Prologue (Unedited)


HINDI na pinatapos ni Drake ang litanya ng stepbrother niyang si Tyler. Palagi na lang nito isinusumbat sa kanya ang pagiging paborito niyang anak. Anak siya ng ama nila sa orihinal na asawa. Pero hindi niya isinusumbat sa kapatid na bastardo ito ng kanyang ama dahil wala naman itong kasalanan sa pagkakamali ng kanilang ama.

Paglabas ni Drake ng opisina ay sumakay kaagad siya ng elevator. Nasa fifth floor ang parking lot at naroon ang kotse niya. Kanina pa tumatawag ang Daddy niya pero hindi niya sinasagot. Nagtatampo pa rin siya rito dahil sa desisyon nito na patirahin si Tyler at ang ina nito sa mansiyon.

Hindi pa rin pormal na inililipat ng daddy niya sa kanyang pangalan ang tatlong dekada nang Real Estate Developer at ang Construction company nito-bagay na ipinangako nito. Sa Security and Investigation Agency naman na pag-aari din nito ay maghahati sila ni Tyler. Hindi pa daw na-finalize ng Daddy niya ang Last Will and Testament nito. Alam niya na naghahabol sa yaman si Tyler at malamang pati ang ina nito. Wala na siyang pakialam doon. Ang mahalaga ay makuha niya ang dapat sa kanya.

Pagdating ni Drake sa garahe ay iilang kotse na lang ang nakaparada. Tinungo niya ang kanyang sasakyan at sana'y bubuksan nang biglang may humaklit sa balikat niya.

Pagpihit niya paharap sa kanyang likuran ay nakita niya ang malaking lalaki na may suot na bonnet sa ulo. Inambaan siya nito ng suntok pero mabilis niyang tinadyakan ang sikmura nito. Tumalsik ito.

Susugurin pa lamang niya ito ay may dumating pang tatlong kalalakihan na pawang naka-bonnet. Pinagtulungan siya ng mga ito. Nasuntok niya ang isa sa mukha, habang ang isa pa ay nasipa niya sa leeg. Pagtayo niya ng tuwid ay bigla na lang may matulis na bagay na bumaon sa likod niya.

Kahit unti-unting bumabalot ang kirot sa buong katawan niya ay nagawa pa niyang hiklasin ang ulo ng lapastangang sumaksak sa likod niya. Pero bonnet lang nito ang nahila niya. Hindi nito hinugot ang patalim sa likod niya. Ginapos pa siya nito. Ang isa pang lalaki ay ginapos ang mga kamay niya at inapakan ang mga paa niya. Naninilim na ang paningin niya pero pilit niyang nilalabanan ang sakit. Alam niya makakaligtas siya. Nabaling ang tingin niya sa pinakamalapit na poste. May nagtatago roon na babae-nakatingin sa kanila. Nasa mukha nito ang takot. Iyon ang huling nakita niya bago nilagyan ng packaging tape ang bibig niya at binalot ng kalalakihan ng plastic ang ulo niya. Kinakapos na siya ng hininga.

Naramdaman niya ang pagbuhat ng mga ito sa kanya at inihagis siya sa masikip na lugar. Nakatulos pa rin ang kutsilyo sa likod niya. Kung hindi siya nagkakamali, nasa loob siya ng compartment ng kotse.

Nanginginig na ang katawan niya dahil sa walang tigil na pagdurugo ng sugat niya. Napakasakit niyon, sobrang sakit. Pakiramdam niya'y malalagutan na siya ng hininga. Naisip niya, ano ba ang kasalanan niya bakit may gumagawa niyon sa kanya?

Pagkalipas ng ilang minutong biyahe. Binuhat na naman siya ng mga walanghiya. Impit siyang sumigaw nang biglang hugutin ng mga ito ang nakabaong kutsilyo sa likod niya. May gumagapos sa mga braso niya. Mayamaya ay sinaksak na naman ng mga ito ang sikmura niya. Minsan pang tinamaan ang dibdib niya. Pero alam niya hindi tinamaan ang puso niya. Pero matapos ang magkasunod na saksak ay hindi na maramdaman ni Drake ang presensiya ng paligid. Nang muli siyang makaramdam ay gumugulong na siya sa paibabang lupa. Sa kabila ng hirap, nakuha pa niyang magdasal. Tumigil ang katawan niya sa matigas na bagay. Wala siyang ibang naramdaman kundi walang kapantay na sakit. Napaluha na lang siya. Nasa dulo na siya ng kanyang paghinga nang may mas masakit siyang naramdaman sa kanyang leeg, na para bang may kumagat roon. Kasabay ng sakit na iyon ay tuluyan na siyang nakalimot.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top