Chapter Two


MAAGANG pumasok si Aleah sa opisina para mas mabilis niyang matapos ang nabinbing trabaho. Hindi nai-turn over nang maayos ng nag-resign na secretary ni Tyler ang mga papeles ng agency, kaya para siyang nangangapa sa dilim at hindi malaman kung saan siya magsisimula.

Makalipas ang halos isang linggo na hindi pagpapakita ni Mr. Sancho Sebastian, ang sixty-two years old na ama ni Tyler, sa wakas ay nagpakita ito sa kumpanya. Nasa fourth flour ang opisina ng presidente at doon din nag-o-opisina si Aleah. Karugtong ng five story building ang construction company office. At ang opisina naman ng Security Agency ay nasa second at first floor ng gusali.

Nag-report kaagad si Aleah sa opisina ng presidente. Detalyadong sinabi niya ang naging flow ng kumpanya sa loob ng isang linggo. Pero habang nagsasalita siya sa harapan ng Ginoo ay parang wala itong kausap. Nakatitig lang ito sa kuwintas na hawak nito.

"Sir?" tawag niya sa atensiyon nito.

Tumitig ito sa kanya. Malaki ang ipinayat nito. Nahumpak ang dating matabang pisngi nito. Nanlalalim ang mga mata nito.

"Ang gusto kong marinig ay ang magandang balita tungkol sa anak ko," sabi nito.

Parang may pumiga sa puso ni Aleah. Nagsisimula na naman siyang usigin ng kanyang konsiyensiya. Naaawa siya sa Ginoo. Alam niya na mahal na mahal nito ang anak. Kahit noong bago pa lang siya sa kumpanya nito ay bukam-bibig na nito ang abogadong anak. Marami na raw naipanalong kaso si Drake. Tumutulong daw sa mga mahihirap si Drake. Napakabait raw ng anak nito. Kahit sinong ama, hindi ganoon kadaling tanggapin ang pagkawala ng mabuting anak.

"Sorry po, hindi ko po alam kung ano na ang nangyayari sa kaso," sabi na lang niya.

"Kilala mo ba ang anak ko? Isa siyang responsableng lalaki. Wala siyang inaapakang tao. Napakabuti niyang mamamayan. Kaya hindi ako pabor na sabihing may kaaway ang anak ko kaya nagawa ang kapangahasan sa kanya. Pinalaki ko siya ng maayos. Wala akong laban sa krimeng ni isa ay walang witness. Hindi ko alam kung sino ang makakapitan ko. Napakalinis ng ginawang krimen. Walang naiwang ebidensiya mula sa suspect. Wala rin naman akong kaaway para gawin ito ng mga walanghiyang iyon sa pamilya ko. Kung meron man, bakit ang anak ko pa?"

Nanginginig ang mga kamay ni Aleah, habang nagsusulat sa kaperasong papel. Isinusulat niya roon ang schedule ng ginoo sa mga susunod na meeting na kailangan nitong daluhan.

Paglabas niya ng opisina ng presidente ay dumeretso siya sa banyo. Doon niya inilabas ang bigat sa dibdib niya. Gusto niyang tulungan ang matandang Sebastian pero hindi niya alam kung paano. Hindi rin niya derektang maituturo ang suspect dahil hindi niya nakikita ang mga ito. Isa lang sa mga suspect ang namukhaan niya. At ang isa, tanging tattoo sa kanang braso na naglalarawan sa dragon at ahas. Pero hindi niya alam kung ilang tao sa mundo ang may ganoong tattoo.

Nakaharap siya sa malaking salamin habang pinapalaya ang kanyang mga luha. Mamaya ay tumigil siya sa pag-iyak nang maramdaman niya na may dumaan sa likuran niya. Pagtingin niya sa kanyang paligid ay wala namang ibang tao. Bigla siyang kinilabutan. Dinampot niya ang kanyang portfolio saka nagmamadaling lumabas.

Pagkatapos ng lunch break ay pumunta si Aleah sa opisina ng security agency para ayusin ang files sa computer. Wala sa opisina nito si Tyler. Hindi niya mahanap ang ibang files kaya hinagilap niya ang administrator na si Jarren. Natagpuan niya ito sa lobby at may kausap na matangkad na lalaki. Naghintay siya ng tamang pagkakataon para makausap ito.

