Part 3 TMBB
UNANG araw pa lamang ng trabaho ni Abby ay stress na ang inabot niya kay Blake. Kahit anong seryoso niya at pagsusungit dito ay walang silbi. Walang interest sa negosyo ang binata.
"Ano naman ang mapapala ko sa pagtatanim ng kamatis? I'm the CEO," reklamo ni Blake.
Naroon na sila sa hardin ng mga sumisibol na kamatis.
"Wala kang karapatang tawagin na CEO ang sarili mo kung hindi mo kabisado ang nature ng business mo," aniya.
"You made it complicated, tomato girl. May alam ako sa business at farming. Ayaw ko lang talaga ng ganitong buhay. Boring."
"Iyon naman pala. So, bakit narito ka?"
"Dahil wala akong choice. Ako lang ang napiling tagapagmana ni Lolo."
"Since wala kang choice, wala ka ring dahilan para sabihing boring ang business ninyo. Nag-aral ka naman siguro about business."
"Marine engineering ang tinapos ko." Biglang nagseryoso si Blake habang nagbubungkal ng lupa sa plastic na plant box.
Naalala niya ang nag-iisang anak na lalaki ni Don Rodolfo, tatay ni Blake. Dati iyong seaman at namatay dahil umano sa pagsabog sa loob ng barko. Wala siyang ideya kung ano ang nangyari sa nanay ni Blake.
"Sumunod ka pala sa yapak ng daddy mo," aniya.
"I haven't pursued my chosen career since my father died. His death traumatized me. Hindi ko siya nakita ng ilang taon dahil nasa Canada ako at sinamahan ang mommy ko na may sakit. Huling kita ko kay daddy noong naiburol na siya. Isang buwan ang nakalipas magmula noong namatay si Daddy, sumunod naman si Mommy."
Nawala ang focus niya sa kuwento ni Blake nang makita ang ginagawa nito. Tinalbusan nito ang bawat puno ng kamatis na iilan pa lamang ang dahon. Umunit ang bunbunan niya at ngali-ngaling batukan ang binata.
"Blake, may galit ka ba sa mga kamatis?" mahinahong tanong niya sa binata.
"Bakit mo natanong?"
"Pinapatay mo ang mga kamatis, eh. Tama ang papa ko, malupit ka sa mga halaman!"
Ngumisi pa ito. "Relax. Hindi sila mamamatay dahil may tutubo ulit na dahon. Magiging bonsai sila."
Magpuputol sana ulit ito ng pobreng puno ng kamatis pero maagap niyang pinitik ang kamay nito. Napadaing naman ito.
"Itigil mo 'yan!" singhal niya rito.
"Bakit ba ang bilis mong magalit? Daig mo pa ang lolo ko, ah!"
"Sino ba ang hindi magagalit sa pinaggagawa mo?"
Lumayo sa mga halaman ang binata at pumasok sa warehouse ng mga kamatis. Sinundan naman ito ni Abby baka kung ano naman ang magawa nito. Doon dinadala sa warehouse ang mga naaning kamatis, nililinis bago ilagay sa kahon.
Pagkatapos malibot ang warehouse at factory ay bumalik din sila sa opisina. Tinulungan naman ng dalaga sa paperwork nito si Blake dahil inaaral pa lamang ang trabaho ng CEO. Ang bilis nitong mainip at ang daming alibi.
"May kukunin lang ako sa motorsiklo ko," paalam ni Blake.
"Bilisan mo dahil malapit na ang lunch break," sabi niya naman.
"Take your time, tomato girl." Ngumiti pa ito bago tuluyang lumisan.
Naghintay ng ilang minuto si Abby pero hindi pa bumabalik si Blake. Tumayo siya at sumilip sa bintana. Namataan niya si Blake na nagsuot ng helmet at umangkas sa umaandar nitong motorsiklo. Mayamaya ay bigla na itong humarurot palabas ng gate.
"Apo ka talaga ng lolo mo!" inis niyang usal.
Bumalik na lamang siya harap ng lamesa at napahilot sa kaniyang sintido. Ang ending, siya na ang gumaga ng trabaho ni Blake. Hindi na siya sigurado kung babalik pa ang binata.
Mayamaya ay dumating si Don Rodolfo. "Nasaan si Blake?" tanong nito.
"Umalis po siya. Hindi naman niya sinabi kung saan siya pupunta," turan niya.
Umalon ang dibdib ng ginoo. "Hay! Hindi ko na alam ang gagawin sa binatang 'yon. Gawan mo ng paraan upang magpirme rito sa opisina si Blake, Abby."
Patago niyang pinag-ikot ang mga mata dahil nakatingin sa kaniya ang ginoo. "Ano po ba ang ginagawa ni Blake sa labas?"
"Ang sabi ng driver ko, nakita niya si Blake na sumasali sa motocross, minsan sa kickboxing tournament. Inaabot siya ng ilang araw sa bahay ng kaibigan niya. Ilang beses ko rin siyang tinubos sa istasyon ng mga pulis dahil napaaway."
