Chapter Fifteen (Final)
WALANG nagawa si Shakira nang isama siya ng Daddy niya sa New York. Kahit isang linggo na siyang naglalagi sa bahay nila sa New York ay lutang pa rin ang isip niya. Mag-isa siyang nag-aalmusal sa mahabang mesa na maraming pagkain. Maagang umalis ang Daddy niya para sa meeting nito sa hotel samantalang tulog pa ang Mommy niya. Ganoon ang buhay niya sa totoong mundo niya. Wala siyang mga kaibigan sa loob ng malapalasyong bahay. Ang mga kasam-bahay ay abala sa trabaho. Lahat ng kailangan niya ay mga silbidora ang nag-aasikaso. Naninibago siya.
Pagkatapos niyang mag-almusal ay tumambay siya sa lobby. Binuksan niya ang telebisyon at nanood ng anime. Naramdaman niya ang presensiya ng kanyang ina na lumapit sa kanya.
"Hija, mag-prepare ka. Sa hotel tayo magla-lunch mamaya kasama ang Anderson family. It's time for you to meet your fiance," sabi ng Mommy niya.
Para na lang siyang batang umaayon sa desisyon ng mga magulang niya. Hindi siya nagrereklamo.
"Later, Mom," sagot niya.
"It's nine o'clock in the morning. Maligo ka na at isuot mo ang damit na binili ko. Ayusin mo rin ang sarili mo. Nangangayayat ka. Ano ba ang pinaggagawa mo sa Manila? Ang sabi ng Kuya Jairo mo, maganda na ang katawan mo noong nagkita kayo. At natutuwa ako dahil umalis ka na sa banda at tumigil sa bisyo. Mabuti nakapag-isip-isip ka. Sige na, maligo ka na," palatak nito.
In-off niya ang telebisyon saka nagtungo sa second floor kung saan ang kuwarto niya. Halos isang oras siyang naligo. Tinitigan muna niya ang half shoulder light blue dress na isusuot niya. Light blue rin ang kasama niyong two inches sandals. Nang maisuot ang damit ay humarap siya sa malaking salamin. Tama ang Mommy niya, nangangayayat na siya.
Kinuha niya ang makeup kit niya saka inayusan ang kanyang sarili. Roses red lipstick ang ginamit niya at manipis lang na face powder. Naglagay rin siya ng eyeliner na lalong nagpasingkit sa mga mata niya. Isinuot niya ang white gold necklace na binigay ng Mommy niya. Mayroon iyong munting buwan na pendant. Habang pinagmamasdan niya ang kanyang sarili sa salamin ay bigla niyang naisip si Calvin AKA Jereck. Sariwang-sariwa pa rin ang sugat sa puso niya.
"Nasaktan na naman ako. Kaya ba ako paulit-ulit na nasasaktan ay dahil itinakda talaga akong ikasal sa lalaking hindi ko mahal? Ang lupet n'yo naman sa akin, earth," kausap niya sa kanyang sarili.
Pinigil niya ang nagbabadyang pagpatak ng luha niya. Mamaya ay may kumatok sa pinto. Inayos na niya ang kanyang sarili at kinuha ang light blue rin niyang shoulder bag. Malamang Mommy na niya ang kumakatok dahil pasado alas-onse na ng tanghali.
Pagdating sa eleganteng restaurant ng Yasaki hotel ay iginiya siya ng Mommy niya sa VIP dining room kung saan naka-set-up ang lunch na pagsasaluhan nila kasama ang pamilya ng fiance niya. Wala siyang kahit konting pananabik sa halip ay para siyang bibitayin.
"Shakira, ayusin mo ang mukha mo. Para kang sisintinsiyahan ng kamatayan niyan. Maging presentable ka. Haharap tayo sa mga magulang ng fiance mo. Hindi sila basta-bastang tao. May-ari sila ng AA group of companies kasama ang international hotel na number one ngayon sa world market sa larangan ng hospitality industry. Ang pamilya nila ang isa sa may pinakamalaking investment dito sa New York. Spanish-American si Mr. Anderson at Pinay naman ang asawa niya na nag-migrate lang dito pero mayroon din silang hotel sa Davao at Cebu. Ang panganay nilang anak na babae ang namamahala ng business nila sa Pilipinas. Doon na ito nakapag-asawa," litanya ng Mommy niya habang magkatabi sila sa silya.
