Part 5 TMBB
LUNES ng umaga na ulit nakita ni Abby si Blake. Araw ng Sabado at Linggo kasi ay nasa palengke siya at nagtitinda ng mga gulay. Nadatnan niya si Blake sa opisina na nagbabasa ng papeles sa harap ng kaniyang lamesa.
"Bakit ayaw mong umupo sa puwesto ng CEO?" tanong niya rito.
"Sabi mo kasi hindi pa ako puwede maging CEO." Sinipat siya nito at malapad na ngumiti.
"Kaya nga sikapin mong matutuhan ang trabaho ng CEO. Hindi habang buhay ay narito ako para tulungan ka." Siya na ang umupo sa puwesto ni Blake.
"Bakit? Ilang taon lang ba ang kontrata mo rito?"
"Isang taon, pero hindi ako sigurado kung matatapos ko."
"Okay naman ang suweldo mo rito, ah."
"Okay nga, mamatay naman ako sa stress."
"Dahil ba sa akin?"
"Alam mo pala."
"Sige, susundin ko na lahat ng ipapagawa mo pero samahan mo pa rin ako sa mga lakad ko."
Para sa kaniyang deal kay Don Rodolfo, pakikisamahan niya si Blake. "Sasama ako sa 'yo pero mangako ka na babagalan mo ang takbo ng motorsiklo," aniya.
"Sure. May meeting ulit kami mamayang hapon para sa motocross competition."
"Oo na, sasama ako. Pero aralin mo muna itong guidelines para sa responsibilities ng isang CEO." Inabot niya kay Blake ang makapal na libro.
Kinuha naman ng binata ang libro pero napakamot ng ulo. Marami itong tanong at matiyaga namang sinasagot ni Abby. Natutuwa ang dalaga dahil unti-unting nagkaka-interes si Blake sa office work.
"Kailangan ko ba talagang basahin lahat ng laman ng libro?" iritableng tanong ng binata.
"Oo, pero dapat may matutuhan ka sa bawat binabasa mo. Gagawa ako ng mga tanong na related sa libro."
Umangal ang binata pero itinuloy rin ang pagbabasa ng libro. "Fine! Aaralin ko lahat para sa 'yo."
Napangiti ang dalaga.
Hindi sila umalis ng opisina at doon na rin kumain ng tanghalian. Isang beses silang binisita ni Don Rodolfo, at natuwa nang makita ang apo na pagbabasa ng libro. Ang hindi nito alam, may kapalit ang pagsisipag ni Blake sa trabaho.
PAGSAPIT ng alas-tres ng hapon ay sumama si Abby kay Blake. Ibang motorsiklo naman ang ginamit ng binata at medyo maluwag ang space sa likuran at mas mababa. Bumili pa sila ng snack bago tumuloy sa distinasyon.
Pagdating sa opisina ng organisasyon ay muling nakita ng dalaga ang grupo ni Jake. Tinabihan pa siya ng binata sa upuan. Humahaba na ang kuwentuhan nila ni Jake ngunit biglang sumingit sa pagitan nila si Blake.
"Hindi nagpapaligaw si Abegail," ani Blake sa kaibigan.
"Nag-uusap lang kami ni Abby," turan naman ni Jake.
"Papunta rin 'yan sa ligawan, bro."
Napailing si Abby at nakisawsaw sa usapan ng dalawang lalaki. "May girlfriend na ka'mo si Jake. Hindi na siya manliligaw ng iba."
Nawindang naman si Jake at siniko sa tagiliran si Blake. "Bakit mo sinabi kay Abegail na may gilfriend ako? Gumagawa ka ng kuwento na hindi totoo. Isang taon na akong single, loko ka!"
Tumawa pa si Blake kahit nahuli na nagsinungaling kay Abby. "Playboy ka, eh, baka saktan mo lang si Abby," katriwan naman ni Blake.
"Paladesisyon ka, ah. Daig mo pa ng kuya ni Abby. Baka ikaw ang may balak manligaw sa kaniya," buwelta naman ni Jake.
Naiirita si Abby sa ingay ng dalawang lalaki kaya lumayo siya sa mga ito. Tumahimik na rin nang magsimula ang pagpupulong. Hindi naman maikakaila ng dalaga na humanga sa ginawa ni Blake, na protektahan siya sa mga lalaking posibleng manakit sa kaniyang damdamin.
