Chapter Three
NAGIMBAL si Charlene nang sabihin ng daddy niya na sa St. Ives Medical School siya mag-aaral ng college at kailangan niyang maging doktor katulad nito. May napili na umano itong pre-med course para sa kaniya.
Pinuntahan kaagad niya ito sa mini office nito na naroon sa bahay nila. Isang linggo din ang inilaan ng ginoo para sa bonding nilang mag-ama. Sinulit nito ang pagkakataong may bakante itong oras.
Ibinili siya nito ng mga gamit at ipinasyal sa ospital na pag-aari nila. Nalaman niya na mayroong branch ang ospital sa California, na naipundar pa umano ng kaniyang lolo. Nalula siya sa yaman ng kaniyang ama, bagay na wala sa hinagap niya.
Nag-iisang anak ang daddy niya kaya ito ang nakinabang ng lahat na ari-arian ng lolo niya na isang pathologist na nagmula rin sa pamilya ng mga doktor. Ang lola niya ay isa namang cardiologist. Nag-migrate sa California ang lolo’t lola niya at doon na namatay.
Abala sa pagtipa sa laptop nito ang daddy niya nang maabutan niya. Umupo siya sa silya katapat nito. Naiilang pa rin siya rito at kailangan pa marahil ng mahabang panahon upang masanay siya rito.
“Uh, pasensiya na po sa istorbo. Tungkol po sa pag-aaral ko ng college. Gusto ko po sanang sa ibang university ako mag-aral. Gusto ko sanang kumuha ng law course,” sabi niya.
Nabaling sa kanya ang atensiyon ng daddy niya. “Anak, mas maganda at bagay sa iyo ang doctoral, since we have our own hospital. I want you to prioritize the legacy of our beloved family. You can choose a pre-med course before proceeding in medicine. I’m sure magugustuhan mo rin ang courses offered ng school,” sabi nito.
“Pero ayaw ko pong maging doktor. Isa pa, kahit hindi ako maging doktor, puwede rin naman akong magpatakbo ng hospital.”
“You still don’t understand me, Charlene. Mas magiging madaling i-manage ang business kung gamay mo ito. Itinatag pa ng lolo mo ang St. Ives Medical Center, kaya gusto ko itong manatiling nakatayo hanggang sa susunod pang henerasyon mo. Ikaw ang nag-iisang natapagmana at gusto kong pag-aralan mong mabuti ang trabaho. Ako rin naman ay ayaw maging doktor noon. Pareho lang tayo. Gusto kong maging lawyer at maging politician. Pero dahil mahal ko ang lolo mo, pinagbigyan ko ang gusto niya. Nag-aral ako ng medisina at naging surgeon. Nagustuhan ko rin ang trabaho at nag-enjoy ako sa business. Alam kong kaya mo, anak. Maganda ang record mo since grade school. Kahit may mga hindi magandang record ka sa previous school mo, at least palagi kang nabibilang sa honor students.”
Umismid siya. Nahihiya siya dahil sa mga records niya sa school na palaging napupunta sa principal’s office. Madalas kasi siyang nakakasuntok ng mga kaklase niyang lalaki na makulit.
“Huwag kang mag-alala, nag-hire na ako ng tutor mo mo para hindi ka mahirapan,” sabi ng ginoo.
“Tutor? Para saan po?” ‘takang tanong niya.
“Isang taong magtuturo sa iyo ng tamang pagkilos, ugali, at lifestyle bilang pormal na babae. Napansin ko kasi na nahihirapan kang mag-adjust. Alam kong hindi ka sanay makisalamuha sa sosyal na tao, pero kailangan mong maging flexible and mature.”
Matabang siyang ngumiti. “Pasensiya na po kayo. Mahirap po talagang mag-adjust,” naiilang na sabi niya.
“I understand. And about your studies, my decision is final. Prepared yourself for entrance exam and upcoming first day of school. Nai-forward ko na ang credentials mo sa school. Bukas na ang entrance exam kaya maghanda ka na”
Umawang ang bibig niya pero wala siyang naisip sabihin. Wala na siyang choice kundi sundin ang kaniyang ama.
Malungkot na bumalik si Charlene sa kaniyang kuwarto. Naglumpasay siya sa inis. Hindi talaga siya komportable sa kursong napili ng daddy niya para sa kanya. Ni minsan ay hindi pumasok sa isip niya ang pangarap na maging doktor. Ayaw na ayaw niyang nakakakita ng taong patay. Para siyang binabangungot.
“Diyos ko, kung panaginip man ito, hayaan N’yo na akong magising. Mas gusto ko pang maglako na lang ng balut tuwing gabi,” maktol niya habang nakahilata sa kama.
Sinubukan ulit ni Charlene kausapin ang daddy niya pero hindi nagbago ang desisyon nito. Hindi na niya malaman ang kaniyang gagawin. Hindi pa siya handang mag-aral sa medical school.