Habang nakatingin siya sa dalawang lalaki na parehong nakaupo sa sofa, napatingin siya sa kanang braso ng lalaking kausap ni Jarren. Para siyang natuka ng ahas nang makita ang nakaguhit na dragon at ahas sa braso nito. Parehong-pareho ang tattoo nito sa tattoo ng isa sa mga suspect ni Drake. Matipuno ang pangangatawan ng lalaki, maputi at guwapo. Army cut ang buhok nito. Parang ganoon din katangkad ang lalaking nakita niya. Ang mali lang niya noon, hindi niya nakunan ng video ang nangyaring krimen dahil sa takot na baka mahuli siya.

"Hi, Miss Aleah!" bati sa kanya ni Jarren pagkatapos makipag-usap sa bisita nito. Nakatingin lang sa kanya ang lalaking may tattoo.

"Pasensiya na sa istorbo. Itatanong ko lang kung may nai-save kang files ng agency. Hindi ko kasi makita sa computer," sabi niya.

"Ah, oo, meron. Mamaya ibibigay ko sa 'yo ang flash drive ko. May pupuntahan lang kami sandali ni Detective Troy," anito.

Detective? Hindi na siya sigurado sa hinala niya na maaring isa ang lalaking ito sa mga suspect ni Drake.

"Sige. Hihintayin na lang kita sa office," sabi niya.

Dumaan sa harapan niya si Troy. Nginitian at kinindatan pa siya nito.

Naiinip si Aleah sa office ng agency. Wala kasi siyang makausap. Tiningnan niya ang pinto ng surveillance room. Tumayo siya at lumapit sa pinto. Kumatok siya pero walang nagbukas. Hindi naka-lock ang pinto kaya pumasok siya.

Tumambad sa kanya ang sandamakmak na monitor na nakapaligid sa kanya. Nakabukas lahat. Nakikita pala lahat ng sulok ng gusali maging sa labas. Pati sa rooftop parking lot. Nang maalala ang krimeng nasaksihan ay umupo siya sa main monitor kung saan nakikita lahat ng area ng building. Binuksan niya ang files ng surveillance. Hinanap niya ang mga naunang records, noong petsa kung kailan niya nasaksihan ang krimen sa garahe. Nakita niya lahat ng video sa lahat ng area. Pero ang video sa rooftop ay hanggang nine pm lang. Wala nang video na nakuha may limang oras. Ang kasunod ay madaling araw na. Imposibleng pinatay ang camera sa garahe pagpatak ng alas diyes. Twenty four hours bukas ang CCTV. Malinaw para sa kanya na may sumabutahe sa CCTV. At walang ibang makakagawa niyon kundi isa sa mga surveillance staff or admin officer. Sila lang ang maaring pumasok sa area na iyon.

Tamang-tama paglabas ni Aleah ng surveillance room ay dumating si Jarren. Kasama na nito si Red, ang isa sa surveillance staff.

"Oh, bakit nanggaling ka sa loob, Miss Aleah?" takang tanong sa kanya ni Red.

"Ah, akala ko kasi may tao. Wala kasi akong makausap. Hindi naka-lock ang pinto kaya pumasok ako," sagot niya. Hindi naman siya maaring magsinungaling dahil may camera sa loob ng kuwarto.

"Nagbukas ka ba ng files?" untag ni Red.

"Ah, ni-replay ko lang ang ibang video. Baka kasi may awkward moment akong nakuha," nakangising sabi niya.

Tumawa si Jarren. "Actually, ikaw lang ang inaabangan ni Red sa CCTV, Aleah," pambubuko nito.

Siniko ni Red si Jarren. "Huwag ka ngang gumawa ng kuwento riyan," napipikong sabi nito sa kasama.

"Totoo naman, eh," giit pa ni Jarren.

Natawa siya sa dalawa. "Bumalik na nga kayo sa trabaho. Akin na ang flash drive mo, Jarren," apila niya.

Pumasok na si Red sa surveillance room. Si Jarren naman ay kinuha ang flash drive at ibinigay sa kanya.

"Bakit biglang nag-resign si Annalyn, Jarren?" tanong niya sa kasama, habang nakaharap siya sa computer. Nasa kabilang table nakaupo si Jarren, sa kaliwa niya.

