Chapter One

WALANG tigil sa pagtakbo si Aleah pero pakiramdam niya'y hindi siya umaalis sa puwesto niya. Hinahabol pa rin siya ng mga kalalakihan. Pagdating sa madilim na kanto ay huminto siya. Mamaya ay may tumawid sa harapan niya. Napakabilis ng pangyayari. Nararamdaman niya na parang may tao sa likod niya. Paglingon niya sa likuran ay mukha ng pangit na lalaki ang nakita niya.

"Aaaahhh!" sigaw niya.

Pagkurap niya'y nakikita niya ang mukha ni Drake Harvey Sebastian na duguan.

"Tulungan mo 'ko..." sabi nito.

Nagulat siya nang may lalaking sumulpot sa likuran ni Drake at pinagsasaksak ito...

BUMALIKWAS ng upo si Aleah. Hingal na hingal siya. Malamig ang buong kuwarto niya pero pinagpapawisan siya. Hindi lang iyon ang unang beses na napanaginipan niya si Drake. Palaging ganoon ang eksena. Humihingi ng tulong ang lalaki. Napaluha siya habang inaalala ang krimeng nasaksihan niya noong gabi sa garahe ng Sebastian-Santiago Group of Companies o mas kilalang SSGC kung saan siya nagtatrabaho bilang secretary ng presidente ng kumpanya.

Magmula noong gabing iyon ay hindi na payapa ang tulog niya. Walang araw na hindi niya naaalala ang nangyari. Naaawa siya sa lalaki. May isang buwan na rin ang nakalipas magmula noong nangyari ang krimen. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ang katawan ng binata. Namukhaan niya ang isa sa kalalakihang sumaksak kay Drake, pero hindi niya kilala.

Mabilis lamang siyang naligo. Sa tuwing Lunes lang niya sinusuot ang uniform niya na itim na mini skirt at light blue na coat. Freestyle naman ang postura niya sa ibang araw. Hindi naman siya sinisita ng boss niya kahit ano ang isuot niya. Hindi kasi siya sanay na nakikita ang binti niya kahit maputi naman at makinis. Mahilig siya sa fitted jeans na may matingkad ng kulay katulad ng pula, dilaw at orange. Mahilig siya sa blouse with collar pero light ang kulay katulad ng puti at light pink. Hanggang dalawang pulgada lang ng takong ng sandals o sapatos ang kaya niyang isuot. Kapag lumalabas siya o may dadaluhang party ay nagsusuot siya ng dress pero hindi lantad and likod at binti niya. Mahilig siya sa ponytail na may laso. Madalas niyang itinatali ng mataas ang ga-baywang niyang buhok.

Ang sabi ng katrabaho niya, maka-old-fashioned daw siya at mukhang conservative. Aminado siya kaya siguro hanggang tingin lang ang mga lalaking nahahalata niya na may lihim na pagtingin sa kanya. Iyon kasi ang turo sa kanya ng Mama niya. Maging simpleng babae siya para walang lalaking umabuso sa kanya.

Isinuot niya ang dilaw niyang maong na pantalon na hapit sa kanya. Pinarisan niya ito ng puting blouse na medyo manipis at may botones hanggang laylayan. Nagdala lang siya ng coat dahil maginaw sa opisina niya. Hinayaan niyang nakalugay ang buhok niya para matuyo. Pinahiran niya ng pink lipstick ang labi niya saka naglagay ng pulbo sa mukha. Kontento na siya sa ganoong hitsura niya. May tiwala naman siya na ang mga mata niya na kinaiinggitan ng mga katrabaho niyang babae ang magsisilbing lucky charm niya. Halos lahat ng kausap niya ay unang napapansin ang mga mata niya na almond shape. Natural kasi na light brown ang eyeballs niya, na namana niya sa Lola niya na ina ng kanyang ama. May lahing Indian ang Lola niya. Nakuha rin niya rito ang mahahabang pilik-mata nito na makakapal. Pero ang matangos niyang ilong na makitid ay namana niya sa kanyang ina pati ang maninipis at hugis-puso niyang labi na natural ang pamumula.

