Part 7 TMBB

ISANG linggo magmula noong bumalik sa trabaho si Blake, nagtuluy-tuloy na ang focus nito sa opisina. Pabor naman kay Abby ang unti-unting pagbabago ni Blake. Hindi na siya nahirapang turuan ito dahil ito mismo ang nagkukusa na aralin ang trabaho.

"Ano'ng gusto mong ulam mamaya, Abby?" tanong ni Blake. Nakahiga na ito sa couch at katatapos lang kumain.

"Bakit?" Pumapapak siya ng leche flan habang nakaupo katapat ng lamesa.

"Magpapaluto ako sa cook namin para dinner natin mamaya."

"Huwag na. Sa bahay ako kakain mamaya."

Seryosong tumitig sa kaniya ang binata. "Bakit ayaw mo na kumain sa bahay?"

"Gusto ko lang umuwi nang maaga ngayon," alibi niya.

Ayaw lamang niyang gatungan ang lumalalim na ugnayan nila ng binata. Subalit tila lalo lamang siyang nahuhulog dito. Hindi siya itiuring ni Blake na empleyado, bagkus ay tila parte na ng pamilya. Isang beses niyang pinaunlakan ang paanyaya nito na maghapunan at ayaw na niyang umulit.

"Pinagbawalan ka ba ni Lolo na pumunta sa bahay?" usig nito.

"Hindi."

"Kung ayaw mo sa bahay, doon na lang tayo sa tree house ko. Ako ang magluluto."

"Bakit ba gusto mo akong niyayaya palagi kumain?"

"Gusto kitang kakuwentuhan."

"Palagi naman tayong nag-uusap dito sa opisina, ah."

"Iba pa rin 'yong wala tayong ibang ginagawa kundi mag-usap, kumakain. Kakaiba 'yong saya ko sa tuwing kasama kita."

Hindi natuloy ang pagsubo ni Abby sa leche flan nang biglang sumikdo na naman ang kaniyang puso. Nang tingnan niya ulit si Blake ay nakatitig na ito sa kisame, humalukipkip.

"Hindi puwedeng malagi pa rin tayong magkasama sa labas ng trabaho, Blake," aniya.

"Ano naman ang masama? Ayaw mo ba akong maging kaibigan? Galit ba ang papa mo sa akin?"

"May iba lang akong priority."

"Anong priority?" Muli siya nitong sinipat.

Hindi niya ito sinagot at inubos na lamang ang pagkain. Nangako siya sa sarili na hindi niya gagatungan ang pagkahulog ng damdamin niya sa binata. Subalit tila sumpa na hindi na niya ito maiwasan.

Umupo ang binata at humarap sa kaniya. "May problema ka ba sa akin, Abby?"

"Wala. Gusto ko lang mag-focus sa trabaho."

"Malalaman ko rin ang dahilan mo." Humiga itong muli.

Hindi na siya kumibo.

Pagsapit ng hapon ay muli siyang kinulit ni Blake. Hindi umano ito kakain kung hindi niya sasamahan. May isang salita ito at natakot naman ang dalaga na baka gagawin nga nito ang sinabi.

"Ang kulit mo rin, eh!" angal niya. Palabas na sila ng opisina.

"Kakain lang naman tayo. May mali ba roon?"

"Wala."

"Then, stop refusing me. Iisipin ko talaga na iiniwasan mo ako."

Bumuntonghininga siya. "Sige na nga! Sasama na ako pero sa tree house lang."

Napasuntok naman sa hangin si Blake, tuwang-tuwa ang hudyo. "Sure! Mas gusto ko rin sa tree house para solo natin."

Napailing siya.

Pagdating sa tree house ay kaagad silang nag-ihaw ng dalawang malaking isda na kinuha ni Blake sa mansyon, may kasamang kanin. Naglatag lamang sila ng nalinis na dahon ng saging sa damuhan at doon nailapag ang nalutong pagkain.

Umupo lang sila sa damuhan at kumain na nagkakamay. Maliwanag naman doon dahil may ilaw mula sa tree house.

"Bakit hindi kita nakilala noong bata tayo?" tanong ni Blake. Nabanggit kasi nito ang taon kung kailan nito nakilala ang kuya ni Abby.

"Ayaw kasi akong papasukin ni Papa dito sa farm noon. Baka kasi makasira ako ng mga kamatis at makabayad siya," aniya.

"Pero minsan akong sumama sa kuya mo noon sa bahay n'yo. Nangupit pa nga siya ng pera sa wallet ng tatay mo."

"Ano? Si Kuya pala ang kumuha ng pera ni Papa noon! Ako ang pinagalitan ni Papa kasi nataong may pera ako na kita sa paglako ng gulay."

Tawa nang tawa si Blake. "Ang totoo, ako ang nag-utos kay Rick na kumuha ng pera kasi bibili kami ng paputok." Muli itong tumawa.

Sa inis niya'y pinalo niya ng kutsara ang kanang kamay ni Blake. Tumigil din ito kakatawa.

"Salbahe ka! Napalo pa ako ni Papa noon at iginiit na nagsisinungaling ako!"

"Sorry na. Inaamin ko naman na salbahe talaga ako noon. Huwag ka na magalit, papangit ka niyan."

Naudlot naman ang iritasyon ng dalaga nang subuan siya ni Blake ng karne ng isda na may konting kanin. Ang hilig siyang asarin ni Blake pero alam din nito kung paano siya pakalmahin. Alam na rin niya kung paano mapaamo ang binata. Humiling din ito na subuan niya ng pagkain. Pinagbigyan naman niya ang binata, hanggang sa nauwi sila sa harutan.