"Hindi ko masyadong maintindihan. Nagulat na lang ako noong umaga. Nagpaalam si Annalyn kay Sir Tyler na aalis na, without filing a resignation letter. May emergency daw sa pamilya. Ewan ko lang, ha. Pero feeling ko may iba pang dahilan," kuwento ni Jarren.

Tiningnan niya si Jarren. "Hindi ba dito siya nag-o-opisina?" tanong niya.

"Oo. Pero napansin ko, magmula noong pinagalitan siya ni Sir Tyler, hindi na siya naglalagi rito sa office. At iyon nga, bigla siyang nagdesisyon na umalis."

"Ano ba ang kasalanan niya?"

"Ewan, hindi ko alam."

Wala siyang makuhang eksaktong impormasyon kay Jarren kaya hindi na niya ito kinausap. Pagkakuha ng mga importanteng files ay bumalik na siya sa opisina niya.

Nagulat si Aleah nang maabutan niya si Tyler sa opisina niya. Katulad ng dati, nakaupo ito sa harap ng mesa niya.

"Busy ka ba?" untag nito.

"Palagi naman," walang siglang sagot niya.

Pag-upo niya sa swivel chair sa tapat ng mesa niya ay maagap na hinawakan ni Tyler ang kanang kamay niya. Nagtataka siya sa higpit ng pagkakahawak nito.

"Dadagdagan ko ang sweldo mo, Aleah, basta mag-full-time secretary ka sa akin," deretsong sabi nito.

"Ano?" kunot-noong sabi niya.

"Yes. Hindi magtatagal ay ako na ang hahalinhin kay Daddy. Inamin niya sa akin na hindi na niya kayang i-monitor lahat ng kumpanya. Nagkakasakit na siya. Plano kasi niya na sa akin ipagkatiwala ang agency. Hindi na kami maghahati ni Kuya Drake. About sa real estate developer, gusto ni Daddy na si Victoria ang mamahala, kayong dalawa. Ayaw niyang ibigay sa akin ang real estate at construction dahil para daw iyon kay Kuya Drake. Pero ang gusto ni Kuya ay ang agency. Kapag sinabi mo kay Daddy na sa agency ka na lang, si Tanya ang ipapalit sa 'yo. Nahihibang na si Daddy sa kakahintay kay Kuya Drake. Kung buhay pa si Kuya, dapat nakabalik na siya dito, 'di ba? Pero sisikapin ko pa ring makuha ang construction. Iyon ang nakakainis, Engineer ako pero walang tiwala sa akin si Daddy. Kahit si Mommy, ayaw niya pagkatiwalaan na mag-manage ng real estate at construction. Para ano pa't pinauwi niya kami rito sa Maynila?"

Bumuga ng hangin si Aleah. Magulo talaga mag-isip ang matandang Sebastian. Pero nag-aalala siya ngayon kay Tyler. Nagmumukha na itong ganid. Dati naman ay hindi ito naghahabol sa kayamanan ng ama nito. Noong nasa Pangasinan pa sila ay simple lang ang pangarap nito, ang maging mahusay na Engineer. Pero magmula noong kinuha na ito ng tatay nito, unti-unti nang nagbabago ang kaibigan niya. Magmula elementary ay magkaklase na sila, hanggang high school, kaya kilalang-kilala na niya ito.

"Puwede ko namang pagsabayin ang trabaho ko sa real estate at sa agency, eh," sabi niya pagkuwan.

"Pero gusto nang ibukod ni Daddy ang agency. Masyado na raw magulo ang management at nadadamay ang iba niyang negosyo. Nakakainsulto 'di ba? Nawala lang si Kuya Drake, magulo na ang agency. Ako ang humahawak nito ngayon, so ako ang nagpagulo? E ayaw naman niya na hawakan ko ang construction. Samantalang iyon ang forte ko. Ano pa't pinag-aral niya ako ng engineering? Nag-e-enjoy lang ako sa agency dahil challenging," nagrereklamong pahayag ni Tyler.

"May sama ka ba ng loob sa Daddy mo, Tyler?" usig niya.

"Hindi naman dapat sasama ang loob ko, Aleah, eh, kung naging patas lang sana ang pagmamahal niya sa aming dalawa ni Kuya."

"Baka may mga dahilan lang ang Daddy mo."

