Chapter Eleven


NANG makaalis na si Jairo ay saka lamang pumasok sa kanyang kotse si Shakira. May kung ano'ng malamig na hanging humipo sa puso niya nang madatnan niyang tulog na si Jereck habang nakaupo sa passenger seat. Hawak pa rin nito ang cellphone niya na nakalapat sa dibdib nito.

Marahan niyang kinuha ang cellphone niya. Nang buksan niya ang cellphone ay nagulat siya nang nakabukas ang picture gallery niya. Naka-open ang slide show ng mga litrato niya. Ibig-sabihin ay nakatulugan na lang ni Jereck ang kakatingin sa mga litrato niya?

Matamang tinitigan niya ang nahimbing na binata. Nakahilig ang ulo nito sa headrest ng upuan at bahagyang nakaangat ang ulo. Pinaglakbay niya ang paningin sa guwapo nitong mukha. Akmang hahaplusin niya ang pisngi nito nang bigla itong gumalaw at pumihit paharap sa kanya. Nawalan ito ng balanse at napasubsob ito sa kanya habang ang mukha'y sumubsob din sa kanyang dibdib.

Natigilan siya. Pagkuwan ay dahandahan niyang iniangat ang mukha nito. Tulog pa rin ito pero bigla itong nagsalita.

"Sha, trust me. I will never hurt you..." wika nito.

May ilang segundong nakatitig lang siya sa mukha ni Jereck. Na-realize niya na isa lamang si Jereck sa mababait na taong nakilala niya. Aminado siya na naging masigla ulit ang buhay niya nang dumating ito. Pakiramdam niya'y dinala siya nito sa mundong komportable siya habang kasama ito.

Maingat niyang inayos ang pagkakaupo nito saka ito kinabitan ng seat belt. Pagkuwan ay binuhay na niya ang makina ng sasakyan saka nagmaniobra. Nakapagpaalam naman na siya kay Chacha.

Saktong naiparada niya ang kotse sa harap ng apartment ay nagising si Jereck.

"Nasaan na tayo?" lulugo-lugong tanong nito.

"Nandito na tayo sa bahay," sagot niya saka siya nagpatiunang bumaba.

Nang makababa si Jereck ay in-lock niya ang kotse. Pagpasok nila sa apartment ay kaagad lumuklok sa sofa ang binata. Hinihilot nito ang sintido nito.

"Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong niya rito.

"Masakit ang ulo ko," reklamo nito.

"Kulang ka na sa tulog. Uminom ka ng tubig. Nagugutom ka ba? Ipagluluto kita kahit corned beef lang. Sandali," natatarantang sabi niya.

Nagtungo siya sa kusina at nagbukas ng isang lata ng corned beef saka ginisa sa sibuyas. Pinainit din niya ang natirang kanin sa rice cooker. Hindi rin siya nabusog sa kinain niya sa restaurant kaya sinabayan na niya si Jereck na kumain.

"Kumusta ang pag-uusap ninyo ng Kuya mo?" tanong ni Jereck nang magkasalo na sila sa hapag-kainan.

Bumuntong-hininga siya. "Kinausap lang niya ako tungkol sa desisyon ng parents ko. Gusto niyang umuwi ako at pumunta ng New York para magpakasal," aniya.

Tumawa nang pagak si Jereck. "Ang hirap naman ng kalayagan mo. So, ano'ng desisyon mo?" anito.

"Hindi pa ako pumayag. Ayaw kong magdesisyon nang padalus-dalos."

"Mukhang okay naman ang mapapangasawa mo. Kung iyon ang makakabuti sa 'yo, bakit hindi ka na lang pumayag? Kaysa ganito ka, parang daga na hindi alam kung saan lulungga."

Matamang tumitig siya kay Jereck. "Nag-e-enjoy ako sa buhay na pinili ko. I'm contented," matatag na sabi niya.

"Kahit nag-iisa ka at wala ako?" usig nito habang natamang nakatitig din sa kanya.

Napatda siya. Hindi niya makuhang sumagot. Nakapako ang paningin niya deretso sa mga mata ng binata. At habang magkatitig ang kanilang mga mata ay nabubuhay ang halo-halong emosyon sa puso niya. Naroon ang frustration, lungkot at takot. Natatakot siyang baka kapag nawala si Jereck ay baka babalik siya sa dati at lalo siyang malulugmok sa kabiguan. Hindi na niya maunawaan ang kanyang sarili.

Bakit ganito ang nararamdaman ko? Mahal ko na ba siya?

Hindi niya kinaya ang damdaming umuusig sa kanya. Umiwas siya ng tingin sa binata at minadali ang pagsubo. Pagkatapos ay nauna na siyang pumasok sa kuwarto.