Pagpasok ni Aleah sa opisina ay nadatnan niya si Tyler na nakaupo sa harap ng office table niya. Ito ang stepbrother ni Drake, pero walang maayos na posisyon sa kumpanya dahil mas gusto nitong tutukan ang construction company na pilit nitong inaangkin. Childhood friend niya si Tyler at ito ang nagrekomenda sa kanya sa Daddy nito na magtrabaho sa kumpanya ng mga ito. Pagka-graduate niya ng college ay nagtrabaho siya sa isang motor cycle company sa Pangasinan. Masaya naman siya sa dating kumpanya dahil mabait ang amo niyang Chinese. Ang hindi lang niya gusto ay pinagseselosan siya ng asawa ng boss niya. May isang taon siya sa kumpanya bago siya nakombinsi ni Tyler na lumuwas ng Maynila at nagtrabaho sa SSGS. Nagkataon noon na matagal nang nangangailangan ng secretary ang Daddy ni Tyler. Noong ipinakilala siya nito sa ama nito ay walang alinlangang tinanggap siya ng Ginoo.

"You're late," nakangising bungad nito sa kanya.

"Traffic kasi," dahilan niya. Inilapag niya ang kanyang bag sa ibabaw ng mesa.

"Ang sabihin mo, tanghali ka nang nagising," anito.

Bumuga siya ng hangin. "Hindi kasi ako nakatulog kaagad kagabi," sabi niya.

"Bakit? Hindi ba maganda ang pakiramdam mo? Ang tamlay mo ngayon. Are you okay, Aleah?"

"Okay lang ako. Kulang lang ako sa tulog."

"Nagkape ka na ba?"

"Ayaw ko nang magkape. Lalong hindi ako nakakatulog."

Tumayo si Tyler. "Pansamantala, ako muna ang hahalinhin kay Daddy. Busy siya sa pag-aasikaso sa kaso ni Kuya Drake," pag-iiba nito sa usapan.

Bumilis ang tibok ng puso niya. Sa tuwing naiisip niya si Drake ay kinakabahan siya.

"May balita na ba sa kanya?" tanong niya.

"May dumating na report kagabi. Nakita ng mga pulis ang cellphone ni Kuya doon sa masukal na bahagi ng North Caloocan. Medyo malalim ang bahagi ng lupain. May nakuhang blood stain ang SOCO team at ini-imbestigahan pa."

"Pero hindi ba nakita ang katawan niya?"

"Nope."

Naisip niya, posible kayang nakaligtas si Drake? Pero sa ginawa ng mga suspect, obvious na balak patayin ng mga iyon si Drake.

Kumislot si Aleah nang biglang dutdutin ni Tyler ang tungki ng ilong niya.

"Tulala ka na naman d'yan," sabi nito.

Tiningnan lang niya ito.

"Hindi muna kita masasabayang mag-lunch mamaya. May pupuntahan ako," sabi nito pagkuwan.

"Okay lang," tipid niyang sagot.

"Aalis na ako," paalam nito.

Tumango lang siya.

NADATNAN ni Tyler ang Daddy niya na umiiyak. Sumunod siya rito sa opisina ng SOCO. Sinalubong kaagad siya ng balita na positibo na dugo ni Drake ang nakuha ng mga pulis. Posible raw na patay na ang kapatid niya.

Sinamahan niya ang Daddy niya hanggang sa bahay. Panay ang himas nito sa dibdib nito-na maaring kumikirot dahil sa pagdadalamhati sa anak.

"I don't believe them. Drake is not dead!" nanggagalaiting sabi ng Daddy niya.

"Dad, almost one month nang hindi nakikita si Kuya. Kung may nakakuha man sa kanya, mababalitaan natin iyon." aniya.

"Hanggat hindi ko nakikita ang katawan ng anak ko, hindi ako maniniwalang patay na siya! Kung sino man ang lapastangang gumawa nito sa kanya, sisiguruhin ko na mabubulok siya sa kulungan!"

