Part 4 TMBB
PAGAL na umupo sa bench ng cottage si Abby. Kararating lang nila sa lugar kung saan dinadaos ang annual motocross, na ginaganap sa tuwing anniversary ng bayan nila. Maraming professional riders doon at miyembro pala si Blake ng motocross organisasyon.
"Okay ka lang ba, tomato girl?" nakangising tanong sa kaniya ni Blake.
Tinitigan niya ito nang masama. "Nagtanong ka pa! Halos maubos ang hininga ko kakasigaw!" singhal niya.
Inabutan siya nito ng isang bote ng mineral water. "Magpahinga ka muna. May meeting lang kami." Iniwan siya nito at lumapit sa grupo ng mga rider na nag-uumpukan sa palibot ng mahabang lamesa.
May ginang namang pumasok sa cottage at umupo sa tapat ni Abby. Napansin na ito ng dalaga pagdating nila ni Blake, at panay ang sipat sa kaniya.
"Girlfriend ka ba ni Sir Blake?" tanong ng ginang. Matamis ang ngiti nito.
"Hindi po. Sinamahan ko lang siya rito," mabilis niyang tugon.
"Ah, kaibigan mo?"
Tumango na lamang siya. Ibinalik niya ang atenisyon kay Blake na tila superior sa grupo. Ginagalang ito ng mga rider. Napansin niya ang malaking poster ni Blake na nakadikit sa pader ng munting opisina ng organisasyon. Nakasuot ito ng itim na rider jacket, may hawak na malaking trophy at medal.
"Nag-champion na ba si Blake sa motocross, Manang?" curious niyang tanong sa ginang.
"Oo naman. Pero sabi ng anak ko, ilang beses na nakakuha ng championship sa motocross si Blake sa California, USA. Kaya idol siya ng anak ko at inspirasyon sa pagsali sa motocross."
Nawindang siya. Akala niya ay laro-laro lang kay Blake ang motocross. Professional rider pala ito at sports icon. Sikat na pala ang kaniyang boss. Palibhasa hindi siya mahilig sa sport kaya hindi update.
"Si Blake po pala ang nagtuturo sa mga rider?" usisa niya.
"Oo, pero bago 'yon, nanalo muna siya sa competation noong nakaraang taon bago siya lumaban sa US. At pagbalik nga niya rito, kinuha na siyang mentor ng organisasyon. Layon nila na mailahok din sa internaitonal ang ibang pinoy motocross riders."
Lalo siyang humanga kay Blake. Hindi lang pala pagliliwaliw ang ginagawa nito, na hindi na-appreciate ng lolo nito.
Mayamaya ay may grupo ng kababaihan na dumating, mga naka-skirt at makakapal ang make-up. Nang matapos ang meeting ng mga rider ay dinumog ng mga babae si Blake para magpa-picture. May dumating pang local reporter ng media at kinausap si Blake.
Dalawang oras naghintay si Abby bago siya binalikan ni Blake sa cottage. Mag-isa na lamang siya roon.
"Thirty minutes na lang. May hinihintay lang akong mga tao," sabi ni Blake. Lumuklok ito sa katapat niyang bench.
"Dumidilim na, baka hinahanap na ako sa amin," reklamo niya.
"Tatawagan ko na lang ang kuya mo para sabihing kasama kita."
Lalo siyang na-stress. Mag-aalala ang mama niya oras malaman na kasama siya ni Blake sa lakad nito.
"Huwag mo na tawagan si Kuya. Ako na ang magpapaliwanag sa parents ko pag-uwi, basta huwag tayo paabot ng alas-nuwebe rito."
"Aalis din tayo mayamaya." Tumayo rin ito nang makita ang mga taong hinihintay.
Sinalubong ni Blake ang tatlong lalaking dumating at kinausap.
Namukhaan ni Abby ang isang lalaki na may pulang jacket at kasing tangkad ni Blake. Panay rin ang sipat nito sa kaniya, ganoon din ang ibang kasama nito, maging si Blake.
"Sino naman 'yang magandang babaeng kasama mo, Blake? Ipakilala mo naman kami sa kaniya," sabi ng lalaking naka-itim na jacket kay Blake.
Guwapo lahat ng kasama ni Blake, kaso mayabang ang dalawa. Ang naka-red jacket lang ang seryoso.
"She looks familiar," sabi naman ng may red jacket.
"Talaga? Siya si Abby," ani Blake.
"Abaigail Sta. Maria?" sambit ng may red jacket, na tinawag ni Blake sa pangalang Jake.
Namangha rin si Abby dahil kilala nga siya ng lalaki. Maaring schoolmate niya ito sa university noon, o kaya'y naging kaklase ng kuya niya noong highschool. Hindi siya matandain sa lalaki, maliban kung may perang involved, mabilis niyang maalala.