"Basagulero pala ang apo mo, Don. Hindi ko po maipapangako na mapatino ko kaagad si Blake. Baka mamuti na lahat ng buhok ko bago mangyari ang gusto n'yo."
"Hindi naman ito madalian, Abby. Kaya nga isang taong epektibo ang deal natin. Kilala na kita, at alam ko na kaya mong magpaamo ng katulad ni Blake."
Matabang siyang ngumiti. "Kakayanin ko po basta ang usapan ay usapan."
"Walang problema. Hindi ko naman sinabing gawin mong tupa ang isang tigre. Ang sa akin lang ay mahimok mo si Blake na magseryoso sa negosyo at makaiwas siya sa gulo. Siya na lang ang pag-asa ko upang magpatuloy sa negosyo. Humihina na ako, kaya nag-aalala ako na baka oras na mawala ako ay mapabayaan ang farm at factory."
Sa kabila ng hinampo niya kay Don Rodolfo ay naaawa rin siya rito. Kahit matanda na ito ay nagbabanat pa rin ng buto huwag mapabayaan ang negosyong pinaghirapan nito.
"Gagawin ko ang makakaya ko para mapatino si Blake. Pero humihingi po ako ng permiso para sa ibang bagay."
Lumuklok sa couch sa may gilid ng bintana ang ginoo. "Ano 'yon, hija?"
"Puwede po bang batukan ko ang apo n'yo sa tuwing mapipikon ako sa kaniya?" Ngumisi siya.
Humalakhak ang ginoo. Halos maglaho na ang mga mata nito kakatawa pero kaagad din namang naging seryoso. "Bahala ka, Abby. Nagsawa na rin ako kakahabol ng tungkod kay Blake."
Natawa rin siya. "Tuturuan ko po ng leksiyon ang magaling n'yong apo."
"Pinapaubaya ko na sa 'yo si Blake, Abby. Ako'y napapagod na sa kaniya." Tumayo ang ginoo at nagpaalam.
Hindi na hinintay ni Abby na bumalik si Blake. Pagsapit ng alas-singko ng hapon ay umuwi na siya.
Pagdating naman ng bahay ay nasorpresa siya nang maabutan si Blake roon. Kainuman nito ang kuya niya sa loob ng native cottage sa gilid ng bahay. Lambanog pa ang iniinom ng mga ito.
"Hey! Tomato girl!" tawag sa kaniya ng binata.
Lumapit naman siya sa mga ito at namaywang. "Nandito ka lang pala, ah," aniya.
"Magkakilala ba kayo ng kapatid ko?" tanong naman ni Rick sa binata.
"Ah, siya ang bagong assistant ko sa opisina. Kapatid mo pala 'to?" ani Blake.
"Oo, ang maldita kong kapatid."
Biglang natawa si Blake. "Obvious naman. But she's cute."
Umurong ang inis ni Abby dahil sa sinabi ni Blake. "Paano kayo nagkakilalang dalawa, ha?" tanong niya sa dalawang lalaki.
Sinagot naman siya ni Rick. "Nakilala ko na si Blake noong unang punta niya rito, twelve years old siya noon, pareho kami ni Blake. Nagtatrabaho pa kami ni Papa sa farm at madalas kong kalaro si Blake."
Kaedad lang pala ni Blake ang kuya niya, at matanda ng dalawang taon sa kaniya. Masyado pa ngang bata si Blake para maging CEO at hindi sapat ang kaalaman nito. Meaning, sa kaniya lang umaasa si Don Rodolfo.
"Madalas din kami napapalo ni Lolo noon," gatong pa ni Blake sabay tawa.
"Marami kaming pinagsamahan ni Blake, kaya kilalang-kilala ko na siya."
Napairap sa dalawang lalaki si Abby at tumalikod. "Kaya pala pareho kayong sutil." Iniwan na niya ang mga ito at pumasok ng bahay.
ISANG linggo pa ang lumipas pero wala pa ring improvement sa interes ni Blake sa trabaho. Pero dahil sa pinanghahawakang deal, hinabaan pa ni Abby ang pasensiya sa binata. Walang oras na hindi sila nagbabangayan sa loob ng opisina.
Siya na ang nakaupo sa puwesto ng CEO. Si Blake naman ang umukupa sa lamesa niya at nakataas pa ang mga paa habang kumakain ng nilagang mani. Mayamaya siya nitong kinakausap kaya hindi makapag-focus sa trabaho.
"Ikaw na lang kaya ang maging CEO, Abby. CEO ng kamatisan ni Lolo," sabi nito, at biglang tumawa nang malakas.
Tumikwas ang isang kilay ng dalaga at binato ng matalim na titig ang binata. "Eh, kung pagulungin kaya kita sa kamatisan ninyo?" napipikong buwelta niya.
Humagikgik pa ang binata. "Bakit ka na naman galit? Para kang palaging may regla."
Konti na lang ay sasabog na siya sa inis. Ibinalik na lamang niya ang atensiyon sa inaayos na papeles.
"Maghanda ka na dahil may meeting tayo mamaya kasama ang investors ng lolo mo."