MAKALIPAS ang halos isang buwan na deretsong pagtatrabaho ni Shakira ay nagdesisyon siyang magpahinga muna. Buo na rin ang desisyon niyang umalis na sa banda. Samantalang wala pang update na bago ang private investigator na in-hire niya para matukoy ang pagkakilanlan ni Jereck. Wala raw kasing nakitang files na kaugnay ng litrato ni Jereck sa NBI.

Nitong mga nagdaang araw ay napapadalas ang pagkirot ng ulo ni Jereck epekto marahil ng sinasabi nitong panaginip at mga pasulpot-sulpot na mga senaryo sa utak nito. Nang ipakonsulta niya ito sa doktor ay sinabi ng doktor na magandang senyales daw iyon. Maaring nagsisimula nang bumalik ang alaala ni Jereck. Sa halip na matuwa ay bigla siyang nilamon ng hindi maipaliwanag na lungkot at takot.

Samantalang hindi pa rin tumitigil si Jereck sa paghahanap ng prutas na marang at sa wakas ay may nakita ito sa supermarket ng Mall of Asia at iilang peraso lang. Nang natikman na nito ang nasabing prutas ay sinabi nito na may mga naalala ito kaugnay ng prutas. First time din niyang natikman ang nasabing prutas na parang langka pero maliit lang at pinong-pino ang wari balahibong balat. Ang laman ng prutas ay parang maliliit na buto ng langka pero napakatamis nito at parang mayroong gatas. Nagustuhan niya ang lasa kaya bumili sila ulit bago naubos.

"Ano'ng naalala mo sa prutas?" tanong ni Shakira kay Jereck nang pauwi na sila sa apartment lulan ng kanyang kotse.

"Ang una kong naiisip ay isang lugar sa Davao at pakiramdam ko minsan na akong nakatikim ng marang. Baka nakapunta na ako sa Davao at doon ako nakakain ng marang," sabi nito.

"Masarap pala," komento niya.

"Hindi ba tama ako? Mabuti naisip mong bumili tayo ulit baka sa susunod wala na silang stock. Malayo ba ang Davao rito?" anito.

"Kailangan nating sumakay ng eroplano o barko papunta roon. At kung sasakay ng eroplano o barko ay kailangang magpresenta ng valid ID. Wala ka niyon, ni wala kang apelyido."

Napansin niyang nanamlay ang binata. "Sayang. May alam ka bang magandang lugar na puwedeng pasyalan? 'Yong malayo sa traffic, pollution at 'yong may malinis na dagat, may mga bundok at mga puno?" pagkuwan ay sabi nito.

"Maraming magagandang lugar sa bansa. Gusto mo bang mamasyal?"

"Sana kaso may trabaho ka. Hindi naman puwedeng ako lang mag-isa ang mamasyal. Wala akong alam sa mga lugar."

Hindi siya kumibo pero may naisip siyang ideya. Pagdating sa apartment ay pinagsaluhan na naman nila ang binili nilang prutas.

Nagdesisyon si Shakira na sorpresahin si Jereck. Since hindi rin niya ito madadala sa Davao, nag-isip na lang siya ng lugar na puwede nilang pasyalan ayon sa gusto nito. Katunayan mas gusto niyang bumiyahe nang matagal. Madalas niya iyong ginagawa noon. Yaong sasakay lang siya ng bus papunta sa malalayong lugar. Hindi niya iyon nagagawa noong kasama niya sa bansa ang Mommy niya. Pero noong nasubukan na niyang bumiyahe sakay ng bus ay nadiskobre niyang masarap pala sa pakiramdam.

Linggo ng gabi ay pinag-empake niya si Jereck. Sinabi lang niya na may pupuntahan sila. Sumunod naman ang binata. Pagsapit ng alas-tres ng madaling araw ay bumiyahe na sila sakay lang ng jeep papuntang bus terminal biyaheng Vigan pero hindi sa Vigan ang punta nila kundi sa La Union, sa resort nila Chacha. Nakausap na niya si Chacha at nagpa-book na ito ng accommodation para sa kanila.

"Bakit hindi mo ginamit ang kotse mo?" tanong ni Jereck nang makaupo na sila sa upuan ng bus sa may bandang harapan.

"Mas gusto kong mag-commute. Hindi ka ba komportable?" aniya.

Hindi umimik si Jereck. Mahaba ang oras ng biyahe kaya inagahan nila ang pag-alis. Mabuti wala nang traffic. Nakarating sila sa tamang oras. Napansin niya na inaantok pa si Jereck. May biyente minuto pa bago aalis ang bus. May baon silang pagkain at inumin. Tig-isang maliit na maleta sila ni Jereck at ito ang may dala sa bag ng pagkain. Hindi nito napigil ang antok at nakatulog sa upuan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top