Naiinis siya. Halos hindi na natutulog ang Daddy niya sa kakaintindi kay Drake. Ang ikinakatakot niya ay baka bigla itong magkasakit. Paano na ang kumpanya? Hindi pa nito pormal na naitu-turn over ang lahat na negosyo sa kanya. Malamang, si Drake ang hinihintay nito. Kaya hinimok nito si Drake na umuwi mula Davao ay para maayos nito ang mana. Minsan ay naisip niya na sana ay huwag nang bumalik si Drake, dahil siguradong matutuloy ang plano ng Daddy niya na hindi patas ang paghati ng kayamanan nito.

Hindi pinansin ng Daddy niya ang pagmamagandang-loob niya. Ayaw nito na inaalalayan. Pakiramdam niya'y hindi nito tanggap ang pagkatao niya. Pinabayaan na niya ito. Tumambay siya sa mini bar at nagbukas ng isang bote ng beer. Sumandig siya sa counter.

"Ang unfair talaga. Kung sino pa iyong nagmamalasakit, siya pa ang hindi pina-prioritized," inis na wika niya.

Mamaya ay dumating ang Mommy niya. Hindi niya alam kung saan na naman ito nanggaling. Palagi itong umaalis. Lumapit ito sa kanya at humalik sa kanyang pisngi.

"Ang dilim ng aura mo ngayon, hijo. May problema ba?" usisa nito.

"Nade-depress si Dad," sabi niya.

"O, dahil kay Drake? Ano na ba ang balita?"

"Ang sabi ng mga pulis, ninety percent na patay na si Kuya Drake."

Nanlaki ang mga mata ng ginang. Pagkatapos ay bigla itong natawa. "O, eh bakit parang nagluluksa ka na? Hindi ba iyon naman ang gusto mong mangyari? Mapupunta na sa 'yo lahat ng mana sakaling patay na nga si Drake."

Napaisip siya dahil sa sinabi ng ina. At bigla siyang napangiti.

SUMASAKIT na ang ulo ni Aleah. Tinambakan kasi siya ng trabaho. Hawak na rin niya ang record ng security agency dahil nag-resign na ang secretary ni Tyler. Naabutan na siya ng gabi. Nang humilab na ang sikmura niya ay tumayo siya at iniligpit ang mga gamit. Ang ibang papeles ay dadalhin niya sa bahay para doon tapusin.

Pagdating niya sa garahe ay kotse na lang niya ang natitira. Pinamana pa sa kanya ng Papa niya ang kotse na iyon. Regalo sana iyon ng Papa niya sa Kuya niya. Ang kaso, namatay sa engkuwentro ang Kuya Ivan niya. Dating pulis ang Kuya niya, pero binatang namatay. Ang Papa naman niya ay retired police. Minsan sa isang buwan lang niya nadadalaw sa Pangasinan ang kanyang mga magulang. High school teacher ang Mama niya at reterado na rin.

Katunayan, nag-aral siya ng BS Criminology pero hindi niya natapos. Naka-isang taon lang siya. Pagkatapos ay kumuha siya ng kursong Secretarial Management. Ipinasok na niya lahat ng gamit sa backseat ng kotse. Sasakay na sana siya nang biglang tumunog ang cellphone na nasa bulsa ng pantalon niya. Si Tyler ang tumatawag.

"O, Tyler," sagot niya.

"Nag-dinner ka na ba?" tanong nito.

"Hindi pa. Pauwi pa lang ako."

"Susunduin na kita d'yan. Dala mo ba ang kotse mo?"

"Oo."

"Okay, papunta na ako," sabi nito saka naputol ang linya.

Bumuga siya ng hangin. Ang totoo'y gusto na talaga niyang umuwi. Ayaw na niyang gumala. Pero hindi niya matanggihan ang kaibigan.