"Ano naman ang gagawin ko sa meeting? Maiinip lang ako."
"Makinig ka lang at aralin ang mga impormasyong makukuha mo."
"Ikaw na lang at ang secretary ang dumalo. May lakad ako."
Sinipat niya ang binata. Naglalagay ito ng itim na gloves sa mga kamay. Mukhang lalarga na naman ito gamit ang motorsiklo.
"Hindi ka aalis ngayon!" aniya.
"Ako ang boss mo kaya huwag mo akong diktahan."
"Wala ka bang awa sa lolo mo? Matanda na siya, dapat magkusa kang tulungan siya. Ikaw rin naman ang makikinabang ng ari-arian niya dahil nag-iisa kang apo na lalaki. Wala naman daw interes sa mana ang mga ate mo."
Umupo nang maayos si Blake at pumihit paharap sa kaniya. Pilyo itong ngumiti. "I like your mindset. Malaki ang pakinabang mo sa business ni Lolo. Kaya hindi ako magtataka bakit pinagkakatiwalaan ka niya. Ano kaya kung pakasalan kita para ikaw ang maging CEO? What do you think?"
Pinagdilatan niya ng mga mata si Blake. "Nasa matinong pag-iisip ka ba talaga, Blake?"
Tumawa pa ang binata. "Nagbibiro lang ako. Masyado ka kasing seryoso."
"Puwes! Hindi ako nandito para makinig sa mga walang kuwenta mong biro!"
"Okay. Sorry na. Makikinig ako sa mga sinasabi mo at gagawin ang trabaho pero hindi ako puwedeng mag-focus lang dito. May trabaho ako sa labas."
"Ano naman ang trabaho mo sa labas? Maghanap ng gulo?"
"Nagtuturo ako ng kickboxing at sa mga rider ng motocross. Kasali rin ako sa mga tournament at malaki ang kita."
Napisil niya ang kaniyang sintido. Makakalbo siya na wala sa oras dahil sa boss niyang pasaway. "Sige, hindi kita pagbabawalan sa mga gusto mo pero dapat gawin mo pa rin ang trabaho rito sa opisina."
"Gagawin ko ang trabaho sa opisina pero samahan mo muna ako sa mga lakad ko. Puwede mo akong turuan about business habang gumagala tayo."
Napangiwi siya. "Wala akong panahong gumala, maliban na lang kung kikita ako riyan."
"Kasama pa rin 'yon sa trabaho mo. Dadagdagan ko ang suweldo mo sakaling lumagpas ka sa oras ng duty mo."
"Ibang klase ka rin, ano?"
Ngumiti ang binata, tila may masamang balak. "Ano, payag ka? Makagagala ka na, magagawa mo pa nang maayos ang trabaho mo sa akin."
Napaisip siya. Wala lang talaga siyang choice kaya mapipilitang sundin si Blake.
"Sige, payag ako. Pero once napahamak ako sa pagsama sa 'yo, magmumulta ka ng isang milyon," sabi niya.
"Isang milyon?" bulalas ng binata. Nanlaki ang mga mata nito.
"Oo. Tapos kapag namatay ako, babayaran mo ng isang bilyon ang pamilya ko."
Napabunghalit ng tawa si Blake. Tumayo na ito at palakad-lakad sa harapan niya. "Game! Pero malabong mapahamak ka. Hindi ko hahayaang magalusan ka," anito.
Hindi na siya kumibo at itinuloy ang ginagawa.
Pagsapit ng alas-kuwatro ng hapon ay sumama si Abby kay Blake lulan ng malaking motorsiklo nito. Ginamit niya ang extra itong helmet. Naninibago siya sa motorsiklo ni Blake dahil mataas at malalaki ang gulong. Maliit ang space nito sa likuran kaya dumikit siya sa likod ng binata. Komportable naman siya sa suot na stretchable pants at pulang blouse na pinatungan ng jacket.
"Wala ka bang ibang motorsiklo na hindi ganito katipid ang space?" tanong niya sa binata.
"May tatlo akong motorsiklo pero ganito rin ang design. Para kasi ito sa bundok at motocross."
"Baka lilipad ako nito, ah."
"Kumapit ka lang sa akin para sabay tayong lilipad."
Kinurot niya ito sa tagiliran. Tumawa pa ang hudyo.
Una'y sa jacket lang siya ni Blake kumakapit. Ngunit nang paharurutin nito ang motorsiklo ay napakapit siya nang mahigpit sa mga balikat nito. Sa inis niyang nahampas niya ito sa braso.
"Umayos ka! Hindi pa ako handang mamatay!" singhal niya sa binata.
"Hindi ka pa handa magkaroon ng isang bilyon?" saad pa nito.
"Aanhin ko ang pera mo kung kalansay na ako?"
"At least hindi na maghihirap ang pamilya mo."
Pinisil niya ang balikat nito pero tila walang pakiramdam ang binata. Galit ata ito sa kalsada at tila lumilipad na sila sa bilis ng kanilang takbo. Kahit dumaldal siya ay hindi na siya nito maririnig.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top