Hindi na nakalapit sa dalaga ang mga kaibigan ni Blake dahil dinala nito sa malayo at doon nag-usap. Naghintay na naman siya ng kalahating oras at madilim na sa paligid.
Mayamaya ay bumalik din si Blake. Kinuha na nito ang helmet na nasa lamesa. "Let's go!" paanyaya nito.
Tumayo naman siya at kinuha ang kaniyang helmet. "Kaibigan mo ba 'yong Jake?" tanong niya sa binata. Naglalakad na sila patungo sa parking area kung saan naiwan ang motorsiklo ni Blake.
"Yes. Nakilala ko siya last year sa unang pasok ko sa organization namin."
"Bakit kilala niya ako?"
"Ah, sabi pala ni Jake, kapatid ka ni Rick, na kaklase niya noong highschool."
Tama nga ang naisip niya, naging kaklase ng kuya niya si Jake. "Mabuti natandaan pa niya ako."
"Kasi crush ka raw niya noon."
Napamulagat siya at hindi makapaniwala sa natuklasan. "Sinabi niya 'yon?"
"Oo. Pero may girlfriend na si Jake ngayon. Malay natin, baka gusto ka pa rin niya kaya hindi nakalimutan ang buong pangalan mo, Abegail. What a cute name, huh?"
"Wala kong pake sa lalaki."
Tumawa si Blake. "Baka akala ni Jake ay tibo ka noon kaya hindi ka niligawan." Inasar pa siya nito.
Nahampas niya ito ng helmet sa braso. "Uwi na tayo!" aniya.
Pinaandar naman ni Blake ang motorsiklo nang makasakay ito.
"Okay. Sakay na, tomato girl!"
Bago umangkas ay nag-sign of the cross pa si Abby. "Huwag mong bibilisan, ah? Masasakal talaga kita."
"Easy. Masyado kang nerbiyosa."
Ngunit nang makausad na sila ay gusto na lamang niyang bumaba. Hindi nakikinig sa kaniya si Blake at lalo pang binilisan ang takbo ng motorsiklo pagdating sa highway.
"Itigil mo 'to, Blake!" sigaw niya sa mismong tainga ng binata.
Tinawanan lang siya nito.
Papasok na sila sa main road ng baranggay nila pero mabilis pa rin ang takbo ng motorsiklo. Hindi siya nakatiis at kinagat niya sa balikat ang binata. Napasigaw rin ito at biglang pinahinto ang motorsiklo.
"Bakit mo naman ako kinagat?" tanong pa nito.
Kinurot pa niya ito sa braso bago tuluyang bumaba ng motorsiklo. "May gana ka pang magtanong! Maglalakad na lang ako!" Padabog siyang naglakad.
"Hey! Madilim sa daan." Humabol ang binata sa kaniya pero mabagal ang takbo ng motorsiklo. Pumantay ito sa paglalakad niya. "Sakay na. Promise, babagalan ko na."
"Ayaw!"
"Bahala ka. May hahabol sa 'yo na grupo ng zombie rito. Balita ko marami raw namatay sa kalsadang 'to." Tinakot pa nga siya ng binata.
Hindi niya pinansin ang sinabi ni Blake at patuloy na naglakad. Binuksan niya ang ilaw sa kaniyang cellphone.
"Sige, maiwan na kita, ah. Good luck na lang sa mga multo. Bye!" Iniwan nga siya nito.
Lalo siyang nanggalaiti at binilisan ang paglalakad. Aware naman siya na maraming nadisgrasya at namatay sa kalsada na 'yon. Hindi siya matatakutin pero bigla siyang kinilabutan nang wala siyang makitang ibang tao.
"Humanda ka sa akin bukas, Blake! Kakalbuhin talaga kita!" sigaw niya.
Mayamaya rin ay bumalik si Blake at huminto sa kaniyang harapan. "Sakay na, Abegail," sabi nito.
Huminto naman siya. "Huwag mo akong tatawagin sa buong pangalan ko kung wala kang respeto sa akin!" asik niya.
Pilyong ngumiti ang binata. "Sige na, hindi na, tomato girl. Sakay ka na rito bago ka pa makain ng zombie."
"Sasakay ako pero once binilisan mo ang takbo, kakagatin kita sa leeg."
"Sige ba, kahit papakin mo pa ako magdamag."
Matutuyuan talaga siya ng dugo sa lalaking ito. Hindi na lamang niya ito pinatulan at muling umangkas sa motorsiklo.
"Bagalan mo lang. Makarating dini tayo sa bahay," aniya.
"Yes, master! Gaano ba kabagal ang gusto mo?"
"Basta saktong makarating tayo nang buhay!"
"Okay. Sabi mo, eh."
Tinutoo nga nito ang sinabi na babagalan ang takbo ng motorsiklo kaso napasobra naman. Mas mabilis pa ang lakad niya rito.
"Blake, wala pa akong nasasakal sa leeg pero baka ikaw pa lang. Umayos ka!" napipikong sabi niya sa binata.