Nakapasa sa entrance exam si Charlene. Kahit hindi niya gusto ang medisina ay sineryoso naman niya ang exam. She chose BS biology as premed course. Ito lang ang para sa kaniya ang madali sa lahat ng choices.
FIRST day of school. Hindi isinuot ni Charlene ang dress na binili ng daddy niya para sa kanya. Puting pantalong maong lang ang isinuot niya at pink blouse with collar. Puting sneakers naman ang sapin niya sa mga paa. Itim na shoulder bag lang ang ginamit niya at wala pa naman masyadong gagawin.
Pagpasok ng sinasakyan niyang kotse sa malaking gate ng paaralan ay namangha siya sa lawak at ganda ng paligid. Mayroong tatlong palapag na gusali sa entrada pa lamang ng paaralan. Katabi lamang ng paaralan ang St. Ives Medical Center.
Ang malawak na field ay nalalatagan ng pinong berdeng damo. At sa paligid ng field ay mga nakapaikot na puno ng narra, na may sinadyang ginawang benches na gawa sa bato palibot ng malalaking punung kahoy. Nakapaligid din sa bilog na field ang malalaking gusali na parehong may tatlong palapag. May gusali ding nakabukod na marahil ay mahalagang pasilidad ng paaralan.
Napansin din niya na halos lahat ng estudiyante ay nakasuot ng magagarang damit. Marami rin siyang nakasabay na may mga sasakyan. Malawak ang parking lot. Magagarang sasakyan ang nakaparada, at mayroong area para sa mga single vehicles katulad ng motorsiklo at bisikleta.
Iyon ang unang beses na pag-apak niya sa paaralang iyon. Ang alam niya, halos mayayaman ang nag-aaral doon. Ang mga mag-aaral na malapit nang magtapos ay sa California nag-o-OJT, sa branch ng hospital.
Natitiyak niya na mga mayayaman lang ang makaka-afford mag-aral sa ganoong paaralan. Malamang mahal din ang tuition fee. Pero balita niya ay merong scholarship na offer ang paaralan para sa mga working student, o kaya’y qualified na hindi afford ang tuition fee.
Naiilang siyang bumaba ng sasakyan. Parang prinsesa kasi ang trato sa kanya ng mga bodyguard. Mayroon pa siyang personal bodyguard na babae. Si Ms. Agnes, isang mixed martial arts instructor.
Iginiya siya nito patungo sa social hall kung saan nakapaskil ang mga pangalan ng mga estudiyante. Malalaman doon kung anong section siya mabibilang. Napansin niya na halos lahat ng estudiyanteng nakakasalubong nila ay tinitingnan siya mula ulo hanggang paa.
Hindi niya gusto ang ganoong pakiramdam na para bang naglalakad siya sa gitna ng korte at napipintong hahatulan ng kamatayan. Sinusuyod din niya ng tingin ang mga nakatingin sa kanya, lalo na ang mga babae. Halatang mga rich kid and mga ito dahil sa postura.
Si Agnes na ang naghanap ng pangalan niya sa white board. Nilapitan niya ito at sumilip din sa listahan.
“Dalawang section lang ang freshman. Nasa A-1 class ka at room 3, Margarita Building. Halika na, ma’am, ihahatid na kita sa room mo,” sabi ni Agnes.
Sumunod naman siya rito. Mabuti na lang nasa ground floor lang ang classroom niya. Pumasok na siya sa loob, habang si Agnes ay nakamasid lang sa labas. Pumili na siya ng kaniyang silya. Pumuwesto siya sa silya malapit sa bintana at malapit din sa pinto. Iilang estudiyante pa lamang ang naroon.
Halos lalaki ang nakikita niya. Tahimik lang siyang nakaupo at nagmamasid sa paligid. Mamaya ay may lalaking umupo sa silyang nasa harapan niya. Nakasuot ito ng black suit. Malapad ang likod nito. May pagkakataon na pamilyar sa kanya ang bulto ng lalaki.
Mas komportable siyang makipagkaibigan sa mga lalaki kaysa mga babae. Unang araw ng klase kaya kailangan na niyang makipagkaibigan. Hindi siya nakatiis. Kinalabit niya sa balikat ang lalaking nakaupo sa harapan niya. Hindi ito nag-abalang lingunin siya na tila walang naramdaman.
“Psst. Ano’ng pangalan mo?” bulong niya sa lalaki habang walang tigil sa pagkalabit dito.
Hindi pa rin siya nito tinitingnan. Naiinis na siya. Tumayo siya at lumipat sa harapan nito. Umupo siya sa silyang katapat nito. Nang makita niya ang mukha nito ay ganoon na lamang ang gulat niya nang mapamilyar ito sa kanya. Walang anumang ekspresyong nakatingin ito sa kanya.
