Part 9 TMBB (Finale)
SAMANTALA, napaupo sa sofa si Abby nang manlumo ang kaniyang mga tuhod dahil sa labis na emosyon. Lumapit sa kaniya si Don Rodolfo at nawindang din sa pangyari.
"Hindi ko alam ang nangyayari sa inyo ng apo ko, Abby. Pero mukhang napamahal na sa 'yo si Blake. Baka bigla siyang umalis at bumalik ng US," wika ng ginoo. Nag-panic na ito.
Napatingin siya rito at naudlot ang kaniyang pagluha. "Bakit po babalik ng US si Blake?"
"Doon kasi siya bumili ng bahay dahil madalas siyang may laban sa motocross at ilang beses nanalo. May mga product endorsement din siya. Kaya lang naman siya nagpunta rito ay dahil sinabi ko na may sakit ako at kailangan ko siya. Kaso noong gumaling ako, iba naman ang ginawa niya, sumali sa organisasyon ng motocross."
Ginupo na siya ng kaba nang maisip na baka nga babalik ng US si Blake. "Paano po kung babalik ng US si Blake?"
"Hindi ako papayag! Minsan na siyang na-comatose dahil sa motocross na 'yan. Kaya gusto ko talaga matigil si Blake sa motocross. Nakikiusap ako sa 'yo, Abby, pigilan mo si Blake. Kung mahal mo siya, sabihin mo sa kaniya."
"Pero hindi po ba ipapakasal n'yo si Blake kay Nica?"
"Hindi pa naman sigurado 'yon at ayaw ni Blake. Kakausapin ko na lang si Nica para hindi na matuloy ang plano namin. Ang mahalaga sa akin ay makasama si Blake na ligtas at masaya."
Naintindihan naman niya ang hangarin ni Don Rodolfo. Nagkaroon siya ng lakas ng loob na puntahan si Blake. "Sige po. Hahanapin ko si Blake." Tumayo na siya at nagpaalam sa ginoo.
Pagdating ni Abby sa opisina ay wala roon si Blake. Sinubukan niya itong tawagan ngunit hindi sumasagot. Wala na rin sa garahe ang motor ng binata. Umuwi siya sa kanilang bahay at nadatnan ang kaniyang ama na inaalis ang motor mula sa sidecar.
"Pa, puwede ko po bang mahiram ang motor mo? May pupuntahan lang ako," aniya.
Ibinigay naman sa kaniya ng ginoo ang susi ng motor. "Mag-ingat ka, anak, ha?" habilin nito.
"Opo. Salamat!"
Bago umalis lulan ng motorsiklo ay nagpalit siya ng itim na leggings at pulang t-shirt. Nagmaneho siya patungo sa opisina ng motocross organization.
Pagdating naman sa opisina ay mga kaibigan lang ni Blake ang kaniyang nadatnan sa labas.
"Astig! Marunong ka rin palang mag-motor, Abby?" sabi sa kaniya ni Jake.
"Wala ba rito si Blake?" tanong niya.
"Wala. Ilang araw na nga siyang hindi bumibisita rito."
"Sige, salamat." Umalis din siya at nilibot ang area na puwedeng puntahan ni Blake. Wala rin ito sa training ground at sa ilog.
Wala rin ito sa gymnasium kung saan minsan nagtuturo ng kickboxing si Blake. Bumalik siya sa farm pero walang nakapansin kay Blake, wala rin sa mansiyon. Inabot na siya ng hapon kakahanap dito.
Isang lugar na lang ang hindi niya napupuntahan, ang burol sa likod ng farm. Dumiretso na siya sa burol lulan pa rin ng motrosiklo ng kaniyang ama. Pagdating niya sa burol ay naroon ang motorsiklo ni Blake. Umakyat siya sa tree house at kinatok ang pinto.
"Blake, alam ko nariyan ka. Papasukin mo 'ko," aniya. Ilang katok pa ang ginawa niya bago bumukas ang pinto. Kaagad siyang pumasok at pagal na lumuklok sa sahig.
Humiga naman sa kama si Blake, tanging itim na boxer ang suot. "Ano'ng ginagawa mo rito?"
"Gusto ko lang humingi ng tawad."
"Hindi 'yan ang gusto kong marinig."
Nagpaliwanag naman siya. "Iniwasan kita dahil iniisip ko na hindi rin ako matatanggap ng lolo mo. Akala ko kasi galit pa rin siya sa pamilya ko. Umasa siya at nagtiwala sa pamilya ko na tutulungan siya sa negosyo, kaso umalis kami kasi mahirap din intindihin ang lolo mo. Kaya ginipit niya kami at gusto na palayasin sa inuupahan naming lupa. Narinig ko rin na ipapakasal ka niya kay Nica. Nawalan na ako ng pag-asa."
