Part 6 TMBB
DALAWANG araw lang sa ospital si Blake at nakauwi na rin. Binisita ito ni Abby sa mansiyon pagkatapos ng duty niya sa opisina. Parang walang nangyari at malakas na ulit ang binata, naglalaro pa ng basketball sa labas ng bahay. May konting pasa pa ito sa gilid ng labi at kaliwang pisngi.
"Magaling ka na ba?" tanong niya nang makalapit sa binata.
Tumigil naman ito sa paglalaro. "Oo naman. Minor damage lang ang natamo ng katawan ko. Batak na 'to sa bugbugan," pagyayabang pa nito.
"Kunwari ka pa. Halos hindi ka na nga makabangon dahil sa bugbog."
"Nagpabugbog lang talaga ako pero kung wala ka, kayang-kaya ko ang mga lalaking 'yon. Siyempre, no choice ako. Ayaw kong masaktan ka kaya hindi baleng mabugbog ako. Alam ko naman na hindi ako basta mapapatay ng mga hangal na 'yon."
Hindi niya magawang singhalan si Blake dahil hindi biro ang sakripisyong ginawa nito para sa kaniya.
"Salamat. Pero huwag mo na ulit gagawin 'yon. Huwag mong itaya ang buhay mo para sa ibang tao. Hindi ka bayani," aniya.
Ngumisi ang binata at humarap sa kaniya, hinipo ang kaniyang ulo. "Sorry kung pinag-alala kita. I saw you cried, meaning, may care ka rin sa akin."
Tinapik niya ang kamay nito na nasa kaniyang ulo. "Kahit sino matatakot sa ginawa mo! Hindi kakayanin ng konsensiya ko sakaling namatay ka sa bugbog!"
"Nerbiyosa ka rin, eh. Halika nga." Hinawakan siya nito sa kanang braso at inakbayan.
Hindi nakahuma ang dalaga at naglakad kasabay ni Blake. Pumasok sila sa maliit na gate patungong farm. Naiilang siya sa ginagawa nito kaya inalis niya ang kamay nito sa kaniyang balikat.
"Saan naman tayo pupunta?" padaskol niyang tanong.
"Sa paraiso ng mga kamatis." Pilyo itong ngumiti.
"Uuwi na ako." Babalik sana siya ngunit pinigil siya ni Blake sa kanang braso.
"Mamaya na. Maaga pa naman."
Hinatak na siya nito kaya napasunod siya. Pumasok sila sa greenhouse ng cherry tomatoes.
"Ano naman ang gagawin natin dito?" tanong ng dalaga.
"May ipapakita ako sa 'yo." Lumapit si Blake sa papag na merong mga napunlang kamatis.
Sinundan naman niya ito at tiningnan ang kasisibol na puno ng mga kamatis. "Ano'ng meron sa mga punla?"
"Ang mga nakikita mong punla ay katatanim ko lang last week. Mga cherry tomato ito na mula pa sa Australia ang binhi. Akala ko nga hindi na tutubo dahil iba ang ginamit kong soil mix."
Namangha siya sa resulta ng punla ni Blake na maganda ang tubo. Bihira mabuhay ang mga imported seeds ng gulay sa tropical place katulad ng Pilipinas, depende sa soil mix at klima.
"Paano ka natutong mag-mix ng soil?" usisa niya.
"Pinag-aral ako ni Lolo last year ng agriculture, mga six months. Katunayan ay ako ang unang nagtanim dito ng roma tomatoes na mula US ang binhi. May ibang variety pa akong naitanim kaya ngayon ay meron na tayong twenty tomato varities na nabubuhay sa farm."
Speechless si Abby at hindi makapaniwala na may tinatagong talino si Blake pagdating sa agriculture. Nahiya ang kakarampot niyang kaalaman dito. Ito pa pala dapat ang magtuturo sa kaniya sa pagtatanim ng kamatis.
"Marami ka na palang alam bakit hindi ka mag-focus sa farm? Narito ang maraming pera. Sipag at tiyaga lang ang kailangan," aniya.
"Ang totoo, mas gusto ko ang farming kaysa paperwork. Pero sabi mo nga, kailangan ko ring matutuhan ang trabaho sa opisina para hindi ako maloko ng ibang staff."