Pagkatapos ng halos dalawang oras na pagpupulong ay nagyaya si Blake sa tabing ilog. Doon nila kinain ang nabiling meryenda habang nakaupo sa lilim ng puno ng mangga.
"Ang ganda ng sunset, ano?" saad ni Blake.
Tumitig naman ang dalaga sa kalangitang naging orange dahil sa palubog na araw. Mahusay pumili ng magagandang view si Blake, at nakuha nito ang kiliti niya.
"Magpa-picture tayo," sabi niya.
Lumapit naman sa kaniya ang binata at nagpa-picture gamit ang kaniyang cellphone.
"Nag-iipon ka ng memories natin, ah?" anito.
"Oo, para hindi ko makalimutan na minsan mong pinasakit ang ulo ko."
"Ganoon ba ako kasama?"
"Hindi ko sinabing masama ka. Pasaway lang."
Humagikgik ang binata.
Hinintay lang nila na tuluyang lumubog ang araw bago umalis. Na-enjoy na ni Abby ang pag-angkas sa motorksilo ni Blake dahil hindi na mabilis ang takbo.
"Saan naman tayo pupunta?" tanong ng dalaga. Pumasok pa kasi sila sa palengke.
"Gusto ko ng balut."
"Gusto ko rin!"
Huminto naman sila sa tapat ng ihawan na may nagtitinda ng balut. Doon na rin sila kumain.
Nang pauwi na sila ay napansin ni Abby ang nakasunod sa kanila na kalalakihang sakay rin ng motorsiklo na tila hinahabol sila. Pagdating nila sa kanto papasok sa kanilang baranggay ay naunahan na sila ng apat na lalaki. Biglang huminto ang mga ito at humarang sa kanilang daraanan. Napilitan si Blake na huminto rin.
"Ano'ng gagawin mo, Blake?" kabadong tanong ng dalaga kay Blake.
"Paaalisin ko lang ang mga abala sa daan," tugon nito.
Bumaba na rin siya ngunit pilit pinigil sa kanang braso si Blake. "Huwag mo silang patulan."
"Gusto lang gumanti ng mga 'yan sa akin dahil nabugbog ko ang leader nila last week."
"Hindi mo sila kaya."
"I can!" giit nito.
May dumating pang dalawang lalaki na sakay ng iisang motorsiklo at pumuwesto sa likuran nila. Napaligiran na sila ng mga kalaban.
"Blake, umalis na lang tayo," pigil niya sa binata.
Ayaw nitong makinig. "Tumabi ka, Abby."
Tumabi naman siya at tumayo sa gilid ng motorsiklo ni Blake.
Lumapit na rin ang apat na lalaki kay Blake at inunahan ito ng magkasabay na suntok ngunit nailagan ng binata. Gumanti kaagad ng magkasunod na side kick si Blake sa dalawang lalaki, sinuntok naman ang dalawa pa.
Natataranta naman si Abby at nanginginig ang mga kamay habang tinatawagan ang kaniyang Kuya ngunit walang sagot. Mayamaya'y nilapitan siya ng dalawang lalaki. Sinipa niya sa sikmura ang isa ngunit nahuli siya ng mas malaki at matangkad na lalaki. Ginapos siya nito buhat sa likuran at tinutukan ng kutsilyo sa leeg
"Huwag ka na lumaban, Blake! Masasaktan ang babaeng ito!" sabi ng lalaking may gapos kay Abby.
Nawala sa focus si Blake at lumingon sa puwesto ni Abby. Tinamaan tuloy ito ng sipa ng isang lalaki sa likod kaya ito napaluhod sa lupa.
"Blake!" sigaw ni Abby.
Hindi na nakalaban si Blake nang gapusin ito ng isa pang lalaki. "Huwag n'yo siyang sasaktan!" nanggagalaiting utos ni Blake sa mga lalaki.
Nilapitan ito ng tumatayong leader ng grupo at dinakot sa buhok. "Hindi namin sasaktan ang babae kung hindi ka lalaban at hahayaan kaming makaganti," anang leader.
"Saktan n'yo na ako pero mangako kayo na hindi masasaktan ang babaeng kasama ko, kahit galos lang," ani Blake.