Umupo si Blake at humarap sa kaniya, nanlilisik ang mga mata. "Eh, sira ka pala! Bakit hindi ako ang kinausap mo? Eh, ano kung hindi ka tatanggapin ni Lolo? Siya ba ang makikisama sa 'yo? Buhay ko 'to! Ako ang magdedesisyon!"
Napaluha na siya. "Natakot ako, Blake."
"Wala ka bang tiwala sa akin? Hindi ka ba naniwala sa sinabi ko na mahal kita?"
"Naniwala ako. Hindi ko lang talaga alam ang gagawin kasi baka tuluyan kaming palayasin ng lolo mo."
"At bakit narito ka ngayon? Para lang ba humingi ng tawad?"
"Hindi. Gusto kong sabihin na mahal kita. Nakikiusap ako na huwag kang aalis. Hindi na rin ako aalis at itutuloy ko ang trabaho."
Tumayo ang binata at humakbang palapit sa kaniya. Lumuklok ito sa sahig kaharap niya. Ikinulong nito sa mga palad ang kaniyang mukha at pinakatitigan siya sa mga mata. "Iyan ang gusto kong marinig, Abby. May dahilan na ako para hindi umalis. Pero gusto kong matiyak na nakahanda kang magpatali sa akin."
Matiim naman siyang tumitig sa mga mata ni Blake. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Noong naramdaman ko'ng mahal na kita, sigurado na ako sa desisyon ko. Ngayong sinabi mong mahal mo rin ako, hindi na kita pakakawalan. Pakakasalan kita sa ayaw man o sa gusto ni Lolo."
Umawang ang kaniyang bibig ngunit walang katagang lumaya. Ginupo siya ng galak matapos marinig ang desisyon ng binata. Hindi na siya nakapagsalita nang siilin siya nito ng halik sa mga labi.
"Hindi ko tatanggihan ang proposal mo, Blake. Pakakasalan kita," aniya pagkatapos ng halik.
"Kahit ayaw mo, hindi kita lulubayan."
Tumawa siya. "Alam kong kukulitin mo ako."
"Siyempre. Minsan lang ako magmahal kaya lulubusin ko na."
PAGKATAPOS ng marriage proposal ni Blake ay nakiusap si Don Rodolfo sa mga magulang ni Abby. Hindi na nakatutol ang kaniyang mga magulang. Pinatunayan naman ni Blake na karapat-dapat itong maging asawa ni Abby. Tumigil na ito sa pagsali sa motocross at naging priority ang pamamahala sa negosyo.
Dalawang buwan na naging magkasintahan sina Abby at Blake bago natuloy ang kasal sa simbahan. At sang buwan pagkatapos ng kanilang honeymoon sa US ay kaagad siyang nabuntis. Naibenta na rin ni Blake ang property nito sa US.
Kahit buntis na ay naglilibot pa rin sa farm si Abby lalo sa umaga. Sinamahan naman siya ni Blake bago ito papasok sa opisina.
"Alam ko na ang ipapangalan sa baby natin, honey," ani Blake.
Pumasok sila sa greenhouse ng cherry tomato na halos tanim lahat ni Blake.
"Ano?" aniya.
"Kung lalaki ang baby natin, si Rome, Cherry naman sa babae. Pareho silang variety ng kamatis."
"Hm. Puwede rin." Kumapit siya sa kanang braso ng kaniyang asawa.
Inakbayan naman siya nito at hinagkan sa noo. "Hindi ko talaga akalaing iibig ako sa isang tomato girl na kasing cute ng cherry tomato."
Tumingala siya sa asawa. "Ako rin naman. Hindi ko inaasahan na ma-in love ako sa CEO ng kamatisan ni Lolo Rodolfo."
Tumawa si Blake. "At least pogi na CEO hindi malaki ang tiyan katulad ni Lolo."
"Loko ka!" Kinurot niya sa tagiliran ang asawa. "Ang kulit mo. Kaya ang sarap mong mahalin, eh."
"Siyempre, love is great." Yumuko ito at pinugpog siya ng halik sa mukha.
Pagkuwan ay siniil siya nito ng halik sa mga labi, na sabik naman niyang tinugon.
~Wakas~
__________________________________________
A/N
Thank you for reading!
This story already has an audiobook version on YouTube. Just search for the title or my Pen Name, Rhod Selda.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top