Isinara niya ang pinto ng kotse saka sumadig sa likuran nito. Nagtitipa siya sa cellphone nang biglang namatay ang ilaw sa uluhan niya. Pero kaagad din iyong bumukas. Ilang sandali lang ay namatay-sindi ang ilaw. Doon lang naman banda sa puwesto niya.

Kumislot siya nang may kung anong tumawid sa harapan niya. Parang anino na mabilis. Binalot na ng takot ang puso niya. Tumayo siya ng tuwid. Patay-sindi pa rin ang ilaw, hanggang sa parang sasabog na ito. Tumindig ang mga balahibo niya dahil sa malamig na hanging dumadampi sa balat niya. Iginala niya ang paningin sa paligid. Wala siyang nakikitang ibang tao. Dahandahan siyang humahakbang palapit sa pinto ng driver seat. Panay ang lingon niya sa likuran habang kinakapa ang pinto ng kotse.

"Hump!" Kumislot siya nang may kamay na humawak sa kamay niya'ng kumakapa sa pinto. Kasabay niyon ay steady na ang ilaw.

"You look scared. What's wrong?" sabi ni Tyler sabay bumungisngis.

Binawi niya ang kamay na hawak nito. Pakiramdam niya'y sasabog ang puso niya dahil sa matinding kaba. Hinanap niya ang kotse ni Tyler.

"Nasaan ang kotse mo?" tanong niya matapos pakalmahin ang dibdib.

"Iniwan ko sa baba. Sa elevator ako dumaan. Ipagmamaneho na kita pababa," nakangiting sabi nito.

Bumuntong-hininga siya. "Okay. Thanks," aniya pagkuwan.

PAGDATING sa isang restaurant sa Quezon Avenue ay inilatag ni Aleah ang mga papeles na kailangan niyang maiayos. Si Tyler na ang nag-order ng pagkain nila. Salamin ang palibot ng restaurant at pinili niya ang puwesto sa pinakagilid malapit sa pinto.

"Hey! Ano ba 'yan? Working hard anywhere? Magpahinga ka naman," sita sa kanya ni Tyler.

"Kailangan kong tapusin 'to dahil kung hindi ay lalong dadami trabaho ko," sabi niya habang hindi mabitawan ang tambak na papeles.

"Pumapayat ka na, Aleah. Bakit hindi ka muna mag-leave para makapagpahinga ka?"

"Hindi puwede. Lalo na ngayon na may problema si boss."

"Don't mind him. Magmula next month, ako na ang magma-manage ng lahat na kumpanya ni Daddy."

Tumitig siya nang deretso sa mukha ni Tyler. Maaliwalas ang anyo nito. Hindi niya lubos maisip kung paano pa nito nagagawang magsaya samantalang nawawala ang kapatid nito.

"Masaya ka ba na nawala si Drake?" usig niya rito.

"What?" Naglaho ang ngiti nito.

"Curious lang ako, Tyler. Para kasing balewala lang sa 'yo ang nangyayari sa pamilya mo."

Bakas sa mukha nito ang iritasyon. "Sinasabi mo ba na gusto kong mawala si Drake? Are you accusing me, Aleah?" matigas ang tinig na sabi nito.

"Hindi, Tyler. Ayaw ko lang na nagkakaganyan ka."

"What's wrong with me, Aleah? Ano'ng gusto mo? Magluksa ako sa pagkawala ni Kuya Drake? Hindi pa naman confirmed na patay na siya, eh." Tumataas na ang timbre ng boses nito.

Hindi na siya kumibo nang dumating ang order nitong pagkain. Itinabi muna niya ang mga papeles para kumain. Bawat subo niya ay napapatingin siya sa labas. Bigla ring nanahimik si Tyler.

Nang muli siyang tumingin sa labas ay napamata siya nang makita niya ang pamilyar na lalaking nakatayo sa tapat ng poste may dalawang dipa lang ang layo sa kanila. Itim ang kasuotan nito mula ulo hanggang paa. Nakatingin ito sa kanya. Habang tumatagal na nakatingin siya sa lalaki ay unti-unti niya itong nakikilala. Hanggang sa dumako sa isip niya si Drake. Pero bakit niya ito nakikita? Hindi na niya nagawang kumain dahil parang sasabog ang puso niya dahil sa sobrang bilis ng pagtibok nito.