Inutusan naman ng leader ang lalaking may gapos kay Abby na pakawalan ang dalaga. Sumunod naman ito. Nakalaya si Abby ngunit hindi niya malapitan si Blake na inundayan ng suntok ng dalawang lalaki.
"Tama na!" sigaw niya. Hinarang siya ng dalawang lalaki at tinutukan ng kutsilyo.
Nanginginig na siya dahil sa nerbiyos nang makitang duguan na ang mukha ni Blake. Talagang hindi ito lumaban at hinayaang mabugbog. Napaluha ang dalaga bugso ng emosyon. Wala rin naman siyang laban lalo't may kutsilyo ang mga lalaki.
Nagkaroon siya ng pagkakataon na makatawag sa numero ng police station malapit sa kanila. Nai-save niya ang contact number ng pulisya dahil madalas may gulo sa kaniyang baranggay. May sumagot naman sa kaniyang tawag at sinabi ang kanilang lokasyon. Ilang sandali pa'y parating na ang mga pulis.
"May mga pulis!" sigaw ng leader ng kalalakihan.
Nagsialisan na ang mga ito sakay ng motorsiklo. Naiwan si Blake na bumulagta na sa sahig. Patakbo itong nilapitan ni Abby at pinaunan sa kaniyang mga hita.
"Blake, gumising ka!" natatarantang usal niya.
Nagmulat naman ng mga mata ang binata at nagawa pang ngumiti. "Thanks God, you're safe," paos nitong sabi.
Lalong nanikip ang kaniyang dibdib habang nakatitig sa duguang mukha ni Blake. Hindi ito mapupuruhan nang ganoon kung hindi siya inaalala.
"Baliw ka talaga," tanging nawika niya.
"Huwag kang umiyak. Buhay pa ako."
"Tumigil ka!"
Nang dumating ang mga pulis ay binuhat ng mga ito si Blake at isinakay sa ambulansiya. Siya naman ang gumamit ng motorsiklo ng binata at sumunod sa ospital.
Pagdating sa ospital ay inasikaso naman ng mga nurse si Blake. Mabuti na lang wala itong natamong saksak, pero napuruhan pa rin ng bugbog. Tinawagan na ni Abby si Don Rodolfo at kaagad namang dumating at inatake ng nerbiyos.
"Pasensiya ka na, Abby. Hindi ka dapat nadadamay sa gulong kinasangkutan ng apo ko," anang ginoo.
"Ayos lang po. Ako po ang may gustong sumama kay Blake. Isa pa, hindi naman namin inaasahan na may darating na panganib," aniya.
"Hayaan mo, pinahahanap ko na sa mga pulis ang bumugbog kay Blake. Titiyakin ko na hindi na mauulit ang nangyari."
"Salamat po."
"Umuwi ka na. Tiyak na nag-aalala na ang mga magulang mo."
"Paano po si Blake?"
"Ako na ang bahala."
"Sige po."
Bago umalis ay sinilip pa niya sa loob ng emergency room si Blake. Marami na itong benda sa katawan.
Pagdating ni Abby ng bahay ay sinalubong siya ng kaniyang ina na umiiyak. Niyakap siya nito nang mahigpit.
Sermon naman ang inabot niya sa ama. "Bakit kasi sumasama ka pa kay Blake? Alam mo namang maraming kaaway 'yon."
"Sinamahan ko lang naman po si Blake sa meeting ng organisasyon nila," aniya.
"Hindi mo na trabaho 'yon, anak! Ipapahamak ka ng lalaking 'yon, eh. Kung ganito lang naman ang kapalit ng deal mo kay Don Rodolfo, mabuti pang umalis na tayo rito at maghanap ng bahay na maupahan sa bayan."
Hindi papayag si Abby sa gusto ng kaniyang ama. "Huwag na po kayong mag-alala sa akin, Pa. Hindi na ako sasama kay Blake sa mga lakad niya. Pero itutuloy ko pa rin ang deal kay Don Rodolfo. Hindi tayo aalis sa lupang ito."
"Bahala ka. Pero oras na napasama ka sa gulo dahil kay Blake, ako na ang magpapasya!"
Hindi na siya umimik at nagpaalam na matutulog na. Pumasok siya sa kaniyang kuwarto.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top