Dumating na rin ang Daddy niya kasama ang malamang mag-asawang Anderson. Nang makita niya nang personal si Mr. Anderson ay pamilyar sa kanya ang hilatsa ng mukha nito. Guwapo ito kahit nagkakaedad na. Maganda rin ang asawa nito kahit medyo mataray ang hilatsa ng mukha. Nakasuot ng black suit si Mr. Anderson, samantalang cream dress naman ang suot ng asawa nito'ng tadtad ng gintong alahas ang katawan. Makapal din ang makeup nito katulad sa Mommy niya. Terno ang suot nila ng Mommy niya.
Hinatak siya patayo ng Mommy niya nang makalapit na sa kanila ang mga bisita. Mukhang matindi talaga ang pangangailangan ng parents niya dahil todo asikaso ang mga ito sa parents ng fiance niya. Hindi pa niya kayang ngumiti sa mga ito.
"Welcome to our hotel, Mr. And Mrs. Anderson!" todo ngiting bati ng Mommy niya sa mag-asawa.
"Thank you. So, is she your daughter?" tanong ni Mr. Anderson.
"Yes." Pasimpleng kinurot ng Mommy niya ang tagiliran niya.
Napilitan siyang ngumiti at binati ang mag-asawa. "Nice to meet you both, Sir, Ma'am," naiilang na sabi niya.
"You may call us Mom and Dad, now, Shakira," apila naman ni Mrs. Anderson.
Ngumiti lang siya. Pagkuwan ay umupo na sila. Dumating naman ang mga pagkain. Hindi mapakali ang Mommy niya. Panay ang lingon nito sa pinto. Nakatalikod kasi sila sa pinto. Nasa kaliwa naman niya umupo ang Daddy niya. Busy na ito sa pakikipagkuwentuhan kay Mr. Anderson.
"Mare, nasaan ang anak mo?" hindi natimping tanong ng Mommy niya sa future mother in law niya.
"Oh, sorry, he called me and he said he's on the way. Hindi kasi siya nakatulog kagabi. Excited daw siya," masiglang sagot ng ginang.
Lalo lamang nanlulumo si Shakira. Wala pa rin siya sa tamang huwesyo. Sa mga sandaling iyon ay laman pa rin ng isip niya ang lalaking mahal niya na pinakawalan niya. Malamang nakauwi na sa pamilya nito si Jereck at marahil ay tinanggap na lang ang katotohanan. Nagkausap kasi sila ni Chacha noong isang araw at sinabi nito na hindi pumunta sa bar nito si Jereck. Kailangan na rin ba niyang mag-move on? Wala na siyang panahon para mag-isip. Kapag dumating ang fiance niya ay wala na siyang pag-asa. Nakasalalay rin sa desisyon niya ang kumpanya ng parents niya at ang tiwala ng mga ito sa kanya.
"Oh, he's here," bigla'y sabi ni Mrs. Anderson, na siyang nagpakabog nang husto sa dibdib ni Shakira.
Hindi niya maintindihan bakit bigla siyang kinabahan. Hindi niya makuhang lumingon para tingnan ang dumating niyang fiance. Hindi siya makagalaw. Mamaya'y banayad na kinurot ng Mommy niya ang kanyang hita. Kumislot siya.
"Ano ba, anak? Ayusin mo ang sarili mo. Nariyan na ang fiance mo," bulong nito sa kanya.
Panay ang buntong-hininga niya. Bahagya siyang nakayuko nang muli na naman siyang kurutin ng Mommy niya.
"Sorry, I'm late," narinig niyang sabi ng pamilyar na boses ng lalaki.
Natigilan siya. Parang sasabog na ang puso niya dahil sa hindi maipaliwanag na kaba. Nang mag-angat siya ng mukha para tingnan ang fiance niya na naroon na sa kanilang harapan ay para siyang tinuklaw ng ahas nang makita ito nang personal. Ngali-ngali niyang sampalin ang kanyang sarili para magising siya. Baka ika niya'y napasobra ang pag-iisip niya kay Jereck o tamang tawaging si Calvin. Nakikita na niya ito sa kanyang harapan at nakatayo suot ang abuhing tuxedo. Bagong gupit ang buhok nito na halatang bagong ligo. Nanunuot sa ilong niya ang masculine perfume na ginamit nito. He was stunning, gorgeous handsome guy standing in front of her. He gave her a mouthwatering smile.