"Anong dahilan? Dahil anak lang niya ako sa labas?" Tumayo si Tyler at lumapit sa bintana.

Naaawa naman siya ngayon kay Tyler. Mahirap maging anak na nanlilimos ng atensiyon at pagmamahal sa sariling ama. Pero hindi niya puwedeng sundin ang gusto nito. Mas masaya siya bilang secretary ng presidente. Four years na siya sa trabaho kaya napamahal na siya rito. Noon pa man ay iniiwasan na niyang magtrabaho sa agency dahil palaging nababalita na may nag-aaway. Baka masangkot pa siya sa away ng mga staff. May sarili talagang secretary ang agency dahil ito ang business na mas mabusisi at maselan ang operations.

NGAYONG gabi lang muli hindi nakasabay ni Aleah sa hapunan si Tyler. May importante daw itong lakad. Inabot na naman siya ng gabi sa opisina. Dahil sa nakakakilabot na karanasan niya noong isang gabi sa garahe sa rooftop, sa harap na ng building niya ipinarada ang kanyang kotse.

Wala na siyang oras para magluto kaya nagpa-take out na lang siya ng pagkain. Binuksan niya ang stereo ng kotse habang nagmamaneho. May isang minuto na siyang nagmamaneho nang maramdaman niya na parang may nakasakay sa backseat. Hindi siya tumingin sa rear view mirror. Para mapawi ang kaba niya, sinabayan niya ng kanta ang music.

"Baby I don't know what is love... Baby I don't know what is love. To love somebody..." awit niya.

Hindi siya tumigil sa pagkanta hanggang sa makarating siya sa condo. Pagbaba niya ng kotse ay wala naman siyang nakitang tao sa backseat. Pinaglalaruan na naman siya ng imahinasyon niya.

Pagdating sa unit niya, binuksan niya ang DVD player. Tinitigan niya ang tuyot nang nag-iisang stalk ng rosas na nakatulos sa flower vase na nakapatong sa center table. Nilapitan niya ito at huhugutin sana ang tuyong bulaklak pero kaagad niya itong nabitawan nang matinik ang daliri niya. Mabilis na dumaloy ang dugo mula sa sugat.

"Aw!" aniya. Pumasok siya sa kusina at hinugasan sa lababo ang nasugatan niyang daliri.

Pinisil pa niya ang nasugatang daliri para lumabas ang dugo. Mamaya ay parang grounded ang ilaw at bigla na lang namatay-sindi. Pamilyar sa kanya ang ganoong eksena. Ginupo ng kilabot ang pagkatao niya. Pinatay niya ang gripo. May narinig siyang yabag malapit sa kanya. Nahihilo na siya dahil sa patay sinding ilaw.

Pagharap niya sa likuran ay napaatras siya nang mamataan ang bulto ng lalaki na humahakbang palapit sa kanya. Nangapa siya ng kahit anong bagay pero babasaging baso lang ang nadampot niya. Pagkakuha sa baso ay akmang ihahampas niya ito sa ulo ng lalaki ngunit mabilis nitong nahawakan ang kamay niya. Biglang lumiwanag.

Para siyang natuka ng ahas sa nakita. Kusang dumulas sa kamay niya ang hawak na baso. Pero bago iyon humilagpos sa sahig ay nasalo na iyon ng lalaki. Pakiramdam niya'y binuhusan siya ng nagyeyelong tubig. Parang nag-lock ang mga panga niya at huminto sa pagtibok ang puso niya nang makita sa kanyang harapan si Drake Harvey Sebastian. Nakasuot ito ng itim na jacket at itim na pantalon. Pero bakit ito naroon? Minumulto ba siya nito?

Umiling-iling siya. "Hindi ka totoo. Panaginip lang 'to. Nananaginip lang ako, Diyos ko!" nanginginig ang tinig na palatak niya.

"It's not a part of your dream, lady. I'm real," sabi ng lalaki.

Kamuntik nang himatayin si Aleah. Pero nahimasmasan siya nang lumingkis sa baywang niya ang isang kamay ni Drake. Napayakap siya rito. Bumalik sa tamang huwisyo ang isip niya nang malapitang matitigan niya ang mukha ng lalaki. Kumurap-kurap siya at kulang na lang ay sampalin niya ang sarili para maniwalang hindi siya nananaginip.