"Totoo naman. Kailangan kabisado mo ang kalakaran sa ganitong negosyo. Ang lolo mo kasi ay umaasa lang sa ideya ng ibang tao. Mahusay siya sa usaping legality pero medyo kinulang sa business ideas. Magaling siya sa farming pero hanggang doon lang. Kaya tulungan mo ang lolo mo para hindi masayang itong negosyo niya."
Dumadaldal pa siya pero wala na sa tabi niya si Blake. Mayamaya ay may maliit na kamatis na tumama sa kaniyang pisngi. Uminit ang bunbunan niya nang malamang si Blake ang salarin. Muli siya nitong binato ng kamatis sa ulo.
"Tama na, hoy!" sigaw niya.
"Gumanti ka kasi!" Pumulot din siya ng kamatis at ibinato sa binata. Lalo siyang nainis dahil hindi niya ito matamaan.
"Ang daya mo! Hindi kita matamaan!"
"Ang lamya mo kasi!"
"Ah, gano'n ah."
Sinugod na niya ang binata at pinahiran ng katas ng kamatis sa pisngi. Dumaing Si Blake nang matamaan niya ang pasa nito sa pisngi. Umatras ito at nakaapak ng maraming kamatis kaya nadulas. Nahila rin siya nito sa kanang kamay kaya naisama siya pabagsak sa damuhan.
Dumagan ang dalaga kay Blake at hindi siya nakabangon nang yapusin siya nito. Nagpumiglas siya ngunit ayaw siya nitong pakawalan.
"Don't move!" pigil nito.
"Gusto mo bang madagdagan ang bugbog mo?" banta niya.
Pilyo itong ngumiti. "Ayos lang basta ikaw ang gagawa."
Halos maglapat na ang kanilang mga mukha kaya pilit makawala ng dalaga. Hindi niya kayang makipagtitigan sa mga mata ni Blake dahil wari pinagtataksilan siya ng kaniyang puso. Mahawakan lang siya nito ay naghuhuramentado ang kaniyang puso.
"Uuwi na ako, Blake," mahinahong wika niya.
"No. Gusto pa kitang makasama, Abegail." Bigla naman itong nagseryoso. "Hindi pa ako nakadama ng ganitong saya sa lugar na ito. Sa tuwing narito ako, bumabalik ang lungkot sa puso ko. Pinaaalala sa akin ng lugar na ito ang panahong buo pa ang pamilya ko. Kaya ayaw kong bumalik dito noon."
Hindi nakakibo ang dalaga nang mabasa ang lungkot sa mga mata ni Blake. Nakuha nito ang kaniyang simpatiya at gusto niyang alisin ang lungkot nito. Napagtanto niya na sa kabila ng marangyang buhay ni Blake ay hindi ito masaya. Masuwerte pa rin siya kahit mahirap sila, nakakasama naman niya ang buong pamilya at masaya.
"Naitindihan kita. Iba rin kasi ang saya kapag buo ang pamilya," komento niya.
"Pero may dahilan na ako para manatili sa lugar na ito, Abby. I found new family."
"Narito naman ang lolo mo, ang pamilya mo."
"Yeah, but I found someone special."
Ginupo na ng hindi mawaring emosyon ang dalaga at hindi namalayan ang sumunod na hakbang ng binata. Nagulat na lamang siya nang maramdaman ang mga labi nitong humahalik sa kaniya.
Nang mahimasmasan ay itinulak niya ang sarili patayo at nilinis ang kaniyang damit. Umiwas siya sa binata subalit tila hinihila siya nito pabalik. Hindi siya maaring umibig kay Blake, wala iyon sa kasunduan nila ni Don Rodolfo.
"Uuwi na ako," paalam niya.
Palabas na siya ng greenhouse nang humabol si Blake. "Abby, sorry. Nadala lang ako ng emosyon ko."
"Ayos lang. Halik lang 'yon. Nakadalawa ka nga sa akin, pero hindi na puwedeng masundan pa, Blake." Binuksan na niya ang pinto at tuluyang lumabas.
Sumunod din kaagad sa kaniya ang binata. "Mamaya ka na umuwi. Sa bahay ka maghapunan."
"Hindi puwede. Nangako ako kay Papa na hindi ako papaabot ng gabi sa labas."
"Sabihin mo nasa bahay ka namin."
"Salamat na lang pero ayaw ko. Magkita na lang tayo sa opisina kung kailan ka papasok."
Hindi naman siya pinilit ng binata at hinatid lamang siya sa labas ng gate ng farm.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top