Nangatog ang mga tuhod ni Shakira dahil sa labis na pagkasorpresa. Kahit kumrap-kurap siya at ilang ulit na kinurot ang sarili niyang kamay ay hindi nagbabago ang paningin niya sa kanyang fiance.
God! What kind of nightmare is it? Enlighten me, please.
Nahihibang na siya. Lalo siyang natolero nang ipakilala na siya ng parents niya sa kanyang fiance. At nang kinamayan siya nito ay para siyang hihimatayin. It was really him. Her fiance.
"I'm Calvin Anderson, nice meeting you, Shakira," pakilala ng lalaki habang mahigpit ang pagkakahawak sa kamay niya.
"He was twenty-five years old now and he graduated in Harvard University with Business Management course major in marketing. He was an achiever and at his young age, he proved to us that he can handle our business. He was a kind and loving son. Don't worry, Shakira, my son lived in Davao since he was four years old until fifteen years old. He's knowledgeable in Philippine culture and he's fluent in Tagalog. He never had girlfriend since birth," pagyayabang ni Mrs. Anderson sa katangian ng anak nito.
Ngiti lang ang itinugon ni Shakira. Wala siyang iniambag na salita hanggang matapos ang tanghalian. Sa tuwing magtatama ang paningin nila ni Calvin ay matamis na ngiti ang iginagawad nito sa kanya.
"Uh... excuse everyone. I would like to take this opportunity to talk to my fiancee in private. I madly want to know her more and at the same time, we will talk about the marriage," mamaya ay apila ni Calvin.
Sumang-ayon naman ang mga magulang nila. Kumislot si Shakira nang sikuhin siya ng kanyang ina. Napatayo siya at dagling sumunod kay Calvin sa isa pang kuwarto na nakalaan para sa private dinning room ng couple. Silang dalawa lang ang naroon.
Tumayo si Calvin sa tapat ng round table habang nakatalikod sa kanya. Hindi niya alam kung paano ito kakausapin.
"Why you leaved me, Shakira?" kaagad ay kastigo ng binata saka ito humarap sa kanya.
Naunahan na siya ng excitement kaya hindi niya inintindi ang kabang pilit gumugulo sa damdamin niya.
"I'm sorry. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa mga oras na 'yon. Tinawagan ko si Alvin at pinaubaya ka na sa kanya. Naisip ko, deserved mong makabalik sa totoo mong buhay. Ang totoo wala naman akong karapatang magdesisyon para sa 'yo. Tama lang naman ang ginawa ko 'di ba? Naisip ko na baka bumalik na ang alaala mo kaya hindi ka na nag-abalang puntahan ako," paliwanag niya.
Wala siyang mabasang galit sa mga mata ni Calvin pero napakaseryoso nito.
"You're right, bumalik ang alaala ko nang magising ko mula sa tatlong araw na coma sa ospital. Nang tuluyan akong maka-recover ay naging maliwanag na sa akin ang lahat. I didn't expect this, Shakira. I was surprised. At bakit pa kita pupuntahan? Magkikita rin naman tayo. Nalaman ko na sumama ka sa Daddy mo. Hindi na ako nag-alala dahil alam kong darating ang pagkakataong ito. Pero kinabahan pa rin ako baka biglang magbago ang isip mo at ipipilit mo'ng ayaw mong magpakasal sa akin Kaya pinaaga ko ang meet-up na ito para maagapan ko ang pagbabago ng isip mo," kuwento nito.
Hindi niya napigil ang pagtulo ng kanyang mga luha udyok ng pananabik. Humakbang siya palapit kay Calvin. Hindi siya nito nahintay na makalapit. Sinalubong siya nito at mahigpit siyang niyakap. Yumapos siya nang mahigpit at buong pananabik sa katawan nito.
"I'm sorry. Naging mahina ako nang matuklasan kong ikakasal ka na. Hindi ko kinaya 'yon kaya hindi ko na alam ang gagawin ko. Natatakot akong mawala ka sa akin," humihikbing wika niya.