"Huwag kang matakot, wala akong gagawing masama sa 'yo," wika ng lalaki.

Nang maramdaman niya ang unti-unting pagbitiw nito sa kanya ay kusa na siyang lumayo rito. Kumapit siya sa gilid ng lababo.

"P-Patay ka na. May sumaksak sa 'yo!" nangangatal pa rin ang tinig na sabi niya.

"Yes, I'm dead and I know you know who killed me."

Napanganga si Aleah. Hinigpitan pa niya ang kapit sa lababo dahil parang matutuluyan siyang himatayin. Totoo ba ang narinig niya? Patay na nga itong lalaki? Pero bakit nakakausap niya ito at nahahawakan?

Sa pagkakataong iyon ay sinampal-sampal na niya ang sariling pisngi. "Wake up, Aleah, wake up!" utos niya sa sarili.

"Kahit saktan mo ang sarili mo, hindi ka magigising dahil gising ka na," sabi pa ni Drake.

Tumigil siya sa pagsampal sa sarili. Tinitigan niya muli ang lalaki. Hindi naman ito mukhang bangkay.

"I-Imposible. Sabi mo patay ka na pero bakit ka narito? Bakit nakakausap kita?" nalilitong tanong niya.

"Mahirap ipaliwanag. Ang alam ko patay na ako pero bigla akong nagising sa isang kuweba. Wala akong sugat. Pero may nagbago sa katawan ko..." Isinalaysay nito ang nangyari.

NAGISING si Drake sa madilim na kuweba na may masangsang na amoy. Kinapa niya ang hubad-baro niyang katawan. Wala siyang makapang sugat saan mang parte ng katawan niya. Bumangon siya at humakbang palapit sa bunganga ng kuweba. Nang lalabas na siya'y bigla siyang napabalik sa loob dahil malapnos ang balat niya sa mukha at katawan nang masikatan ng araw. Pero dagli ring humilom ang lapnos sa balat niya. Nawindang siya.

"You can't stay under the sun. Masusunog ka at magiging abo."

Nilingon niya ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Nakita niya ang matangkad na lalaking nakasuot ng itim na jacket na abot hanggang tuhod ang laylayan at itim na pantalon. Maliwanag na sa bahaging iyon kaya nakikita niya ang maputlang balat nito. Ga-balikat ang kulot at abuhin nitong buhok. Ang umagaw sa atensiyon niya ay ang malalim nitong mga mata na nangingitim ang eye bags. Kulubot ang balat nito sa mukha.

"S-Sino ka?" balisang tanong niya.

"Ako si Herio, isang imortal na limang-dang taon nang nabubuhay sa mundo. Nakita kitang inihagis ng mga lalaki sa masukal na kagubatan at iniwang naghihingalo. Nararamdaman kong inosente ka kaya napagpasyahan kong bigyan ka ng pagkakataong mabuhay. Binuhay kita sa pamamagitan ng dark reincarnation. Kinagat kita at nagsalin ako ng virus sa dugo mo. Isang vampire virus na mabilis kumalat sa pamamagitan ng aming laway at dugo. Pero hindi ko intensiyong mapasama ka. Ang gusto ko lang ay mabuhay ka. Nasa iyo na ang desisyon kung paano mo gagamitin ang ibinigay ko sa iyong pangalawang buhay," paliwanag ng lalaki.

Tulala si Drake matapos mag-sink in sa utak niya ang mga sinabi ng lalaki. Hindi siya makapaniwala. Napakaimposible ang sinasabi nito. Pero posible rin dahil imposibleng mabuhay pa siya sa kabila ng brutal na ginawa sa kanya ng mga lapastangang kalalakihan.

"Marami pa siyang sinabi na parang napakaimposible. Pero napatunayan niya sa akin lahat na totoo ang kanyang mga sinabi," ani Drake.

Nawindang si Aleah sa kuwento ng binata. Pero sarado ang isip niya para kaagad na maniwala rito. "A-ano pa ang nabago sa 'yo?" curious na tanong niya. Humuhupa na rin ang takot niya.

"Hindi ako puwedeng maarawan. Masusunog ako. Nasasabik ako sa amoy ng dugo ng hayop at tao," patuloy nito.