Tumawa lang ito pero binilisan naman nang bahagya ang takbo ng motorskilo.
Wala namang reklamo ang dalaga dahil sakto lang ang bilis ng takbo nila. Ang problema ay ibang daan na ang tinatahak nila, hindi patungo sa bahay nila.
"Hoy! Saan tayo pupunta, ha?" kabadong tanong niya sa binata.
"Kalma lang. Magugustuhan mo rin ang pupuntahan natin."
Napalayo na sila sa bahay nila pero mas malapit sa tomato farm. Tinahak nila ang makitid at matarik na kalsada patungo sa dulo ng lupain ni Don Rodolfo. Pagdating naman sa burol ay napawi ang kaba at inis ng dalaga. Napakaganda ng tanawin sa lugar na iyon, maaliwalas, maraming nagliliparang alitaptap. Buhat doon ay matatanaw ang bayan na maraming ilaw.
"It's my favorite spot of this place. Ganda 'di ba?" ani Blake. Nakatayo ito sa likuran niya.
"Hindi ko alam na merong ganitong lugar sa farm."
"Matagal ko na 'tong natuklasan, bata pa ako."
"Nakarating kami rito noon ni Mama at nangunguha ng kahoy panggatong pero masukal pa noon." Kumislot siya nang hawakan siya ni Blake sa kanang kamay. "B-Bakit?" nagtatakang tanong niya.
"May ipapakita akong mas magugustuhan mo."
Napasunod siya rito patungo sa malaking puno ng sampalok na merong tree house sa itaas at may hagdan.
"Wow! Kaninong tree house ito?" manghang tanong niya.
"It's mine. Pinagawa ko ito nitong taon lang pag-uwi ko galing US."
"Ang ganda! Puwedeng umakyat?"
"Sure. Let's go!" Inalalayan pa siya nito paakyat ng hagdanan.
Namangha ang dalaga nang makapasok sila sa loob ng kuwarto. May ilaw roon, merong kama, munting kusina, at cute na ref. Meron ding maliit na lamesa, walang upuan kaya sa lapag uupo. Nagbukas ng ref si Blake at naglabas ng baked macaroni at dalawang hita ng roast chicken. Pinainit nito iyon sa microwave oven.
"Dito ako natutulog madalas," sabi ng binata.
"Alam ba ito ng lolo mo?"
"Oo naman. Nagpapadala nga siya sa katulong ng pagkain ko rito. Umuuwi lang ako sa bahay kapag maliligo at magbabanyo."
Nang mainit ang pagkain ay kumain na sila. At habang kumakain ay umusisa ang dalaga tungkol sa buhay ni Blake. Nagkuwento naman ito bakit tumira ito sa Canada kasama ang mommy nito.
"Naghiwalay ang parents ko noong natuklasan ni Mommy na may babae si Daddy. Nagpunta siya ng Canada at doon nagtabaho. Kinuha niya ako pagka-graduate ko ng highschool," kuwento ni Blake.
Nawindang ang dalaga sa natuklasan. "Matagal na palang hilaway ang parents mo?"
"Yes, since I'm fourteen."
"Pero suportado pa rin kayo ng daddy mo noon?"
"Oo naman. Ayaw lang ni Mommy na lumaki ako sa puder ni Daddy. Baka kasi ma-adapt ko ang lifestyle nito."
"Ikaw pa rin naman ang masusunod at hindi kailangang tularan ang daddy mo."
"I did that. Nangko ako kay Mommy na hindi mananakit ng babae. Takot akong magkamali, kaya hindi muna ako nakipagrelasyon. Baka kasi hindi ko mapanindigan. Pinili kong mahalin muna ang sarili ko at mag-focus sa passion ko at pagkahilig sa sport. "
"Puwede mo namang subukang makipagrelasyon. Panindigan mo lang ang pangako mo," payo niya.
"Maybe one day, darating din ako sa point na 'yan."
Lalong humanga si Abby sa binata. Takot din siyang masaktan kaya hindi pa siya nagpapaligaw. Naging inspirasyon niya sa pagpili ng lalaki ang kaniyang ama, ngunit bihira na ang katulad nito. Kahit hindi perpektong lalaki, sapat na sa kaniya ang responsible at tapat na asawa.
"Hindi naman minamadali ang pag-aasawa. Mahalaga pa rin na handa tayo bago pumasok sa malaking responsibilidad," aniya.
"You're right."
Kumislot siya nang lumapat ang hintuturo ni Blake sa gilid ng kaniyang labi at may pinahid.
"May konting sauce," sabi nito.
Uminit naman ang kaniyang mukha.
Pagkatapos kumain ay hinatid din siya ni Blake sa kanilang bahay. Tulog na ang kaniyang mga magulang niya pagdating niya ng bahay. Alas-onse na rin kasi ng gabi.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top