Hinaplos ni Calvin ang kanyang pisngi. "Ano ba ang pinagsasabi mo? Huwag mo nang isipin 'yon. Wala iyong silbi dahil ikaw rin naman ang papakasalan ko. Ano, magpapakasal ka ba talaga sa akin?" usig nito.
Ngumuso siya. "Sinadya mo siguro ang nangyari. Baka hindi ka totoong may amnesia," pagdududa niya rito.
Pinisil nito ang ilong niya. "You're crazy," anito.
"Totoo bang nagpunta ka ng Maynila para makilala ako nang personal?" pagkuwan ay tanong niya. Noon lamang niya napagbuklod ang mga pangyayari at ang sinabi ng Kuya Jairo niya na nasa Pilipinas ang fiance niya para personal siyang makilala.
"Yes, desisyon ko 'yon na hindi alam ng parents ko. Sinabi ko lang na magbabakasyon muna ako sa Davao bago magpakasal. Pero ang totoo, gusto talaga kitang makilala nang personal. Siyempre, hindi ako basta-basta papakasal sa babaeng wala akong ideya kung ano ang ugali. Nag-hire pa ako noon ng private investigator para alamin kung saan ka naglalagi. Noong nalaman ko na nagtatrabaho ka sa isang bar bilang vocalist ng banda, nagdesisyon akong pumunta ng Maynila at hinanap ang bar at iyon nga ang bar ni Chacha. Patungo sana ako noon sa isang hotel para mag-check in pero noong sumakay ako ng LRT, siksikan at nalingat lang ako, may tumangay na sa maleta ko. Ang daming tao at hindi ko na alam kung saan hahagilapin ang maleta ko. Tanging wallet at cellphone lang ang naisalba ko. Pero noong patungo na ako sa bar ni Chacha ay naglakad lang ako dahil ang sabi ng napagtanungan ko ay puwede nang lakarin. Ginamit ko ang mapa sa cellphone ko. Medyo malayo pa pala. May mga batang nanlilimos sa kalye at natukso akong bigyan sila ng pera dahil hindi nila ako tinantanan. Naalala ko na maraming snatcher sa Maynila kaya hindi ko inilagay sa bulsa ang wallet ko. Hawak ko lang ito at ang cellphone ko. At noon ngang tatawid na ako ay bigla akong inararo ng kotse mo kaya nawala lahat na meron ako pati alaala ko," mahabang kuwento ni Calvin.
Pinagtawanan niya ang karanasan ni Calvin, pero nagpapasalamat siya sa nangyari dahil kung hindi ay baka na-disappoint na ito kung nakilala siya nito nang mas maaga bilang suwail na anak at ito bilang si Calvin Anderson na high profile. Baka walang kasalanang magaganap.
"Sige, tumawa ka. Pasalamat ka mahal na kita bago dumating ang point na ito," napipikong sabi nito, habang nakapulupot pa rin ang mga braso sa baywang niya.
"Sorry na. At least kilala na natin ang isa't-isa," aniya.
Ngumiti ito. "But I think magugustuhan pa rin kita kahit hindi ako nagka-amnesia noong nag-meet tayo sa Pilipinas."
"Oh? 'Di nga?"
"Huwag mo nang kuwestiyunin ang pagmamahal ko sa 'yo. Magpakasal na tayo. Pumayag na ang parents ko na sa Pilipinas tayo ikasal," sabi nito.
"Bakit doon?"
"Kasi walang divorce. Gusto ko sa Davao. Meron pa raw marang doon sabi ng ate ko."
Lalo siyang nasabik. "Sige na nga. Kailan ba kita sinuway? Sandali, ate mo ba 'yong yumakap sa 'yo sa mall?" aniya pagkuwan.
"Yap."
Hinawakan nito ang baba niya saka pinaghinang ang kanilang mga labi.
"Parinig naman ng I love you," hiling ni Calvin nang sandaling maghiwalay ang mga labi nila.
Humagikhik siya. "I love you, always and forever," masuyong sabi niya.
"Yeah, I love you too, my future wife," tugon nito.
Muling naghinang ang kanilang mga labi. Mas mainit na halik at puno ng pagmamahal. Pagkatapos ay bumalik na sila sa kanilang mga magulang. May petsa na kaagad para sa engagement at kasal.
~Wakas~
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top