Umawang lang ang bibig ni Aleah. Ang naiisip niya sa deskripsiyon nito ay isang bampira. Pero imposible iyon. Hindi siya naniniwala na merong bampira na nag-e-exist sa mundo. Bigla siyang natawa sa kanyang naisip.

"What's funny?" anito.

Tumigil siya sa pagtawa. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyayari. Kinuha niya ang sandok na abot kamay niya. Pagkuwan ay kinalabit niya ang kamay ng lalaki gamit ang sandok. For sure na buhay nga ito.

"Hey! What are you doing?" naiiritang tanong nito.

"B-Buhay ka nga. Pero paano ka nakapasok sa unit ko? Ikaw ba iyong nagpaparamdam sa akin?" matapang nang tanong niya.

"Yes. Kaya kong lumusot sa maliliit na butas."

Hindi niya napigil ang pagtawa. Konti na lang ay masisiraan na siya ng bait. Tumigil lang siya sa pagtawa nang mapansin niya ang matamis na ngiti ni Drake. Doon niya na-realize na mas guwapo pala ito sa malapitan. Pero nakaka-turn off ang mga sinasabi nito tungkol sa sarili nito. Hindi kaya nagkaproblema ito sa pag-iisip?

"Hindi ko alam kung maniniwala ako sa iyo. Kung kokonsintihin kita, baka sa mental hospital ako matatagpuan bukas makalawa," sabi niya pagkalipas ng dalawang segundong katahimikan.

"Kung ipapakita ko sa 'yo ang totoo kong anyo, baka himatayin ka," hamon nito.

"Ha? A-Anong anyo?"

"Reincarnation is real. And it's happened to me after the night of my last breath. Hindi na ako normal na tao."

Hindi na nakaimik si Aleah. Pinagmamasdan lang niya si Drake, habang palapit ito sa mesa. Dinampot nito ang kutsilyo. Nawindang siya nang bigla nitong hiniwa ng kutsilyo ang kaliwang pisngi nito. Pero parang magic na mabilis ding humilom ang sugat nito. Wala man lang siyang nakitang dugo. Pakiramdam niya'y nalusaw ang mga buto niya sa tuhod. Bigla siyang nanlumo.

"I can seduce you if I want. And I can hypnotize your mind. Kaya kong bumuo ng hallucinations sa utak mo. Natuklasan ko ang kakayahan ko noong nagpumilit ako na magparamdam sa 'yo na hindi mo ako nakikita," sabi nito. Humahakbang na ito palapit sa kanya.

"W-Wala kang pinagkaiba sa multo," sabi niya. Bumabalik ang kaba niya.

"Ang pagkakaiba ko, kaya kong makisama sa mga tao na parang normal."

"Tinatakot mo ba ako?"

"Wala akong intensiyong takutin ka. Ang pakay ko lang naman ay malaman kung sino ang pumatay sa akin."

"Hindi ko sila kilala. At paano mo nalaman na nakita ko ang krimen?"

"Nakita kita noon na nagtatago sa poste. Nalaman ko na ikaw 'yon dahil nabasa ko sa isip mo noong minsan kitang nakita sa opisina. Iniisip mo ang nangyaring krimen."

"Pero bakit hindi mo nakita sa isip ko kung sino ang mga nakita kong tao na pumatay sa 'yo?"

"Hindi na masyadong malinaw sa isip ko ang mukha ng lalaking nakita mo. Hindi ko rin siya kilala."

Natatanggap na ng sistema ni Aleah ang katotohanan kay Drake. Pero muling nabuhay ang takot niya na baka dahil sa pang-uusig nito sa kanya ay matagpuan na rin siya ng mga suspect. Malakas ang kutob niya na may mas makapangyarihang tao na nagplano sa pagpatay kay Drake.

"Bakit hindi ikaw ang maghanap ng hustisya? Tutal kaya mo namang makisalamuha sa mga tao," suhesyon niya.

"Gusto kong dumaan sa tamang proseso ang pagresolba sa kaso. Ayaw kong maging marahas. May pagkakataon na hindi ko kayang kontrolin ang sarili ko. Hanggat maari ay ayaw kong pumatay ng tao. Nagnanakaw ako ng dugo sa mga hospital dahil ayaw kong pumatay. Pero minsan, mahirap pigilan."

Kinikilabutan siya sa kuwento nito. Paulit-ulit siyang bumuga ng hangin. Tinalikuran niya si Drake.