May dumaan lang na babae sa tapat ng lalaki. Pagkurap niya, wala na ito sa kinatatayuan nito. Iginala niya ang paningin sa labas. Wala na ang lalaki.

"Aleah!" tawag sa kanya ni Tyler.

Mabilis niyang ibinaling ang tingin sa kasama. Titig na titig ito sa kanya. "Bakit?" tanong nito.

"Uhm, w-wala," tipid niyang sagot. Itinuloy niya ang pagsubo. Pero maya't maya ang tingin niya sa labas.

"HUWAG mo na akong ihatid, Tyler. Malapit na lang naman ako sa condo," sabi niya kay Tyler paglabas nila ng restaurant.

"Sige. Mauuna na pala ako." Nagpaalam na ito.

Pag-alis ni Tyler ay sumakay na rin siya sa kanyang kotse. Pasado alas-diyes na ng gabi kaya hindi na masyadong traffic. Binabaybay niya ang kalye papasok sa tinutuluyan niyang condominium. Bumagal ang pagmamaneho niya nang mapansin niya sa rear view mirror na parang may tao sa backseat. Kumabog na naman ang dibdib niya. Una'y hindi niya ito pinansin. Nag-sign of the cross siya. Iniwasan niyang tumingin sa salamin hanggang sa makarating siya sa garahe ng condominium.

Bumaba kaagad siya. Nagulat siya nang mapansing nakabukas na ang pinto sa bandang kaliwa ng backseat ng kotse. Pero wala naman siyang nakitang ibang tao sa paligid. Nagmamadaling dinampot niya ang mga gamit saka patakbong pumanhik sa third floor ng condo kung saan ang inuukupa niyang kuwarto. Nag-lock kaagad siya ng pinto. Pumasok siya sa kanyang kuwarto at nagbihis.

Paghiga niya sa kama ay kaagad siyang nagtalukbong ng kumot. Hindi siya nakakatulog na may ilaw pero sa pagkakataong iyon ay hinayaan niya na maliwanag. Hindi na niya nagawa ang dapat gawin dahil sa namamahay na takot sa puso niya.

Makalipas ang halos kalahating oras ay gising pa rin ang diwa ni Aleah. Pinapakiramdaman lang niya ang paligid. Kahit anong gawin niya ay maya't mayang dumadapo sa isip niya ang imahe ni Drake. Nakikita niya ito sa kanyang isipan. Naisip niya, baka dala lang iyon ng trauma dahil sa nasaksihan niyang krimen. O baka naman inuusig na siya ng kanyang konsiyensiya at kailangan na niyang humarap sa mga pulis at sabihin ang kanyang nakita. Pero natatakot siya baka bigla siyang balikan ng mga suspect. Pero ang mga nararamdaman niyang kakaiba at mga panaginip tungkol kay Drake ay isang sinyales na naghahanap ng hustisya ang biktima.

Umupo siya nang pakiramdam niya'y inaapuyan ang kanyang katawan. Hinanap niya ang kanyang cellphone pero wala sa kanyang tabi. Mamaya ay biglang namatay ang ilaw. Baka nawalan ng kuryente. Pero imposible dahil naka-ready ang generator ng condo. May liwanag na nagmumula sa labas na tumatagos sa siwang ng kanyang bintana. Habang lumilipas ang sandali na nakatanaw lang siya sa kanyang harapan ay isang bulto ng lalaki ang naaninag niya na nakatayo sa paanan niya.

Pumikit siya at taimtim na nagdasal. Alam niya hindi totoo ang nakikita niya. Likha lang iyon ng imahinasyon niya dahil sa takot. Nang muli siyang nagmulat ng mga mata ay maliwanag na ang paligid. Kasabay niyon ay gumaan ang pakiramdam niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top