Nang maubos ang kanilang pagkain ay umakyat sila sa tree house at kumain ng leche flan.

"Kailangan ko na umuwi," paalam ni Abby. Hindi pa bumababa ang kinain niya.

"Hindi ba puwedeng dito ka matulog kahit ngayon lang?" seryosong tanong ni Blake. Nakaupo na ito sa gilid ng kama.

Gilalas na napalingon siya sa binata. "Hindi na tama ang hinihiling mo, Blake. Ibang usapan na ang patulugin mo ako rito."

Inaasahan niya na tatawa si Blake pero lalo itong naging seryoso at humakbang palapit sa kaniya. Umatras naman siya at sumandal sa dingding. Nakulong siya sa mga bisig ng binata nang itukod nito ang mga kamay sa dingding.

"I can't take it, Abby. I like--"

"Huwag kang magbiro!" asik niya, mapigil lang sa pagsasalita si Blake.

"Hindi ako nagbibiro. Gusto kita, Abby."

Nagkunwari siyang walang narinig at pilit tumawa. Ngunit naudlot ang kaniyang tawa nang siilin siya ng marubrob na halik ni Blake sa mga labi. Bigla siyang nanlumo at natagpuan ang sarili na tumutugon sa halik nito.

Mayamaya rin ay bumalik ang kaniyang wisyo. Naitulak niya sa dibdib si Blake at nagpaalam. "Aalis na ako. Salamat sa hapunan." Mabilis siyang bumaba ng hagdanan bitbit ang kaniyang bag.

"Huwag mo akong iwasan, Abby. Hindi mo mababago ang isip ko! I love you!" sigaw ni Blake.

Kinilabutan ang dalaga matapos marinig ang sinabi ni Blake. Wari luluwa na ang puso niya mula sa dibdib dahil sa lakas ng pagtibok nito. Pero hindi niya ito pwedeng kunsintihin.

Kinabukasan ay alas-nuwebe na pumasok ng opisina si Abby. Akala niya ay hindi na darating si Blake kaya siya na ang gumawa ng trabaho nito. Pero mayamaya rin ay dumating ang binata.

"Good morning, tomato princess!" nakangiting bati nito. Iniba na nito ang alyas niya, nag-lever-up.

Hindi niya ito pinansin pero nilapitan pa rin siya at pinisil ang kaniyang pisngi.

"Ano ba!" singhal niya.

"Ang sungit mo na naman. Galit ka ba dahil sa sinabi ko kagabi?"

"Wala akong pake sa sinabi mo!"

"Hindi ako naniniwala. You kissed me back, meaning, you accepted me. Girlfriend na kita ngayon, ah?" Dumukwang ito sa kaniya nang maitukod ang mga kamay sa kanilang lamesa.

"Tumigil ka nga, Blake! Maraming trabaho ngayon, mag-focus ka."

Lumayo naman ito at umupo sa harap ng lamesa nito. "Okay. Para sa 'yo, magtatrabaho ako nang maayos."

Kahit anong balewala niya kay Blake ay lalo lamang nitong ginugulo ang kaniyang isip. Upang makaiwas, iniwanan ni Abby ng maraming paperwork si Blake at umalis. Ayaw nitong maglibot sa factory kaya siya ang nagpunta.

Pagdating ng dalaga sa factory ay naabutan niya si Don Rodolfo na may kasamang magandang babae. Pamilyar sa kaniya ang babae. Nang makalapit siya sa mga ito ay nauna pa siyang pinansin ng babae.

"Abegail! Dito ka ba nagtatrabaho?" tanong ng babae.

Si Nica Salvador pala ito, anak ng dating gobernador nila. Naging kaklase niya ito noong college pero hindi naman close.

"Ikaw pala, Nica. Kumusta?" kaswal niyang bati.

"Heto, namamahala na rin ng business ng daddy ko."

"Wow! Mabuti naman may interes ka na sa business."

"Kailangan, eh. Nag-iisang tagapagmana ako."

Isinama siya ng mga ito sa pagbisita sa production area ng factory. Walang ideya ang dalaga kung ano ang pakay roon ni Nica. Kalaunan ay naiba ang usapan nito at ni Don Rodolfo, tungkol kay Blake.

"Okay lang naman po kung hindi mag-focus sa business si Blake. I can handle the company, iyon ay kung papayag siya na pakasalan ako," sabi ni Nica sa ginoo.

"Tungkol sa kasal, hindi problema 'yon. Alam ko'ng magugustuhan ka ng apo ko, Nica. Malaki ang maitutulong mo sa kaniya lalo na sa pamamahala ng negosyo," wika naman ni Don Rodolfo.

Napaatras si Abby nang biglang bumigat ang pakiramdam niya sa kaniyang dibdib. Malinaw niyang narinig na balak ipakasal ni Don Rodolfo si Blake kay Nica. Wari nagkapira-piraso ang kaniyang puso at tuluyang nawalan ng pag-asa. Mata-pobre si Don Rodolfo, kaya imposibleng magustuhan siya nito para kay Blake.

Hindi na siya nakiusyoso sa usapan at nagpaalam kay Don Rodolfo. Naglibot muna siya sa farm upang libangin ang kaniyang sarili. Nagpasya siya na iwasan nang tuluyan si Blake.

Pabalik na siya sa opisina nang salubungin siya ni Blake. "Bakit ka umalis sa opisina?" tanong niya rito.

"Ang tagal mo, eh."

"Huwag mo na akong asahan, Blake. Matuto kang magtrabaho kahit wala ako." Nilagpasan niya ito.

"Bakit ang init na naman ng ulo mo? May problema ba?"

"Wala. Balik na sa trabaho."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top