"Ayaw kong masangkot sa gulo," balisang sabi niya. Nakarating na siya sa sala.

Sinundan siya ni Drake. "Ikaw lang ang makakatulong sa akin, Aleah," sabi nito.

Hinarap niya ito. Hindi siya kaagad nakapagsalita nang may isang dangkal na lang ang pagitan nito sa kanya. Bumuntong-hininga siya.

"Natatakot ako baka bigla nila akong balingan," mahinahong sabi niya.

"Hindi ka nila magagalaw. Kapag sinaktan ka nila, mapipilitan akong patayin sila," matatag na sabi nito.

Lalo siyang kinabahan. Kung ganoon ang mangyayari, mas gugustuhin pa niyang manahimik na lang.

"Please, huwag ako ang guluhin mo. Maawa ka sa akin. Kahit kailan puwede kang bumalik kung gusto mo. Hindi pa naman confirmed ng mga pulis na patay ka na. Puwede mong idahilan na nakaligtas ka o kaya'y may tumulong sa 'yo," pakiusap niya.

"Mas delikado iyon. Maaalarma ang kaaway kapag bumalik ako."

"Pero iyon ang paraan para mas madali mong matukoy kung sino ang mga suspect."

"Hindi ko 'to magagawa mag-isa. Kailanga ko ang tulong mo. Ayaw kong idaan sa karahasan ang paghihiganti ko. Pero nakita ko ang mangyayari sakaling makita ko ang pumatay sa akin. Mapapatay ko sila. Kailangan kong mapigil 'yon. Kailangan makontrol ko ang galit ko."

Napaupo sa sofa si Aleah. "Hindi kita matutulungan," sabi niya.

"Hindi kita lulubayan," matatag na sabi ni Drake.

Tiningnan niya ito ng matalim.

Umupo sa katapat niyang sofa ang binata. Hinugot nito ang natuyong rosas sa flower vase. Parang sinadya nitong matinik ang kamay nito. Pagkatapos ay ipinatak nito ang sariling dugo sa tuyot nang rosas. Nagulat siya nang masaksihan ang unti-unting pagkabuhay ng rosas. Parang sariwa ulit ito.

"Napansin ko, boring ang buhay mo. Halos wala ka nang time mag-relax. Bakit hindi ka pa naghanap ng partner?" sabi nito pagkatapos ibalik sa flower vase ang sariwang bulaklak.

Namamangha pa rin siya kaya hindi siya nakapagsalita. Nakatitig lang siya sa guwapong binata na kaharap niya.

"Kapag ako ang kasama mo, hindi ka mabo-bored," patuloy nito.

Napalunok siya. Tumuwid ang likod niya. Alam niya, inaaliw lang siya nito para makombinsi siya na tulungan ito.

"Sanay na akong mag-isa," aniya.

"What about love? Did you love someone?"

"Never pa akong pumasok sa isang relasyon. Wala pa sa bokabularyo ko ang pakikipagrelasyon."

"Ang sabihin mo, hindi mo alam kung paano pumasok sa isang relasyon."

"Wala ka nang pakialam doon. Umalis ka na. Kailangan kong matulog nang maaga," aniya. Tumayo siya at sana'y iiwan ang lalaki.

"I want to know more about you, Aleah," sabi ni Drake, na siyang nagpapigil sa kanya.

Masyado na iyong personal. Hinarap niya itong muli. "Hindi tayo personal na magkakilala. Isang beses lang kitang nakita bago nangyari ang krimen. Malamang, hindi mo pa ako kilala noon," aniya.

"And so? Sa ilang araw na pagsubaybay ko sa iyo, I found something interesting about you. I want to touch your life, Aleah."

"Shut up! Nililigaw mo lang ako! Hindi pa rin ako tutulong sa iyo!" singhal niya rito.

"Sige, gugustuhin mo talagang multuhin kita gabi-gabi." Tinakot pa siya nito.

"Hindi na ako matatakot ngayon dahil kilala na kita."

Tumikwas ang isang kilay ni Drake. "Pero hindi mo ako maiiwasan, Aleah," giit nito.

"I can! Umalis ka na bago pa ako magtawag ng security!" pagtataboy niya rito.

Tumuloy na siya sa kusina. Hindi na siya sinundan ni Drake.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top