Part 8 TMBB
HINDI na mapakali si Blake sa biglang pag-iwas sa kaniya ni Abby. Iniisip niya na dahil pa rin 'yon sa pagtatapat niya ng damdamin dito. Kung kailan inspired na siyang magtrabaho sa opisina ay saka naman umiiwas ang dalaga.
Martes ng umaga ay nauna siyang dumating sa opisina. Ilang minuto ang nakalipas ay dumating si Abby pero nagmamadali. Tinambakan siya nito ng maraming papeles.
"May gagawin ako sa factory mamaya. Ikaw na ang bahala rito. Alam mo naman na ang gagawin," sabi nito.
Aalis na sana ito ngunit pinigil niya sa kanang braso. "Ano'ng problema, Abby?" tanong niya.
"Wala. Marami lang talaga akong gagawin. Tutulungan ko rin ang lolo mo sa paghahanap ng papeles na kailangan niya sa lumang opisina."
"I mean, bakit ka umiiwas sa akin?"
Binawi nito ang braso mula sa kaniyang kamay. "Kailangan na nating magseryoso sa trabaho, Blake. Hindi sa lahat ng oras ay nakadepende ka sa akin. Alam ko matalino ka, kaya mong mapag-aralan mag-isa ang trabaho."
"What do you mean? Are you planning to leave?"
"Pansamantala lang ang trabaho ko rito, iyon ay ang turuan ka sa responsibilidad mo."
Naninikip ang kaniyang dibdib at nagdududa sa mga sinabi ni Abby. Naisip niya baka alam nito ang plano ng kaniyang lolo na ipakasal siya kay Nica, na kababata niya at anak ng kaibigan ng kaniyang ama.
"Dahil ba kay Nica kaya ka umiiwas?" usig niya sa dalaga.
"Mali ka. Pasensiya na, naghihintay na ang lolo mo." Tumalikod na ito at tuluyang lumisan.
Hindi mapakali si Blake at gustong malaman ang dahilan ni Abby. Sigurado na siya noon pa na gusto rin siya ng dalaga. Iniwan niya ang trabaho at hinanap si Abby. Wala ito sa factory, maaring nasa lumang opisina kaya tumuloy siya roon. Pagdating sa lumang opisina ay huminto siya sa lobby. Naroon nga si Abby at kausap ang lolo niya.
"Bakit aalis ka na, Abby? Hindi mo man lang ba patatapusin ang isang taong deal natin?" saad ni Rodolfo.
"Nagawa ko naman po ang gusto n'yo. Naka-focus na ngayon sa opisina si Blake at marunong na siya sa trabaho. Wala naman po sa usapan natin na kailangang tapusin ang isang taon. Estimated lang po 'yon." ani Abby.
Napasandal sa dingding si Blake nang mapagtanto na may deal pala ang lolo niya kay Abby. Ginupo na siya ng galit ngunit pinili niyang makinig pa baka may iba pang dahilan si Abby.
"Sige, hindi na kita pipiliting magtagal pa sa trabaho. Alam ko ayaw mo na talaga magsilbi sa akin. Pero sakaling gusto ng papa mo magtrabaho ulit sa farm, tatanggapin ko siya. Nakalimutan ko na rin ang sigalot sa pagitan namin," ani Rodolfo.
"Salamat po, pero paano po ang deal ninyo? Paano ang lupa namin?" saad ni Abby.
"Ah, siyempre ibibigay ko. May isang salita ako, Abby. Nakita ko naman ang effort at tiyaga mo mapaamo lang ang apo ko. Ipapaayos ko ang titulo para sa lupang pangako ko sa 'yo. At tungkol naman sa utang ninyo, hindi ko na sisingilin. Marami rin namang naitulong ang papa mo sa farm ko noon. Pasensiya na rin kung naging malupit ako sa inyo noon."
"Maraming salamat po. Malaking bagay na maibigay n'yo sa amin ang lupang napamahal na rin sa pamilya ko. Huwag po kayong mag-alala, hahanapan ko kayo ng mahusay na manager."
"Eh, bakit kasi hindi na lang ikaw, hija? Sayang ang talino mo kung hindi mo gagamitin."
"Naisip ko po kasi na magtrabaho abroad. Matagal ko na ring pangarap 'yon."
"Oh, siya, sundin mo na lang kung ano ang pangarap mo."
Nakuyom ni Blake ang kaniyang palad sa gigil. Hindi siya nakatiis at tuluyang pumasok sa kuwarto at nagpakita kay Abby at sa kaniyang lolo. Pumalakpak siya at nagawa pang ngumiti sa kabila ng kirot sa kaniyang puso.
"Ang galing n'yo naman. Bakit hindi ko alam na may deal pala kayong dalawa?" aniya.
Napatayo si Abby at balisang lumapit sa kaniya, pilit nagpaliwanag. "Blake, ginawa ko lang 'to kasi kailangan kong maisalba ang lupang tinitirikan ng bahay namin. Wala na kaming malilipatang iba."
"I know. So, malinaw na wala ka talagang balak mahalin ako, ano? Kaya ka umiiwas ay dahil ayaw mo sa akin, tama?" may hinanakit niyang saad.
"Hindi gano'n 'yon, Blake. Kailangan ko lang talagang unahin ang pamilya ko." Lumamlam ang mga mata ng dalaga at tuluyang napaluha.
"Magkano ba ang kailangan mo? Isang milyon? Isang bilyon? I can give you that. Kaso huli na. Nasaktan mo na ako, Abby. Pero salamat pa rin at nakilala kita. May natutuhan akong lesson sa buhay, ang huwag magtiwala kaagad." Tinalikuran na niya ang dalaga.
"Blake!" tawag nito.
Hindi na siya nakinig pa at tuluyang lumisan. Bumalik siya sa opisina at kinuha ang susi ng motrosiklo. Pagkuwan ay dumiretso siya sa garahe at umalis lulan ng motorsiklo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top