Hindi siya maaring magkamali. Tandang-tanda niya ang mukha nito. Ito yaong lalaking nakamotor na humagip sa basket ng balut niya at binigyan siya ng isang libo.
“I-Ikaw? A-anong ginagawa mo rito?” hindi napag-isipang tanong niya.
Hindi siya nito sinagot. Hindi nagbago ang poker face nito.
“Uh, so, nag-aaral ka rin pala. Freshman ka rin malamang. Ako nga pala si Charlene Guevara. Uh…”
Naisip niyang huwag ipaalam kahit kanino na anak siya ng may-ari ng paaralang iyon. Baka kasi hindi niya mapigil ang sarili niya na makagawa ng hindi kanais-nais na eskandalo. Ayaw niyang biyan ng kahihiyan ang daddy niya.
Hindi pa rin kumikibo ang lalaki. Dumating na lamang ang guro nila sa unang asignatura. Bumalik na siya sa kaniyang silya. Bago nagsimula ang klase ay isa-isa silang nagpakilala. Nakapalagayang loob niya si Acxel, isang nerd na homosexual. Pero kahit mukha itong lalaking tingnan, mas mahinhin pa rin itong kumilos kumpara sa kanya.
Parehong doktor ang parents nito at maraming hospital na pinagtatrabahuhan. Katulad niya, nag-iisang anak din ito. Dahil sa pakikipagdaldalan niya kay Axcel, hindi na niya narinig na nagpakilala ang lalaking nasa harapan niya. Natapos na lang ang first subject ay hindi niya nalaman ang pangalan nito.
Nagtataka siya bakit hindi na niya nakita sa mga sumunod na subject ang lalaki. Curious siya kaya naitanong niya kay Acxel ang tungkol sa lalaki nang palabas na sila ng classroom.
“Kilala mo ba ‘yong lalaking nakaupo sa harapan ko sa first subject?” sabi niya.
“Ah, ‘yon ba? Si Hunter Kimura,” sagot ni Axcel.
“Matagal mo na ba siyang kilala?” usisa niya. Lalo siyang nasabik nang malaman din sa wakas ang identity ng estrangherong lalaki.
“Schoolmate ko siya nong high school. Anak siya ni Sen. Arcelia Aguilar.”
“Talaga? Eh, bakit iba ang apelyido niya?”
“Balita ko, divorce na ang parents niya.”
“Gano’n ba? Ang weird niya ano?” aniya.
“Sinabi mo pa. Kasing mahal ng ginto ang atensiyon niya. Ni minsan ay hindi ko siya nakitang ngumiti at tumawa. Snowman nga ang tawag ng mga kaklase ko sa kanya.”
“Bakit snowman?” natatawang tanong niya.
“Ang cold kasi niya.”
Napabunghalit siya ng tawa. Nakabuntot na sa kanila si Agnes saan man sila magpunta pero nakadistansiya ito. Pagdating nila sa garahe ay nauna nang umalis si Acxel sakay ng kotse nito. Nagpalit ito ng puting jeans at puting t-shirt. Hindi pa dumarating ang sundo nila kaya tumambay muna sila sa parking lot.
Nakaluklok siya sa bench sa waiting shed nang napansin niya ang pamilyar na lalaking lumapit sa itim na kotse. Bumalikwas siya ng tayo at nilapitan ang lalaki. Napasunod bigla sa kanya si Agnes.
“Rain?” untag niya nang makalapit siya sa lalaki.
Awtomatikong lumingon sa kanya ang lalaki. Matagal bago ito nakaalala. “Hey, you! What is your name again, please?” nakangiting sabi nito.
“Charlene Guevara,” aniya.
“Oh, oo nga pala. It’s nice to see you here. Anong kurso mo?”
“BS Biology,” tipid niyang sagot.
“Really? Same tayo. Second year na ako. And major in Medical Biology soon to proceed medicine.”
“Wow. Talaga? Same nga tayo!” bigla siyang nasabik dahil may makakasama na siya sa kurso.
“So, how’s your first day here?” pagkuwan ay tanong ni Rain.
“Uhm, okay lang. Magagaling magturo ang mga guro. Gusto ko rin ang ambiance ng school. Refreshing.”
Malapad ang ngiti ng binata. Nasilayan na naman niya ang mga biloy nito. Marami pa sana siyang itatanong ngunit biglang nabaling ang atensiyon nito sa dalawang lalaking papalapit sa kanila.
Napamulagat siya nang makita si Hunter kasama ang matangkad at guwapo ring lalaki. Sinalubong ni Rain ang dalawang lalaki. Nagsalpukan ang mga kamao ng tatlo. Nawindang siya sa natuklasan. Magkaibigan pala sina Rain at Hunter!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top