisan ko ang pagkain ko pero nabulunan naman ako. Ubo ako nang ubo habang nag-panic si Mari.
Ang cute niya.
"Huwag ka kasi magmadali!" nangingiti niyang sabi. "Take your time."
Napangiwi ako. "Pinapatay na ata kita sa pagka-bored."
"Hindi ah! Pahiram na lang ng phone, maglalaro ako."
Nilahad niya ang kamay niya. Ano kayang pakiramdam mahawakan 'yon nang matagal? Binigay ko ang phone ko sa kanya at nagsimula ulit sa pagkain nang bigla siyang matawa.
"Bakit?" tanong ko.
Pinakita niya sa akin ang phone ko. Nakng!!! Yung mukha kong tulog ang wallpaper! Hindi ko napalitan! Kinuha ko agad ang phone ko na muntik pang malaglag. Pagtapos kong palitan, binalik ko sa kanya ang phone.
"Mahilig ka pala mag-wallpaper ng mukha?"
"Hin—kasi, ah—ano—"
Nakng! Giuseppi.
"Chill lang."
Tumawa siya. Natameme na naman ako.
Pagtapos kong kumain, seryoso pa rin sa paglalaro ng phone si Aris. Napapangiti ako. Ang cute kasi ng pagkunot ng noo niya. Sineseryoso niya kahit dapat enjoy lang. Nakinood ako sa laro niya. Hinablot ko agad ang phone ko pagkakita kong may bagong text.
Gio
Ano na 'No? score na? Naka 3 points shot knba?
To Gio
. . \ . .
Gio
Hahahaha aba marunong na
Pinatay ko na lang ang phone ko nang matapos na ang torture.
Inaya ko si Aris na manood ng sine pero humindi siya dahil ayaw niyang gumastos daw ako ng malaki. Kahit 'yung mura lang, ayaw pa rin niya. Pagkarating nga namin sa SM, pinilit pa niyang manlibre ng ice cream.
Nakakahiya. Pero at the same time, nakakatuwa.
Nilibot lang namin ang buong SM Manila. Ilang beses ko siyang tinanong tungkol sa panonood ng sine pero ilang beses din siyang humindi.
Habang nag-uusap, patingin-tingin siya sa phone niya. At bigla na lang, tumayo siya at nagpaalam na aalis na. Naisip ko pa man din na ihahatid ko siya sa boarding house niya para mas mataas ang pogi points pero tumakbo na siya dahil hinihintay daw siya ng kaklase niya.
Natulala ako habang nakatitig sa palayong likod ni Aris.
Hindi ko tuloy alam kung masaya ba ako o malungkot. Pagbukas ng phone, akala ko si Gio na naman ang nagtext pero napangiti ako pagkakita ng pangalan ni Aris.
Mari Solei
Thank you sa araw na 'to! Sorry kailangan ko lang agad umalis. Ingat pag uwi. :)
Napagdesisyunan ko na masaya ako.
Kaya hindi ko inindang magmukhang tanga sa lawak ng ngiti ko habang naglalakad papuntang sakayan. Sa mga nag-skate ako dumaan para shortcut nang bigla kong naalala ang regalo ko dapat kay Aris.
Hindi ko naibigay.
Pagbukas ko ng bag at para kuhanin sana ang paper bag, nagulat ako sa paghabol ng bag ko at naitsa pa ang paper bag! Napatingin ako sa humablot. Naka-skate siya at panay ang tawa. Pinulot ko muna ang paper bag bago ako tumakbo para habulin ang lalaking nag-skate.
Wala pang isang minutong paghahabol, hinihingal na ako nang mapatingin ako sa kaliwa ko dahil may naramdaman akong presensya.
Isang babae.
Ang una kong napansin ay ang mata niyang nakatingin sa harapan. Sumunod ang pagngisi niya kahit maamo ang mukha. Tapos sa tattoo niya sa leeg. At sa buhok niyang nakatirintas palikod.
Noong una, akala ko sumasabay siya sa pagtakbo ko.
Pagtingin ko sa ibaba, hindi siya tumatakbo. Nag-i-i-skateboard siya. Hindi rin siya sumasabay dahil nauna na siya. Sa pagtingin ko sa likod ng babae, na-realize kong sinusundan niya ang lalaking humablot ng bag ko.
"Hoy!"
Nagulat ako sa boses ng babae. Ang lalim!
"Tangina nito, balik mo nga 'yung bag nung bata!"
Bata? Ako ba 'yun?
Natigil ako sa pagtakbo sa pagtigil sa pag-skate ng babae. Pinadulas niya ang board na hawak patungo sa lalaki.
"Bull's eye!" sigaw ng babae pagtama ng board niya sa board ng lalaki.
Aray.
Ako ata nasaktan sa pagtumba niya.
Ang lakas ng impact.
Tumakbo ang babae palapit sa lalaki. Nakita ko pang sinipa niya ang lalaking nakahiga na sa sahig. Gusto ko sanang lumapit pero hindi ako makaalis sa kinatatayuan ko. Napansin ko na lang na kinuha ng babae ang bag ko sa lalaki at nag-skate papunta sa akin.
Nagkatinginan kami sa mga sandaling palapit siya sa akin habang nakaangkas sa skateboard. Akala ko tatama siya sa akin pero hindi. Napaatras ako sa paghagis niya ng bag sa akin. Dumulas pa ang salamin ko sa mata sa pwersa at bigat. Tapos nilagpasan niya ako na para siyang hangin. Ni hindi siya nagsalita. Hindi man lang hinintay ang pasasalamat ko.
Sinundan ko ang pag-skate niya palayo. Walang ibang pumasok sa isip ko kung hindi isa lang:
Woah.
; x ;
And it's starting! Dun dun dun dunn. . .
Una pa lang, WARNING. SPG ang buong kwento. hindi dahil may sex, ha? Pero maraming mababanggit dito na terms at may mga mangyayari na not suitable for very young audiences. As in marami. As in!!! At marami ring offensive shit dito.
Please. Kung alam nating hindi kakayanin ng utak natin ma-grasp ang mga nakasulat, huwag na natin ituloy. Huwag po natin i-torture ang mga sarili.
PS: AVOID BAD MOUTHING / BASHING CHARACTERS. Ayaw ko pong makabasa ng "kingina mo mamatay ka na Chino / Unica / Vane / Aris / Sinteya / Marco / (o kahit ano pang pangalan ng characters dito). Beastmode ako mga tarantado kayo." Hayaan niyo nang CHARACTERS na mismo ang mag bad mouth at bash sa isa't isa.
Let's all have a healthy comment box po sana. Lessen the cursing. (huwag gumaya sa mga characters dito... hindi sila mababait. Pero alam kong ikaw, may kabaitan ka at maaawa ka sa mga mata kong nagbabasa ng comments. :D
TANDAAN: Hindi nababasa ng characters ang pagmumura mo sa kanila. Ako ang nakakabasa. Kaya ako ang nasasaktan kapag nakocomment kayo ng "mo" <///3)
THERE WILL BE A LOT OF SHITTY THINGS HERE IN THIS STORY. Warning ulit po, ah. Hindi na po valid ang mga reklamo sa susunod na chapters dahil nag-warning na ako.
Salamat sa paghihintay. Sa pagbabasa. At sa hindi pag-bad mouth ng characters!
Haba lang ng note ko. Baka walang magbasa <///3 Hahaha.
^____^
- RAYNE (pilosopotasya)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top